Linggo, Oktubre 25, 2015

Nilupig ng anino ang balaraw ng liwanag

NILUPIG NG ANINO ANG BALARAW NG LIWANAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nilupig ng anino ang balaraw ng liwanag
wala pang nakahandang anuman sa kanilang hapag
may kinukuro'y bigla na lang siyang napapitlag
buwan ay unti-unting nilamon, di nakapalag

nakikipagkarera ang tibok na anong bilis
alulong ay kaylakas sabay sa mga hinagpis
dumaluhong na ang pilit nilalayuang amis
di madalumat hanggang kailan ba magtitiis

maigsi pa ang kumot kaya siya namaluktot
sa ginaw ng gabing anaki'y puno ng bantulot
umuukilkil bawat danas na di malilimot
bagting ng gitara'y tuluyang nagkalagut-lagot

pagdatal ng dapithapon ay nawala ang tinig
nabuhay ang gabi sa huni ng mga kuliglig
di na niya naririnig ang dating mga himig
dama niya'y amihang nanuot sa pagkahilíg

Walang komento: