Sabado, Mayo 2, 2009

Manggagawa

MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung saan-saan ninyo kami nakikita
sa mga lansangan, bukid, talyer, pabrika
naroroon kaming kakaunti ang kita
munting sahod, alipin ng kapitalista

kami ang tinatawag ninyong manggagawa
na iba't ibang produkto ang nililikha
ngunit alipin kaming mga gumagawa
lakas-paggawa'y di binabayarang tama

sa anyo ko'y madali akong makilala
ngunit hindi ang aking mga pagdurusa
pagsisikap ko'y madali nyong makikita
ngunit hindi ang luhang pumatak sa mata

masdan mo't ang mga kamay ko'y pulos lipak
sinemento ko ang maraming daang lubak
pinanday ko'y mga kanyon, araro't tabak
ngunit ako itong gumagapang sa lusak

ako ang nag-aayos ng tagas sa gripo
ako ang tagalilok ng mga rebulto
ako ang sa bukid ninyo'y nag-aararo
ako ang nagtatahi niyang baro ninyo

aking ginawa ang gusali ng Kongreso
Malakanyang, Hudikatura at Senado
pinalilipad ko ang mga eroplano
pandagat din dahil isa akong marino

ako'y gawa ng gawa maghapon, magdamag
sa pagsisipag, katawan ko'y pulos libag
lakas-paggawa ko'y talaga namang laspag
madalas pa, karapatan ko'y nilalabag

ako'y hamak na alipin ng aking amo
ako'y alipin din ng mga asendero
alipin din ng kapitalistang barbaro
kailan ba lalaya sa sistemang ito

barya lang ang sahod, di sapat sa pamilya
habang panay ang tubo ng kapitalista
laging usap nila'y paano yayaman pa
kaya manggagawa'y tinulad sa makina

dahil sa kapitalistang pribilehiyo
na bawat gamit sa produksyon ay pribado
kaming manggagawa'y inalipin ng todo
kayod kalabaw para sa kaybabang sweldo

pribadong pag-aari ang nagtanikala
sa pagkatao't buhay naming manggagawa
dapat nang wasakin ang kalagayang sumpa
sa sistemang bulok dapat kaming lumaya

manggagawa, magkaisa, huwag palupig
sa sistemang tanging tubo ang iniibig
ang kapitalismo'y dapat nating madaig
sosyalismo'y itayo sa buong daigdig

Mayo 1, 2009
Sampaloc, Maynila

Biyernes, Abril 24, 2009

Mabuhay ang mga Titser Cora

MABUHAY ANG MGA TITSER CORA
tula ni Matang Apoy

(ang tulang ito'y tugon sa napakagandang tula ni Iltabenla sa multiply)
http://iltabenla.multiply.com/journal/item/95/TULAMBUHAY_NI_TITSER_CORA

Mabuhay si Titser Cora at tulad niyang guro
Na ang buong buhay ay inilaan sa pagtuturo
Ang pagiging matanda'y di dapat magpahinto
Mga dedikadong tulad niya'y di dapat maglaho.

Di man kita nakadaupang-palad, Titser Cora
Ganap naman kitang nakilala dahil kay Iltabenla
Dahil sa kanyang tulang alay na ang ibinunga
Ay tunay na inspirasyon sa nakararaming masa.

Bakit ba sa Ingles at sa dayuhan tayo ay yuyukod?
Bakit ba sa globalisasyon tayo ay pinaluluhod?
Ang wikang sarili ba'y di na dapat itaguyod?
At sa call center na lang tayo dapat maglingkod?

Sa mga mag-aaral ay talagang isa kang ina
Ang paaralan ay isa mo nang malaking pamilya
Kaya sa pagtuturo'y dapat ngang magpatuloy ka
Saludo kami sa iyo, dakilang guro, Titser Cora.

Maraming salamat sa iyo, kaibigang Iltabenla
Sa iyong magandang tula sa mga Titser Cora
Alam kong marami pang Titser Cora sa kanila
Na dapat lang na sa pagtuturo'y magpatuloy pa.

Biyernes, Abril 10, 2009

Isang Bala Lang Ako

ISANG BALA LANG AKO
ni Matang Apoy
13 pantig

Nagbanta na sa akin ang isang kaaway
Isang bala lang ako, anyang malumanay
Tila ang tinig niya'y nagmula sa hukay
Anya sa mundo'y dapat na akong mawalay.

Tinuran niya'y isa nang matinding banta
Tulad kong aktibista'y dapat daw mawala
Tiyak na may pamilya na namang luluha
Tiyak na may gobyernong tatalon sa tuwa.

Kaya tinanggap ko ang hamon niya't banta
Ito'ng agad kong sinabi sa kanyang mukha
Ang mga kapara niya'y hunyango't linta
May mga ulo'y wala namang lamang diwa.

Nandito lang ako't naaabot ng bala
Ngunit may dalawa akong hiling sa kanya
Patamaan ako'y gitna ng mga mata
At huwag siya sa aking magpapauna.

Swerte niya pag nadale akong totoo
Patunay iyon, isang bala nga lang ako
Ngunit pag nauna ako'y ibabaon ko
Yaong tingga niya sa kanya mismong ulo.

Ibagsak ang mga Gahaman

IBAGSAK ANG MGA GAHAMAN
ni Matang Apoy
8 pantig

Ibagsak nating tuluyan
Kapitalistang gahaman
Sa salapi at puhunan
Kanila ang pakinabang
Sa obrero'y laging kulang.

Sa mga kapitalista
Pawang tubo itong una
Walang pakialam sila
Sa mga obrero nila
Kahit na ito'y magdusa.

Kapitalistang maluho
Sadyang ugali'y mabaho
Lagi na lang nanduduro
Dahil swapang nga sa tubo
Obrero'y pinagkanulo.

Mga ganid ay ibagsak
Na sa tubo'y tambak-tambak
At pagapangin sa lusak
Pagkat tayo'y hinahamak
Sa bangin pa'y tinutulak.

Miyerkules, Abril 8, 2009

Mata sa Mata, sa kanyang isip

MATA SA MATA, SA KANYANG ISIP
tugon sa isang tula sa isang multiply account

hanggang sa titig lamang
nang ikaw ay natalupan

hanggang sa mata lamang
nang ikaw ay mahubdan

ngunit ang mga matang iyon
ang siyang tumitig sa puson

ng kahubdang kaysarap angkinin
ngunit di magawa pagkat di pa akin

Sabado, Abril 4, 2009

Arriba Letran

ARRIBA LETRAN!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Mabuhay ang ating paaralan
Tagapaglikha ng kasaysayan
Tagahubog ng paninindigan
Moog ng mga kabayanihan
Ng buhay na inalay sa bayan
Mabuhay, Deus, Patria, Letran!

(tula para sa Letran High School Batch 1985)

Huwebes, Abril 2, 2009

Isa lang akong maralita

ISA LANG AKONG MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig


Isa lang akong maralita
nakatira sa barung-barong
ako’y mahirap pa sa daga
laging kumakain ng tutong

Turing sa aki’y hampaslupa
ng mga mayamang ulupong
akala sila ang bathala
gayong sila ang mandarambong

Ang nais ko’y maging malaya
ayokong laging nakakulong
sa paghihirap, dusa’t luha
kahit ulam lagi’y bagoong

Isa man akong maralita
nais ko pa ring makatulong
pangarap ko sa bawat dukha
isama sa bawat pagsulong

Labanan ang Demolisyon

LABANAN ANG DEMOLISYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

ang bahay ng maralita'y dinedemolis
ng mga taong sadyang walang kasingbangis
maralita'y lagi na lang pinaaalis
sila'y dinudurog na akala mo'y ipis

hindi ba't pabahay ay isang karapatan
ng lahat ng tao, ng bawat mamamayan
ngunit bakit tinatanggalan ng tahanan
dinadala sa lalo't lalong kahirapan

ano bang klaseng gobyerno mayroon tayo
pinababayaang mawasak ang bahay mo
winasak pati buhay, pamilya't trabaho
demolisyon nga'y parang pagpugot ng ulo

ang sigaw nami'y hustisya sa maralita
may karapatan kami kahit mga dukha

Linggo, Marso 22, 2009

Memento Mori

MEMENTO MORI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

Babalik na ako sa aking pinagmulan
Upang di na lumisan magpakailanman

Ako'y aapak sa lupang sinapupunan
Naghihinagpis ngunit maligaya naman

At lilikha ng tulang walang kamatayan
Para sa aking kapwa sa sandaigdigan

Mga labi ko'y nais kong maging pataba
Nang makapagdulot ng ginhawa sa kapwa

Ayokong ako'y ikukulong lang sa kaha
Kahit walang puntod ako na'y maligaya

Huwag Sumapi sa Tropang Lie-Low

HUWAG SUMAPI SA TROPANG LIE-LOW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

Huwag tayong sumapi sa tropang lie-low
Pagkat myembro dito'y pawang palasuko

Dati silang aktibistang masisikhay
Na sumumpang buhay man ay iaalay

Nuong una'y masisigasig sa layon,
Bandang huli'y iniwan ang rebolusyon.

Uunahin daw ang kanilang pamilya
At ang rebolusyon ay saka na muna.

Ganito ang prinsipyo ng tropang lie-low
Sa gitna ng laban, iniiwan tayo!

Huwag sundin ang kanilang halimbawa
Na sa apoy ng rebo ay patang-pata

Pag nang-iiwan sa ere ang kasama
Aba'y iwan na't pabayaan na sila.

Paano susulong itong rebolusyon?
Kahit wala sila tayo ay susulong!

Patuloy ang rebo't aabante tayo
Hanggang makamit ang mithing pagbabago.

Uwak at Pulitiko

UWAK AT PULITIKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig

Uwak lamang ang tumatawag
Sa sarili niyang pangalan

Kapara nitong pulitiko
Na ang bukambibig ay "Ako"

"Ako ang nagpagawa niyan
Ako rin ang nagpondo riyan

Sa akin ang ganyang proyekto
At yaon ay pinagawa ko.

Pinasemento ko ang daan
Pati na iyang basketbulan.

Ako'y inyong dapat iboto
Pagkat ako nga'y makatao!"

Siya ba'y talagang seryoso
Na makapaglingkod sa tao?

Tingin sa maralita'y boto
Tingin sa serbisyo'y negosyo

Istorbo ang tingin sa masa
Pag nilapitan sa problema

Pulos "Ako" ang maririnig
Tila uwak ay dinadaig

Kapwa parehong sinasambit
Ngalan nila sa lumalapit.

"Uwak, uwak" sabi ng isa
"Ako, ako" anang isa pa.

Sa Lipunang Salat

SA LIPUNANG SALAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Sa lipunang kayrami ng salat
Maraming namamatay ng dilat
Mga mata pa'y nakamulagat
Kaginhawaa'y di nalalambat
Inuulam na'y asing maalat.

Pag may isang lihim na naungkat
Hinggil sa taong nagpakabundat
Habang lipunan ay nagsasalat
Ito'y uusiging walang puknat
Pagkat ginawa niya'y salungat.

Kung may anumang nakakasapat
Ay dapat ibahagi sa lahat
Ito ang panuntunang marapat
Ipatupad sa lipunang salat.

Sa Bentador ng Laban ng Manggagawa

SA BENTADOR NG LABAN NG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig

Sino ka mang bentador ng laban ng manggagawa
Sa aming mga obrero'y huwag kang magpapakita
Tiyak ibubuhos namin ang aming poot sa iyo
Pagkat ang ginawa mo'y kapahamakan sa obrero.

Walang Kibo

WALANG KIBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ang tao raw na walang kibo
Nasasa loob daw ang kulo.
Ang utak ba niya'y tuliro
O puso niya'y nagdurugo?
Kung may poot sa kanyang puso
Dapat na iyon ay maglaho
Baka yaong tao'y kumibo.

Laban sa Hustisyang Pangmayaman

LABAN SA HUSTISYANG PANGMAYAMAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig


Ang awiting "Tatsulok" ay sadyang malamàn
Sa mensahe nitong napakalinaw naman:
"Hangga't marami ang lugmok sa kahirapan
At ang hustisya ay para lang sa mayaman."

Kung mayaman lang pala ang makakatanggap
Ng hustisyang sa maralita ay kay-ilap
O, kawawang sadya ang mga mahihirap
Sadyang ang gobyerno'y di sila nililingap.

Ang pagkatao nila'y mistulang alipin
Ng sistemang bulok na dapat nang baguhin
Kaya maralita'y dapat nang pangarapin
Ang isang sistemang di sila mamatahin.

Utang

UTANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig


Anumang tinawag na utang
Ay sapilitang babayaran
Salapi man o kagamitan
Katumbas noo'y ibalik lang.

Utang ay matinong usapan
Ng nanghiram at hiniraman
Pag utang mo'y di binayaran
Parang nagnakaw ka rin niyan.

Pagbabayad ay katapatan
Sa anumang napag-usapan
Bayad dapat ay walang kulang
Bayaran anumang hiniram.

May mga bagay na inutang
Kahit hindi napag-usapan
Ngunit dapat lamang bayaran
Pagkat ito'y utang rin naman.

Pag salapi yaong inutang
Ibalik ang katumbas niyan
Ngunit pag buhay ang inutang
Buhay rin yaong kabayaran.

Pag Nangusap ang Salapi

PAG NANGUSAP ANG SALAPI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig, soneto


Karaniwang natatalo ng imbi
Ang mga taong may mabuting sanhi
Kapag nangusap na yaong salapi
Bigla silang magtetengang-kawali
Nauumid na pati mga labi
Magbubulag-bulagan kahit hindi
At naglulumuhod pang dali-dali.
Nang dahil sa pera'y nananaghili
Sila'y pawang nagbabakasakali
Na mabiyayaan kahit kaunti.
Prinsipyong tangan nila'y napapawi
Agad nang isinasangla ang puri
Tulad nila'y sadyang kamuhi-muhi
Mga hunyango'y kanilang kawangki.

Sabado, Marso 21, 2009

Wika ni FPJ, Idolo

WIKA NI FPJ, IDOLO
ni Greg Bituin Jr.

Tagahanga kami kapwa ng aking ama
At laging nanonood ng mga pelikula
Ni FPJ pagkat ito'y pawang pangmasa
Tulad ng Panday, Asedillo't Ako ang Huhusga

Bata pa ako'y naging tatak ko na rin
Na pelikula niya'y agad kong panoorin
Marami nga siyang magagandang sawikain
Na hanggang ngayon ay tanda ko pa rin

"Ako ang isda" ang sabi sa pelikulang Asedillo
"San Antonio, hindi ako magtataksil sa iyo
Mga taong batis, ilog at dagat kayo
Kung wala kayo'y papaano na ako!"

Sa isang pelikula'y nakaharap niya'y marahas
At sinabihan siyang marami pang kakaining bigas
Aniya'y 'bigas ay sinasaing muna, di tulad ng hudas
Na bigas pa lang ay nilalamon agad ng pangahas.

Kadalasang sa pelikula siya'y nagdarahop
Bayani siyang naaapi saanmang lupalop
Ngunit kapag soba na't napuno yaong salop
Kakalusin ang mga kalaban niyang natututop.

Bilang si Aguila, anak niya'y kanyang pinayuhan
Na parang ako ang pinayuhan ng makatuturan:
"Di ako ang hanap mo sa lakbayin mong kabuuan
Ang tunay na hinahanap mo ay kahulugan."

At bilang gerilya sa bundok ay kanyang tinuran
Matapos bombahin ang isang eskwelahan
Na naglalaman ng guro't mga kabataan
Sa isang umaasang babae doon sa kabundukan:

"Hindi ako tatakas sa aking mga kagagawan
Ngunit tatalikod ako sa labanang walang katuturan
Na ang tanging dulot sa mga inosente'y kamatayan
Pawang walang malay ang biktima ng digmaan."

May mga pelikula ng pag-ibig din naman siya
At bilang Delfin ay sinabi kay Sharon Cuneta
"Ang hirap sa iyo, huli kang ipinanganak, Georgia"
At sinagot ng "Delfin, ipinanganak ka ng mas maaga."

Ilan lamang iyan sa mga natatandaan ng tao
Mula sa pelikula nitong aming iniidolo
Kaybilis bumunot ng kalibre kwarenta'y singko
Ngunit sadya namang bayani siya't makatao.

Biyernes, Marso 20, 2009

Lumbay

LUMBAY
ni Greg Bituin Jr.

nakatarak sa kaluluwa ko ang iyong pangalan

nakaukit sa dibdib ko ang iyong kagandahan

ginising mo ang nahihimbing kong kaibuturan

tila di ka na mawawaglit sa aking isipan

ngunit lumbay ang dulot mo sa aking kawalan

Ang Tanga sa Sabungan

ANG TANGA SA SABUNGAN
ni Greg Bituin Jr.
9 pantig

Isang kwentong katatawanan
Ng palabirong kaibigan:
Paano raw ba malalaman
Kung tanga ang nasa sabungan.

Madali raw makikilala
Ang nasa sabungan ay tanga
Pagkat imbes tandang ang dala
Ang kilik niya'y itik pala.

At mas may tanga pa raw diyan
Itik ay kanyang ilalaban
At ito pa ay tatarian
Upang labanan yaong tandang.

At yaon daw pinakatanga
Ay ang sa itik ay pupusta.

Miyerkules, Marso 18, 2009

Wasakin ang Gintong Tanikala

WASAKIN ANG GINTONG TANIKALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig

anumang pagkatao mayroon ang kapitalista
sa ginagawa niya'y sadya itong walang konsensya
kompetisyong malupit ang sa kanya'y nag-oobliga
sa manggagawa'y patuloy na makapagsamantala

kapitalistang walang budhi'y ayaw ding makawawa
malupit ding negosyante ang kanya mismong kabangga
di baleng magutom itong pamilya ng manggagawa
talagang sa manggagawa'y wala silang pagkalinga

di makakanti kung meron mang katiting na konsensya
itong mga negosyante't hunghang na kapitalista
sa kanila'y di baleng obrero'y tuluyang magdusa
huwag lang mabawasan anumang tutubuin nila

kapitalistang ito'y sadyang walang ginawang tama
masarap pa ang pagkain ng kanilang aso't pusa
kaysa kinakain ng kanilang mga manggagawa
sa kapitalista'y wala ngang mabuting mapapala

ngunit kayhirap kung manggagawa'y lalabang mag-isa
dapat lang silang magsama-sama sa pakikibaka
di lang sa pag-uunyon kundi pagbago ng sistema
mula sa pagiging unyonista'y maging sosyalista

kaya panawagan natin sa lahat ng manggagawa
huwag pakintabin ang tanikalang kumakawawa
putulin ang kadenang dahilan ng maraming luha
magsama-sama na't wasakin ang gintong tanikala

Linggo, Marso 15, 2009

Kalaban at Sarili, ayon kay Sun Tzu

KALABAN AT SARILI, AYON KAY SUN TZU
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig, soneto

Pakinggan itong magandang payo
Ng mandirigmang Sun Tzu na guro
Upang buhay di agad maglaho
At di agad tumagas ang dugo
Sa digmaang nakakatuliro:

"Kilalanin mo yaong kalaban
Sarili'y kilalanin din naman."
At tiyak na sa bawat digmaan
Hindi ka agad mapupuruhan
At ito'y mapapagtagumpayan.

Kaya payo ni Sun Tzu'y isipin
At sa kalooban ay angkinin
Nang matiyak ang tagumpay natin
Laban sa uring mapang-alipin.

Bayaning Matang Apoy ng Sobyet noong WWII

Bayaning Matang Apoy ng Sobyet noong WWII
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa kasaysayan ng Ruso pag pinag-aralan
Na noong Ikalawang Daigdigang Digmaan
Kinikilalang malaking ambag sa paglaban
Laban sa mga manlulusob na Aleman
Ang mga matang apoy na riple ang tangan.

Ipinagtanggol ang bayan ng buong tapat
Ng mga may riple nilang maninipat
Tangan ang ripleng tulad ng Mosin-Nagant
Nag-aapoy ang riple ng buong bigat
Sa lupa'y dugo ng kalaban ang lumapat.

Ayon pa sa aking nasaliksik
Sinisipat ang kaaway nilang mabagsik
Ng matang apoy nilang mabalasik
Pagkalabit ng gatilyo'y parang lintik
Itinumba ang sa bayan nila'y tinik.

Isnayper silang asintado't pinupuntirya
Yaong mga kaaway na sadyang itinutumba
Parang batong hindi matinag-tinag sila
Lalo't nakatitig ang matang apoy sa largabista
Halina't tunghayan ang dalawampung nangunguna

Tunghayan din natin pati ang bilang
Ng napatay nilang kalaban ng bayan
Sa nasaliksik kong naritong talaan
Sila'y mga bayaning dapat parangalan
Sa pagtatanggol laban sa mga dayuhan.

Mikhail Surkov - 702
Vasily Shalvovich - 534
Ivan Sidorenko - 542 - bayani ng Unyong Sobyet
Nikolai Ilyin Y - 494 - bayani ng Stalingrad
Ivan Kulbertinov - 487

Vladimir Pchelintsev - 456
Petr Goncharov - 445
Mikhail Budenkov - 437
Fyodor Okhlopov - 429
Fedor Dyachenko - 425

Stepan Petrenko - 422
Vasily Votes - 422
Nikolai Galushkin - 418
Afanasy Gordienko - 417
Vassili Zaitsev - 400+ - bida sa pelikulang "Enemy at the Gates"

Tuleugali Abdybekov - 397
Theodore Kharchenko - 387
Semen Nomokonov - 368
Viktor Medvedev - 362 - nakasama ni Zaitsev
Gennady Velichko - 360
Ivan Antonov - 352

Matapos ang digmaan Unyong Sobyet ay nagkaloob
Ng turing na pambansang bayaning marubdob
Kina Sidorenko, Budenkov, Zaitsev at Okhlopov
At sa iba pang nagtanggol sa bayang nilusob
Na inisa-isa ang mga kaaway na naglugmok.

Miyerkules, Marso 11, 2009

Obispong Komunista

OBISPONG KOMUNISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Minsan nga'y sinabi ni Obispo Camara:
"Nang bigyan ko ng pagkain ang maralita
Tinawag nila akong santong pinagpala.
Sa tanong kong 'Bakit pagkain dukha'y wala?'
Aba't tinawag agad akong komunista!"

Pagtanong ng 'Bakit?' ba'y isang kahangalan?
Komunista ka na kung nais mong malaman
Kung bakit may naghihirap at may mayaman
Kung bakit sa gobyerno'y maraming kawatan
Kung bakit ang serbisyo'y pinagtutubuan?

Bakit umiiral ang pagsasamantala?
Bakit naghahari'y uring kapitalista?
Bakit pawang tubo ang nasa isip nila?
Bakit laging kinakawawa itong masa?
Bakit dapat baguhin na itong sistema?

Ang pagtatanong ng 'Bakit?' ay tama lamang
Ito'y upang malaman ang mga dahilan
Ng mga nangyayari sa ating lipunan.
Pagtatanong na ito'y isang karapatan
Ng mga taong may tunay na karangalan.

* Obispo Helder Camara (1909-1999) ng Brazil, inihandog niya ang kanyang buong buhay para sa demokrasya't karapatan ng mga maralita

Pasakalye sa mga Hambog

PASAKALYE SA MGA HAMBOG
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

O, kayo diyang mga hambog
Ako man ay inyong madurog
Prinsipyo ko'y di maaalog
At diwa ko'y di malalasog.
Ulo ko'y di n'yo mabibilog
Kayo pa'y aking ilulubog
Sa inyong mga pagkahambog.

Sabado, Marso 7, 2009

Kapangyarihan sa mga Alipin

KAPANGYARIHAN SA MGA ALIPIN
ni Greg Bituin Jr.

Habang nagbabaga ang talim ng aking pinsel
Namasdan ko ang maraming nagmistulang alipin
Mga aliping pinagsamantalahan ng naghaharing uri
Mga aliping sadyang umukit sa kasaysayan ng daigdig
Silang dinuhagi't inaalipusta ng nagmamagaling
Silang mga aliping dapat ay kapwa tao ang turing
Silang gumawa ng Dambuhalang Pader ng Tsina
Silang gumawa ng kinikilalang Piramide ng Ehipto
Silang lumikha ng marami pang bagay sa mundo
Silang mga kapwa tao rin natin
Hindi lamang para sa naghaharing uri ang mundo
Kundi para sa lahat ng nabuhay dito
May karapatan ang lahat
Maging ang mga alipin
Kaya ang sigaw namin at hiling
Kapangyarihan sa mga umugit ng kasaysayan
Kapangyarihan sa mga inapi't pinagsamantalahan
Kapangyarihan sa mga alipin

Diwang Bolshevismo

DIWANG BOLSHEVISMO
ni Greg Bituin Jr.

Nananalaytay sa ugat ng bawat manggagawa
Ang nasang palayain sa pagkaduhagi ang paggawa

Silang umaangkin ng mapagpalayang diwa
Diwang Bolshevismo ang tangan nila't adhika

Sadyang mapang-alipin ang barbarong diwa
Ng mga elitistang akala mo'y mapagkawanggawa

Diwang Bolshevismo ang aming ninanasa
Diwang nakasusugat ng diwa ng burgesya

Na ang sadyang layunin para sa masa
Ay ang durugin ang kapitalistang sistema

Halina't diwang Bolshevismo'y atin nang yakapin
Samahan ang uring manggagawa sa kanilang tungkulin

Na ang lumang sistema ng lipunan ay baguhin
At ang mga api'y tuluyang palayain sa pagkaalipin.

Sabado, Pebrero 28, 2009

Huwag Tayong Palilinlang

HUWAG TAYONG PALILINLANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Karaniwan na ang kanilang pangako
Ngunit kadalasang ito'y napapako
Kung anu-anong sa masa'yinilalako
Huwag lang sa boto sila ay mabigo.

Madalas sa panahon lang ng kampanya
Kapag sila'y makipag-usap sa masa
Ngunit kapag sila nama'y nanalo na
Aba, sila'y hindi na mahagilap pa.

Iba't iba ang dala nilang partido
Turing sa masa'y mabibili ang boto
Ang masa'y kadalasang di na natuto
Kahit binobola lagi nitong trapo.

Mga trapo'y lagi na lang nanlalamang
Kurakutan ay tila wala nang patlang
Pag di nakakurakot ay nahihibang
Sa kaban ng bayan laging nakaabang.

Ang puso ng trapo'y sadya yatang halang
Serbisyo kung meron ma'y lagi pang kulang
Aba'y huwag nang sa kanila'y palinlang
Sila'y wala nang kaluluwang nilalang.

Tugon sa Banta

TUGON SA BANTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ako'y aktibistang tunay na lumalaban
Para sa kapakanan ng bayan at sandaigdigan
Ngunit may ilang nagbabanta naman
Ang aming ginagawa'y dapat na raw tigilan.

Di kami papayag sa kanilang mga pagyurak
Sa dangal ng bayan at kinabukasan ng mga anak
Marami na silang sa bayan natin ay ipinahamak
Dapat nang mapigil ang kanilang mga halakhak.

Marami mang sa akin ay nagbabanta
Hindi naman ito gaanong nakababahala
Mga bantang ito'y aking binabalewala
Dahil di ako titigil sa aming adhika.

Tugon ko'y "Sige, ako'y inyong patayin
Ngunit di ninyo magigiba ang diwa ko't layunin
Tungo sa pagbabago ng sistema ng lipunan
Para sa kinabukasan ng bayan at daigdigan."

Mamamatay akong hindi susuko
Mabubo man ang laksa-laksa kong dugo
Hindi ako titigil banatan man ng punglo
Ito ang dapat nilang mapagtanto.

Tumigil na raw ako't baka raw mawala
Baka raw mga mahal ay tuluyang lumuha
Ngunit tinitiyak kong di ako magigiba
Ng kanilang anumang mga pagbabanta.

Inialay ko na ang buhay para sa pagbabago
Hanggang masilayan ang dakilang sosyalismo
At tuluyang magiba itong kapitalismo
Na siyang yumurak sa dangal ng bawat tao.

Kamatayan ay di namin hinihingi
Kaya lalabanan namin sinumang mapang-aglahi
Nais namin ay katarungan sa lahat ng lipi
Kaya pagsasamantala'y di na dapat maghari.

Hindi kami yuyuko sa mga naghaharing uri
Hindi kami titigil hangga't hindi nagwawagi.

Linggo, Pebrero 15, 2009

Sa Iyo, Miss M.

SA IYO, MISS M.
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang tulang ito’y ibinigay ng personal kay Ms. M. noong Pebrero 14, 2006

Ms. M., hindi ka makatkat sa aking puso’t diwa, kahit habang pinipiga ang lakas-paggawa ng mga obrero sa iba’t ibang pabrika

Ang maamo mong mukha’y nanunuot sa kaibuturan ng aking kalamnan, kahit patuloy na nagbibingi-bingihan ang gobyerno sa mga hinaing ng manggagawa’t maralita

Nabuhay muli ang puso kong matagal nang namatay nang masilayan kita, bagamat matindi ang pananalasa ng globalisasyon

Ninanasa kong makasama kita habang ako’y nabubuhay, habang isinusulat ko ang ilang artikulong pangkultura’t balita sa pahayagang Obrero

Pinangarap kong matikman kahit sumandali ang iyong pag-ibig, kahit noong inookupa ng mga manggagawa ang DOLE

Inukit na kita, Ms. M., sa aking puso, kahit marami na ang nabibiktima ng salot na assumption of jurisdiction

Ms. M., can we talk about our future, as we taught the mass of workers about their revolutionary role in society?

Maging akin man ang iyong pag-ibig o ito’y mawala, alam kong patuloy pa rin tayong makikibaka hanggang sa paglaya ng uring manggagawa

Ms. M., can you say that you love me and show me that you care, even in the middle of our struggle against the capitalist class?

Sana, Ms. M., ngayong ika-14 ng Pebrero o sa iba pang araw na daratal, ay magantihan mo ang iniluluhog nitong aba kong puso, sa gitna man ng piketlayn o sa rali laban sa bulok na sistema

Ms. M., please save your heart for me as we continue fighting for the emancipation of the working class

Hihintayin ko, Ms. M., ang katugunan sa hibik niring puso na sana’y di magdusa, kahit nagpapatuloy pa rin ang mga rali sa lansangan