Sabado, Oktubre 24, 2015

Kailangan na'y enerhiyang nagpapanumbalik

KAILANGAN NA'Y ENERHIYANG NAGPAPANUMBALIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

patuloy pa ang pagpapausok ng plantang karbon
sa maruming enerhiya mundo'y ibinabaon
ng unti-unti, parami ng parami ang gatong
likha na sa bayan ang sarili nitong kabaong

dati ay malinaw ang tubig sa dalampasigan
dati ang mangingisda'y may magandang kabuhayan
dati nilalakaran ay maputing buhanginan
lahat sila'y nawala, karbon na ang naglabasan

dumumi na ang hangin sa kaharian ng karbon
nangitim na ang tubig sa karagatan ng karbon
mga tao na'y nagkasakit sa bayan ng karbon
baka pati pagkain nila'y magtutong sa karbon

kailangan na'y enerhiyang nagpapanumbalik
solar at wind energy na ang dapat maitirik
at di plantang karbong dinala'y dumi, gabok, putik
na ang dalang lason sa mundo'y tunay na mabagsik

Walang komento: