SA BUTAS NG KARAYOM PA'Y BUMABALISBIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
Ganito Ba Talaga? Nais Na Naming Umalis
Milya-Milya’y Lakarin, Di Man Itali Ang Paris
Ngunit Sa Butas Ng Karayom Pa'y Bumalabisbis
Pagtiyak Ng Pagparoon Ay Di Pa Magkahugis
Nilakad Ang Talampas, Libis, Gilid Ng Talibis
Umulan, Umaraw, Kayraming Danas Na Tiniis
Nabusog Sa Niyog Na Pinitas Gamit Ang Lawis
Nagbaon Ng Biskwit, Ang Putoseko'y Naliligis
Kaysakit Na Sadya Pag Lintog Sa Paa'y Tiniris
Pati Na Dating Kayumanggi'y Nangitim Ng Labis
Ngayon, Ang Pagdaan Ng Mga Araw Ay Kaybilis
Di Pa Madalumat Kung Kami Pa'y Makaaalis
Inaasahan Nawa'y Luminaw Tulad Ng Batis
Ah, Subalit Paumanhin Sa Tula Kong Patambis
Nagninilay Lamang Kung Pag-asa'y Pait O Tamis
Habang Pasas Sa Lambanog Ay Sumisid Sa Kalis
TALASALITAAN:
balisbis - gilid ng bubong
kalis - baso ng alak
lawis - panungkit ng niyog
libis - gilid ng kapatagan
ligis - pagkapulbos o pagkadurog
lintog - paltos na namaga
talampas - mataas na kapatagan
talibis - banging matarik
tambis - di tahasan o di tuwiran
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento