Sabado, Oktubre 31, 2009

Buod ng Komunismo

BUOD NG KOMUNISMO
ni greg bituin jr.

minsan, itong si Karl Marx ay nangusap
ng isang aral ng budhi
mabubuod sa isang pangungusap
ang kaisipan ng uri
nararapat lang wasakin ng ganap
ang pribadong pag-aari

Ondoy-Ondas - Panalangin ng Masa

ONDOY-ONDAS
MUNTING PANALANGIN
PLM-QC, ALMA-QC

Brgy. Bagong Silangan,QC
Oktubre 31, 2009

TUGON:
Gunitain natin ang mga namatay
Sa bagyong Ondoy na nagbigay ng lumbay
Pagkat lahat sila'y mahal nating tunay

TAGAPAGSALITA:
Gunitain natin ang mga kapatid
Na namatay dahil sa bagyong kaylupit
Si Ondoy ba'y anong mensahe ang hatid
Na ang gobyerno'y may sistemang kaykitid?
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Marami sa aming mga maralita
Panay ang trabaho, di makaugaga
At nananatili pa rin kaming dukha
Hanggang bagyong Ondoy kami'y sinagasa
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Sana'y di na muling maulit pa ito
Dahil ang gobyerno'y handa sa delubyo
Sana'y wala na muling mamatay rito
Dahil sa kapabayaan nitong gobyerno
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Ligtas na pabahay itong nais namin
Pati hanapbuhay upang may makain
Bagong pamumuhay sana'y ating kamtin
Mga kahilingang ito'y sana'y dinggin
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Hiling lang namin ay aming karapatan
Na tingin namin ay makatarungan lang
Nawa itong munting hiling ay pagbigyan
Upang buhay namin ay gumaan-gaan
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Kamatayan nilang aming minamahal
Sa ngayon ay aming ipinagdarasal
Sana'y maibalik ang nawalang dangal
At bagong buhay sa aming napapagal
TUGON:

Biyernes, Oktubre 30, 2009

Nawa'y di mo ako iniiwasan

NAWA'Y DI MO AKO INIIWASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

napapansin ko lang, bakit mo ako iniiwasan
iniisip mo bang ikaw'y aking pinaglalaruan
gayong sa iyo, ako'y talagang seryoso naman
pagkat ikaw lamang ang mahal ko sa kaibuturan

mahal ko, nawa'y di mo naman ako iniiwasan
pagkat pag nangyari iyon, ako'y sadyang masasaktan
mahal kita, tanging ikaw lang, iyo sanang tandaan
sa puso ko'y nakaukit ka na't di malilimutan

Mga Basang Larawan

MGA BASANG LARAWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

naglulutangan ang mga larawan
alaala ng kahapong nagdaan
palutang-lutang doon sa kawalan
sa bahay na naging dalampasigan

pagkat tahana'y nilubog sa baha
nang manalasa ang Ondoy na sigwa
mga kagamitan ay nangabasa
lalo'y larawang halos mangasira

kaya yaong album ng minamahal
na sinikap tipunin nang kaytagal
ngayon alaalang nasa imburnal
ng kawalang tila nagpatiwakal

isa-isahin nating patuyuin
mga basang larawan ay ibitin
mga gunita itong lalambitin
sa alaala ng pagsinta natin

Dasal sa mga Aktibistang Yumao

DASAL SA MGA AKTIBISTANG YUMAO
(Isinagawa sa Plaza Miranda, Quiapo, Manila, Oktubre 30, 2009. Dumalo rito ang PAHRA, KPML, TFD, SDK, Balay, Youth for Rights, atbp.)

TUGON:
Ipagdasal natin at ipagbunyi
Ang kaluluwa ng mga bayani

TAGAPAGSALITA:
Kayraming aktibistang nakibaka
Para sa pagbabago ng sistema
Isinakripisyo ang buhay nila
Para ang bukas natin ay gumanda
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Maraming dinukot na aktibista
Na hanggang ngayon di pa nakikita
Gayong ang tanging kasalanan nila
Ay palayain ang masa sa dusa
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Kayrami ring aktibistang pinaslang
Ng mga taong kaluluwa'y halang
Sa ilog katawa'y lulutang-lutang
Dignidad ng tao ang niyurakan
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Taas-noo silang nakikibaka
At nagsakripisyo para sa kapwa
Ibinigay nila'y lahat-lahat na
Nang lumaya sa bulok na sistema
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Kayraming bayaning nagsakripisyo
Para sa kinabukasan ng tao
At sa kapakanan ng bansang ito
Sila’y dapat kilalaning totoo
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Ipagbunyi yaong mga bayani
Silang sa bulok na sistema'y saksi
At kasama natin noon sa rali
Pagkat nakibaka silang kaytindi
TUGON:

Huwebes, Oktubre 29, 2009

Rehistro sa Huling Araw

REHISTRO SA HULING ARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

hoy, magparehistro na kayo
para sa halalan sa Mayo
karapatan nyong makaboto
kaya huwag sayangin ito

comelec ay agad puntahan
para sa inyong karapatan
pagpaparehistro'y agahan
nang di matrapik sa pilahan

kayhaba ng laang panahon
sa magpaparehistro doon
ngunit ayaw kumilos noon
kaya apurahan na ngayon

nais na sa huling araw pa
magpaparehistro't pipila
pinoy kasi kaya ang nasa
ay laging sa huling araw na

mahilig sila sa last minute
kaya nagkakasabit-sabit
ang tangi ko lang masasambit
sana'y di na ito maulit

Malinis, Mabilis, Matulis

MALINIS, MABILIS, MATULIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

sadyang idolo ko siya
kaygaling niyang artista
akin siyang ginagaya
at nang mahawa sa kanya

kilala sa kalinisan
ng kanyang pangangatawan
kaybango ng kasuotan
tila ayaw maputikan

siya rin nama'y kaybilis
para bang humahagibis
at magara pa ang bihis
tila siya'y walang mintis

ngunit siya'y kaytulis din
pag nakakita ng birhen
agad niyang susugurin
yaong dalagang ligawin

sagana siya sa porma
pag kaharap ay dalaga
palibhasa ay artista
puso'y laging nakatawa

kahit na ang kanyang puso
ay panay ang pagdurugo
kaygaling niyang magtago
ng problemang hindi biro

Mag-ingat sa Aso, Mag-ingat sa Amo

MAG-INGAT SA ASO, MAG-INGAT SA AMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

I

Kayraming karatula dito
Sa mga dinadaanan ko
Pawang paalala sa tao
Tulad ng "Mag-ingat sa aso!"
Dagdag ko'y "Mag-ingat sa amo!"

II

Pag-ingatan mo, kaibigan
Ang pagpasok sa tarangkahan
Ng iyong bagong kaibigan
Dahil baka may aso riyan
At bigla ka niyang masagpang

Kaytindi pa naman ng rabis
Ng asong bubungi-bungisngis
Tila ba laman mo'y kaytamis
Handa ang pangil na kaytulis
Ingat ka sa aso't umalis

III

Manggagawa, mag-ingat kayo
Pagpasok sa trabahong ito
Pagkat kaybabagsik ng amo
Kakarampot na nga ang sweldo
Nilalait pa ang obrero

Amo'y laging nakabungisngis
Isip ay sariling interes
Naglalaway sa tubong labis
Mula sa obrerong nagpawis
Among ito'y nakakainis

IV

Mag-ingat sa aso't sa amo
Baka sagpangin kayo nito
Kaybabait pag kaharap mo
Ngunit pag nagalit sa iyo
Sira pala'ng kanilang ulo

Ang turing sa tulad mo'y ipis
Ng amo mo't asong may rabis
Na pareho ngang mababangis
Bago sila sa'yo'y mainis
Mabuti pang ikaw'y umalis

Nasa sa Mabuting Mamuno

NASA SA MABUTING MAMUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Wala umanong dapat partido
Sinumang nagnanais tumakbo
Lalo na't nais maging pangulo
At mamahala sa bansang ito

Dahil walang magagawa siya
Kung sa partido'y nakakadena
Ang kanyang diwa, kamay at paa
Busal sa bibig, piring ang mata

Ang partido niya'y taumbayan
At di partido ng mayayaman
Upang magawa ang kagustuhan
Ng nakararaming mamamayan

Yaong may matatag na prinsipyo
Ang nais naming maging pangulo
Puso't diwa niya'y nasa tao
At nasa nakararaming obrero

Kung Bakit Mahal Ko Siya

KUNG BAKIT MAHAL KO SIYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

mahal ko siya pagkat siya'y siya
mahal ko'y buong pagkatao niya
mahal ko siya sino pa man siya
sa puso ko, siya ang nag-iisa

minahal ko ang kanyang nakaraan
pati na ang kanyang kasalukuyan
hinaharap ay bubuuin naman
naming dalawang may pag-iibigan

mahal ko siya kahit di donselya
kahit pa siya'y matandang dalaga
ilalaban ko ang pag-ibig niya
nang habambuhay siyang makasama

walang iwanan ang aking pangako
pagkat nakaukit siya sa puso
ngunit sana puso ko'y di magdugo
pagkat mahal ko siyang buong-buo

mahal ko siya dahil siya'y siya
mahal ko ang lahat-lahat sa kanya
mahal kong talaga si Miss Maganda
pagkat sa puso'y inukit ko siya

siya'y mahal pagkat siya'y pag-ibig
siyang tangi kong nais makaniig
pag-ibig sana'y tuluyang lumawig
at sa kabigua'y di palulupig

Oda sa isang matandang dalaga

ODA SA ISANG MATANDANG DALAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Marahil kaysarap magmahal ng matandang dalaga
Kaysa isang mataray at magandang donselya
Dahil masarap daw umibig yaong luma na
Kaysa sa larangan ng pag-ibig ay bago pa

Ngunit bakit umabot ang matandang dalaga
Sa edad niyang yaon, dahil ba pangit siya
O maganda siya ngunit napakasuplada
O kaya nama’y sobra ang pagkabungangera

May kakilala nga akong matandang dalaga
Lagpas na sa kalendaryo ngunit di kwarenta
Di naman kami magkalayo ng edad niya
At kahit noon pa man, minahal ko na siya

Matanda mang dalaga, siya pa ri’y maganda
At sa wari ko’y nababagay kaming dalawa
Ngunit paano pasasagutin itong sinta
Kung ako’y isa lang dukha’t laging walang pera

Ngunit tiyak sumasagi sa isipan niya
Na sana sa kanya’y may nagmamahal ding iba
Kaya ako’y narito pa’t di nag-aasawa
Bakasakaling mapagtagumpayan ko siya

Ngunit sadyang kayraming naiinis sa kanya
Dahil siya raw ay may ugaling bungangera
Baka kaya ganoon, naiinis na siya
Sa buhay niyang wala sa kanyang sumisinta

Ngunit sa pandinig ko tinig niya’y musika
Tila anghel ang sa paligid ko’y kumakanta
Hinahanap-hanap kong lagi ang boses niya
Na kaysarap pakinggan at nakakahalina

Sa bawat araw nga, makita ko lamang siya
Ay talaga namang ang puso ko’y maligaya
Paano pa kaya pag siya na’y nakasama
Aba’y habambuhay akong magiging masaya

Wala akong pakialam, di pinoproblema
Kung siyang mahal ko’y donselya pa o gamit na
Ang mahalaga siya’y aking makakasama
Pagkat para sa akin siya’y isang diyosa

Laging nasa panaginip ang larawan niya
Diwa ko’y dinadalaw ng matandang dalaga
Tila nangangarap ako kahit mag-umaga
At nasa paraiso pag siya’y naalala

Tibok agad ang puso ko pag siya’y nakita
At nauumid ako pag kaharap na siya
Napapatunganga na lamang sa kanyang ganda
Marahil dahil lagi ko siyang sinasamba

Ako’y nagtitino pagkat inspirasyon siya
Ganado ako pag siya’y laging nakikita
Pagsisikap ko’y tanda ng pag-ibig sa kanya
Matamis niyang OO’y pangarap kong talaga

Marami ngang tula ko’y alay kay Miss Maganda
O, kayganda niya kahit matandang dalaga
Ang pag-ibig nga ay paglaya, o aking sinta
Kupkupin mo na itong puso kong nagdurusa

Damdamin ko’y sa iyo na, matandang dalaga
Dito sa diwa ko’t puso’y inukit na kita
Iniluluhog kong pag-ibig, tanggapin mo na
Dahil baka ako’y mamatay pag nawala ka

Miyerkules, Oktubre 28, 2009

Si Pia Montalban


SI PIA MONTALBAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sa Kamayan sa Edsa kami unang nagkita
hinanap niya ako dahil kay Che Guevara
pagkat isinalin ko ang kay Cheng mga obra
sa wikang Filipino't isinaaklat ko pa

at sa grupo sa email ay aking inanunsyo
nabasa ni Pia na aking isinalibro
doon nagsimula ang pagkakilalang ito
matabil, matalino, marami siyang kwento

hanggang samahan siya sa ilang lakad niya
kaysarap makasama ng magandang si Pia
di mo pagsasawaang pagmasdan sa tuwina
siya'y bunso sa tatlo, isang dalagang ina

alagad ng simbahan kaya pala kaybait
para ba siyang anghel na hulog nitong langit
magaling na makata, bawat tula'y malagkit
tila hinihila ka upang basahing pilit

sa rali sa Makati si Pia'y naisama
doon na nagsimula ang bagong buhay niya
hanggang sa kalaunan ay naging aktibista
at sa maraming rali'y nakasama ko siya

ngunit sa katagalan, nagkahiwalay kami
ng landas at sa iba na siya nabighani
nagsilang siyang muli nang malusog na beybi
may utol na si Jahred, bunso nila'y babae

nang malaon si Pia'y naging lingkod ng masa
doon sa kanayunan, kasama'y magsasaka
ako'y sa kalunsuran, manggagawa'y kasama
magkaiba ng landas, parehong aktibista

nababasa ko pa rin ang kanyang mga tula
sana'y nababasa pa niya ang aking katha
naisaaklat niya ang nakatagong diwa
di ko malilimutan ang magandang makata

* Kaarawan ni Pia, Oktubre 28, 2009

Pag-ibig, ikaw ang dahilan ng lahat ng ito

Pag-ibig, ikaw ang dahilan ng lahat ng ito
Ikaw ang sanhi kung bakit nagmamahal ang tao
At dahilan upang pangarap ang paraiso
Magmahalan ang bawat isa sinupaman tayo.

O, Pagsintang sadyang napakamakapangyarihan
Narito ang puso kong sa lakas mo'y umaasam
Tingnan mo ang paghihirap niring puso't titigan
At malasap ko nawa ang iyong kapangahasan.

Lagi kong iniisip na iwing puso'y madinig
Binibini kang pagsinta ko nawa'y maulinig
Asahan mong tutupdin ko anumang iyong ibig
Nawa'y dinggin mo lang ang nagsusumamo kong tinig.

- gregbituinjr.

Ako'y Isang Lagalag

AKO'Y ISANG LAGALAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

palaboy-laboy ako sa lansangan
kayhilig gumala kung saan-saan
ang lansangan na ang aking tahanan
ako'y isang lagalag kung turingan

manonood ng sine, magsasaya
o kaya'y pupuntahan ang barkada
at mag-iinom kami sa kanila
ang pulutan ay kwentong walang kwenta

sa iba kami'y pinandidirihan
di raw matino ang pinanggalingan
sa may kanto'y nagsisiga-sigaan
kami raw ay walang kinabukasan

paglalagalag ko'y di pinangarap
ito'y dala lang ng buhay sa hirap
kaya ako'y laging sisinghap-singhap
sa mundong kayrami ng mapagpanggap

ako'y lagalag at lagalag ako
ngunit nagpipilit magpakatao
may dignidad ka't may dignidad ako
kaya dapat magrespetuhan tayo

lagalag ako pagkat walang-wala
tanging kasalanan ko'y maging dukha
sana naman kayo'y makaunawa
lagalag ako ngunit di masama

Dagitab sa Diwang Kaydilim

DAGITAB SA DIWANG KAYDILIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ikaw yaong dagitab sa diwa kong kaydilim
ikaw rin ang kandila sa pusong naninindim
ikaw ang liwanag sa gabing tila may lagim
ikaw lang ang aalayan ng pagsintang lihim

tanging ikaw lang ang nasa aking salamisim
sa puso ko'y talagang mahal kitang taimtim
kaysarap mong titigan sa puno mang malilim
kaysarap mong kausap, isip mo ma'y kaylalim

pakakasalan kita sabay ng takimsilim
tayong dalawa'y gagawa ng supling na anim
pagkabigo sana'y di magdulot ng sagimsim
pagkat maisip lang ito'y di ko na maatim

sa iyo ko lang alay ang pag-ibig kong lihim
nawa'y dagitab kang lagi sa diwang kaydilim

Martes, Oktubre 27, 2009

Protesta ng mga Puno

PROTESTA NG MGA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

balak naming puno'y iprotesta kayo
pagkat kayo'y sadyang walang kwentang tao
pinatay nyo kaming unti-unti rito
kaya nadanas nyo ang mga delubyo

pinasok nyong pilit ang aming tahanan
at ginalugad ang buong kagubatan
sinibak nyo kami upang pagtubuan
ginawang mapanglaw ang aming tahanan

pinagpuputol nyo ang aming kapatid
mga kapwa puno habang kami'y umid
kayong mga tao'y pawang mga manhid
sa buhay na ito'y kayo ang balakid

ilan sa inyo ang sa delubyo'y saksi
at sino ang agad ninyong sinisisi
di ba't kalbong bundok, kalbong gubat, kami
kayong mga tao'y amin bang kakampi

pababayaan ba namin kayong tao
kahit itong gubat inyo nang kinalbo
wala kayong awa sa mga narito
ang dala nyo rito'y aming dyenosidyo

bakit kayong tao sa mundo'y nilalang
gayong ugali nyo'y pawang salanggapang
ang akala nyo ba kami'y nalilibang
sa mukha nyo gayong kayo'y mga hunghang

kailan pa kayo magpapakatino
at magkakaroon ng mabuting puso
tigilan nyo na ang pagpaslang ng puno
upang kalakalin at kayo'y tumubo

sa aming protesta kayo ang kawawa
di na masisipsip ang mga pagbaha
pagkat ang ginawa nyo'y kasumpa-sumpa
sa aming kapatid na puno at lupa

kaya nga bago pa mahuli ang lahat
ay inyong ayusin itong aming gubat
kahit ang ugnayan natin ay may lamat
pag ginawa'y agad ang aming salamat

ngunit kung ayaw nyong dinggin itong hiling
ay pababayaan na lang kayo namin
protesta na kami saan man abutin
kayong tao'y amin nang kakalabanin

Blakawt

BLAKAWT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

dumampi sa kandila ang amihan
at nagsayaw ang apoy sa karimlan
lasenggo'y wala na sa katinuan
ang bote ng gin ay nakatulugan

kailaliman na iyon ng gabi
ang lasenggo'y wala na sa sarili
kainuman nya'y di na mapakali
pagkat kung anu-anong sinasabi

walang talang naligaw sa magdamag
wala ring anumang ilaw-dagitab
habang ang lasenggo'y tila ba bangag
nakatihaya na't di makausap

sadyang kaydilim ng buong paligid
lasenggo'y nagdilim na rin ang isip

Kung Paano Magmalasakit ang mga Tibak

KUNG PAANO MAGMALASAKIT ANG MGA TIBAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

maluwag ang pusong walang hinanakit
sa pagtulong itong mga aktibista
sa kanilang kapwang tigib ng pasakit
na nabubuhay sa bulok na sistema

"ako'y nauuhaw," ang sabi ng dukha
"ito po ang tubig," anang aktibista
"maraming salamat," anang maralita
"ngunit ang nais ko'y tubig at hustisya"

"ako'y nagugutom," sabi ng mahirap
"ito ang pagkain," anang aktibista
"o, salamat ngunit di ko matatanggap
pagkat gutom ka rin kaya nakibaka"

"sahod ko'y kaybaba," anang manggagawa
"ni di makabuhay sa aking pamilya
gayong laging laspag ang lakas-paggawa"
"sahod mo'y itaas!" anang aktibista

"lipuna'y di pantay," sabi ng babae
"mula sa pabrika'y may gawaing bahay
at di na ako makaugaga dine,"
anang tibak, "tayo nang lumabang sabay"

"nais kong mag-aral," anang kabataan
"ngunit kaymahal na nitong edukasyon"
anang aktibista, "dapat libre iyan
o pamurahin nang abot-kaya ngayon"

anang magsasaka, "nais nami'y lupa
na sasakahin at tatamnan ng palay"
anang tibak, "nang di na kayo lumuha
malalaking lupa'y dapat ipamigay"

"o, bayani kayong mga aktibista"
agad na papuri nitong sambayanan
"di kami bayani," sagot sa kanila
"pagkat lahat ito'y dapat ipaglaban"

"kami'y sadyang wala namang ibibigay
pagkat ang serbisyo'y negosyo na ngayon
dapat karapatan ay ilabang tunay
at ito'y diwang sa puso'y nakabaon"

"halina't baguhin ang lipunang bulok
ibagsak ang salot na kapitalismo
at sa bawat isa't atin nang iudyok
na ipaglaban na itong pagbabago"

Hiling ng Bata sa Buwan

HILING NG BATA SA BUWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(batay sa isang lumang tulang pambata)

Buwan, Buwan
Hulugan mo ako ng aklat!
Aanhin mo ang aklat?
Nang ako'y mamulat.

Buwan, Buwan
Hulugan mo ako ng lapis!
Aanhin mo ang lapis?
Susulatin ang nais.

Buwan, Buwan
Hulugan mo ako ng papel!
Aanhin mo ba ang papel?
Susulatan ko ang anghel.

Buwan, Buwan
Hulugan mo ako ng kwaderno
Aanhin mo ba ang kwaderno?
Nang tula ko'y maipon dito.

Buwan, Buwan
Hulugan mo ako ng isang guro!
Aanhin mo ba ang isang guro?
Upang sa akin ay may magturo.

Bata, Bata
Maaari bang isa-isa lang?
Bakit ba, Buwan, isa-isa lang?
Dahil kayrami mong kahilingan.

Buwan, Buwan
Maaari bang bumaba ka rito?
Bakit naman diyan bababa ako?
Sasakyan kita't maglalaro tayo!

Ang Bandido

ANG BANDIDO
(mula sa pelikula ni FPJ)
ni Greg Bituin Jr.
8 pantig

Siya si Daniel Bartolo
Turing sa kanya'y bandido
Sa baril ay asintado
Di natitinag ang pulso

Tagapagtanggol ng masa
At matulungin sa kapwa
Mag prinsipyong dala-dala
Pang-aapi'y laban siya

Siya si Daniel Bartolo
Bayani ng Sapang Bato
Tunay siyang maginoo
At lagi pang taas-noo

Lunes, Oktubre 26, 2009

Kagubatan, Alagaan

KAGUBATAN, ALAGAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ang pagkawasak ng kagubatan
ay pagkalubog ng pamayanan
kaya dapat ang kapaligiran
at kalikasan ay alagaan
nating lagi nang may kaayusan

dapat tayo'y magkaisang-diwa
na tayo'y di dapat magpabaya
sa kagubatang puno ng banta
nasasa ating pangangalaga
ang gubat na dapat iaruga

putol na puno'y agad palitan
kalbong lupa'y agad nating tamnan
huwag magtapon sa kasukalan
ng mga basura't anupaman
gubat ay ating pangalagaan

Linggo, Oktubre 25, 2009

Demonyo sa Palasyo

DEMONYO SA PALASYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

maraming demonyo doon sa malakanyang
kaya ang bansa nati'y lubog na sa utang
kinakawawa lagi'y itong taumbayan
ng mga demonyong ang kaluluwa'y halang

sayang, bakit sila pa yaong namumuno
sa bansang binahiran ng bayaning dugo
silang mga kurakot dapat lang masugpo
dahil kung hindi, bayang ito'y maglalaho

bakit ang bayang ito'y mistulang impyerno
pulos pagsasamantala't kurakot dito
kataka-taka ba ang pangyayaring ito
kung sa malakanyang kayrami ng demonyo

mga namumuno'y kayhahaba ng sungay
tila ang bayan na'y binabaon sa hukay
parang ataul ang palasyong walang buhay
ang laman ay tila nabubulok na bangkay

kayhahaba din ng patulis nilang buntot
kaytutulis din ng pangil ng mga buktot
sa sari-saring anomalya'y nasasangkot
sila ang tinik sa bayang dapat mabunot

pawang tubo kasi yaong laman ng ulo
ng mga namumuno dito sa bayan ko
ninenegosyo pati serbisyo publiko
kailan kaya sila magpapakatao

Sa Paglabas Ko ng Lungga

SA PAGLABAS KO NG LUNGGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kaytagal kong nakatali sa kahapon
nangangarap at nakakulong sa kahon
para bang di ako nabubuhay ngayon
pagkat pinaglipasan na ng panahon

kaya sa paglabas ko ng aking lungga
ay tila nabaguhan ang aking diwa
tanging nagawa ko'y ang mapatunganga
at para bagang nawala na ang sumpa

ngayon nga'y parang kakapa-kapa ako
kung ano ba itong panahong moderno
ano iyang mga kagamitang bago
at lumilipad ang sasakyan ng tao

nakarating na raw ang tao sa buwan
itong sabi ng bago kong kaibigan
buhay pa kaya ngayon ang Katipunan
bakit ngayon balita'y pawang digmaan

may mga kalesa nang walang kabayo
isang pindot gagalaw ang aparato
dinig mo ang mga kahong walang tao
na kung tawagin nila'y selpon at radyo

ako'y nabaguhan paglabas ng lungga
pagkat tangi ko lang alam ay kumatha
ng maraming sulatin tulad ng tula
mga kwento, nobela't iba pang akda

para bang ako'y kaytagal na naidlip
mga ito'y nasa aking panaginip
masaya naman ako't di naiinip
hanggang may mapansin akong di malirip

moderno nga'y wala pa ring pagbabago
pagkat hirap pa rin ang maraming tao
may mapagsamantala pa rin at tuso
ang nagbago lang ay kagamitan dito

lumang sistema sa modernong panahon
luma rin ang patis sa bagong garapon
luma rin ang sapatos sa bagong kahon
wala pa ring nagbago noon at ngayon

sa lungga'y pumasok akong nagluluksa
habang sinisimulan ang bagong akda
ang laman, sa muling paglabas ng lungga
na sana pagsasamantala na'y wala

Dugo sa Balintataw

DUGO SA BALINTATAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

tumagas ang dugo sa balintataw
nang lumapat ang kamao't lumitaw
ang matang nagnanais nang umayaw
sa babagan habang sikat ang araw

tila ba akong ito'y mabubulag
sa lakas ng kamao ng kababag
di na nga nakahinga ng maluwag
kaya ako ngayon ay nababagabag

sa balintataw ko'y tagas ang dugo
ramdam ko ang hapdi ng aking bungo
hinihiwa ang ulong nakatungo
at pulang-pula na ang aking baro

anong dahilan ang ulo'y nag-init
gayong siya nama'y sadyang kaybait
sa payak na dahilan agad nandawit
kaya mata'y halos magpunit-punit

maaari namang di na maglaban
kung suliranin ay pag-uusapan
tiyak namang magkakaunawaan
dahil ayaw rin naman ng babagan

balintataw ko'y nagdugo, kayhapdi
mabubulag ba ako kung sakali
ito ang akin ngayong nalilimi
na laging sa isip ko'y sumasagi

* balintataw - sa ingles, pupil of the eye

Ako'y Isang Langay-langayan

AKO'Y ISANG LANGAY-LANGAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

i

ako ay isang langay-langayan
na dumadapo kung saan-saan
hirap ng tao'y napapagmasdan
habang yumayaman ang iilan

sa pagdapo ko nga sa kongreso
at pati na doon sa senado
aba'y kayrami pala ng trapo
nagbubundatan ang mga ito

habang pagdapo ko sa iskwater
sa bahay ng mahirap na tsuper
ito'y natatabingan ng pader
ng mayamang naroon sa poder

minsan sa pagdapo ko sa rali
ay taas-kamao ang marami
nakikibaka raw sila dine
at pagbabago ang sinasabi

ii.

isang langay-langayan lang ako
na nagtatanong bakit ganito
ang nangyayari sa ating mundo
paano ba ito mababago

bakit nga ba ganito ang bayan
tao'y biktima ng kahirapan
nabubulok sa kaibuturan
ang sistema ng pamahalaan

habang doon ay nagtatawanan
ang kakarampot na mayayaman
dahil sila'y tumubo na naman
sa ginagawang katiwalian

sadyang mabuti pang makibaka
kasama'y organisadong masa
baka mapalitan ang sistema
sa kanila tulad ko'y sasama

iii.

ako'y langay-langayang lagalag
na ang buhay ay tunay ngang hungkag
paano ba ako mag-aambag
upang sistema'y agad matinag

walang sinasanto't sinisino
itong sistemang kapitalismo
pahamak pa sa lahat ng tao
kaya dapat lang magiba ito

langay-langayan akong tataya
upang nakararami'y lumaya
tutulungan ko ang manggagawa
pati mga kapatid na dukha

saanmang dako ako'y lilipad
at kikilos saan man mapadpad
habang dala'y pagbabagong hangad
at sistemang bulok ilalantad

Sabado, Oktubre 24, 2009

Lawa at Tahanan

LAWA AT TAHANAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Pinatay nyo kami pag pinatay ang lawa
Malinaw na sabi ng mga mangingisda
Tulad din ng tahanan naming maralita
Pag dinemolis parang pinatay ang dukha.

Igalang nyo naman ang aming karapatan
Sa maayos at disenteng paninirahan
Kapag ito'y pinilit agawin ninuman
Maghahalo na ang balat sa tinalupan.

Pag tuluyan nyong winasak ang aming bukas
Buhay namin ay unti-unti nyong inutas
Di kami payag ganito ang maging landas
Gaganti kaming tiyak kami'y paparehas

Kaya ang lawa'y huwag gawing basurahan
Pagkat pagkain natin iyan ang kuhanan
Lawa't kalikasan ay ating alagaan
At labanan ang sinumang sisira niyan

Laging Gutom

LAGING GUTOM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pag nag-agahan kaming mga maralita
kung may tuyo't sinangag kami'y swerte na nga
pagkat kadalasan makakain pa'y wala
ang tulad naming isang kahig, isang tuka

lagi na lang kagutuman ang dumadale
sa pamilya namin, kahirapan ang saksi
ang sabi ng iba, tamad daw kasi kami
kahit masisipag, kami daw'y walang silbi

kami ay gutom dahil mahal ang bilihin
lalo na yaong masasarap na pagkain
sa presyo pa lang, agad kaming nahihirin
hanggang ngayon kami'y nagdidildil ng asin

paano ba maaalpasan itong gutom
tanong na ito sa aming sarili'y hamon

Huwebes, Oktubre 22, 2009

Trapong Kuhila

TRAPONG KUHILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

sa panahon ng eleksyon, magkakasama
sa panahon ng delubyo, di na kilala
mga pulitiko'y ganito ang sistema
sadyang di sila maaasahang talaga

ganito ang nakikita ng mga dukha
na ang mga trapo'y sadyang utak kuhila
sa mga trapo'y wala tayong mapapala
di maasahan sa mga sakuna't baha

tila ang mga trapo'y di nakikiramdam
pulos papogi lang yata ang mga alam
sa mga isyu pala'y walang pakialam
at tanging nagagawa'y pulos boladas lang

trapo'y nakakasama sa mga ginhawa
ngunit sa problema'y wala silang magawa
pinakita ni Ondoy na trapo'y kuhila
sa mga tao, trapong ito'y isinumpa

* kuhila – matandang tagalog sa sutil, lilo, at sukab;
minsan na itong ginamit ng dakilang Balagtas sa kanyang akda



Miyerkules, Oktubre 21, 2009

Ondoy, Undas

ONDOY, UNDAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

halos isang buwan na ang nakalilipas
nang yaong bagyong Ondoy ay naging marahas
na rumagasa sa lungsod na parang hudas
na sadyang kayrami ng buhay na inutas

mahirap, mayaman, sa iba't ibang antas
lubog ang bahay, mga gamit ay nalimas
at ang dating itsura'y di mo mababakas
mga masa'y tila tinamaan ng malas

wala na ring makain kahit konting bigas
buti'y may nagbigay ng noodles at sardinas
sinira nitong unos ang maraming bukas
dukha'y ayaw bumalik, nais nang lumayas

sa kanilang bahay marami nang lumikas
pagkat natrawma ng bagyong bumalasubas
pangyayaring ito'y di dapat mapalampas
dapat parusahan kung may nagtalipandas

sa araw na iyon gobyerno'y naging ungas
walang paghahanda sa delubyong kayrahas
tila sarili agad yaong iniligtas
di agad nakahuma nang baha'y humampas

kaya ngayong Oktubreng palapit ang undas
ating alalahanin ang mga nautas
masa'y dapat bigyan ng hustisyang parehas
sana hustisyang ito'y di maging palabas

Martes, Oktubre 20, 2009

O, Kaysarap Magbasa

O, KAYSARAP MAGBASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

minsan nga'y di na ako kumakain
mabasa lang ang librong nasa akin
sadya ngang kaysarap pakanamnamin
ng winiwika sa aklat na angkin

pagkat tunay ngang kaysarap magbasa
maraming matututunan ang masa
at matututo rin tayo sa masa
hinggil sa maraming paksa't kultura

dumalaw naman tayo kahit minsan
sa iba't ibang museyo't aklatan
pagkat marami tayong matututunan
na sari-saring mga kaalaman

bakit nga ba sa mundo'y nagkagera
bakit nagpatayan ang isa't isa
anong aral ang kanilang pamana
bansa ba natin ay anong istorya

kayganda ngang ehersisyo sa diwa
ang pagbabasa't nakauunawa
ng kasaysayan, iba't ibang paksa
dahil dito'y maraming nagagawa

o, halina, magbasa-basa tayo
at tiyak namang tayo'y matututo
ngunit mamili ng magandang libro
na makatutulong sa kapwa tao

Hineheleng Diwa

HINEHELENG DIWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

kadalasang ako'y tulala
parang hinehele ang diwa
ako na pala'y lumilikha
ng isang madamdaming akda

dinarama ko't nilalasap
ang bawat katagang may sarap
habang mata'y kumukutitap
at sinusulat ang pangarap

kung ito ma'y obra maestra
di ako ang siyang huhusga
kundi ang mga mambabasa
na siyang nanamnam ng timpla

kaya paumanhin sa inyo
pag kung minsan tulala ako
at laging nakakunot-noo
nakatitig saan man ito

ang nais ko sana'y magawa
ay pawang makamasang akda
para sa mga manggagawa
at kapatid na maralita

iyan ang aking munting ambag
upang sistemang walang habag
ay ating mabago't malansag
nang lipunan ay mapanatag

Sa Bahay na Bangka

SA BAHAY NA BANGKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

sa laot kaylamig ng simoy ng hangin
buwan pa'y nagtago sa gabing madilim

tanging ang lamparang nag-aandap-andap
ang nagsilbing ilaw habang nangangarap

ang bahay na bangka ang nasisilungan
tanging ito lamang ang aming tahanan

itong bangkang bahay ang aming palasyo
sa aming mag-anak, ito'y paraiso

kahit dukha kami, dito'y nawiwili
pagkat ito'y aming tahanang sarili

huwag lang dumatal ang kaylaking bagyo
at baka lumisan sa tahanang ito

nawa'y di dumating yaong bantang unos
at kawawa kaming ang buhay ay kapos

minsan naiisip ang kinabukasan
nitong mga supling naming kabataan

ang umuukilkil na tanong palagi
kung sa bangkang bahay ay mananatili

habang dinuduyan nitong mga alon
saan patutungo, sa dako ba roon

Linggo, Oktubre 18, 2009

Sa Bawat Misyon

SA BAWAT MISYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung nais nating makamit ang simulain
ang bawat misyon ay ating pakahusayin
takdang gawain ay dapat gampanan natin
upang mapagtagumpayan ang adhikain

diwa't puso natin ay dapat nakatuon
kung paano gagampanang husay ang misyon
kahit buhay natin ay tuluyang mabaon
ang mahalaga'y mapagtagumpayan iyon

Oda sa Dalawang Juday

ODA SA DALAWANG JUDAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Dalawang Juday noon aking hinangaan
Dalawang Juday na hindi ko malimutan
Dalawa silang kilala sa kagandahan
Isa'y artista, isa'y aktibista naman

Bahagi ng aking pangarap ang dalawa
Kahit isa lang sa kanila'y nakilala
Sinubaybayan ko ang sine ng artista
Habang ang aktibista'y aking nakasama

Iyon ang panahon nang sila pa'y dalaga
Nang aking hinangaan ang kanilang ganda
Ngayon, sila'y may kanya-kanya nang asawa
Ngunit di pa kumukupas ang ganda nila

Silang dalawa'y pawang alaala na lang
Na minsan man sa aking buhay ay nagdaan
Pawang magagaling at talagang batikan
Sa kanilang tungkuling pilit ginampanan

Maraming salamat sa inyo, mga Juday
Naging bahagi kayo ng iwi kong buhay
Inspirasyon sa akin ang inyong inalay
Kaya lagi kayong nasa gunitang tunay

Noon, isang Juday ang aking pinangarap
Na sa buhay ay tatapunan ko ng lingap
Sa kagandahan nya'y di ako kumukurap
Ngunit pangarap ko'y nalambungan ng ulap

Dahil may iba nang sa akin ay sumapaw
Tila ako napigilan, di makagalaw
Puso ko'y tila tinarakan ng balaraw
Nang luhog kong pagsinta'y tuluyang naagaw

Sa pagsubok, magpakatatag kayong tunay
Sa mga kabataan, kayo'y maging gabay
Tanging hiling ko lang sa inyo, mga Juday
Sumilip kayong saglit pag ako'y namatay

(Para sa sikat na artistang si Judy Ann Santos at sa dating kasamang aktibistang si Judy Ann Chan)

Huwag Hintayin ang Bumbero

HUWAG HINTAYIN ANG BUMBERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

huwag hintayin ang bumbero
pag nasusunog na ang kwarto
agad magbayanihan tayo
nang buong bahay di maabo

bakit hihintayin pa sila
kung apoy ay lumalaki na
magtulungan na kapagdaka
habang apoy ay maliit pa

kung lumaki itong tuluyan
at di na natin maagapan
aba'y bumbero na'y tawagan
upang masagip ang tahanan

Sa Aking Ginigiliw

SA AKING GINIGILIWni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

paano ba kita mamahalin
paanong puso mo'y maging akin
panaginip kita sa paghimbing
at pangarap pa rin pagkagising

paano ba kita sasambahin
kay Bathala ba'y mananalangin
paano nga ba kita dadalhin
doon sa altar ng toreng garing

paano ba kita aangkinin
ikaw na mahal kong sintang turing
ang ganda mo'y tila isang pain
na sa aking mata'y pumupuwing

kahit ilang bundok tatahakin
kahit sampung dagat liliparin
kahit panganib ay susuungin
nang pag-ibig ko'y iyong tanggapin

nais ko'y lagi kitang lambingin
pagkat ikaw'y kaysarap mahalin
sana ako na'y iyong sagutin
at matamis mong OO'y maangkin

sana ako'y huwag paluhain
huwag mo sana akong biguin
at kung mawawala ka sa akin
kamatayan ko'y mamatamisin

Epekto ni Ondoy

EPEKTO NI ONDOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
5 pantig bawat taludtod

bagyong kaylakas
sadyang kayrahas
bahay binutas
buhay inutas

wala nang bigas
bituka'y butas
panay sardinas
noodles ang sopas

Ang Unos

ANG UNOSni Gregorio V. Bituin Jr.
dalawahang pantig bawat taludtod

unos
baha

buhos
giba

ulos
linta

ubos
sumpa

kapos
dukha

Sabado, Oktubre 17, 2009

Isang Baldeng Luha

ISANG BALDENG LUHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

isang baldeng luha ba ang alay mo, mahal
gayong nawala ako'y di naman matagal
buhay kong iwi'y akin nang isinusugal
upang kumita lamang kahit pang-almusal

isang baldeng luha ba'y iyong pasalubong
dahil sa naririnig mong kayraming sumbong

mahal ko, aking sinta, huwag nang lumuha
sa bandang huli tayo ri'y makalalaya
mula sa buhay na dinaanan ng sigwa
at sa kahirapang dapat nating isumpa

ikaw lang naman ang tangi kong minumutya
kaya aking sinta, huwag ka nang lumuha

Mga Trapo'y Makasarili

MGA TRAPO'Y MAKASARILI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pag nanalasa na naman ang mga trapo
tiyak na pangako doon, pangako dito
yaong muling maririnig sa mga ito
kahit pangako nila'y pawang sintunado

tiyak namang mananalasa muli sila
silang mga laging sinusumpa ng masa
silang boto'y binibili dahil mapera
at mga trapo silang wala namang kwenta

mabait lang sila dahil maghahalalan
akala'y katropa ngunit nagpapayaman
akala'y makamahirap ngunit bulaan
laging pinapaikot ang ulo ng bayan

nais lang nila'y mahalal sila sa pwesto
ngunit pag naupo na'y limot na ang tao
ang pwesto'y ginagawa na nilang negosyo
sadyang walang pakinabang sa mga trapo

sadyang di sila kakampi ng mamamayan
dahil iba ang kanilang pinanggalingan
wala sa kanilang puso ang kapakanan
ng bayang dapat lang sana nilang tulungan

ano bang napapala ng masa sa trapo
di nga nila maipagtanggol ang obrero
laban sa mga tanggalan sa trabaho
di ba't trapo'y pawang kurakot sa gobyerno

okey lang sa trapo ang kontraktwalisasyon
na sadyang salot sa mga obrero ngayon
iginigiit pa ng trapo'y demolisyon
ng maralita kahit walang relokasyon

para sa trapo, ang mga dukha'y basura
at mga iskwater ay masakit sa mata
maralita nga'y pinandidirihan nila
imbes na tulungan ay itinataboy pa

sariling interes lagi ang iniisip
ng mga trapo sa gobyerno't pawang sipsip
buhay lang nila ang inuunang masagip
problema ng bayan, di nila nililirip

mga trapong ito'y pawang bulag at bingi
hirap na nga ang bayan, trapo pa'y kampante
tanging nasa isip nila'y laging sarili
ibagsak na natin ang trapong walang silbi

Trapo'y Manggagamit ng Masa

TRAPO'Y MANGGAGAMIT NG MASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

eleksyon na naman, muling maglilipana
ang mga manggagamit na naman sa masa
tulad ng trapong naging makamahirap na
gayong noon, masa'y inaasikan nila

marami nang nag-aastang makamahirap
gayong dati, ang dukha'y di kinakausap
noon, sa mga dukha'y laging nakairap
ngayong eleksyon, sila'y nakangiting ganap

biglang naging makamahirap silang trapo
kahit kanilang anino'y mukhang demonyo
ang mga pulitiko'y nakangising-aso
at laging pangako doon, pangako dito

sanay na ang masang lagi nang napapako
ang pangako nitong pulitikong hunyango
gayong mga trapo'y sadyang wala nang puso
pagkat puso nila'y kung paano tumubo

kailan mawawala ang mga pangakong sablay
pati na ang mga problemang nakahanay
kailan ang taumbayan magtatagumpay
na mailuklok sa pwesto'y lingkod na tunay

kailan ilulugmok ang di makamasa
lalo't mga trapong manggagamit ng masa
mga plano ng trapo'y dapat lang mabasa
at mailantad ang pagkukunwari nila

mga trapo'y dapat lang nating maibagsak
dahil sa paglilingkod sila'y sadyang palpak
trapo'y pinagagapang lang tayo sa lusak
imbes maglingkod sa bayan ang trapong tunggak

trapo'y laging gamit ang pangalan ng masa
nagiging mabait maiboto lang sila
ngunit kapag sa poder sila'y naluklok na
sarili nang nasa isip at di ang masa

kaya ibagsak na ang mga manggagamit
kahit mga trapo sa atin ay magalit
ipagtanggol natin ang mga maliliit
at ibagsak ang mga trapong malulupit

tigilan na nila ang paggamit sa masa
tigilan na nila ang mga pambobola
tigilan na nilang dalhin kami sa dusa
manggagamit na trapo'y ating ibagsak na

Biyernes, Oktubre 16, 2009

Sandakot na Lupa

SANDAKOT NA LUPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

inaapi nyo kaming maralita
dahil ba kami'y sandakot na lupa?
sa aming hirap kayo'y natutuwa
kaya lagi kaming pinaluluha

hinahamak nyo kaming mga dukha
sa aso nyo'y nais pang ipalapa
tingin nyo kami'y pawang isinumpa
kaya lagi kaming kinakawawa

totoong isang kahig, isang tuka
ang mga tulad naming walang-wala
ngunit masipag kami sa paggawa
upang mabuhay ang pamilyang dukha

kami’y dukha ma’t sandakot na lupa
ngunit sa pamilya'y hindi pabaya
sila'y lagi naming inaaruga
mula pagkain hanggang pang-unawa

di rin kami mapagwalang-bahala
ang buong mundo'y binubuhay pa nga
pagkat mayorya'y mga manggagawa
kahit inyo pang tanungin ang madla

Hustisyang Pagong

HUSTISYANG PAGONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.

marami pang nakakulong
na pawang walang sala
dahil ang hustisya'y pagong
dito sa ating bansa

nabubulok ang napiit
sa salang di nagawa
sistemang ito'y kaylupit
kailan ba lalaya

dapat ipagluksa natin
ang pagong na hustisya
tila kamatayan man din
ng hustisya ang dala

hindi pa rin nahuhuli
ang tunay na maysala
sa mga krimeng kaytindi
sila pa'y gumagala

dapat tuluyang wakasan
itong hustisyang pagong
kundi'y walang katuturan
ang batas ng marunong

dapat tuldukan na natin
ang hustisyang kaybagal
sa hukuman ay tanggalin
yaong bulok at hangal

Isang Platitong Mani

ISANG PLATITONG MANI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

I

o, kayhilig naming mamulutan
kahit isang platitong mani lang
na humahagod sa lalamunan
kasabay pa ng aming tunggaan

ang maning itong isang platito
ay kaysarap ng pagkakaprito
ito rin daw ay pampatalino
halina't mamulutan din kayo

II

isang platitong mani lang kayo
kitang-kita naman ang totoo
tila ba kayhihina na ninyo
di na maorganisa ang tao

sa rali nga kayo'y kakarampot
isang platitong maning nakutkot
tila pa kayo'y lalambot-lambot
sa isyu'y iba-iba ang sagot

Huwebes, Oktubre 15, 2009

Laging Sardinas

LAGING SARDINAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

lagi nang sardinas ang ulam nila
sardinas kagabi, sardinas sa umaga
at siya'y talagang nagsasawa na
ang tanong niya, "wala na bang iba?"

anong gagawin kung iyon ang kaya
ng kanyang amang butas na ang bulsa
na kakarampot lang ang kinikita
di makabuhay ng buong pamilya

namumugto ang kanyang mga mata
pagkat sa sardinas nagpoprotesta
"di ka na nasanay, ah" anang ina
"kung ayaw mo, aba'y magtrabaho ka"

ngunit nang magkatrabaho na siya
natanggap na sweldo'y tinitipid pa
upang makatikim ng letsong baka
kahit paminsan lang sa buhay niya

sa restoran ay kumain na siya
at nilantakan yaong letsong baka
ngunit anya ay di iyon malasa
at siya'y nagbayad na sa kahera

ani sa sarili, kaymahal pala
at ito'y ilang sardinas na sana
wala tuloy nauwi sa pamilya
kundi kakarampot lamang na barya

ngunit patuloy siya sa protesta
sardinas nga'y isinumpa na niya
at nangakong magsusumikap siya
nang makain ay ibang putahe na

ngunit nang minsang binaha na sila
at nawala'y ang buong bahay nila
sa relief ang pawang natanggap niya
ay noodles at sardinas na delata

Ang Mabuting Kaibigan

ANG MABUTING KAIBIGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Ang mabuting kaibigan ay handa sa pagdamay
Sa anumang labanan, handa siyang mamatay
Para sa kanya, ikaw'y higit pa sa kanyang buhay
Handa siya sa anuman, huwag ka lang malumbay.

Magkasalo kayo sa mga piging at inuman
Magkasama kayo kahit sa mga kalokohan
Kahit sikreto ninyo'y alam nyong magkaibigan
At sumumpa pa kayong walang iwanan sa laban.

Nagkakausap, nagkakasama, sadyang makulay
Pag isinulat na ang inyong mga talambuhay
Ngunit siya'y dapat mo lang pakiharapang tunay
Pagkat mabuting kaibigan, masamang kaaway.

Dahil alam niya ang likaw ng iyong bituka
At ang lahat ng baho nyo'y alam ng isa't isa
Pag kayo'y nagkagalit, tiyak matindi ang gera
Titiyakin nyong wala nang buhay pang matitira.

Ganyan katindi kung maglaban ang magkaibigan
Kung sila'y sadyang magkakagalit na ng tuluyan
Kaya bago mangyari iyon, dapat pag-usapan
Ang anumang problema't sila'y magkaunawaan.

Tutal, magkakilala na sila nuon pang una
At tiyak alam nila ang galaw ng bawat isa
Ngunit mas maiging may mamagitan sa kanila
Nang ito'y humantong sa magandang pagpapasiya.

Martes, Oktubre 13, 2009

Muelmar Magallanes, Bayaning Manggagawa

Philippine flood victim hailed a hero
2009/09/28 Internet news

MANILA: Muelmar Magallanes braved rampaging floods to save more than 30 people, but ended up sacrificing his life in a last trip to rescue a baby girl who was being swept away on a styrofoam box.

Family members and people who Magallenes saved hailed the 18-year-old construction worker on Monday a hero, as his body lay in a coffin at a makeshift evacuation centre near their destroyed Manila riverside village.

MUELMAR MAGALLANES
BAYANING MANGGAGAWA

ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

I

nang biglang magbaha isang hapon
maraming bahay yaong nilamon
lampas-tao ang delubyong iyon
na isang bangungot ng kahapon

sa ganito'y may isinisilang
na maraming bayani ng bayan
sila'y kayrami nang tinulungang
binaha't nawalan ng tahanan

tulad ng isang bayaning ito
sa konstruksyon ay isang obrero
na sumagip sa maraming tao
mula sa pagkalaking delubyo

at Muelmar ang kanyang pangalan
na gumawa ng kabayanihan
nang ang dalawampung kababayan
kanyang sinagip sa kamatayan

ngunit siya ang di nakaligtas
sa malaking delubyong kayrahas
siyang sa kapwa'y may pusong wagas
ay nilamon ng bahang kaylakas

II

kaybata mo pa nang mawala ka
dito sa mundong puno ng dusa
sinagip mo ang maraming masa
nang bagyong Ondoy ay nanalasa

sarili mo'y di mo na inisip
basta buhay ng iba'y masagip
sa delubyo ikaw ang nahagip
di nakaligtas kahit gahanip

imbes sila'y makain ng lupa
iwing buhay mo yaong nawala
o, Muelmar, isa kang dakila
na dapat kilalanin ng bansa

yaong kamatayan mo'y may saysay
pagkat isa kang bayaning tunay
sa kasaysayan ang iyong buhay
ay muli't muling isasalaysay

kaya saludo kaming talaga
kahit na di ka namin kilala
ngalan mo'y iilanglang tuwina
salamat, Muelmar, bayani ka

Tambutsong Daigdig

TAMBUTSONG DAIGDIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

grabe na ang polusyon sa bansa
daigdig natin ay nakakawawa
ang hangin nga'y di na sariwa
ikaw ba'y di pa naluluha

di naman sa atin nalilingid
pulos usok na itong paligid
may sakit na ang mga kapatid
ang ugat nito'y dapat mabatid

nagkalat na ang usok sa mundo
mula pabrika, yosi at awto
matutuliro nga ang utak mo
tambutsong daigdig na nga ito

halina't atin nang pag-isipan
kung paano malulutas iyan
halina't atin ding pag-usapan
na polusyon paano pigilan

tambutsong daigdig ang pamana
sa bayan nitong kapitalista
dahil sa tubo, balewala na
ang kapakanan ng mga masa

pag-aralan natin itong lubos
pagkat kaalaman pa ay kapos
upang sa problema'y makaraos
kaya halina't tayo'y kumilos

Usok, Usok

USOK, USOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

panay nang usok, usok
ang laging dumadagok
doon sa mundong taluktok
hanggang baba ng bundok

para bang ito'y dagok
dahil sistema'y bulok
mga pinuno'y bugok
lalo ang nakaluklok

buti't walang nag-amok
dito sa ating purok
gayunman, sila'y subok
sa pakikipaghamok

nagyoyosi'y pausok
tambutso'y umuusok
basura'y nabubulok
tulad ng trapong bugok

ako'y tila nalugmok
nang sumakit ang batok
pagkat di ko maarok
kung ito ba'y pagsubok

Lunes, Oktubre 12, 2009

Nang Dahil sa Kasibaan

NANG DAHIL SA KASIBAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

nang dahil sa kasibaan
nabundat siyang tuluyan
pulos kasi katubuan
ang kanyang nasa isipan

manggagawa'y kinawawa
lakas nila'y pinipiga
gayong walang pagkalinga
sa maraming mga dukha

sige, kumain ka ng kumain
mga tubo mo'y iyong lapangin
ngunit huwag mo kaming laspagin
sa pagpapatrabaho sa amin

pulos ka tubo, ikaw na manhid
sa amin nga'y isa kang balakid
ayaw ibahagi sa kapatid
ang tubong aming inihahatid

sana dahil sa kasibaan mo
ay mabilaukan ka ng todo
nakakawala ka ng respeto
sa mga kapwa namin obrero

Kaibigang Bentador

KAIBIGANG BENTADOR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

habang inaalay ang mga bulaklak
sadyang kayrami ng mga umiiyak
habang nakatago ang humahalakhak
kaya't kaibigan niya'y napahamak

sadyang walang kwentang pagkakaibigan
pagkat ibinenta ito sa kalaban
nang dahil sa konting mga barya lamang
ipinagkanulo na itong tuluyan

mga tulad niya't di dapat mabuhay
dapat isama na rin siya sa hukay
dugo niya'y maitim, sadyang walang kulay
pagkat siya'y isang kasamang may sungay

tatawa-tawa siya't di umiimik
hudas na dapat ibiting patiwarik

Dukhang Nasalanta'y Di Daga

DUKHANG NASALANTA'Y DI DAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

mga dukhang nasalanta'y di daga
tao pa rin sila kahit binaha
mga bahay nila'y nawala na nga
at sila'y inyo pang kinakawawa

hindi nararapat ipagtabuyan
ang mga dukhang pinandidirihan
nitong mga mayayamang gahaman
na akala mo'y makapangyarihan

may karapatan din ang mga dukha
na mabuhay sa mundong mapayapa
ang kailangan nila'y pagkalinga
di pawang mga pasakit at luha

halina't ating silang saklolohan
sa naging aba nilang kalagayan
tayo't sila'y dapat lang magtulungan
nang makaahon sa kapahamakan

Linggo, Oktubre 11, 2009

Makakaahon Din Tayo

MAKAKAAHON DIN TAYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

lugmok tayo at dapang-dapa na
dahil tayo'y pawang nasalanta
ng delubyong tumama sa masa
kaya ngayon tayo'y nasa dusa

marami ang nawalan ng bahay
at marami rin ang nasa hukay
kaya kayrami ngang nalulumbay
pagkat nasira'y kanilang buhay

sa puso'y tinik itong bumaon
at tayo'y unti-unting nilamon
ating harapin ang bagong hamon
sa pagkadapa'y dapat bumangon

gaano man kalakas ang bagyo
dapat lagi tayong preparado
kung magtutulungan bawat tao
tiyak makakaahon din tayo

Sulyap ng Pag-asa

SULYAP NG PAG-ASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Sa kabila ng unos ay may pag-asa
Na daratal ang panibagong umaga
Kaya pag bukang liwayway ay dumatal na
Pag-asa ang hatid sa lahat ng masa



Ondoy at Pepeng

ONDOY AT PEPENG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

nang biglaang dumating
sina Ondoy at Pepeng
marami ang napraning
at nagpagiling-giling

pagkat dalawang unos
sa kanila'y tumalbos

dulot nila'y delubyo
kayraming apektado
sadyang kaytindi nito
kinawawa ang tao

mga tao'y pinulbos
lalo ang mga kapos

tao'y di napalagay
sa kayraming namatay
nangalunod ng buhay
sadyang nakakalumbay

di agad sumaklolo
yaong nasa gobyerno

marami ang lumubog
nang umapaw ang ilog
at delubyo'y kaytayog
na sa masa'y uminog

mga mahal sa buhay
kami'y nakikiramay

Ondoy, Pepeng, kaytindi
tao'y di napakali
gobyerno'y walang silbi
sa mga pangyayari

palitan ang sistema
nang tayo'y di magdusa

Mga Puno'y Ating Itanim

MGA PUNO'Y ATING ITANIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

di tayo dapat mabuhay sa lagim
ng delubyong dahilan ng panindim
hangga't may araw pa't di pa dumilim
sari-saring puno'y ating itanim

tamnan natin ang nakakalbong bundok
mula sa paanan hanggang sa rurok
palitan na rin ang sistemang bulok
na sa dangal natin ay umuuk-ok

ang mga puno'y kaylamig sa mata
sa mga nakakakita'y kayganda
lalo na kung ito'y maraming bunga
na gamot sa gutom ng bawat isa

puno'y sisipsip sa tubig ng unos
kaya puno'y pananggalang ding lubos
at pambuhay din sa mga hikahos
kaya huwag hahayaang maubos

pagkat puno'y mainit na sa mata
ng nagnenegosyong kapitalista
tingin agad nila'y trosong pambenta
at 'dala ng puno'y malaking pera

nais nila'y ang kalbuhin ang gubat
imbes kunin lang ay kung anong sapat
wala nang puno sa gubat na salat
sa minsang unos ay nagiging dagat

kaharap nati'y panibagong hamon
nasa ating kamay yaong solusyon
magtanim na tayo ng puno ngayon
kung ayaw nating sa baha'y mabaon

bawat paraan ay ating isipin
nang kalikasa'y maaruga natin
pagtatanim ng puno'y ating gawin
para sa bukas ng lahat sa atin

Kalbong Bundok

KALBONG BUNDOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

wala nang puno sa may kabundukan
dahil kinalbo ng mga gahaman
mga ibon na'y walang madapuan
mga puno'y nawala nang tuluyan

pagkat kanila nang pinagpuputol
puno'y kalakal ang kanilang hatol
tubo yaong lakas na sumusulsol
hinahasa na ang mga palakol

lumubog ang lungsod dahil sa baha
kaya maraming taong nakawawa
lalo na yaong mga maralita
dukha na nga'y lalo pang naging dukha

kalbo na ang bundok, bundok na'y kalbo
pagkat winasak ng mga berdugo
pag bagyo'y dumating, agad delubyo
tao'y dahilan, kawawa ang tao

nang dahil sa tubo'y biglang nalugmok
pagkat niyakap ang sistemang bulok
produkto nila'y itong kalbong bundok
kaya taumbayan na'y nagmumukmok

sa lakas ng unos ay di mahigop
nitong mga punong dahop na dahop
pawang mga tubig ang sumalikop
sa mga taong di nito makupkop

kaya halina't magtanim na tayo
huwag pabayaang bundok ay kalbo
baka sakaling masagip pa nito
yaong tao kung muling may delubyo

halina't magtanim tayo ng puno
dahil sa kalikasan, di sa tubo
iwasan nang tayo'y maging maluho
at baka tayo'y tuluyang maglaho

Sabado, Oktubre 10, 2009

Aktibistang Iniwan ng Sinta

AKTIBISTANG INIWAN NG SINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

iniwanan ako ng dating kasintahan
dahil daw sa aking mundong ginagalawan
ang gusto niya'y tutukan ko ang tahanan
kapag kaming dalawa na'y nagkatuluyan
at iwanan ko ang gawain sa kilusan

ngunit sadyang kayhirap ng kanyang hiniling
dalawa kong tenga'y tila biglang nagpanting
ramdam ko'y dusa kahit siya'y naglalambing
gumawa na lang daw kami ng sampung supling
ngunit iwanan ko ang kilusang magiting

ako'y aktibista ng kanyang makilala
aktibista ako ngunit tinanggap niya
ngunit bandang huli ako'y iiwan pala
di niya tanggap ang buhay kong aktibista
mga aktibista raw ay dapat isuka

tinanong ko naman siya bakit ganito
nag-aktibista ako dahil sa prinsipyo
kumikilos upang lipunan ay mabago
ngunit sabi niya aktibista'y magulo
nag-aambag lang sila ng gulo sa mundo

paglisan niya'y tinanggap kahit masakit
siyang sa aktibista'y tila ba may galit
ako'y iniwasan niya, o anong lupit
kaya't akong natulala'y nagpasyang pilit
tuloy ang aking pagtulong sa maliliit

aktibista ako hanggang sa kamatayan
ito ang pinili ko't pinaninindigan
nasa isip ko'y pampalubag-kalooban
na marami namang ibang babae riyan
naaalala man ang dating kasintahan


Pabahay, Hindi Noodles, Hindi Sardinas

PABAHAY, HINDI NOODLES, HINDI SARDINAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Palagi na lamang noodles at sardinas
Ang natatanggap ng mga maralita
Gayong pansamantala lang itong lunas
Sa mga naapektuhan nitong baha

Dapat ilagay na sa ayos ang dukha
At tulong ay huwag lang gawing palabas
Pabahay ang nais nitong maralita
Hindi itong mga noodles at sardinas



Operasyong Agarang-Tulong

OPERASYONG AGARANG-TULONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

marami silang nakatitig na sa kawalan
mga gagawin nila'y di nila malaman
nilamon ng baha ang kanilang tahanan
at tinangay rin pati mga kagamitan
halos lamunin na sila ni Kamatayan

naglalabasan sa ganitong pangyayari
ang mga may puso't may diwa ng bayani
marami tayong sa kanila'y nakasaksi
nagtulungan silang masagip ang marami
kahit di nila kilala sila'y nagsilbi

nagbigay sila ng mga tulong na bigas
kilo-kilong kasama'y noodles at sardinas
pati mga damit ay agad iniluwas
sa mga binaha't gamit ay nalimas
habang kabaong naman sa mga nalagas

bayanihan itong taal sa mga Pinoy
nagtulungan yaong mayaman at palaboy
tulong magkapatid na sing-init ng apoy
upang masagip ang sinalanta ni Ondoy
at pati nangalubog doon sa kumunoy

sadyang napakasakit ng nangyaring ito
pagkat di ito inaasahan ng tao
ngunit may dapat ba tayong sisihin dito
tadhana ba o kapalpakan ng gobyerno
o ang ganid na sistemang kapitalismo

marami pong salamat, mga kaibigan
sa inyong tulong na bukal sa kalooban
bagamat iba'y nawala na ng tuluyan
ay nailigtas ang maraming kababayan
mula sa baha't kaypait na kapalaran

Kalsadang Ilog

KALSADANG ILOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

Nang si Ondoy bumisita
Ay naperwisyo ang masa
Namamangka sa kalsada
Pag papunta sa eskwela
Patungo man sa pabrika
Sa palengke't opisina
Kanal ay alingasaw na
Nagbabago na ang klima
At ilog na ang kalsada.

Huwebes, Oktubre 8, 2009

Unos, Ulos, Ubos

UNOS, ULOS, UBOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

nang minsang rumagasa ang unos
at tubig sa bayan ay binuhos
maraming taong tila inulos
pagkat kagamitan ay inubos

ng bahang sa atin ay sumakop
at pumawi ng ating mga sukob
tila walang pag-asang makupkop
pagkat lahat ay nakasubasob

sa naganap na kaytinding unos
kaya kayraming tao'y kinapos
sa kabuhayan nila't panustos
paano sila makakaraos

paano uli magsisimula
pagkatapos ng malaking baha
ayaw nilang magmukhang kawawa
kaya mag-uumpisa sa wala

ngayon naisip nila't natalos
na dapat maghanda silang lubos
pagkat ito'y di pa natatapos
at may paparating pa ring unos

Bayanihan sa Delubyo

BAYANIHAN SA DELUBYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

sa panahon ng kagipitan
marami ang nagtutulungan
lumulutang ang bayanihan
sa anumang kapahamakan

tulad ng nangyaring delubyo
na ang pagbaha'y lampas-tao
di nangilala kahit sino
delubyo'y walang sinasanto

maraming inanod sa baha
sang-iglap kayraming nawala
ang mayaman ay naging dukha
ang dukha'y lalong nakawawa

pati magkakapitbahay man
na dati ay nag-iiringan
ay taos-pusong nagtulungan
iringan ay kinalimutan

sa bawat magkakapitbahay
minamahalaga ang buhay
parang si Ondoy pa ang tulay
upang magdamayan ng tunay

kayganda ng bayanihan
sinasagip kahit sinuman
magkagalit ay nagbatian
at bawat isa'y nagtulungan

Pagharap sa Panibagong Unos

PAGHARAP SA PANIBAGONG UNOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

paano ba natin haharapin
ang mga unos na paparating
nang ito'y di maging isang lagim
at tayo'y di na muling manimdim

Reming, Ondoy, Pepeng, at Milenyo
ay ilang lang sa kaytinding bagyo
na gumambala sa atin dito
at nagpaikot ng ating ulo

ngunit tila ba pangkaraniwan
na lang ang mga bagyong nagdaan
nasanay nang taun-taon na lang
binabagyo'y iba't ibang bayan

at kalunsuran sa ating bansa
karaniwan na kahit ang baha
kaya marahil di makagawa
tayo ng agarang paghahanda

kung paano ba natin harapin
ang anumang unos na parating
kung handa tayo'y di maninindim
pagkat bagyo'y di magiging lagim

kaya maghanda habang maaga
ang anumang dapat ay gawin na
tulad ng paglikha ng depensa
laban sa bagyong mananalasa

Para Kang Alak

PARA KANG ALAKni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

para kang alak na kaytagal naimbak
habang tumatagal, lalong sumasarap
kaya yata lagi kitang hinahanap
at pinapangarap kahit lumalaklak

handog ko sa iyo'y rosas na bulaklak
na pagmamahal ang iyong malalanghap
ako nga'y tila ba nasa alapaap
pag kasama ka, puso ko'y nagagalak

para kang lambanog sa puso kong lubak
pagkat ikaw'y lagi kong nasa pangarap
ang pagsinta mo sana'y aking malasap
sana damdamin ko'y huwag mapahamak

kaysarap pakinggan ng iyong halakhak
lalo na't ikaw'y aking nakakausap
nawa pag-ibig ko'y iyo nang matanggap
nang sa tuwa naman ako'y mapaindak

Nagbabagang Taglamig, Nagyeyelong Tag-araw

NAGBABAGANG TAGLAMIG
NAGYEYELONG TAG-ARAW

ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

nagbabagang taglamig, nagyeyelong tag-araw
tila baligtad na ang dito sa mundo'y galaw
yelo sa dulong mundo'y tuluyan nang nalusaw
umangat na ang tubig, mga lupa'y nagsabaw

nagyeyelong tag-araw, nagbabagang taglamig
ano na ang nangyayari sa ating daigdig
tag-araw nga ngunit kayraming nangangaligkig
at sa tag-ulan ay kay-init ng dinidilig

sinong dapat sisihin sa nangyayaring ito
ang may gawa ba nito'y tadhana o ang tao
o kasalanan ng sistemang kapitalismo
ngunit tiyak dapat na may mananagot dito

apaw ang ilog, barado pati mga kanal
pati namamahala ng dam ay tila hangal
kung anu-ano na lang ang ating nauusal
pagkat di matukoy kung sino ba ang kriminal

anong mangyayari sa sunod na henerasyon
kung tila tayo rito ngayon na'y nilalamon
ng delubyo, baha't kung anu-ano pa iyon
gusto ba nating basta na lang tayo mabaon

nagbago na ang kalagayan ng ating mundo
dahil nalulusaw na sa hilaga ang yelo
apaw na rin ang tubig sa kalupaan dito
butas na rin ang atmospera ng mundong ito

kaybigat ng kinakaharap na suliranin
kaya sadyang kailangang agad talakayin
at pag-usapan na ang nangyayari sa atin
alamin kung anong mga nararapat gawin

bawat bansa't mamamayan dapat magtulungan
panahon na ito ng totoong bayanihan
kung hindi ngayon, pagkilos pa ba ay kailan
walang ibang panahon, ngayon na, kaibigan

Ngitngit ng Kalangitan

NGITNGIT NG KALANGITAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ang langit ba'y sadyang nagngingitngit
at ang ngipin nito'y nagngangalit
ang taas ba'y sa atin may galit
kaya tayo'y hinampas ng langit

ito ang hikbi ng karamihan
ng datnan ng sawing kapalaran
nilimas ang kanilang tahanan
at inubos pati kabuhayan

ngunit anong ating magagawa
kung tayo na'y tila isinumpa
sapat ba ang ating iluluha
upang itong langit ay maawa

ang kalikasan na'y napopoot
isa-isang buhay ang dinaklot
pawang lagim nga itong bumalot
hanggang ngayon ay binabangungot

ah, hinampas na tayo ng langit
pinaramdam na ang kanyang lupit
kaya tayo pa ay umiimpit
dahil langit na ang gumigipit

Sa Muling Pagdatal sa Maynila

SA MULING PAGDATAL SA MAYNILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

mula sa Bangkok, Thailand ako'y nagbalik
sa Maynila na puno ng pananabik
kahit ang bansa'y dinelubyo ng lintik
ng mga bagyong lagim ang inihasik

ramdam ang malamig na simoy ng hangin
tila may bagyo na namang paparating
kaya dapat maghanda tayong taimtim
bago mangyari ang panibagong lagim

nagpasya akong huwag nang magpahinga
at tumulong agad sa mga kasama
kung anong mga dapat naming gawin pa
nang matulungan ang mga nasalanta

- inakda pagkababa sa NAIA, Cebu Pacific Flight 5J 932
NAIA Terminal 1, October 7, 2009

Miyerkules, Oktubre 7, 2009

Tayo'y Iisang Daigdig

TAYO'Y IISANG DAIGDIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Tayo'y nasa iisang daigdig
Na dapat punuan ng pag-ibig
Sa pag-asa tayo ay sumandig
Puso't diwa ang ating kaniig

Bakit ba tao'y nagpapatayan
Imbes na problema'y pag-usapan
Bakit nais lagi'y mag-initan
Imbes na sila'y naggagalangan

Anuman ang ating lahi't kulay
Tayo'y magkakapatid na tunay
Sa anumang problema'y kadamay
Bawat isa'y dapat maging gabay

Ating kapwa'y dapat irespeto
Lalo ang karapatang pantao
Iisang daigdig lamang tayo
Magmahalan na ang buong mundo

Paglisan sa Bangkok

PAGLISAN SA BANGKOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

sa Bangkok ako'y lilisan
at babalik ng Maynila
tutulong sa bayanihan
ng tinamaan ng baha

kayrami ng apektado
ng nagdaan noong unos
na kumawawa sa tao
at tahanan ay inubos

naglandas ang mga luha
ng iba't ibang larawan
ng mga kawawang madla
na nawalan ng tahanan

kaya sa aking pagbalik
ako'y tutulong na agad
kahit lumusong sa putik
at paa'y muling mababad

magawa man ay kaunti
meron pa rin itong silbi
pagkat di tayo hihindi
sa apektadong kayrami

lilisan ako sa Bangkok
dala'y panibagong hamon
upang ako na'y tumutok
sa isyung climate change ngayon

nawa sa pagbabalik ko
ito ay mapag-usapan
dapat unawain ito
ng mga gobyerno't bayan

di dapat muling mangyari
ang naganap na delubyo
nang di tayo mapakali
pagkat tayo'y preparado



Niyebe sa Perlas ng Silangan

NIYEBE SA PERLAS NG SILANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

paano kaya kung umulan ng niyebe
marahil magtatampisaw rito'y marami
ngunit tiyak tayo'y magugulantang dine
ang tanong natin: paano ito nangyari

kung magkaniyebe sa perlas ng silangan
tayo ba'y uunlad na tulad sa kanluran
bansang may niyebe'y maunlad kadalasan
tulad ng sa Amerika't Europang bayan

ngunit niyebe'y di taal sa ating bansa
sari-sari na ang iisipin ng madla
may magsasabing magbago ang masasama
kaya ang bansang ito'y agad isinumpa

ngunit bakit ba magkakaniyebe rito
gayong tayo'y isang bansang nasa tropiko
kayganda ng panahon at di nagyeyelo
at ang ating bansa'y nasa gitna ng mundo

yaong bansang nasa dulo ang kaylalamig
sagad sa yelong sadyang nakapanginginig
magsasalita ka'y umaaso ang bibig
nanunuot ang ginaw sa laman at bisig

pag nagkaniyebe rito'y krisis ang klima
lagay ng panahon ay pabago-bago na
mababagong tiyak ang lakad sa pabrika
pati na sa mga kumpanya't opisina

mababagong tiyak ang ating pamumuhay
sa bagong klima'y baka di pa makasabay
marami'y hirap kung paano aagapay
kahit maaring malagpasan itong tunay

kung sakaling may niyebe sa ating bayan
aba'y agad alamin kung anong dahilan
ito'y talakayin at agad pag-usapan
bago pa ito magdulot ng kamatayan

Ang Mundo sa Kalan

ANG MUNDO SA KALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Ang ating mundo'y tila ba nasa kalan
Pagkat ito'y nag-iinit ng tuluyan
May global warming na dito sa silangan
At pati na sa buong sandaigdigan

Anong dapat nating gawin sa problema
Lalo't apektado'y ang lahat-lahat na
Kalikasan, kapaligiran, ang masa
At pati na ekonomya't pulitika

Nag-iinit ang mundo dahil nabutas
Ang atmospera sa dami na raw ng gas
Ang mga tao'y saan kaya lilikas
Pag nagpatuloy itong masamang landas

Sino bang naglagay ng mundo sa kalan
Yaon bang mahihirap o mayayaman
Sinong dapat sisihin ng mamamayan
Kung ang kalikasa'y masirang tuluyan

Ang mga pabrika ng kapitalista
Ay panay na usok ang ibinubuga
Coal power plant ang pinaaandar nila
Panay luho lang ang mga elitista

Tila ang burgesya'y walang pakialam
Ayaw hanguin ang mundong nasa kalan
Mga elitista'y walang pakiramdam
Kahit masira man itong kalikasan

Katwiran nila'y di agad apektado
Yaong tulad nilang mayayaman dito
Pabayaan daw ang karaniwang tao
Na mamatay sa pag-iinit ng mundo

Kung magsalita'y parang walang daigdig
Silang tahanan kaya ayaw palupig
Ngunit tayong karaniwan ay titindig
Hanggang silang elitista na'y manginig

Karaniwang masa'y dapat nang magsama
Mag-aklas na tayo laban sa burgesya
Palitan natin ang bulok na sistema
Maghanda nang gibain ang dibdib nila

Ang bawat laban ay ating paghandaan
Dapat nang magwagi sa mga gahaman
Mundo'y di dapat manatili sa kalan
Kaya ito'y ating hanguing tuluyan

Martes, Oktubre 6, 2009

Mamamayan, Hindi Tubo

MAMAMAYAN, HINDI TUBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

dapat unahin ng mamumuhunan
yaong kapakanan ng buong bayan
ngunit ako yata'y nangangarap lang
na uunahin nila ang mamamayan

pagkat tubo ang siyang pangunahing
nagpapagalaw sa mga salarin
ang lahat ay kanilang uutangin
para lang sa kanilang tutubuin

ang dapat, mamamayan, hindi tubo
pakikinggan ba ito ng maluho
basta kahit mabahiran ng dugo
ang mahalaga sa kanila'y tubo

kaya huwag natin silang asahang
uunahin nila ang mamamayan
pagkat di nila mapagtutubuan
itong mamamayang nahihirapan

Paano Ba Mahalin Ang Tulad Mo?

PAANO BA MAHALIN ANG TULAD MO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Paano ba mahalin ang tulad mo
Ikaw na nakaukit sa puso ko
Pagmamahal na alay ko'y damhin mo
At pag-ibig ko'y itong matatanto!

Sa iyo ang puso ko'y kumakabog
Nawa'y tanggapin itong niluluhog
Na sa harap mo'y aking hinahandog
Sa halik ay nais kitang mapupog

Linggo, Oktubre 4, 2009

Katarungang Pangkalikasan

KATARUNGANG PANGKALIKASAN
(Climate Justice)

ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

umiiyak ang maraming kaluluwa
na gumagala pa sa sangkalupaan
bakit ganito raw ang ating sistema
at winawasak pa itong kalikasan

di ko alam kung anong dapat isagot
sa ninunong kaytindi ng mga tanong
ah, bakit nga ba ganito ang inabot
sagot ko'y sa sarili lang binubulong

ang delubyo ba'y isang paghihiganti
pagputok ng bulkan ba'y tanda ng galit
kalikasan kung mapoot ba'y kaytindi
kaya may global warming, mundo'y nag-init

pagkaalam ko'y ang mayamang hilaga
yaong nagdulot ng ganitong sistema
kaya maraming bansa ang naging dukha
pagkat taga-hilaga ang nag-okupa

nang dahil sa tubo'y walang pakialam
kung anong mangyayari sa ating mundo
nagmina, nagkalbo, itatayo pa'y dam
tanging alam nila'y tubo, tubo, tubo

sumigaw ang kalikasan ng hustisya
pagbayarin lahat ng may kagagawan
hustisya para sa apektadong masa
dapat makakalikasang katarungan

Tres Singkwenta (350ppm)

TRES SINGKWENTA (350ppm)(350 parts per million)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

tatlong daan limampung bahagi bawat angaw
ang umano'y antas na ligtas ang mundong saklaw
na ng karbong nanunuot sa lupang ibabaw
ngunit di lamang ito numerong paimbabaw

pagkat ang tres singkwentang bahagi kada milyon
ang siyang antas ayon sa mga aghamanon
na siyang ating dapat na pagtuunan ngayon
nang masagip ang atmospera sa mga karbon

pag yaong karbon sa antas na ito'y lumampas
ating atmospera'y tuluyan nang mabubutas
krisis na ang klima, baka tayo na'y maagnas
at wala nang kahapong sa mundo'y mababakas

palilipasin ba natin ang pagkakataon
na tayo'y maaaring may magawa pa ngayon
kaysa tumunganga't pabayaan lang mabaon
sa limot at karbon ang masasayang kahapon

habang pinag-aaralan natin ang lipunan
aralin din ang kalagayan ng kalikasan
na unti-unti nang winawasak ng puhunan
mismong mundo ang kanilang pinagtutubuan

tandaan: tres singkwentang bahagi kada milyon
o kaya'y ang numerong mas mababa pa roon
tulad ng bago mag-Industrial Revolution
ang tanong: maibabalik pa ba ang kahapon

Sabado, Oktubre 3, 2009

Hampas ng Langit

HAMPAS NG LANGIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sadyang kaytindi kung humagupit
ang ating puso'y tila pinunit
ramdam na tunay ngang nagagalit
at sa tao'y biglang nagmalupit

marami nang buhay ang sinungkit
dahil sa unos na humaginit
marami ring namatay na paslit
at marami na ring mga bakwit

parang mawawalan ka ng bait
pag ganito ang iyong sinapit
sadyang kaytitindi ng pasakit
at maririnig ay pawang impit

kaya ang tanong natin ay bakit
tayo'y hinahampas na ng langit
dahil ba gawain nati'y pangit
kaya siya ngayo'y naghihigpit

II

marami nang hindi mapakali
dahil sa ganitong pangyayari
kalikasan ay sadyang kaytindi
tila sa tao'y naghihiganti

ang buhay nati'y biglang nagbago
nang dumaan ang dalawang bagyo
sadyang kayrami nang apektado
nawa'y makaraos pa rin tayo

anumang problema ang magdaan
ay dapat lang nating paghandaan
lalo na itong pamahalaan
nang mga sakuna'y mabawasan

kaya dapat na tayong mag-usap
upang magtulungan at magsikap
hampas ng langit ay mahaharap
kung may paghahanda tayong ganap

Unos ng Dusa

UNOS NG DUSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Sadyang kaytindi ng nagdaang unos
Pagkat iwing puso'y nanggigipuspos
Sa mga kalagayang kalunos-lunos
Tila di na ito matapos-tapos

Inanod na kahit mumunting gamit
Habang ang unos ay nagmamalupit
Mga humihikbi'y walang masambit
Kundi matigil ang ngitngit ng langit

Pagkat tunay ngang pawang pagdurusa
Ang naranasang ng kayraming masa
Nais nilang hirap ay matapos na
Nang bagong simula'y harapin nila

Sala sa Init, Sala sa Lamig

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sala sa init, sala sa lamig
tag-araw ngunit nangangaligkig
sa ginaw ang butong nanginginig
para bang yelo ang dinadaig

sala sa lamig, sala sa init
ang panahon ay nakakabwisit
ang buhay natin ay nasa bingit
tayo'y tiyak nang magkakasakit

dahil nagbabago ang panahon
kaya marami'y nagkakasipon
nagbabaga ang araw kahapon
at biglang taglamig naman ngayon

dapat nating pag-aralan ito
bakit nangyayari ang ganito
bakit panahon ay nagbabago
at marami tayong apektado

sala sa lamig, sala sa init
buhay na'y nagkakasabit-sabit
imbes maalwan, pulos pasakit
parang sistema'y wala nang bait

sala sa init, sala sa lamig
dahil daw ito sa global warming
tayo ngayon ay dapat makinig
nang sa klima'y di tayo mapraning

dapat natin itong intindihin
nang malaman din ang dapat gawin
pagkat kayhirap itong tiisin
lalo na ng mga anak natin

at kung di tayo kikilos ngayon
kawawa ang bagong henerasyon
alamin kung ano't sinong rason
at pagbayarin ang mga iyon

Bawat Patak ng Tubig

BAWAT PATAK NG TUBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Bawat patak ng tubig ay buhay
Pantighaw ito ng ating uhaw
Gamit sa pagluluto ng ulam
Upang gutom natin ay maibsan

Mahalaga ang patak ng tubig
Araw-gabi tayo dito'y sabik
Sa paliligo at sa tag-init
Ay nais ng tubig na kaylamig

Ang tubig ay serbisyo sa tao
Bawat isa'y kailangan ito
Ngunit pag ito'y naging negosyo
Ay wala na ang karapatan mo

Dahil ang tubig na'y binabayaran
Bibilhin mo na ang karapatan
Sa tugon sa iyong kauhawan
Ang libreng tubig na lang ay ulan