Lunes, Oktubre 26, 2015

Ang ulan

ANG ULAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nabigla ang ulan kung bakit siya sinisisi
sa nangyaring delubyo't kamatayan ng marami
alam n'yang lupa'y diligan nang lumago ang ani
masaya siyang magdilig nang walang atubili

di niya sukat akalaing sumobra sa dilig
hanggang sa mga palahaw na ang kanyang narinig
kalupaan pala'y pinuno na niya ng tubig
at mga tao, babae't bata, na'y nilalamig

ulan na'y napaluha, titili ba o titila
siya pala ang dahilan ng matinding pagbaha
poot ng ulan ay naging bagyo na naging sigwa
sa poot niya'y laksa-laksa ang nakawawa

ngunit sa mundo'y ano nga bang layunin ng ulan
di ba't upang bayan at lupa'y mapangalagaan
lupa'y mapalambot at matamnan ang lupang tigang
sumariwa ang tanim ng magsasaka't diligan

sa kanyang kalabisan, marami ang nangagtiis
batid na ng ulan, masama ang anumang labis
tulad ng mga ganid sa perang dapat matiris
makinabang lang ang sarili, iba'y pinapalis

pagmamalabis ba ng ulan ay mapatatawad
nang sa tubig ang buong kalupaan ay binabad
asam niyang bahaghari'y kaagad nang bumungad
at nakita'y puting kalapating lilipad-lipad

Walang komento: