PANA-PANAHON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
"Poets are always taking the weather so personally." - J. D. Salinger, may-akda ng nobelang The Catcher in the Rye
panahon sa bansa'y pawang tag-ulan at tag-araw
walang taglamig at taglagas ditong dumadalaw
ngunit sadyang may panahong ikaw ay giniginaw
lalo't tagalungsod sa kabundukan ay naligaw
kaya bang magluto ng sinaing pag umaawit
o nagwawalis habang nagluluto ng malagkit
kaya bang magpastol ng guya na tangan ang karit
at pagsinta ng makata sa puso mo'y iukit
pana-panahon lang, dumadalaw din ang haraya
upang tanggalin ang agiw, linisin yaring diwa
at nagtotono ng kung anu-ano ang makata
upang maisatinig ng tama ang bawat katha
sinumang mananakop ay kaya nating madaig
pagkat hindi natin papayagang tayo'y malupig
lalo't bawat isa'y magtatanggol nang kapitbisig
kaya nating igpawan ang panahon ng ligalig
makata'y makalilikha panahon man ng bagyo
nagdurugo man yaring puso habang may delubyo
lalo na kung kanyang diwa'y gaya ng ipuipo
diwa't katawan ay matatag kahit binabayo
sa panahon ng tag-ani'y kaygaganda ng uhay
at panibagong yugto ang doon ay nasisilay
sa kubong payak, makata'y nagpahingang may lumbay
habang sa katabing puntod ang sinta'y nakahimlay
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento