SA ANIBERSARYO NG AKING KAMATAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
1
matagal na akong patay, alaala na'y wala
nananatiling buhay na lamang ay mga tula
habang sa papawirin ay lumilipad ang diwa
ng mga kathang kaytagal na panahong nalikha
2
di malirip ang kabaliwan ng sistemang hangal
na nagluwal ng kapitalistang animo'y banal
ngunit uring ulupong pala't ganid yaong asal
na sa manggagawa't bayan ay nanyurak ng dangal
3
at nang mamatay ako'y walang marangal na libing
tila ba makata'y natutulog lang ng mahimbing
mga babaeng inibig ay di na maglalambing
subalit may tulang mula sa kanila'y nagsupling
4
habang mga anak at apo ko'y nagpapatuloy
sa pakikibaka habang dinig bawat panaghoy
ng mga pinagsamantalahan, naging palaboy
habang dukha'y dinadapurak pa rin sa kumunoy
5
at sa anibersaryo niring iwing kamatayan
madla'y nakangiti, di magkamayaw ang tawanan
"mabuti't wala na ang makata", bulong ng ilan
"wala nang pupuna sa ating mga kabuhungan"
6
mapanglaw ang puntod, walang nagtirik ng kandila
bundat na sa pagsasaya yaong mga kuhila
mabuti na lang at may naiwang pulang bandila
simbolong sadyang lingkod ng uri ang namayapa
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento