Linggo, Oktubre 18, 2015

Trapo Kadiri

TRAPO KADIRI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di ko alam kung saan sila nakatuntong
nandidiri sila sa mga barungbarong
sa lugar ng dukha'y madalas urong-sulong
ngunit sa kampanyahan, dukha'y kinakanlong

kapatid, di sila nakatuntong sa lupa
at di nila yayakapin ang mga dukha
na lagi'y tinatawag nilang hampaslupa
masakit na turing sa mga maralita

ah, panahon na naman ng mga hunyango
naglipana ang trapong mapagbalatkayo
pag eleksyon, sa putikan man ay tutungo
pangako'y ang laging napapakong pangako

kung sinong muling mang-aapi'y pinipili
sa halalan ng mga naghaharing uri
dapat nang wakasan ang trapong paghahari
mga lingkod ng dukha ang dapat magwagi

Walang komento: