Linggo, Hunyo 15, 2014

Kapara ko'y binhing sa putik ibinaon

KAPARA KO'Y BINHING SA PUTIK IBINAON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kapara ko'y binhing sa putik ibinaon
na hanap ay liwanag sa pagkatilapon
ako'y nakikibaka sa bawat maghapon
at mamumunga ito sa takdang panahon

naiwasan ko ang ahas na makamandag
tuloy ang pagkilos sa maghapo't magdamag
sa akin pa'y hinarap ay kaygandang dilag
prinsipyo ko'y tinanganan, di napalaspag

binhi akong sa putik biglang nagkabuhay
sumuloy ang ugat sa katawang nahimlay
tinubuan ng dahon, sanga't gintong uhay
dagta ko'y pasalubong sa bukangliwayway

tulad ko ma'y binhing napalibing sa putik
daan-daanan man ng sangkaterbang hantik
nabuhay ako't lumagong may bungang hitik
habang hustisya't katwiran ang nasa't hibik

1 komento:

Politically Motivated ayon kay ...

Maraming mga binhing naisaboy sa putik, ang iba nangawala na lang talaga...ang iba dinagit na lang ng kung ano.. napakagandang tula nila nito... ramdam ko ang sustansiya..