ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
anang dukha, araw at gabi kaming nagsisikap
ngunit sadyang mabuting kapalaran ay kay-ilap
kahit na may oportunidad, di kami matanggap
pinipili'y magagandang kutis, di ang mahirap
kasalanan ba ng maralita ang maging dukha
karukhaan ba namin ay aming pagkakasala
isinilang na dukha dahil ama't ina'y dukha
na mula naman sa lolo't lolang anakdalita
isinilang ba kaming kakambal na iyang gutom
masisisi ba kami kung kamao'y nakakuyom
nakakapanginig na ang hamog at alimuom
sa danas naming dusa, bibig na'y di maitikom
madaling araw pa lamang kami na'y gumigising
papasok ang anak, ihahanda ang kakainin
susuong sa trabahong di alam kung papalarin
kayod ng kayod para sa kikitaing katiting
pagkadukha ba'y pasalin-salin na rin ng lahi
di na ba matatapos ang pagkadukha't lugami
karukhaang dulot ng pagkapribado ng ari
yaman ng lipunan,iilan ang nagbabahagi
panahon nang bagong sistema ang ipagtagumpay
ng henerasyon ngayong sa hirap na'y nasasanay
yaman ng lipunan ay ipamahagi na ng pantay
nang wala nang dukha't mayaman sa bayan ng lumbay