Martes, Agosto 21, 2012

Tulad ng Mata ng Alamid

TULAD NG MATA NG ALAMID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

habang kalagayan ng masa'y namamasid
nakita ko tulad ng mata ng alamid
kung gaano kalinaw sila'y nabubulid
sa laksang kahirapang tunay ngang balakid

kitang-kita ng mata ang katotohanang
tunay na sa bansang ito'y may kaunlaran
ngunit ang yumayaman lamang ay iilan
habang buhay ng mayorya'y di umaalwan

nakitang malinaw ngunit kung di sinuri
di mababatid ang tunggalian ng uri
na sa kapitalismo'y uso pa ang hari
na ang pagbagsak nito'y di minamadali

pagmasdan mong maigi ang kapaligiran
bumabaha sa merkado ang kaunlaran
pagmasdan mo naman ang iyong kababayan
hirap at dusa'y bumaha sa kalunsuran

huwag magbulag-bulagan yaong may mata
sa mga nakita'y huwag basta magtaka
suriin kung bakit ganito ang problema
at bakit kinakailangang kumilos na

Walang komento: