PAGDIGA SA DALAGANG NAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod
nais kong dumiga / sa dalagang nayon
na animo'y Marya / Klara ng kahapon
maganda, mahinhin, / payak, mahinahon
at sa hirap, siya'y / aking iaahon
subalit ako rin / naman ay mahirap
ngunit isasama / siya sa pangarap
nang ginhawang asam / ay magiging ganap
upang buhay nami'y / di aandap-andap
ang iniisip ko'y / paano dumiga
nang matanggap ako / ng sintang dalaga
magsibak ng kahoy, / mag-igib, maglaba
haranahin siya / dala ang gitara
gagawin ang lahat / sa lakas ng bisig
diwa't pawis, sana'y / dinggin yaring tinig
iniluluhog ko'y / dakilang pag-ibig
ang iwi kong puso'y / sa kanya pumintig
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento