Martes, Setyembre 2, 2014

Sa ika-25 anibersaryo ng IID

SA IKA-25 ANIBERSARYO NG I.I.D.
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

sa inyo po'y maalab kong pagbati
hanga ako sa mabuti nyong mithi
na magkasundo ang maraming lahi
upang sila'y magbigayan ng ngiti

noon, ako'y sinama nyo sa Baguio
sa karabana hanggang Cotabato
Duyog Mindanao ang gawaing ito
adhika'y kapayapaang totoo

kasama sa Free Burma Coalition
malayang bansa ang magandang layon
walang diktadura ang ating hamon
ito'y nagkakaisa nating tugon

ako'y inyong pinadala sa Mae Sot
mga nakita'y sa puso kumurot
kayraming tanong na dapat masagot
kayraming aral na doon napulot

makikita sa IID ang diwa
at adhikaing tunay na dakila
pag-uusap sa harap man ng digma
upang daigdig ay maging payapa

tunay ngang di natutulog ang gabi
pagkat patuloy kayong nagsisilbi
marami pong salamat, O, IID
sa adhika nyong tunay na mabuti

* IID = Initiatives for International Dialogue

** Binasa ang tulang ito sa pagtitipon ng IID sa Adarna Restaurant sa Kalayaan Ave. Lungsod Quezon, Setyembre 2, 2014, 6:30 n.g.. hanggang 9 n.g. Isa sa mga naging bisita doon si Daw Seng Raw Lahpai, ang 2013 Ramon Magsaysay Awardee mula sa bansang Burma (Myanmar)

Walang komento: