Sabado, Marso 21, 2009

Wika ni FPJ, Idolo

WIKA NI FPJ, IDOLO
ni Greg Bituin Jr.

Tagahanga kami kapwa ng aking ama
At laging nanonood ng mga pelikula
Ni FPJ pagkat ito'y pawang pangmasa
Tulad ng Panday, Asedillo't Ako ang Huhusga

Bata pa ako'y naging tatak ko na rin
Na pelikula niya'y agad kong panoorin
Marami nga siyang magagandang sawikain
Na hanggang ngayon ay tanda ko pa rin

"Ako ang isda" ang sabi sa pelikulang Asedillo
"San Antonio, hindi ako magtataksil sa iyo
Mga taong batis, ilog at dagat kayo
Kung wala kayo'y papaano na ako!"

Sa isang pelikula'y nakaharap niya'y marahas
At sinabihan siyang marami pang kakaining bigas
Aniya'y 'bigas ay sinasaing muna, di tulad ng hudas
Na bigas pa lang ay nilalamon agad ng pangahas.

Kadalasang sa pelikula siya'y nagdarahop
Bayani siyang naaapi saanmang lupalop
Ngunit kapag soba na't napuno yaong salop
Kakalusin ang mga kalaban niyang natututop.

Bilang si Aguila, anak niya'y kanyang pinayuhan
Na parang ako ang pinayuhan ng makatuturan:
"Di ako ang hanap mo sa lakbayin mong kabuuan
Ang tunay na hinahanap mo ay kahulugan."

At bilang gerilya sa bundok ay kanyang tinuran
Matapos bombahin ang isang eskwelahan
Na naglalaman ng guro't mga kabataan
Sa isang umaasang babae doon sa kabundukan:

"Hindi ako tatakas sa aking mga kagagawan
Ngunit tatalikod ako sa labanang walang katuturan
Na ang tanging dulot sa mga inosente'y kamatayan
Pawang walang malay ang biktima ng digmaan."

May mga pelikula ng pag-ibig din naman siya
At bilang Delfin ay sinabi kay Sharon Cuneta
"Ang hirap sa iyo, huli kang ipinanganak, Georgia"
At sinagot ng "Delfin, ipinanganak ka ng mas maaga."

Ilan lamang iyan sa mga natatandaan ng tao
Mula sa pelikula nitong aming iniidolo
Kaybilis bumunot ng kalibre kwarenta'y singko
Ngunit sadya namang bayani siya't makatao.

Walang komento: