ANG DALAGANG NAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
Aking liligawan ang magandang dalagang nayon
Na minsan kong nakilala sa isang pagtitipon
Ganda niya'y kumintal sa puso't diwa ko noon
Diwata siya ng kariktan magpahanggang ngayon
Ako'y binatang lungsod mang pinangarap ang mutya
Liligaw akong laksang karibal ang dumidiga
Ang pangarap ko'y siya't puso ko'y kanyang tinudla
Gagawin ko ang lahat upang siya'y di lumuha
Aanhin ko lahat ng yaman kung walang pag-ibig
Na matanaw ko lang ang sinta ako'y nanginginig
Gulo ang isip ko, baka may ibang makadaig
Na kung mangyayari, puso'y mawawalan ng pintig
Aking diwata, dalagang nayon na anong rikit
Yaring puso ko'y iyong-iyo na't iyong mabitbit
O, sinta, ngalan mo ang aking sinasambit-sambit
Na alay ko sa iyo'y buwan, bituin, at langit
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento