Lunes, Oktubre 6, 2014

Iba na ang klima ngayon

IBA NA ANG KLIMA NGAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

bumaha doon, bumaha dito
tunay ngang kayrami nilang kwento
gayong di naman dating ganito
ngayon, tinamaan ng delubyo

sadyang iba na ang klima ngayon
nagbagong klima'y ano ang rason
araw na araw, naglilimayon
ngunit bigla na lamang aambon

bakit ba klima'y biglang nagbago
di ito likas sda kanyang siklo
may dahilan, gawa ba ng tao't
ng bansang industriyalisado?

pag-aralan ang klima't lipunan
mga ito'y tiyak may ugnayan
sino nga ba ang may kasalanan
sa pagkasira ng kalikasan?

kung problemang ito'y ating batid
kumilos tayo, mga kapatid
bagong pag-asa'y ating ihatid
nang buhay ay di basta mapatid

- Tiaong, Quezon, Okt. 6, 2014


* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Linggo, Oktubre 5, 2014

Pagtahak sa Lungsod ng Pitong Lawa

PAGTAHAK SA LUNGSOD NG PITONG LAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

patuloy kaming naglakad, walang makasawata
napapagod na hindi, marating lang ang adhika
tahak ang tinaguriang lungsod ng pitong lawa
isang lawa ang narating sa lakad na mahaba

mga lawang Bunot, Muhikap, Pandin, Kalibato
nariyan din ang Palakpakin, Sampaloc, at Yambo
sinisimbolo ng mabunying lungsod ng San Pablo
nawa'y alagaan, di hayaang dumumi ito

tila may natatagong alamat ang pitong lawa
itanong kay Dian Masalanta, isang diwata
bakit pito ang lawa, ito ba'y sadyang nilikha
pagkat tao rito'y kaybuti at di isinumpa

mga paa'y ipinadpad sa lungsod ng San Pablo
at sinalubong kaming may ngiti ng mga tao
may sumabay pa sa aming tagaroon at dayo
at nagpahayag ding sawa na sila sa delubyo

ang San Pablo'y aming tinahak sa kaibuturan
upang ihatid ang Climate Justice na panawagan
nawa pitong lawa ng lungsod ay di simbolo lang
pagkat tumugon na rito ang buong mamamayan

- MSC Institute of Technology, Brgy. San Gabriel, San Pablo City, Laguna, Oktubre 5, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda.

Sabado, Oktubre 4, 2014

Sa bawat hakbang

SA BAWAT HAKBANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Sa bawat hakbang, nasa isip ang sinapit
Ng mga taong kamatayan ang nakamit
Dahil sa bagyong Yolandang sadyang kaylupit
Silang sinalanta't ang buhay ay dinagit.

Sa bawat hakbang, nasa puso ang adhika
Na katarungang pangklima'y ating mapala
Na wala na sanang buhay pang mawawala
Na pagsapit ng unos, bawat isa'y handa.

Sa bawat hakbang, katawan ay natatagtag
Ngunit patuloy tayong magpapakatatag
Sa nangyayari'y hindi dapat maging bulag
Bawat inhustisya'y dapat lamang mabunyag.

Sa bawat hakbang, dapat lang nating singilin
Ang mga sumira ng dagat, lupa, hangin
Ng bayan, ng kultura, ng daigdig natin
Sino't ano ang ugat ay ating alamin.

Sa bawat hakbang, hangad natin ay pag-asa
Ngunit pag-asang may kalakip na hustisya
Hustisya sa bulnerableng bansa at masa
Mula sa epekto ng nagbabagong klima.

Sa bawat hakbang ay ating palaganapin
Ang hustisyang pangklimang ating adhikain
Ang panawagang ito'y dapat lamang dinggin
Para sa kinabukasang kakaharapin.

Ang bawat bukas ay mula sa unang hakbang
Bawat hakbang nating walang makahahadlang
Lalo't adhika'y para sa kinabukasan
Ng ating kapwa, ng daigdig, ng lipunan.

- Sto. Tomas, Batangas, Oktubre 4, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Salamat sa inyong mainit na pagtanggap

Salamat sa inyong mainit na pagtanggap
Sa aming naritong sa inyo'y nangungusap
Halina't magkaisa sa isang pangarap
Na hustisyang pangklima'y maipalaganap.
- gregbituinjr

- tula para sa mga lugar na tinigilan ng mga kalahok sa Climate Walk
- Sto. Tomas, Batangas, Oktubre 4, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Biyernes, Oktubre 3, 2014

Walang puknat na lakad

WALANG PUKNAT NA LAKAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

patuloy ang aming paglalakad, patuloy
tila di kami nakararamdam ng kapoy

nasa gitna man ng araw, ngunit kaysaya
pagkat nag-aawitan ang magkakasama

kami'y naglakad mula Kilometer Zero
ang aming adhika'y dumatal sa Ground Zero

sa mismong unang anibersaryo ng unos
na sa buong Tacloban ay halos umubos

bakit kami naglalakad? tanong malimit
punta'y sa dinelubyo ng bagyong kaylupit

walang apuhap na sagot, kundi pag-asa
paglalakad ay simbolong may pag-asa pa

hustisyang pangklima, tanong pa'y ano iyon?
may hustisya pa ba sa mga nangabaon?

nabaon sa lupa, sa limot, at nalibing!
sapat bang magbigay ng sandosenang kusing?

di man nila unawa ang aming adhika
ngunit adhika itong pagmulat sa madla

hustisyang pangklimang sa madla'y ihahatid
hustisyang pangklimang dapat nilang mabatid

- Lina, Lajara, Chipeco (LLC) Auditorium, Calamba Elementary School, Calamba, Laguna, Oktubre 3, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda.

Bilang kinatawan sa Climate Walk

BILANG KINATAWAN SA CLIMATE WALK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di basta maging kinatawan ng organisasyon
sapagkat ang kaakibat nito'y pananagutan
dapat magawa ko't matupad ang anumang layon
sa mga aktibidad na kasama ang samahan

ngayong kinatawan sa isang mahabang lakarin
ito'y hindi dahil napili lamang sa gawain
ito'y dahil naniniwala akong kayang gawin
yaong ang tingin ng iba'y mahihirapang tupdin

bihirang pagkakataon sa akin ibinigay
kaya buong panahon ko'y dito na inialay
at di na pinakawalan ang pambihirang bagay
na itong sa makataong prinsipyo nakabatay

siyang tunay, pagkakataong ganito'y bihira
kaya puso't isipan ko'y sadya kong inihanda
napakasaya, kaya't ako'y di magpapabaya
ibinigay sa akin, di ito dapat mawala

gagawin ang lahat ng makakaya, bigay-todo
pagkat ako ang kinatawan ng samahan dito
marami pong salamat sa pagtitiwala ninyo
asahan po nyong nasimulan ay tatapusin ko

- Lina, Lajara, Chipeco (LLC) Auditorium, Calamba Elementary School, Calamba, Laguna, Oktubre 3, 2014

* salamat sa dalawang organisasyong ako ang pinagtiwalaan bilang kanilang kinatawan sa Climate Walk, a People's Walk for Climate Justice, ang Sanlakas at ang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Huwebes, Oktubre 2, 2014

Pagninilay sa Climate Walk

PAGNINILAY SA CLIMATE WALK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kaming Climate Walkers ay naglalakad
hustisyang pangklima ang hinahangad
nakatindig man o kaya'y sumadsad
sa aming layunin, kami'y uusad
darating din, banayad man ang lakad

hanggang Tacloban magmula Luneta
lalakbayin ng aming mga paa
sanlibong kilometro, milya-milya
hanggang marating at aming makita
ang mga kapatid na nasalanta

ang dinanas nila'y sadyang kaylupit
sa bawat pamilya'y sadyang kaysakit
ang Yolanda'y di na dapat maulit
ang aming hangad habang papalapit
na katarungang pangklima'y makamit

- sinimulan sa Luneta, tinapos sa Muntinlupa, Okt. 2, 2014


* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Ang Climate Walk bilang pasasalamat

ANG CLIMATE WALK BILANG PASASALAMAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di lang dahil sa samahan kaya naglakad
sa Climate Walk kundi dahil doon ay ipinadpad
upang ibahagi rin ang buhay ko't palad
at sa pamamagitan ng tula'y maglahad
ng nangyayari sa lipunan, komunidad

sa bahay, si Ondoy ay kaytinding nanalasa
si Pedring ay sinalanta ang opisina
baha sa Sampaloc ay kinalakihan na
bahagi ba ng buhay ang pananalanta
di ba dapat isiping "Tama na! Sobra na!"

sa usaping kalikasan, ina ko'y guro
nuong ako bata't madalas marahuyo
sa anumang kalikutan at paglalaro
magdilig ng halaman ang unang tinuro
kalikasan animo'y dapat sinusuyo

hanggang isang araw kapatid ko'y nanganib
tatlong taon siya noon, wala pang isip
nahulog mula sa taas, buti't nasagip
ng punong gumamelang palagi kong dilig
salamat po, ina, sa pag-ibig mong tigib

kaya sa usaping kalikasan, asahan nyo
di man kasama si ina, nariyan ako
kaya sa Climate Walk, nakiisang totoo
di lamang opisyal, personal ding lakad ito
bilang pasasalamat kay ina't sa mundo

- sinimulan sa liwasan ng St. Joseph Academy at Bamboo Organ Church sa Las Piñas, Oktubre 2, 2014, kaarawan ko ang umpisa ng lakad, tinapos sa Muntinlupa Sports Center

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Sabado, Setyembre 6, 2014

Sa ika-68 kaarawan ni Inay

SA IKA-68 KAARAWAN NI INAY
Setyembre 6, 2014
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

maligayang kaarawan po, aking inang mahal
ikaw na di ko nakikita nang napakatagal
nawa'y lagi kang nasa mabuti, ang aking usal
pagkat ina kitang lagi kong ikinararangal

iba man sa iyo ang landas na tinatahak ko
tanda kong lagi ang mga bilin at pangaral mo
na mahalaga ang dangal at pagpapakatao
na mahalagang maging mabuti sa mundong ito

mabuti ang pakikipagkapwa't pakikisama
mabuting maging marangal at di magsamantala
mabuting laging nag-iingat nang di madisgrasya
tunay ngang sa gabay mo, napakabuti mong ina

sa pagdagdag ng taon, uban at gatla sa noo
ina kayong naging moog sa aming pagkatao
dahil sa iyo'y nakatindig kaming taas-noo
dahil pinalaki kaming ginabayang totoo

salamat po, inay, sa pagmamahal mo't pangaral
sakali mang dumako na ako sa aking pinal
dahil aktibista akong may adhikaing banal
tandaan mo, mahal kita, inay, mahal na mahal

Martes, Setyembre 2, 2014

Sa ika-25 anibersaryo ng IID

SA IKA-25 ANIBERSARYO NG I.I.D.
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

sa inyo po'y maalab kong pagbati
hanga ako sa mabuti nyong mithi
na magkasundo ang maraming lahi
upang sila'y magbigayan ng ngiti

noon, ako'y sinama nyo sa Baguio
sa karabana hanggang Cotabato
Duyog Mindanao ang gawaing ito
adhika'y kapayapaang totoo

kasama sa Free Burma Coalition
malayang bansa ang magandang layon
walang diktadura ang ating hamon
ito'y nagkakaisa nating tugon

ako'y inyong pinadala sa Mae Sot
mga nakita'y sa puso kumurot
kayraming tanong na dapat masagot
kayraming aral na doon napulot

makikita sa IID ang diwa
at adhikaing tunay na dakila
pag-uusap sa harap man ng digma
upang daigdig ay maging payapa

tunay ngang di natutulog ang gabi
pagkat patuloy kayong nagsisilbi
marami pong salamat, O, IID
sa adhika nyong tunay na mabuti

* IID = Initiatives for International Dialogue

** Binasa ang tulang ito sa pagtitipon ng IID sa Adarna Restaurant sa Kalayaan Ave. Lungsod Quezon, Setyembre 2, 2014, 6:30 n.g.. hanggang 9 n.g. Isa sa mga naging bisita doon si Daw Seng Raw Lahpai, ang 2013 Ramon Magsaysay Awardee mula sa bansang Burma (Myanmar)

Mas nais ko pang magsulat kaysa...

MAS NAIS KO PANG MAGSULAT KAYSA...
ni Gregorio V. Bituin Jr.

mas nais ko pang magsulat
kaysa damhin ang sakit ng ngipin
kaysa damhin ang kalam ng tiyan
kaysa damhin ang ginaw ng gabi
kaysa damhin ang init ng araw

mas nais ko pang magsulat
kaysa dinggin ang pagyayang kumain
kaysa lumabas upang magpahangin
kaysa kausapin ang dalaginding
kaysa labanan ang mga pasaring

mas nais ko pang magsulat
kaysa umawit ng magagandang himig
kaysa sayawin ang magagandang tugtog
kaysa panoorin ang paboritong "Bubble Gang"
kaysa titigan ang magandang litrato ni Ara Mina

mas nais ko pang magsulat
dahil dama ko'y gahol na sa panahon
upang iba't ibang obra ay makatha
batay sa plano kong apatnapung aklat
ng sanaysay, kwento't limanglibong tula

Linggo, Agosto 31, 2014

Dahil isa kang diwata sa aking panagimpan

Dahil isa kang diwata sa aking panagimpan
Ikaw ang gintong aking natagpuan sa putikan
Tanging rosas na matinik sa buong kagubatan
Asahang mamahalin kita magpakailanman
Sana'y may pagtingin ka rin sa akin, sabihin mo
Ramdam mo sana ang pagsuyong iniluluhog ko
Espesyal kang bulaklak sa tulad kong paruparo
Pag-ibig ko sa iyo'y tanggapin nawang totoo
Utusan mo ako, sinta ko't tiyak kong gagawin
Yaong iyong nais pagkat ako'y iyong alipin
Aking sinta, ikaw lang ang tangi kong mamahalin
Nang pangarap na pag-ibig ay kapwa natin damhin

- gregbituinjr.

Sabado, Agosto 30, 2014

Maraming salamat, MMVA!


MARAMING SALAMAT, MMVA!
(alay sa ika-12 anibersaryo ng MMVA, Agosto 30, 2014)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

sa M.M.V.A., salamat ng marami
sa pakikibaka natin, kayo'y saksi
patuloy kayong sa masa'y nagsisilbi
kayo nga'y aming ipinagmamalaki

mga vendors man at mala-manggagawa
may silbi sa ekonomya nitong bansa
tayo’y nagkaisa sa prinsipyo't diwa
magkasama tayo sa dusa at tuwa

ngayon, labingdalawang taong singkad na
patuloy tayong matatag, magkasama
di lang isyu ng vendors ang binabaka
nais na nating baguhin ang sistema

O, vendors, magkaisa tayong tuluyan
ating adhika'y baguhin ang lipunan
tayong vendors ay mala-manggagawa man
tayo'y may lakas lalo't magtutulungan

* MMVA - Metro Manila Vendors Alliance

Miyerkules, Agosto 27, 2014

Dapat tayong magpatuloy, O, aking mahal

Dapat tayong magpatuloy, O, aking mahal
Ibig kong sa kalaunan tayo'y makasal
Tinatangi kita't pagsinta'y umiiral

Ang tulad mo'y isang diwatang sinasamba
Sapagkat balot ka ng hiwagang kayganda
Ramdam mo rin ba itong aking nadarama

Espesyal ka sa akin, espesyal sa puso
Pangarap kong kitang dalawa'y magkasuyo
Udyok ng damdami't huwag masisiphayo

Yapusin mo ako't ikulong mo sa bisig
At iyong hagkan ang kabuuan kong kisig
Namnamin ang sarap ng ating pagniniig

- gregbituinjr.

Linggo, Agosto 24, 2014

Sa anibersaryo ng aking kamatayan

SA ANIBERSARYO NG AKING KAMATAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

1
matagal na akong patay, alaala na'y wala
nananatiling buhay na lamang ay mga tula
habang sa papawirin ay lumilipad ang diwa
ng mga kathang kaytagal na panahong nalikha

2
di malirip ang kabaliwan ng sistemang hangal
na nagluwal ng kapitalistang animo'y banal
ngunit uring ulupong pala't ganid yaong asal
na sa manggagawa't bayan ay nanyurak ng dangal

3
at nang mamatay ako'y walang marangal na libing
tila ba makata'y natutulog lang ng mahimbing
mga babaeng inibig ay di na maglalambing
subalit may tulang mula sa kanila'y nagsupling

4
habang mga anak at apo ko'y nagpapatuloy
sa pakikibaka habang dinig bawat panaghoy
ng mga pinagsamantalahan, naging palaboy
habang dukha'y dinadapurak pa rin sa kumunoy

5
at sa anibersaryo niring iwing kamatayan
madla'y nakangiti, di magkamayaw ang tawanan
"mabuti't wala na ang makata", bulong ng ilan
"wala nang pupuna sa ating mga kabuhungan"

6
mapanglaw ang puntod, walang nagtirik ng kandila
bundat na sa pagsasaya yaong mga kuhila
mabuti na lang at may naiwang pulang bandila
simbolong sadyang lingkod ng uri ang namayapa

Pagdiga sa dalagang nayon

PAGDIGA SA DALAGANG NAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

nais kong dumiga / sa dalagang nayon
na animo'y Marya / Klara ng kahapon
maganda, mahinhin, / payak, mahinahon
at sa hirap, siya'y / aking iaahon

subalit ako rin / naman ay mahirap
ngunit isasama / siya sa pangarap
nang ginhawang asam / ay magiging ganap
upang buhay nami'y / di aandap-andap

ang iniisip ko'y / paano dumiga
nang matanggap ako / ng sintang dalaga
magsibak ng kahoy, / mag-igib, maglaba
haranahin siya / dala ang gitara

gagawin ang lahat / sa lakas ng bisig
diwa't pawis, sana'y / dinggin yaring tinig
iniluluhog ko'y / dakilang pag-ibig
ang iwi kong puso'y / sa kanya pumintig

Lunes, Agosto 18, 2014

Sa isang abogado ng kapitalismo

SA ISANG ABOGADO NG KAPITALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

* Hinggil sa 34 na minerong pinaslang sa Lonmin Mining
Property sa Marikana, South Africa, na nagwelga upang 
hilingin ang makatarungang pagtaas ng kanilang sweldo

* Tugon sa upak sa tula kong "Nais lang naman nila'y itaas 
ang sahod" sa isang thread sa isang facebook group

pinaslang na sa Marikana ang mga obrero
na ang tanging hiling lamang ay itaas ang sweldo
ngunit bakit bala ang tinanggap ng mga ito?
hindi ito makatwiran, saanmang tingnang libro

obrero'y nagwelga sa minahan sa Marikana
humihiling lamang na itaas ang sahod nila
imbes na sahod, isinagot sa kanila'y bala
pagpaslang ba'y patakaran sa mga nagwewelga?

tila naging maton ng kumpanya ang kapulisan
na sa mga nagwewelga'y namaril ngang tuluyan
batas ba ng kumpanyang patayin ang mga iyan
upang maging tahimik sa kumpanya ng minahan

pagpaslang pa'y tinutuwid ng isang abogado
malulugi kasi ang negosyo ng mga amo
dapat mawala ang mga nagwewelgang obrero
mababawasan ng tubò ang kanilang negosyo

buhay ng manggagawa laban sa negosyo't tubò?
pag lumiit ang tubò, liliit na rin ang luhò!
karapatan na'y balewala, una lagi'y tubò!
buhay ng tao'y balewala, pagkat una'y tubò!

anong sabi ng abogado ng kapitalismo?
malulugi ang kumpanya pag tumaas ang sweldo
malulugi ang kumpanya, patayin ang obrero
makatwiran ba ang ganyan para lang sa negosyo?

laksang tubò kapalit ng buhay ng manggagawà?
santong kapitalismo pala'y buwayang kuhilà!
sagpang ang dugo ng manggagawa, kapara'y lintâ!
para sa tubò, karapatang pantao na'y walâ!

Linggo, Agosto 17, 2014

Nais lang naman nila'y itaas ang sahod!

NAIS LANG NAMAN NILA'Y ITAAS ANG SAHOD!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nais lang naman nila'y itaas ang sahod!
bakit ang ibinigay sa kanila'y punglô?
nais lang naman nila'y itaas ang sahod!
bakit hiling nila'y binahiran ng dugô?
nais lang naman nila'y itaas ang sahod!
bakit asawa nila'y dapat pang mabalô?
nais lang naman nila'y itaas ang sahod!
bakit karapatan ng obrero’y sinugpô?

nais lang naman nilang tumaas ang sweldo!
bakit pinagbabaril ang mga minero?
nais lang naman nilang tumaas ang sweldo!
balewala na ba ang buhay ng obrero?
nais lang naman nilang tumaas ang sweldo!
kapitalista ba sa tubo'y sadyang tuso?
nais lang naman nilang tumaas ang sweldo!
ngunit bakit ang sistema'y nagkaganito?

hinihingi naman nila'y makatarungan
ngunit tila sila'y wala nang karapatan
mailap na hustisya kaya'y makakamtan?
may matamo pa kayâ silang katarungan?
sana'y masagot pa ang aming katanungan...
sana'y may sagot pa sa aming katanungan

* 16 August 2012, members of the South African Police Service opened fire on a group of strikers on the hills of Lonmin Mining Property in Marikana, South Africa. 34 mine workers were shot to death, and many strikers were wounded.

Sabado, Agosto 16, 2014

Hustisya sa 34 minerong pinaslang sa Marikana, South Africa

HUSTISYA SA 34 MINERONG PINASLANG SA MARIKANA, SOUTH AFRICA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tatlumpu't apat na manggagawa'y pinagbabaril
ng kapulisan, silang mga nagwelga'y kinitil

nais lang ng mga minerong sahod ay itaas
ibinigay sa kanila'y bala, sila'y inutas

sa bundok ng minahan ng Lonmin, sila'y nagwelga
doon sa Marikana, sa katimugang Aprika

Agosto labing-anim nang maganap ang masaker
tila mga kapulisan ay sundalo ni Hitler

hiling: sahod, itaas! ngunit ibinigay: punglo!
bakit ang simpleng hiling nila'y binubo ng dugo

katarungan! katarungan! sa lahat ng biktima
ng masaker ng mga minero sa Marikana

hustisya! hustisya! atin silang alalahanin!
gunitain sila ngayong Agosto labing-anim

16 Agosto 2014

* Marikana mine workers massacre, August 16, 2012

Biyernes, Agosto 15, 2014

Bawal nang manigarilyo sa lansangan

BAWAL NANG MANIGARILYO SA LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

patakaran sa lansangan: bawal manigarilyo
kapag nahuli ka, multa mo'y limangdaang piso
huwag ka nang magyosi, para sa kalusugan mo
huwag magyosi, kundi'y kawawa ang katawan mo

kailangan pa bang ikaw ay paalalahanan
na sarili mong katawan ay dapat alagaan
na sarili mong baga ay iyo nang pangalagaan
paalala nama'y para sa iyong kaligtasan

usok, usok, nalalanghap na pati usok ng bus
paalala'y di lang para sa basura mong upos
malinis ang hangin, wala pang usok na tatapos
ng buhay, kaya paalala'y sundin mo ng taos

15 Agosto 2014
Kuha ang mga litrato sa tapat ng Robinsons Galleria sa Ortigas Center, EDSA, Mandaluyong, hapon ng Agosto 15, 2014, araw ng Biyernes.

Miyerkules, Agosto 13, 2014

Si Robin Williams, Idolo

SI ROBIN WILLIAMS, IDOLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

artista siya, sa marami'y ligaya ang dulot
artistang magaling, maraming award ang hinakot
sa pelikula, tao'y sa saya niya binalot
mukha'y masaya, ngunit ang loob pala’y may lungkot

sa kabila ng kasikatan ay tigib ng lumbay
ang maging sikat minsa'y wala ring ligayang tunay
artistang bantog man, sa problema'y di mapalagay
bagamat sa manonood, saya ang kanyang bigay

sa kanyang bawat pelikula, kayraming nalugod
binigyang inspirasyon niya yaong manonood
tila mga umiidolo’y kanyang hinahagod
upang guminhawa ang pakiramdam nila’t likod

kayraming tanong sa kanyang animo'y santong banal
anong sanhi? totoo bang siya'y nagpatiwakal?
ang lunas ba'y iyon sa suliranin niyang sakdal?
ang pagpapatiwakal ba sa pagkatao'y sampal?

siya ba’y masisisi natin sa kanyang desisyon?
siyang dumanas umano ng kaytinding depresyon
sa nangyari, anuman yaong kanyang naging rason
idolo pa rin siya ng maraming henerasyon

* Si Robin Williams (Hulyo 21, 1951 - Agosto 11, 2014) ay isang sikat na  artista sa pelikula, nakilala sa mga pelikulang Dead Poets Society, Jumanji, atbp.

Martes, Agosto 12, 2014

Paalam, Robin Williams ng Dead Poets Society

PAALAM, ROBIN WILLIAMS NG DEAD POETS SOCIETY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

* John Keating: We don't read and write poetry because it's cute. We read and write poetry because we are members of the human race. And the human race is filled with passion. And medicine, law, business, engineering, these are noble pursuits and necessary to sustain life. But poetry, beauty, romance, love, these are what we stay alive for. To quote from Whitman, "O me! O life?" Answer. That you are here - that life exists, and identity; that the powerful play goes on and you may contribute a verse. What will your verse be?

*  Robin Williams (July 21, 1951 - August 11, 2014)

bilib ako sa iyo bilang gurong si John Keating
sa pelikulang Dead Poet Society ay kaygaling
sa iyong mga estudyante'y guro kang magiting
lalo't sa kanila'y iyong sinabing naglalambing:

"di tayo nagbabasa at lumilikha ng tula
dahil ito'y kayganda, ito'y ating ginagawa
dahil bahagi tayo ng sangkatauhan, madla
at nitong sangkatauhang punong-puno ng sigla"

"medisina, batas, negosyo't iba pang larangan
ay kailangan upang magpatuloy itong buhay
ngunit pagtula, pag-ibig, romansa't kagandahan
ang dahilan upang sumaya't sumigla ang buhay"

pati itong makatang Whitman pa'y iyong binanggit
"ako! ang buhay!" buhay na di dapat ipagkait
na narito ka, tayo, humihinga bawat saglit
"ako! ang buhay!" may kasagutan ang bawat bakit

sa biglaan mong pagyao, Robin Williams, paalam
ikaw si John Keating na sa puso'y di mapaparam
habang kaming narito pa'y patuloy sa pag-asam
na makatula pa rin sa gitna ng gunam-gunam

Linggo, Agosto 10, 2014

Sistema sa produksyon

SISTEMA SA PRODUKSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa bawat moda ng produksyon, may bawat sistema
pwersa at relasyon ang bumubuo sa kanila
instrumento't paraan ang tinutukoy sa una
ugnayan naman ng isa't isa ang ikalawa

sa lipunang primitibo komunal ay tulungan
ng buong tribu sa umiral nilang pamayanan
walang amo, sa lahat pantay-pantay ang turingan
habang binubuhay ang kanilang kapwa't lipunan

sa lipunang alipin, ang pwersa'y mga alipin
na nilalatigo upang mga atas ay gawin
sa relasyon, ang amo'y panginoong may-alipin
na susundin nila't sa kanila'y nagpapakain

sa lipunang pyudal, ang pwersa'y lupa't pagsasaka
magsasaka'y tali sa lupa nilang sinasaka
sa relasyon, panginoong maylupa'y amo nila
mayorya ng ani'y sa amo't matira'y kanila

sa kapitalismo, pwersa'y makinarya't paggawa
ng mga manggagawang kolektibong lumilikha
sa relasyon, umiiral ang sahurang paggawa
sa obrerong ang amo'y kapitalistang kuhila

sa lipunang alipin, pyudal at kapitalismo
ang pribadong pag-aari'y isang pribilehiyo
may-ari ng kasangkapan sa produksyon ang amo
habang api yaong walang pag-aaring pribado

dapat nang baguhin ang sistemang mapangduhagi
lalo na't nakabatay sa pribadong pag-aari
na dapat pawiin upang wala nang maghahari
dapat pantay-pantay, wala nang iiral na uri

at upang matupad ang pagbabagong inaasam
magkaisa ang manggagawa't simulang humakbang
sistema ng produksyon ay gawing sa kagalingan
at ginhawa ng manggagawa't buong sambayanan

Sabado, Agosto 9, 2014

Malaking piitan ang Gaza

MALAKING PIITAN ANG GAZA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

malaking piitan ang Gaza, oo, bilangguan
ang preso’y mga Palestinong walang kasalanan
kundi ang magnasang umuwi sa sariling bayan
ngunit ang pasalubong sa kanila’y kamatayan

mga preso silang binobomba ng nasa laya
ang di patas na gera’y sa kanila raw nagmula
ngunit nagaganap ay masaker, at hindi digma
sa kanilang buhay ay patuloy ang pagbabanta

ang pinalalaganap sa kanila'y dyenosidyo
lahi’y inuubos, pinapaslang ang kapwa tao
minamasaker ng makapangyarihang sundalo
dinuduro maging kanilang puri’t pagkatao

mga preso silang pinapaslang ng nasa laya
buhay sa bilangguan ay sadyang kaawa-awa
napakarami nang nasawing matatanda't bata
tayo bang wala roon ay magwawalang-bahala?

dapat umiral doon ang karapatang pantao
mabuwag ang pader sa pagitan ng kapwa tao
dapat tuluyan nang lumaya silang Palestino
at magandang bukas ay makamtan nilang totoo

* mga litrato mula sa facebook 

Awit ni Maria Clara - ni Jose Rizal

AWIT NI MARIA CLARA
ni Jose Rizal
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Kaytamis ng mga oras sa bayang tinubuan,
kung saan magiliw yaong araw na kumikinang
Simoy yaong buhay na winawalis yaong parang
ang pagsinta’y magiliw, tahimik ay kamatayan.

Naglalaro sa mga labi'y mainit na halik
habang nakaharap sa aming ina kami'y gising
pinapangarap siyang yapusin ng mga bisig
mga mata'y ngumiti habang sila'y nakatitig

Kaytamis kung mamamatay sa bayang tinubuan,
kung saan magiliw yaong araw na kumikinang!
Simoy yaong kamatayan sa sinumang nilalang
na walang pag-ibig, walang ina, at walang bayan


Song of Maria Clara
Jose Rizal

Sweet the hours in the native country,
where friendly shines the sun above!
Life is the breeze that sweeps the meadows;
tranquil is death; most tender, love.

Warm kisses on the lips are playing
as we awake to mother's face:
the arms are seeking to embrace her,
the eyes are smiling as they gaze.

How sweet to die for the native country,
where friendly shines the sun above!
Death is the breeze for him who has
no country, no mother, and no love!

Pinag-isa tayo ng Cuba - ni Jose Marti

PINAG-ISA TAYO NG CUBA
ni Jose Marti
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Pinag-isa tayo ng Cuba sa dayong lupa,
Banaag sa Cuba yaring awit ng pagsinta:
Cuba ang iyong puso, aking langit ang Cuba
Sa iyong aklat, ang Cuba ang aking salita.


CUBA UNITES US
Jose Marti

Cuba unites us in a foreign land,
Our love longs for Cuban dawns:
Cuba is your heart, Cuba is my sky,
In your book, Cuba is my word.


Cuba nos une
Jose Marti

Cuba nos une en extranjero suelo,
Auras de Cuba nuestro amor desea:
Cuba es tu corazón, Cuba es mi cielo,
Cuba en tu libro mi palabra sea.

Biyernes, Agosto 8, 2014

Pana-panahon

PANA-PANAHON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"Poets are always taking the weather so personally." - J. D. Salinger, may-akda ng nobelang The Catcher in the Rye

panahon sa bansa'y pawang tag-ulan at tag-araw
walang taglamig at taglagas ditong dumadalaw
ngunit sadyang may panahong ikaw ay giniginaw
lalo't tagalungsod sa kabundukan ay naligaw

kaya bang magluto ng sinaing pag umaawit
o nagwawalis habang nagluluto ng malagkit
kaya bang magpastol ng guya na tangan ang karit
at pagsinta ng makata sa puso mo'y iukit

pana-panahon lang, dumadalaw din ang haraya
upang tanggalin ang agiw, linisin yaring diwa
at nagtotono ng kung anu-ano ang makata
upang maisatinig ng tama ang bawat katha

sinumang mananakop ay kaya nating madaig
pagkat hindi natin papayagang tayo'y malupig
lalo't bawat isa'y magtatanggol nang kapitbisig
kaya nating igpawan ang panahon ng ligalig

makata'y makalilikha panahon man ng bagyo
nagdurugo man yaring puso habang may delubyo
lalo na kung kanyang diwa'y gaya ng ipuipo
diwa't katawan ay matatag kahit binabayo

sa panahon ng tag-ani'y kaygaganda ng uhay
at panibagong yugto ang doon ay nasisilay
sa kubong payak, makata'y nagpahingang may lumbay
habang sa katabing puntod ang sinta'y nakahimlay

Nabuhay ako bagamat ako'y namatay (Tula 26) - ni Jose Marti

NABUHAY AKO BAGAMAT AKO'Y NAMATAY (Tula 26)
ni Jose Marti
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Nabuhay ako bagamat ako'y namatay
Na nagpapahayag ng mahusay kong tuklas
Sapagkat kagabi'y aking naging patunay
Pagmamahal ang pinakamagandang lunas.

Kapag tinimbang sa kurus, ang isang tao
Ay resolbadong mamatay para sa wasto
Gagawin niya ang lahat ng kabutihan
At uuwing pinaliguan ng liwanag.


I Who Live Though I Have Died (Verse XXVI)
Jose Marti

I who live though I have died,
Claim a great discovery,
For last night I verified
Love is the best remedy.

When weighed by the cross, a man
Resolves to die for the right;
He does all the good he can,
And returns bathed in the light.

Dalawang bayan - ni Jose Marti

DALAWANG BAYAN
ni Jose Marti
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

May dalawa akong bayan: ang Cuba't ang karimlan
O kaya pareho itong walang magandang paglisan
Araw ng kanyang kamahalang may mahabang belo
tahimik, sa kanyang kamay ay nagkatawang tao
nakita ko ang isang malungkot na biyuda
ang madugong pagkakatawang-tao'y aking talos
nanginginig ang mga kamay! Walang laman yaong
aking dibdib, na nawasak at ito'y walang laman
kung saan naroon ang puso, ito ang panahon
upang magpaalam. Ginambala nitong liwanag
ang pagsasalita ng tao. Sa pandaigdigan
ang mga lalaki'y nagsasalita ng kayhusay
Aling bandila
ang mag-aalok sa iyong lumaban, ang bolang apoy
ng may nakasinding kandila. Ang mga bintana'y
nakabukas, at kaylapit sa akin. Paglipat, umalis
bilang alapaap yaong nagkakatawang-tao
ng mga ulap sa langit. Cuba, balo, pasa


Dos Patrias
Jose Marti

Dos patrias tengo yo: Cuba y la noche.
¿O son una las dos? No bien retira
su majestad el sol, con largos velos
y un clavel en la mano, silenciosa
Cuba cual viuda triste me aparece.
¡Yo sé cuál es ese clavel sangriento
que en la mano le tiembla! Está vacío
mi pecho, destrozado está y vacío
en donde estaba el corazón. Ya es hora
de empezar a morir. La noche es buena
para decir adiós. La luz estorba
y la palabra humana. El universo
habla mejor que el hombre.
                          Cual bandera
que invita a batallar, la llama roja
de la vela flamea. Las ventanas
abro, ya estrecho en mí. Muda, rompiendo
las hojas del clavel, como una nube
que enturbia el cielo, Cuba, viuda, pasa..

Huwebes, Agosto 7, 2014

Habang tumatagas ang dugo sa Gaza

HABANG TUMATAGAS ANG DUGO SA GAZA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

o, kay-agang nawala nilang mga walang malay
sumusumpa sa harap ng malamig nilang bangkay
ang maraming ina, kuya, ate, kanilang tatay
hustisya'y asam para sa kanilang nangamatay

patuloy pa roong tumatagas ang mga dugo
ilang dugo na ba ang nasakripisyo't nabubo?
ilan pa ang mamamatay, mawawasak na bungo?
paglayang nakalibing ay paano mahahango?

dugo'y tumatagas sa pinag-aagawang lupa
sa magkabilang pisngi'y nag-uunahan ang luha
lupaing yaon ba'y banal o sadyang isinumpa?
sa suliraning ito'y dapat tayong may magawa

habang mga dugo'y patuloy doong tumatagas
iba'y nakikinabang sa pagbebenta ng armas
pinagtutubuan ang digmaang di naman patas
sariling interes lang ang sa puso'y nag-aatas

dyenosidyo iyon, likha ng mga mapaniil
inahin ang dinadagit ng buwitreng may pangil
ang solusyon ba'y mata sa mata, baril sa baril?
pagtagas ng mga dugo'y kailan matitigil?