HUWAG TAYONG PALILINLANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod
Karaniwan na ang kanilang pangako
Ngunit kadalasang ito'y napapako
Kung anu-anong sa masa'yinilalako
Huwag lang sa boto sila ay mabigo.
Madalas sa panahon lang ng kampanya
Kapag sila'y makipag-usap sa masa
Ngunit kapag sila nama'y nanalo na
Aba, sila'y hindi na mahagilap pa.
Iba't iba ang dala nilang partido
Turing sa masa'y mabibili ang boto
Ang masa'y kadalasang di na natuto
Kahit binobola lagi nitong trapo.
Mga trapo'y lagi na lang nanlalamang
Kurakutan ay tila wala nang patlang
Pag di nakakurakot ay nahihibang
Sa kaban ng bayan laging nakaabang.
Ang puso ng trapo'y sadya yatang halang
Serbisyo kung meron ma'y lagi pang kulang
Aba'y huwag nang sa kanila'y palinlang
Sila'y wala nang kaluluwang nilalang.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento