ANG MAYSAKIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
at bumubunghalit pa rin siya ng ubo
hanggang ngayon ba'y di pa rin siya natuto
larawan siya ng pagkametikuloso
ngunit sa sakit niya'y di magkandatuto
ililibing sa poot ang tigang na lupa
dumaan siyang ipuipong bumulaga
kalaban ay dinaluhong na parang sigwa
ikinasa'y delubyo, dugo ang bumaha
ang hingi ng bawat trabaho'y katapatan
ligal o iligal, tapat sa kasunduan
may isang salitang tutupad sa usapan
at prinsipyado, parak o asesino man
ubo'y walang tigil at muling bumunghalit
habang sa sistema'y lumalangoy sa lupit
habang tulad niya'y sumisisid sa gipit
habang nagdedeliryo sa danas na pait
lakas kaya niya'y muling mananauli
upang sa mga kaaway ay makabawi
di niya natatantong walang pasubali
di na katawan ang maysakit, kundi budhi
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento