TRAPIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
biyaheng dalawang oras kamo
sa wala pang limang kilometro
ang kaya ng tatlumpung minuto
ay di magawa’t trapik ng todo
sa MRT, kayhaba ng pila
sa bus, siksikan, nakatayo pa
sa taksi naman magdadagdag ka
madarama mo ang inhustisya
oras na sana'y wastong nagamit
kaysa sa trapik ay naiinip
trapik sa lungsod ay anong lupit
pamahalaan ba ito'y batid
buti pa kaya'y magbisikleta
katawan mo'y tiyak lalakas pa
dapat lang may bikelane sa kalsada
na di makipot, lalo sa Edsa
tunay ngang kaylaki ng epekto
nitong trapik sa buhay ng tao
lalo't araw-araw ang obrero
ay nakikipagsiksikang todo
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento