Huwebes, Oktubre 8, 2015

Pasumala

PASUMALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

iyang panlabas na sugat ay madaling gamutin
ngunit kayhirap lunasan ang sugatang damdamin
lalo't naging balantukang kaytagal paghilumin
bahaw na't pinid ng langib ay anong sakit pa rin

liyab ng alipato sa tungko'y nag-iindakan
tila mga alitang idinulot ng anasan
nagpadala sa biro't kulit, lalo na't kantyawan
ang panga’y lumaylay pagkat nauwi sa babagan

matang matalim, nagkatitigan, walang salita
nilapitan ng isa ang isa pa't kinawawa
sa biglaang salakay, paano makahuhuma
dapat laging alisto nang makaiwas sa sigwa

nagsalitan ang bukangliwayway at takipsilim
may sadyang kababawan, may di maarok na lalim
madaling araw na saya, dapithapong panimdim
may nababad sa piging, may tumatalos ng lihim

Walang komento: