Lunes, Setyembre 17, 2012

Larawan ng Kawalang Malay


LARAWAN NG KAWALANG MALAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

maraming iginuhit na larawan
na nakadispley doon sa restoran
sa Mae Sot na "Casa Mia" ang ngalan
larawang proyekto ng kabataan

bawat larawan ay nakakwadro pa
proyektong kanilang ibinebenta
pag bumili ka'y malaking tulong na
upang talento'y pag-ibayuhin pa

larawang tagos sa puso’t isipan
na proyekto ng mga kabataan
nilalarawan yaong kinagisnan
at pinapangarap na kalayaan

paglayang kanilang pinapanaghoy
sa hangganang ang puso’y umaapoy
pangarap nila’y dapat magpatuloy
at di dapat mabaon sa kumunoy

- sa kainang Casa Mia, habang tinitingnan ang proyektong "The Thai-Burmese Border Children Arts Project", matapos mananghalian, Setyembre 16, 2012

Panibagong Hamon

PANIBAGONG HAMON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hanggang Mae Sot lang kami, doon sa hangganan
ng Burma't Thailand, bagamat hanggang doon lang
pinapangarap ko ring Burma'y mapuntahan
at sumamang makibaka sa kalayaan
sa hangarin nilang hustisyang panlipunan

may maibabahagi ang tibak tulad ko
gaya ni Che Guevara na isang idolo
at isang internasyunalistang totoo
nawa'y may maitutulong nga kami rito
kundi mga salita'y kahit ang buhay ko

aktibista kaming para sa katarungan
para sa pagpapalaya ng ibang bayan
para rin sa hustisya sa kababaihan
magkasamang ipaglaban ang karapatan
magturingang magkapatid sa daigdigan

- Rm 3202, sa Phan Nu Hotel sa Mae Sot
Setyembre 16, 2012

Linggo, Setyembre 16, 2012

May Stewardess ang Bus


MAY STEWARDESS ANG BUS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kaiba ang bus mula Bangkok hanggang Mae Sot
dalawang palapag itong aming sinakyan
malawak ang espasyo't ang supa'y malambot
at sa unang palapag ay may palikuran

maganda pa rito'y may stewardess sa bus
inaasikaso ang bawat pasahero
bibigyan ka niya ng kumot na maayos
na gamit sa matagal na biyahe ninyo

nagbibigay din ang  magandang stewardess
ng kape, tubig, yakult, at may tinapay pa
kaysarap bumiyahe ng maraming beses
kung ganitong inaasikaso ka nila

 may stewardess ang bus, parang eroplano
tila ba diwata't kaygandang inspirasyon
ngiti'y kaytamis, problema'y lilimutin mo
hintay, huwag muna't mayroon kaming misyon

habang naglalakbay kami ng walong oras
may taga-Imigrasyong sumampa pa sa bus
pasaporte't ID'y tiningnan, mababakas
sa kanya ang paggampan ng tungkuling taos

pagdatal namin sa Mae Sot, kinuhang muli
ng stewardess ang binalabal na kumot
pag-asikaso niya, ganti nami'y ngiti
pagkat maginhawa ang pagdatal sa Mae Sot

- sinimulan sa bus mula Bangkok, gabi ng Setyembre 15, 2012, at tinapos ng madaling araw pagdatal sa Mae Sot, Setyembre 16, 2012

Ang Kalayaan ay Buhay


ANG KALAYAAN AY BUHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bawat isa'y hangad ay buhay na payapa
may kinakain bawat araw at malaya
ang gobyerno'y may mabuting pamamahala
iginagalang ang karapatan ng madla
ang ganitong buhay ay kaygandang adhika

kalayaan ay buhay, dapat ipaglaban
pagkat paglaya'y taal nating karapatan
bayan nga nati'y may matinding kasaysayan
na dapat maibahagi sa ibang bayan
bilang tanda ng ating pagkakapatiran

- nilikha sa Murchit Bus Station, Bangkok, Setyembre 15, 2012

Pananabik


PANANABIK

ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod


sa lakbaying ito’y ano kayang daratnan
nasa Bangkok na’y di ko pa rin maramdaman
patungo pa sa Mae Sot na di ko kilala
at makikipag-ugnayan sa  taga-Burma
sa kanila’y makikipagpalitang-kuro
sa isa’t isa’y kapwa kami matututo
ihanda ang isip pati na yaong loob
sa pakikibaka’y sanay nama’t marubdob
may mapapala kaya sa lakbaying ito
meron, tiyak ko, kaya nga kami narito
anumang matutunan dito’t mapapala
nawa’y makatulong sa kanilang paglaya

- nilikha sa Murchit Bus Station, Bangkok, Setyembre 15, 2012

Mabuhay ka, IID!


MABUHAY KA, IID!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mabuhay ka, IID, sa bawat pakikibaka
upang kamtin ang kapayapaan at demokrasya
kaytagal na nating magkakilala’t magkasama
mula Apcet, Duyog Mindanao at kampanyang Burma
isang taas-kamaong pagpupugay, mabuhay ka

- eroplanong PR 730, Setyembre 15, 2012

Salamat sa Pagkakataon

SALAMAT SA PAGKAKATAON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

O, maraming salamat sa pagkakataon
na ibinigay ng Free Burma Coalition
isang grupo sa Pilipinas hanggang ngayon
upang Burma'y tulungang lumaya't bumangon

Sa hangganan ng Burma't Thailand ay tutungo
kaming apat na tibak sana'y di mabigo
anong daratnan namin sa malayong dako
kapayapaan ba o digmaang madugo

Kalayaan, freedom, independence, libertad
Burmes, Pinoy, ibang lahi'y ito ang hangad
kaya salamat muli sa oportunidad
at sa dako ngang ito ng mundo'y napadpad

Ang makibahagi sa magandang layunin
ay isang karanasang bihirang maangkin
kaya anumang dapat ay aming gagawin
at magtagumpay nawa kami sa hangarin

- nilikha sa  eroplanong PR 730, tinapos sa Bangkok airport, Setyembre 15, 2012

Di Ako Maglalakbay sa Kawalan


DI AKO MAGLALAKBAY SA KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

maglalakbay akong muli't kapayapaan
ang nasa't layunin para sa mamamayan
di lang ng bayan kundi ng ibang bansa man
lalo't yaong nagnanais ng kalayaan

Pilipino ka man o kaya'y taga-Burma
isa ka mang Thai o anuman ang lahi pa
sa kapayapaan, halina't magkaisa
budhi mo, budhi ko, budhi nila'y iisa

kaya di ako maglalakbay sa kawalan
nakatingala man ako sa kalangitan
o naglalakad ng mahaba sa lansangan
pagkat sa puso't diwa'y layunin ang laman

apat kaming dala'y magandang adhikain
sa mga ibang lahing dapat palayain
ang makibahagi sa laban nila'y aming
paraan ng pakikiisa ng layunin

- sinimulan sa Naia Terminal 2, tinapos sa eroplanong PR 730 patungong Bangkok, Setyembre 15, 2012

Sabado, Setyembre 15, 2012

Muling Paglalakbay

MULING PAGLALAKBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

maglalakbay muli pabalik ng Bangkok
at tulad ng dati, ang ulo ko'y subsob
sa mga aralin ay nagkukumahog
iniwang sandali yaong iniirog

nawa paglalakbay na ito'y payapa
at ang kalangitan ay huwag lumuha
bagamat kanina sa ulan ay basa
nawa himpapawid, manatiling tila

ako'y maglalakbay ngunit magbabalik
sa mahal na sinta't gagawad ng halik
marami pa akong naiwang tungkuling
marapat gampanang husay at taimtim

o, kapayapaan, ikaw ang dahilan
kung bakit ba ako'y lalakbay na naman
ikaw yaong hangad ng maraming bayan
nawa'y amin ka nang makamtang tuluyan

- Naia Terminal 2
Setyembre 15, 2012


* Ito ang ikalawang paglalakbay ng makata patungong Bangkok sa bansang Thailand. Ang nauna'y noong Setyembre 2009 sa walong araw nilang pagdalo sa aktibidad ng Jubilee South (JS) at ng ClimateXchange-Philippines sa pulong ng mga kinatawan ng iba't ibang bansa hinggil sa usaping climate change, climate debt and reparations, at climate justice. Sa kalaunan, napalitan ang pangalan ng ClimateXchange-Philippines sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ).

Huwebes, Setyembre 6, 2012

Sa ika-66 na Kaarawan ni Inay


Sa ika-66 na Kaarawan ni Inay
ni Gregorio V. Bituin Jr.

pagbati po sa iyo, mahal kong ina
ng isang mapagpalayang kaarawan
mula sa iyong anak na aktibista
malayo man po ako, puso'y nariyan

di man mapagkikita ang sintang anak
ang inang nagluwal ay lagi sa diwa
kahit po abala sa gawaing tibak
at pag-oorganisa ng manggagawa

ang bilin nyo po laging panindigan ko
kung anong aking sinuong at pinasok
kahit punung-puno man ng sakripisyo
maging matibay ako't huwag lulugmok

salamat, inay, sa pangaral mo't payo
sadyang pinatitibay mo akong lalo

- Setyembre 6, 2012, Maynila, Pilipinas

Biyernes, Agosto 31, 2012

Kapitalismong Mapangyurak

KAPITALISMONG MAPANGYURAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

kapitalismong mapangyurak
sa manggagawa'y mapangwasak
dapat nang ibagsak sa lusak
itong sistemang mapanglibak

bakit mapangyurak ng dangal
ang kapitalismong sagabal?
tayo ba'y binaboy sa kural?
tanong niyang animo'y hangal

Bakahin ang Impunidad


BAKAHIN ANG IMPUNIDAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

panahon ng ligalig, klima ng impunidad
ililibing na lang ba ang kanilang gunita
sino yaong maysala, sinong dapat maglantad
sa naganap na dahas, sa mga nangawala

sinong mga dinukot at pinaslang sa syudad
sila ba'y aktibista, obrero’t maralita
dahil ba rebolusyon yaong tangkang ilunsad
kaya sila'y dinukot at tuluyang winala

sino ang mga taong mayroong abilidad
na gawin ito't mga pamilya'y pinaluha
sinong nais pumigil sa pagbabagong hangad
ng mga aktibistang ninanasa'y paglaya

pagpaslang, pagkawala, tatak ng impunidad
di mainit na isyu sa pahayaga't madla
mga kaso'y kapara ng pagong sa pag-usad
gayong ito'y isa nang suliraning pambansa

taon nang naghahanap, katarungan ba’y hubad
dangal ang niyurakan, batas ba'y walang bisa
pagkatao’y sinaktan, sa puso na'y sumagad
nasaan ka, hustisya? Ikaw ang aming pita

halina't magkaisa laban sa impunidad
ang puspusang pagbaka'y atin nang isagawa 
malawakang kampanya’y gawin nati’t ilunsad
hustisya'y marapat lang angkinin nitong madla

PAG-INOG NG SALIN MULA WIKANG INGLES SA FILIPINO
community - komunidad
electricity - elektrisidad
possibility - posibilidad
facility - pasilidad
ability - abilidad
city - siyudad
nobility - nobilidad
capacity - kapasidad
university - unibersidad
probability - probabilidad
effectivity - epektibidad
impunity - impunidad

Agosto 30 bilang Pandaigdigang Araw ng mga Nangawala (International Day of the Disappeared)
Nobyembre 23 bilang Pandaigdigang Araw Upang Wakasan ang Kultura ng Impunidad (International Day to End Impunity)

Huwebes, Agosto 30, 2012

Sa Ika-10 Anibersaryo ng MMVA

SA IKA-10 ANIBERSARYO NG MMVA
(Metro Manila Vendors Alliance)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

nakakabili ng bawat tingi
sa manininda ang kanyang suki
laking tipid sa bawat kalupi
busog na rin kahit na kaunti

sistema'y laging pinagkakasya
kung magkano lang ang nasa bulsa
anong mabibili nitong barya
sa tingian, nakakaraos na

bili kayo, meron akong yosi
dito na rin kayo makisindi
tubig, palamig, meron pang kendi
kung anong gusto, kayo'y bumili

ganyan ang buhay ng manininda
munting puhunan lang, nagbebenta
pamatid gutom ang konting kita
tumutubo kahit barya-barya

sa MMVA, mabuhay kayo
pagpupugay itong pagbati ko
sa pagbaka'y magpatuloy tayo
hanggang ang tagumpay ay matamo

Mata ng buwan

MATA NG BUWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

karimlan ng gabi nang tuluyang mawala
ang kanyang amang isang lider-manggagawa
sa tindig at prinsipyadong pananalita
itay niya'y sadyang kinilala ng madla

ngunit sa karimlang tila tulog ang buwan
ang irog na ama'y dinukot ng sinuman
di na nakita, mga taon na'y nagdaan
itay ba niya'y sinaklot ng kamatayan

sinong magsasalaysay kung anong nangyari
nang ama'y mawala sa karimlan ng gabi
saan inilibing, wala bang magsasabi
ang mga maysala lang ba ang tanging saksi

kayraming ang taguri'y desaparesido
silang nangawala sa bayang anong gulo
dinaluhong ng mga pusong tila bato
malalantad pa kaya kung sinong berdugo

saksi kaya ang buwan sa gabing kaylagim
lalo't nangyari'y sadyang karima-rimarim
nawa'y mabunyag pa ang nagbabagang lihim
upang maibsan naman yaring paninimdim

Miyerkules, Agosto 29, 2012

Lugaw man ang aming kinakain


LUGAW MAN ANG AMING KINAKAIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

lugaw man ang aming kinakain
kahirapan ay di namin krimen
mga dukha man kami't patpatin
kami'y huwag ninyong aapihin

mahirap man, dukha'y may pangarap
tapusin na iyang pagpapanggap
di sapat ang limos at paglingap
dapat lipuna'y baguhing ganap

nais naming ang mundo'y mabago
na bawat isa'y nirerespeto
di dahil sa salapi't habag mo
kundi dahil sila'y tao, tao

panahon nang lumaya sa dusa
palitan ang bulok na sistema
organisahin natin ang masa
at sa pagbabago'y magkaisa

ang buhay man ng dukha'y mapanglaw
di krimen ang kumain ng lugaw
sisikat din sa amin ang araw
upang dukha'y di na maliligaw

Martes, Agosto 28, 2012

Napakabata pa ng pag-ibig upang maunawaan ang budhi (Soneto 151)

Napakabata pa ng pag-ibig upang maunawaan ang budhi
ni William Shakespeare (Soneto 151)
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod

Napakabata pa ng pag-ibig upang maunawaan ang budhi;
Ngunit sinong di nakababatid, budhi'y isinilang ng pag-ibig?
Kaya, manlolokong malumanay, huwag akong udyukang mamali,
Di man gaanong mali sa sala sa sarili'y matamis mong usig.
Na sa pagtataksil mo sa akin, ay ako rin yaong nagtataksil
Ang aking marangal na bahagi ng katawang pulos kaliluhan;
Yaring aking diwang nagsasabi sa aking katawang iyon na nga
Pagsinta'y mapapagtagumpayan; wala nang dahilan pa ang laman,
Ngunit ang pagbangon sa ngalan mo'y siya na ring itinuturo ka
Bilang premyo niya ng tagumpay. Pinagmamalaki niya ito,
Datapwat nasisiyahan siya kahit ikaw pa'y nabubusabos,
Upang tumindig sa iyong tungkol, kahit mahulog sa iyong tabi.
Ayaw ng budhing tanganan yaong matatawag kong kanyang "pag-ibig", 
Kung saan para sa tanging sinta, ako ay babangon at babagsak.

Lunes, Agosto 27, 2012

Bago Naging Bayani, Sila Muna'y Aktibista

BAGO NAGING BAYANI, SILA MUNA'Y AKTIBISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pinupuri ng bayan ang mga naging bayani
dahil tinulungan ang bayan, di makasarili
inalay ang sariling buhay para sa marami
iba’y sa bansa, iba’y sa manggagawa nagsilbi

batid nyo ba yaong pinagdaanang buhay nila
bago naging bayani, sila muna'y aktibista
pinag-aralan ang lipunan, lalo ang sistema
kalayaan at pagbabago’y kanilang ninasa

nilabanan ang mananakop, buhay ma'y mapigtal
yaong bayani lang ba'y sina Bonifacio't Rizal
kung iyan lang ang alam mo, magsuri ka't mag-aral
ang kasaysayan ng bayan sa isip ay ikintal

bayani ba sa iyo ang traydor na Aguinaldo
na nag-utos patayin sina Andres Bonifacio
at Heneral Luna, kasaysayan nga'y basahin mo
si Rizal nga'y ayaw kilanlin ng Katolisismo

Jose Rizal, Marcelo del Pilar, at Lopez Jaena
sa España'y nakilalang mga propagandista
Bonifacio’t Jacinto’y Katipunan yaong dala
namatay silang bigong kalayaan ay makita

bayani ng bayan si Crisanto Evangelista
Sakay, Asedillo, Popoy Lagman, Ka Bert Olalia
Ka Amado, Hermenegildo Cruz, at marami pa
lider-manggagawang tunay na nagsilbi sa masa

aktibista sila noon, bayani natin ngayon
Kastila'y kalaban noon, kapitalismo ngayon
marami sa kanila'y namatay sa rebolusyon
adhika’y paglaya ng uri, bayan ay ibangon

silang mga aktibista'y kinilalang bayani
ayaw man ng naghaharing uri, bayan ang saksi
bago nga naging bayani'y aktibistang nagsilbi
sa bayan, sa manggagawa, inalay ang sarili

Wika'y Mabisang Susi sa Edukasyong Pangkalikasan


WIKA'Y MABISANG SUSI SA EDUKASYONG PANGKALIKASAN
(alay sa buwan ng Agosto, ang Buwan ng Wika)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

dumaan si Ondoy, Pedring, Gener, at Habagat
sa maraming lungsod ay kalamidad sa lahat
paano ba tayo magtutulungan nang sapat
edukasyong pangkalikasan na'y nararapat

ating suriin, nagbabago na ang panahon
kaiba na ito sa magdamag at maghapon
paano unawain ang agham nito ngayon
kailangan ng madla'y magandang eksplanasyon

upang ang mga ito'y madaling unawain
katagang Ingles sa Filipino na'y isalin
wikang sarili sa madla'y mabisa't diringgin
bago pa mahuli ang lahat, ito na'y gawin

pag-aangkop sa kalagayan ang adaptasyon
pagbabawas naman ng usok ang mitigasyon
sa wika natin, kayraming isasalin ngayon
sa elementarya'y ipaliwanag na iyon

sala sa lamig at init, klima'y papalala
ang masa't dukha'y dapat na itong maunawa
edukasyong pangkalikasan, wika'y mabisa
lalo't wikang sariling sa masa'y di banyaga

* Ang tulang ito'y bilang pagpapaunlak sa hiling ng isang Xena Rose Vitero, na nagmensahe sa inyong lingkod. Ayon sa kanya, "pwede po bang pagawa ng isang tula "WIKA'Y MABISANG SUSI, SA EDUKASYONG PANGKALIKASAN" tema po iyan .. atleast 5 stanza po,, please po,, kailangan ko na po bukas ,, tnx :)) aassahan ko po na gagawa niyo po ako..tnx po :). Ang mensahe'y ipinadala ngayong Agosto 26, 2012, at lumitaw sa isa ko pang tulang pinamagatang "Tula sa Pangkalikasang Edukasyon" na nalathala noong Oktubre 17, 2008. Marahil nahanap nya ito sa google. Para sa kanya lang ang tulang ito kaya huwag sanang kopyahin ng iba, dahil baka parehong titser ang mapagbigyan nito, hehe.

Linggo, Agosto 26, 2012

Naluma man ang kwadro

NALUMA MAN ANG KWADRO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

naluluma ang kwadro
ngunit di ang anino
nasa puso ng tao
ang gunita't prinsipyo

litrato'y kumukupas
ngunit imahe'y wagas
sa kasaysayan bakas
ang ginawa't nilandas

dayo’y niyurak noon
uring obrero’t nasyon
bayani’y nagsibangon
adhika’y rebolusyon

imahen ng dakila
pumanday sa paggawa
sinakbibi ng luha
hinangad ay paglaya

naglaho man ang tinig
atin pang maririnig
prinsipyo'y di nalupig
nanatili ang tindig

museyo'y nagkaagiw
bayani'y di bumitiw
pagsinta'y walang maliw
sa masang ginigiliw

litrato'y masdang dagli
sa sistema'y namuhi
nasa’y gintong sandali
ng paglaya ng uri

naluma man ang kwadro
ngunit di ang anino
ng dakilang obrero
na umukit ng mundo

Iba't Ibang Anggulo


IBA'T IBANG ANGGULO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

iisa lang ang litrato
iba-iba ang anggulo
ikaw kaya'y malilito
kung ano yaong totoo

depende kung nasaan ka
nasa kaliwang banda ba
o baka sa kanang banda
ibabaw o ilalim pa

iisa yaong larawan
iba-iba ang ugnayan
at pagpapaliwanagan
ganito'y ating asahan

kayraming naiilusyon
kayraming interpretasyon
kayrami ding eksplanasyon
iisa lang pala iyon

isip, isip, at magsuri
iba-iba, sari-sari
tayo kaya'y maunsyami
sa ating mga nalimi



iisa ang litrato
kuneho ba o pato
iba't ibang anggulo
ano ang nakita mo


nakikita mo ba'y matanda
o ang babaeng nakalinga
larawang ilusyon ang likha
dalawa ngunit isang mukha

Sa Kadimlan

SA KADIMLAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

iyan ba ang langit? bakit kulay itim
dahil walang ilaw, gabi na't madilim
may itinatago nga ba iyang lihim
na bawal pagmasdan, nakaririmarim
di ko alam, iyan ba'y gabi ng lagim
datapwat sa isang panahong kulimlim
may bulaklak doong kaysarap masimsim
bininhian siya't dapat makalimlim
dahil magandang tiyak ang naitanim
siyang pinangarap, isang mutyang dilim
na isip at puso'y payapa't kaylalim
pawang kabutihan sa loob ay kimkim

Sabado, Agosto 25, 2012

Panliligaw


PANLILIGAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

naglalambing ang mga kataga
nagbabakasakali ang diwa
ang puso ko ba'y may puwang diyan
o pagkasawi ang hahantungan

naglalambing ang mga salita
humahalakhak at sumisipa
maari bang ipiit mo riyan
sa puso ang aking kabuuan

ako ba'y estrangherong kuhila
di ba malayong isumpa
kahit tapat ang aking hangarin
iwing puso ba'y di mo diringgin

diyosa ka ng kabuuan ko
hintay ko ang matamis mong oo

Biyernes, Agosto 24, 2012

Ang dalagang nayon

ANG DALAGANG NAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Aking liligawan ang magandang dalagang nayon
Na minsan kong nakilala sa isang pagtitipon
Ganda niya'y kumintal sa puso't diwa ko noon
Diwata siya ng kariktan magpahanggang ngayon

Ako'y binatang lungsod mang pinangarap ang mutya
Liligaw akong laksang karibal ang dumidiga
Ang pangarap ko'y siya't puso ko'y kanyang tinudla
Gagawin ko ang lahat upang siya'y di lumuha

Aanhin ko lahat ng yaman kung walang pag-ibig
Na matanaw ko lang ang sinta ako'y nanginginig
Gulo ang isip ko, baka may ibang makadaig
Na kung mangyayari, puso'y mawawalan ng pintig

Aking diwata, dalagang nayon na anong rikit
Yaring puso ko'y iyong-iyo na't iyong mabitbit
O, sinta, ngalan mo ang aking sinasambit-sambit 
Na alay ko sa iyo'y buwan, bituin, at langit

Masasabi kong inibig din kita, aking sinta

Masasabi kong inibig din kita, aking sinta
Ikaw ang aking inspirasyon bilang aktibista
Kahit palagi tayong naroroon sa kalsada
At kasama'y uring manggagawa't nakikibaka
Edukasyon at ahitasyon ay ating gawain
Lumalaban, nag-oorganisa, may adhikain
Ang pagpopropaganda naman ang aking tungkulin
Gusto nating bulok na sistema'y palitan natin
Agapay natin ang bawat isa sa tinatakbo
Ng pakikibakang itong di makapa ang dulo
Dahil aktibista tayong nagnanais manalo
At sa buhay natin ay makitang tagumpay tayo!
- gregbituinjr.

Sa Inang Bayan, salin ng tula ni Gat Emilio Jacinto

SA INANG BAYAN (A LA PATRIA)
tula ni Gat Emilio Jacinto
nakasulat ng orihinal sa Espanyol
na nasa aklat na Rebolusyon(g 1896) ni Virgilio S. Almario

Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod

I.

Mabuhay ka, tinubuang lupa / higit saanman, kita'y sinamba
na ang yaman mo'y napakarami't / kalikasan ay pinagpala ka
edeng kaybabango ng bulaklak / kumpara sa ibang harding tunay
kaygagandang kulay, sumisilay, / langit ay pininta ng liwayway
na yaong makata'y nangagitla't / tila nananaginip kung saan.

II.

Mabuhay ang nakabibighaning / mutya, ang mahal kong Pilipinas
Venus sa ganda'y kaakit-akit, / walang kaparis, bayan kong mahal
lupain ng liwanag at kulay, / tula, halimuyak at ligaya
lupain ng bungang kaysasarap / at matamis na pagkakaisa
marahang inuugoy ng hangin, / dinuduyan ng alon sa laot.

III.

Kayhalaga't nagliliwanag kang / perlas ng Dagat ng Silanganan
paraisong natatag sa kinang / niring ating nagbabagang araw
anong rubdob kitang binabati / at masigasig na sinasamba
aking diwa'y inalay sa iyo, / na marubdob niyang ninanasa
makita kang walang anong pait / at pang-aalipin ng Kastila.

IV.

Sa kabila ng kasuotan mo, / umungol kang nakatanikala
na ang pinakamahalaga pa / - ang kalayaan, yaon ang wala
na upang maibsan, aking bayan, / ang pagdurusa mo't kalungkutan
buhay ko'y buong iniaalay, / dugo ko ma'y sumirit sa ugat
sa huling patak man sa kawalan / ay mapahimlay sa walang hanggan. 

V.

Anong iyo'y katarungang dapat / o kaya'y likas na karapatan
o wala kundi pawang mababaw / na salita't pulos pang-uuyam
katarunga'y para bang halimaw / sa anong lungkot mong kalagayan
alipin ka, gayong marapat kang / alayan ng putong bilang Mutya
pinasasaya ang malulupit, / pinagmamalupitan ka naman.

VI.

Anong matutulong nito, bayan, / na nakayukod sa kasawian
gayong yaong sapiro mong langit / ay maliwanag, kaakit-akit
na sa buwan mong animo'y pilak / ang sa karikta'y di mapantayan
ano bang silbi nito kung ikaw'y  / may himutok sa pagkaalipin
na sa loob ng apat na siglo'y / patuloy kang nasa dusa't hirap.

VII.

Anong silbing mga bulaklak mo'y / tinatabingan ang mga bukirin
matatamis na huni ng ibon / na sa gubat mo'y nauulinig
kung ang kanyang huni't halimuyak / ay dinadala man din ng hangin
na doon sa mga pakpak nila'y / may dalang hikbi't pait na impit
na nananaig sa iwing diwa't / ang tao'y sadyang napapaisip.

VIII.

Anong buting idudulot niyan, / perlas ng basal mong kagandahan
pinakinang mo sa kaputian / yaong yaman ng buong silangan
kung ang lahat ng iyong kariktan / kung ang buo mong kagandahan
ay iginapos sa mga bakal / na walang makapantay sa tigas
ang maniniil ba'y na tuwang-tuwa / sa kaaba-aba mong lagay?

IX.

Anong pakinabang ng lupain mong / kasaganaa'y walang kaparis
na ibinubunga'y masaganang / prutas na kaysarap at kayrami
kung sa wakas may masisilungang / ipinagkaloob niyong langit
ay ipinahayag at inangkin / ng mga Kastilang salanggapang
karapatan lang nila ang batid, / inaring may kalapastanganan.

X.

Sa dulo'y tatahimik ang lahat / at titiisin ang katandaan
na dumating na rin ang panahon / na ikaw na nga'y ipaglalaban
upang durugin ng walang awa't / walang takot ang sukabang ahas
na nilason ng kanyang kamandag / ang iyong kaaba-abang buhay
O, bayan ko, naririto kami, / sa iyo'y handa kaming mamatay.

XI.

Ang mga minamahal na ina / at asawang pinakasisinta
anak mang kapiraso ng puso't / kapara rin ay tipak ng diwa
upang ipagtanggol ang layon mo'y / iniiwan namin ang lahat
yaring pag-asa't aming pag-ibig: / ang kaligayahang aming hangad
lahat ng aming sintang pangarap, / lahat-lahat ng aming tagimpan.

XII.

Sa buong kapuluan, bayani'y / nagbibigay-liwanag sa atin,
pagsinta'y nag-aalab sa bayan, / may ningning sa bawat kabutihan,
masigasig makibaka't tanging / makagagapi'y ang kamatayan
na kahit mangamatay pa sila'y / bibigkasin ang banal mong ngalan
Bayang mahal, ligaya mo'y hangad / hanggang sa huli nilang hininga.

XIII.

Kayrami ng bituin sa langit, / libu-libong bayaning magiting
nahimlay sa dambana mong banal / na buhay nila'y kusang inalay
at nang marinig mo ang labanan. / kasuklam-suklam na sagupaan
sa langit ay umusal nang taos / ang inyong anak, ang matatanda,
at kababaihan, inaasam / na sa ating hukbo ang tagumpay.

XIV.

At sa gitna ng pagmamalupit / at di masabing pagpapahirap
nang dahil umiibig sa iyo'y / tanging kabutihan mo ang pita 
nagdusa'y di mabilang na martir, / higit sa dalisay nilang diwa
pinagpapala ka nila kahit / sa gitna ng dalamhati't pait
at kung tuluyan silang mamatay, / bayan ay sadyang napakapalad.

XV.

Anong halaga kung daan-daan, / libu-libong anak mo'y naglaho
sa di patas na pakikibaka, / sa matinding pagtutunggalian
at kanilang dugo'y nagsidaloy / na animo'y isang karagatan
anong halaga ng pagtatanggol / sa iyo't sa lupa  mong tahanan
kung mapahamak sila sa laban / nakamamatay na kapalaran.

XVI. 

Munting bagay kung ipapatapon / tayo't dumanas ng bilangguan
o mala-impyernong pagdurusa, / na may poot na sadyang kaybagsik
tungo roon sa dambanang banal / na sa ating puso'y nakaukit
sama-sama ka naming tinaas / nang walang bahid ng kahalingan
na sumumpa sa ating layunin / at itinataya yaring dangal.

XVII.

At kung sa dulo man ng labanan / ay may mga lawrel ng tagumpay,
at ang gawa nati't sakripisyo'y / puputungan ng magandang palad
mga susunod na salinlahi'y / tiyak na aalalahanin ka
bilang mutya ng pulong malaya, / mutyang dalisay at walang dungis
at ikaw ay hahangaang sadya / ng lahat ng tao sa daigdig.

XVIII.

Sa kalangitan mong nagniningning / ay muling sisikat ang liwanag
ng bagong araw ng kalayaan, / pagsinta, pati kasaganaan
at sa mga nabulid sa dilim, / sa gabing pusikit ay lumaban
huwag hayaang malimot yaong / puntod nilang kaylamig at payak
para sa iyong kaligayahan, / sila'y maligaya nang hihimlay.

XIX.

At kung yaong putong ng tagumpay / sakali'y maagaw ng Kastila
at sakaling sa pabagu-bagong / kapalaran, ikaw ay talikdan
di na mahalaga, bawat isa'y / ituturing na magkakapatid
laya'y laging may tagabandila / habang may maniniil pang buhay
angpaniwala'y di maglalaho, / habang tumitibok pa ang puso.

XX.

Ang pagkilos ay magpapatuloy / sakali mang dito'y tumahimik
bago unos ay payapa muna / saka mamumuo yaong sigwa
at sa mas bunyi mang katatagan / patuloy ang masinop na gawa
at pagbaka'y sisimulang muli / nang mas masigasig at malakas
makikibaka hanggang magwagi, / hanggang sa matuyo yaring luha.

XXI.

Bayang natatangi't minamahal, / na habang lumbay mo'y lumalago
lumalago rin yaring pag-ibig, / lalo ang tangi mong pagmamahal
huwag kang mawalan ng pag-asa, / maging sugat mo ma'y nakabuka
patuloy na aagos ang dugo / habang may nabubuhay sa amin
ay di ka namin malilimutan, / di kailanman, di kailanman!

Talasalitaan:
tagimpan - ilusion, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1202
kahalingan - pasion, mula sa English-Tagalog Dictionary, ni Leo James English, pahina 719

.
.
.

A LA PATRIA
Poem by Gat Emilio Jacinto

I

¡Salve, oh patria, que adoro, amor de mis amores,
que Natura de tantos tesoros prodigó;
vergel do son más suaves y gentiles las flores,
donde el alba se asoma con más bellos colores,
donde el poeta contempla delicias que soñó!

II

¡Salve, oh reina de encantos, Filipinas querida,
resplandeciente Venus, tierra amada y sin par:
región de luz, colores, poesía, fragancias, vida,
región de ricos frutos y de armonías, mecida
por la brisa y los dulces murmullos de la mar!

III

Preciosísima y blanca perla del mar de Oriente,
edén esplendoroso de refulgente sol:
yo te saludo ansioso, y adoración ardiente
te rinde el alma mía, que es su deseo vehemente
verte sin amarguras, sin el yugo español.

IV

En medio de tus galas, gimes entre cadenas;
la libertad lo es todo y estás sin libertad;
para aliviar, oh patria, tu padecer, tus penas,
gustoso diera toda la sangre de mis venas,
durmiera como duermen tantos la eternidad.

V

El justo inalienable derecho que te asiste
palabra vana es sólo, sarcasmo, burla cruel;
la justicia es quimera para tu suerte triste;
esclava, y sin embargo ser reina mereciste;
goces das al verdugo que en cambio te dá hiel.

VI

¿Y de qué sirve ¡ay, patria! triste, desventurada,
que sea límpido y puro tu cielo de zafir,
que tu luna se ostente con luz más argentada,
de que sirve, si en tanto lloras esclavizada,
si cuatro siglos hace que llevas de sufrir?

VII

¿De que sirve que cubran tus campos tantas flores,
que en tus selvas se oiga al pájaro trinar,
si el aire que trasporta sus cantos, sus olores,
en alas también lleva quejidos y clamores
que el alma sobrecogen y al hombre hacen pensar?

VIII

¿De qué sirve que, perla de virginal pureza,
luzcas en tu blancura la riqueza oriental,
si toda tu hermosura, si toda tu belleza,
en mortíferos hierros de sin igual dureza
engastan los tiranos, gozándose en tu mal?

IX

¿De qué sirve que asombre tu exuberante suelo,
produciendo sabrosos frutos y frutos mil,
si al fin cuanto cobija tu esplendoroso cielo
el hispano declara que es suyo y sin recelo
su derecho proclama con insolencia vil?

X

Mas el silencio acaba y la senil paciencia,
que la hora ya ha sonada de combatir por ti.
Para aplastar sin miedo, de frente, sin clemencia,
la sierpe que envenena tu mísera existencia,
arrastrando la muerte, nos tienes, patria, aquí.

XI

La madre idolatrada, la esposa que adoramos,
el hijo que es pedazo de nuestro corazón,
por defender tu causa todo lo abandonamos:
esperanzas y amores, la dicha que anhelamos,
todos nuestros ensueños, toda nuestra ilusión.

XII

Surgen de todas partes los héroes por encanto,
en sacro amor ardiendo, radiantes de virtud;
hasta morir no cejan, y espiran. Entre tanto
que fervientes pronuncian, patria, tu nombre santo;
su último aliento exhalan deseándote salud.

XIII

Y así, cual las estrellas del cielo numerosas,
por tí se sacrifican mil vidas sin dolor:
y al oir de los combates las cargas horrorosas
rogando porque vuelvan tus huestes victoriosas
oran niños, mujeres y ancianos con fervor.

XIV

Con saña que horroriza, indecibles torturas,–
porque tanto te amaron y desearon tu bien,–
cuantos mártires sufren; más en sus almas puras
te bendicen en medio de angustias y amarguras
y, si les dan la muerte, bendicente también.

XV

No importa que sucumban a cientos, a millones,
tus hijos en lucha tremenda y desigual
y su preciosa sangre se vierta y forme mares:
no importa, si defienden a tí y a sus hogares,
si por luchar perecen, su destino fatal.

XVI

No importa que suframos destierros y prisiones,
tormentos infernales con salvaje furor;
ante el altar sagrado que en nuestras corazones
juntos te hemos alzado, sin mancha de pasiones,
juramentos te hicieron el alma y el honor.

XVII

Si al terminar la lucha con laureles de gloria
nuestra obra y sacrificios corona el triunfo al fin,
las edades futuras harán de tí memoria;
y reina de esplendores, sin manchas ya ni escoria,
te admirarán los pueblos del mundo en el confín.

XVIII

Ya en tu cielo brillando el claro y nuevo día,
respirando venturas, amor y libertad,
de los que caído hubieren en la noche sombría
no te olvides, que aun bajo la humilde tumba fría
se sentirán felices por tu felicidad.

XIX

Pero si la victoria favorece al hispano
y adversa te es la suerte en la actual ocasión,
no importa: seguiremos llamándonos “hermano”,
que habrá libertadores mientras haya tirano,
la fé vivirá mientras palpite el corazón.

XX

Y la labor penosa en la calma aparente
que al huracán precede y volverá a bramar,
con la tarea siguiendo más firme, más prudente,
provocará otra lucha aun más tenaz y ardiente
hasta que consigamos tus lágrimas secar.

XXI

¡Oh patria idolatrada, cuanto más afligida
y angustiada te vemos te amamos más y más:
no pierdas la esperanza; de la profunda herida
siempre brotará sangre, mientras tengamos vida,
nunca te olvidaremos: ¡jamás, jamás, jamás!

Paano kaya nais likhain ng aking musa ang isang paksa (Soneto 38)

Paano kaya nais likhain ng aking musa ang isang paksa (Soneto 38)
ni William Shakespeare
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod

Paano kaya nais likhain / ng aking musa ang isang paksa
Na habang ikaw ay humihinga, /  sa tula ko'y bumubuhos iyon
Sarili mong katwira'y kaytamis, / iyon ba'y napakahusay sadya
Sa bawat lantarang kasulatang / sa pagsasanay ay nakatuon?
O! kahit man lang para sa akin, / sarili'y bigyan mong pasalamat
Tindigan ang dapat na pagbasa / laban sa iyong napagmamasid;
Dapwa't sinong di makasalita / na sa iyo'y di makasusulat,
Kailan sa sarili'y maalwang / malikha ang mga nababatid?
Ika'y maging ikasampung Musa, / higit sampung ulit ang halaga
Kaysa sa siyam pang matatandang / sinasamba ng mananaludtod;
At siyang tumatawag sa iyo, / ay hayaan siyang dalhin niya
Ang mga numerong walang hanggan / nang mahahabang petsa'y malunod.
Kung munti kong musa'y nalulugod / sa kakaibang araw na iwi
Sa akin na ang anumang sakit, / habang sa iyo yaong papuri.

Ang Payo kay Spiderman


ANG PAYO KAY SPIDERMAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Dr. Otto Octavius to Peter Parker in Spiderman II (2004): "If you want to get a woman to fall in love with you, feed her poetry."

payo ni Doctor Octavius kay Peter Parker
alayan ng tula ang dalagang iniibig
karibal mo ma’y mayaman, burgis, nasa poder
maipapanalo rin yaong pusong dinilig

ng mga tulang wagas, puno ng katapatan
bigkasing binhi sa binibining binibihag
bawat kataga’y sadyang pataba sa halaman
diliging panay, araw-gabi, saksi ma’y buwan

payapang puso'y nasa larang ng digma't lintik
kaytindi ng kapangyarihan niyang pag-ibig
kaya pagbutihin ang lalamnin ng panitik
dahil gantimpala sa nagwagi'y ang kaniig

pag-igihin ang pagpili ng tamang salita
huwag lamang maging buladas ng sinungaling
pagkat ang tula’y tulad ng isang panunumpa
winiwika’y di sugat sa pusong nilalambing


Miyerkules, Agosto 22, 2012

Saturnino Fabros, Ehemplo ng Kahinahunan


SATURNINO FABROS, EHEMPLO NG KAHINAHUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ngayon, isa na namang siga ng lansangan
ang nagpakita ng pangit na kaasalan
mabuti't walang baril, siya'y nanapak lang
ang sinapak, pinakita'y kahinahunan

ang traffic enforcer, si saturnino fabros
ulo'y malamig sa gitna ng pambabastos
sa kanya ng mayamang sa isip ay kapos
pagkatao niya'y sinagasa ng unos

sinapok sa panga ng mayabang na praning
di pumalag, mga anak ang nagtumining
anim na anak ay baka walang makain
kahit pagkatao niya'y nilagyang dusing

ngunit sa aming mga nakabatid nito
pagpupugay po sa pagkamahinahon mo
sa gitna na buhay mo'y nasa delikado
naging matatag ka sa gitna ng perwisyo

wala man sa minimum wage ang iyong sahod
pinagtiiisang parang kalabaw ang kayod
ehemplo ka ng katatagan, may gulugod
naging tapat sa tungkulin, di nanikluhod

salamat po sa iyo, isa kang ehemplo
ng katatagang dapat taglayin ng tao
sana’y di na maulit ang nangyaring ito
dangal ng ating kapwa'y dapat irespeto

Sa Pagkatha't Pagkain


SA PAGKATHA'T PAGKAIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
18 pantig bawat taludtod

huwag muna akong / pakikialamang / tawaging kumain
lalo't sa panahong / kumakatha ako'y / huwag abalahin

mahalaga'y huwag / mawala ang mga / katagang naisin
kaya pasensya na / kung di muna kita / agad pinapansin

ayoko lamang na / sa bawat pagkatha / ako'y nabibitin
pagkat parirala't / salitang mawala'y / kayhirap isipin

may panahon naman / huwag mag-alala't / ako ri'y kakain
maraming salamat / sa pag-aalala't / ako'y patawarin

Martes, Agosto 21, 2012

Tulad ng Mata ng Alamid

TULAD NG MATA NG ALAMID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

habang kalagayan ng masa'y namamasid
nakita ko tulad ng mata ng alamid
kung gaano kalinaw sila'y nabubulid
sa laksang kahirapang tunay ngang balakid

kitang-kita ng mata ang katotohanang
tunay na sa bansang ito'y may kaunlaran
ngunit ang yumayaman lamang ay iilan
habang buhay ng mayorya'y di umaalwan

nakitang malinaw ngunit kung di sinuri
di mababatid ang tunggalian ng uri
na sa kapitalismo'y uso pa ang hari
na ang pagbagsak nito'y di minamadali

pagmasdan mong maigi ang kapaligiran
bumabaha sa merkado ang kaunlaran
pagmasdan mo naman ang iyong kababayan
hirap at dusa'y bumaha sa kalunsuran

huwag magbulag-bulagan yaong may mata
sa mga nakita'y huwag basta magtaka
suriin kung bakit ganito ang problema
at bakit kinakailangang kumilos na