SISTEMA SA PRODUKSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
sa bawat moda ng produksyon, may bawat sistema
pwersa at relasyon ang bumubuo sa kanila
instrumento't paraan ang tinutukoy sa una
ugnayan naman ng isa't isa ang ikalawa
sa lipunang primitibo komunal ay tulungan
ng buong tribu sa umiral nilang pamayanan
walang amo, sa lahat pantay-pantay ang turingan
habang binubuhay ang kanilang kapwa't lipunan
sa lipunang alipin, ang pwersa'y mga alipin
na nilalatigo upang mga atas ay gawin
sa relasyon, ang amo'y panginoong may-alipin
na susundin nila't sa kanila'y nagpapakain
sa lipunang pyudal, ang pwersa'y lupa't pagsasaka
magsasaka'y tali sa lupa nilang sinasaka
sa relasyon, panginoong maylupa'y amo nila
mayorya ng ani'y sa amo't matira'y kanila
sa kapitalismo, pwersa'y makinarya't paggawa
ng mga manggagawang kolektibong lumilikha
sa relasyon, umiiral ang sahurang paggawa
sa obrerong ang amo'y kapitalistang kuhila
sa lipunang alipin, pyudal at kapitalismo
ang pribadong pag-aari'y isang pribilehiyo
may-ari ng kasangkapan sa produksyon ang amo
habang api yaong walang pag-aaring pribado
dapat nang baguhin ang sistemang mapangduhagi
lalo na't nakabatay sa pribadong pag-aari
na dapat pawiin upang wala nang maghahari
dapat pantay-pantay, wala nang iiral na uri
at upang matupad ang pagbabagong inaasam
magkaisa ang manggagawa't simulang humakbang
sistema ng produksyon ay gawing sa kagalingan
at ginhawa ng manggagawa't buong sambayanan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento