Huwebes, Oktubre 15, 2015

Pangarap na lakad sa Palawan

litrato mula sa FB ni kasamang Joemar

PANGARAP NA LAKAD SA PALAWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sa isipan pa lang naglalakad
isang pangarap ang nilalahad
nang mabatid ko ay napaigtad
lakad sa Palawan na ang hangad

makasama rito'y aking nais
ikakampanya ang Climate Justice
tao rito'y di dapat magtiis
planong coal plant ay dapat maalis

sana'y maganap bandang Enero
o kaya naman ay sa Pebrero
huwag lamang sa Nobyembre ito
pagkat may Paris pang lakad tayo

ang Palawan ay mararating din
lakad sa Paris muna'y tapusin

Miyerkules, Oktubre 14, 2015

Di pa lumuluha ang araw

DI PA LUMULUHA ANG ARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

patuloy naming tahak ang makikipot na landas
pulos balakid man ang dinaraanang talampas
na kung mapagtagumpayan man, kakamtin ang bukas
upang lansangan ng Pransya naman ang mababagtas

maging positibo tayo sa ating bawat galaw
adhikang nagpapaningas sa puso'y nagsasayaw
magpatuloy tayo't hindi pa luluha ang araw
sa bawat danas ay may aral tayong matatanaw

marami mang balakid, tila butas ng karayom
anumang panganib ay sama-samang sinusuong
walang iwanan ang magkakaPAAtid sa layon
para sa adhikang sa buong mundo'y binubulong

hindi nga ba't "the road to Paris starts in Manila"
kaya walang maiiwan, lahat ay sama-sama
di magmamaliw ang asam na "Hustisyang Pangklima!"
na sa kapwa'y ipaunawa nati't ipadama

Martes, Oktubre 13, 2015

Walang tulugan

WALANG TULUGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

libutin mo ang lungsod, masdan ang mga lansangan
mga bata'y walang tulugan sa tuwid na daan
nasa sementong kaylamig pagdatal ng karimlan
sinong sisisihin: pamilya o pamahalaan

ngunit pinanggalingang pamilya'y pawang hirap din
walang sariling bahay, nagdidildil din ng asin
nagtitiyaga na lang sa pagpag nang may makain
ngunit dahil sa kasalatan, di man lang mahirin

walang kinabukasan, pumumpuno ng balakid
ang sa kanila'y pasalubong ng daang matuwid
sila'y mga yagit, hindi kapwa, hindi kapatid
magsisilaki ba silang perwisyo yaong hatid

sa TV nga'y sabi ni Kuya Germs, "Walang tulugan!"
at kayrami ngang batang sa gabi'y walang tulugan
ang matindi pa'y matutulog ng walang hapunan
magtitiis sa lamig, mahahamugan ang tiyan

sa kahirapan, mga batang hamog silang saksi
sa tila walang kinabukasan nilang paglaki
danas na karukhaan at gutom ay papatindi
pamahalaan sa tulad nila’y di nagsisilbi

tulog na tulog ang mga batang walang tulugan
walang sapin kahit man lang karton ng alinlangan
ito bang bukas na pamana ng tuwid na daan
aabutin ng umagang tulog sa kagutuman

Higaan nila'y karton ng alinlangan

HIGAAN NILA’Y KARTON NG ALINLANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

at kung tawagin sila'y mga batang hamog
sa karukhaan katawan ay nabubugbog
buhay nila'y takipsilim, tila palubog
animo'y wala nang pangarap na kaytayog
bakit sa dusa't hirap sila'y nalalamog
pamahalaan ba'y kailan mauuntog

sa araw ay pagala-gala sa lansangan
tila ba wala naman silang pupuntahan
pagsapit ng gabi'y karton ang hihigaan
punumpuno ng agam-agam, alinlangan
may aasahan pa ba sa kinabukasan
pasakit bang lagi ang kanilang daratnan

Lunes, Oktubre 12, 2015

Kalibugan ng buang

KALIBUGAN NG BUANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kayrami nang nabilanggo dahil sa kalibugan
biktima'y babaeng ang ulirat ay pinanawan
paano masawata ang kalibugan ng buang
paanong pagkatao'y matuto nilang igalang

o sila'y malala na, dapat lang silang mapiit
pagkat sariling libog sa iba'y ipinipilit
bakit sila nagkagayon, lipunan ba'y kaylupit
anong dahilan bakit babae pa’y ginigipit

dyaryo't magasin bang may litratong nakabikini?
dahil ba yaong babae'y nakasuot ng mini?
para ba patunayang isa kang macho't lalaki?
di mo ba naisip may kapatid ka ring babae?

dahil ba babae'y kalakal sa kapitalismo?
o dahil itong lipunan ay batay sa machismo?
sistemang patriyarkal ba'y dapat palitang todo?
o itayo na ang isang lipunang makatao?

ang kalibugan ng buang ay dapat nang magwakas
babae't lalaki'y pantay dapat sa ating batas
itayo'y lipunang may paggalang, lipunang patas
kung saan walang buang na sa kapwa'y manghaharas

Kabilugan ng buwan

KABILUGAN NG BUWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

halina't ating masdan ang kabilugan ng buwan
o, sinta ko, at tayo'y gumala kung saan-saan
habang naglalakad, kamay ng bawat isa'y tangan
damhin ang lamyos ng pag-ibig sa kaibuturan

halina'y pakinggan mo, aking sinta, itong tula
na sa ligalig ng iwing puso'y magpapahupa
pagkat ikaw, sinta, ang sinasamba kong diwata
handang ipaglaban ang pag-ibig ko, aking mutya

manggagawa sa araw, ang trabaho'y otso oras
pag gabi'y pahinga, buwan sa langit ang kapatas
minamasdan ang sinta sa larawan nitong kupas
habang nasa isip anong ibibigay na bukas

tila may sariling mundo ang dalawa'y masaya
hanggang dumatal ang gabing ang buwan ay wala na
para bagang sa magdamag buwan ay nagtitika
di mawaring puso'y may luha, nakapagtataka

di lahat ng araw ay tuwa't mayr'on ding pasanin
ang dumatal na problema'y di dapat sarilinin
suliranin nila'y dapat pag-usapang masinsin
magkatuwang sa paglutas, mapagwawagian din

Paano ba?

PAANO BA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

paano ba sinusulat ang walang kamatayan
kung ang lahat ng bagay sa mundo'y may katapusan
paano ba inukit ng madla ang kasaysayan
upang aral ng nakalipas ay maunawaan

paano ba sinasapuso ang pakikibaka
upang mabagong tuluyan ang bulok na sistema
paano ba sinasatitik ang dapat mabasa
upang ang sambayanan ay matuto't magkaisa

paano pagtatagniin ang tiyan, diwa't puso
nang sa kaunting alit ay di magbubo ng dugo
paano ba usigin ang marangyang tubo't luho
upang kasakiman sa puso'y tuluyang maglaho

kayrami pa ngang dapat isadiwa’t isatitik
adhika, danas, dalitang sa dusa nakasiksik
at magalugad pa kahit ang landasing matarik
upang gulong ng palad ay di tuluyang tumirik

Puso, isip at tiyan

PUSO, ISIP AT TIYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang puso'y nakakaunawa kadalasan
na di nakakayang arukin ng isipan
ang dalawang pipi mang tigib ng suyuan
di man dila'y puso ang nagtatalamitam

pag may problema, higit sa puso't isipan
limiing salik din ang usapin ng tiyan
na bago ang puso't isip, unahin iyan
sa anumang tunguhi’y isaalang-alang

maraming nagkakahiwalay, di unawa
ng isip at puso ang dumatal na sigwa
pagkat pag gutom ang tiyan nakakawawa
ang puso't isip na di na sapat ang luha

sadyang sa buhay ng tao'y salik ang tatlo
bago magmahal ay uunahing totoo
ang tiyan nang may gasolina sa pagtakbo
kairalang di maitatanggi ng tao

kaya sa suliranin at pagdedesisyon
sa pamumuhay at anupamang transaksyon
laging isaalang-alang ang tatlong iyon
nang di na malunod sa sigwang sumalubong

Linggo, Oktubre 11, 2015

Paghipo sa lupa

PAGHIPO SA LUPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

lupang kaisa'y di dapat maglaho
tahanan ng lumad, lupang ninuno
sa kapalaran nito'y manlululumo
nanganganib, nawawasak ng buo
na isinusuka'y sanlaksang dugo

lupa'y patuloy na naghihimagsik
pagkat saksi sa matang nagsitirik
masang nangabuwal, dugo'y tumitik
ginuhit na palad ng mababagsik
na kaimbian ang inihahasik

lakaring yapak, hipuin ang lupa
damhin sa palad ang kanyang pagluha
ang bawat sugat niyang iniinda
sa puso'y hibik ng mga ulila
lupang katutubong nasa'y kalinga

Ang diwata sa kagubatan

ANG DIWATA SA KAGUBATAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

naroon akong sinasamba ang kariktan
ng kayrikit na diwata sa kagubatan
di matutulog ang gabi ng panagimpan
hangga't alindog niya'y di nasisilayan

payak man ang ngiti't mapupungay ang mata
kapayakan niya ang nakahahalina
iwing puso'y umiindayog sa nadama
pagkat mutya siyang aking dinadambana

sino akong sasamba sa kariktang yaon
kundi makatang sa gubat naglilimayon
at humahabi ng salitang suson-suson
upang mapasaya ang babasa paglaon

ako'y lupa lamang na sinasamba'y langit
na sinasatitik yaong sa puso'y awit
usad ng panitik alay sa mutyang kayrikit
handog sa kanya bawat nakakathang dalit

nawa'y bigyang-pansin ng mutyang sinusuyo
ang damdaming itong di sana masiphayo
lumigaya kahit saglit ang iwing puso
sa panagimpan man lang, di ako mabigo

Sabado, Oktubre 10, 2015

Delubyo

DELUBYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

giniba ng daluyong ang lupaing kutad
at bumaha ng dugo sa bayan ng lumad
mga bagay na tinangkang matilad-tilad
kunehong mabilis, kinapoy at tinamad
kaya nanalo ang pagong kahit kaykupad

sa katabing aplaya'y kaylalim ng wawa
na tila binuo ng sang-angaw na luha
paano nga ba paghahandaan ang sigwa
kapara rin kaya ng nagbabadyang digma
kung sinong mauna'y siyang makatatama.

TALASALITAAN:
kutad - lupang tigang o di tinutubuan ng anuman
tilad - pagpira-piraso
kinapoy - nanlata
wawa - dulo ng ilog sa bukana ng dagat
nagbabadya - bantang mangyari

Sa disyerto ng kawalan

SA DISYERTO NG KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bagamat nag-iisa sa disyerto ng kawalan
ay huwag papayag na basta mabubuwal na lang
ng laksang inhustisya't kabulukan ng lipunan
napupuluputan man ng agiw ng karupukan
naglitawan man ang alikabok ng karukhaan
nadudurog man ng gabok ng kalapastanganan
pagkat makakamtan din ang anumang inaasam
lalo't gintong butil ng pangarap na katarungan

Biyernes, Oktubre 9, 2015

Pagtahak

PAGTAHAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

halina't tahakin anumang matarik na bundok
at ipakita ang talinong makita ang landas
halina't harapin anumang malaking pagsubok
at ipakita kung paano ito nilulutas
halina't magkaisa't mararating din ang tuktok
at ipakita ang nagkakaisa nating lakas
halina't pangarap nati'y abutin hanggang rurok
hanggang makita ng susunod ang naiwang bakas

Kalamnang tigang

KALAMNANG TIGANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang mga kalamnan ko'y sadyang namimigat
tila walang dugong lumalandas sa ugat
dama ang panlalamig nitong aking balat
ang mga laman ko animo'y nawawarat

mabuti’t dumampi ang malamig na hangin
kaya nadama kong ugat na’y nagigising
kumisap ang pag-asang tila nagniningning
at yaong mutya’y gumagala’t naglalambing

mawawala din ang kapoy maya-maya lang
maglalaho yaong sa ugat nakaharang
manunumbalik ang lakas na natitigang
ramdam na baguntao muli’t manibalang

Imortal

IMORTAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

manggagawa - sila ang mayorya sa daigdigan
imortal ang gawaing pakainin ang lipunan
sila ang lumikha ng laksa-laksang kaunlaran
binubuhay nila kahit naghaharing iilan

dugo't pawis yaong gamit sa pabrika't makina
nagbayo, nagsaing, nagpalago ng ekonomya
ngunit kayraming sa kanila'y di kumikilala
lalo't nangapital na tuso't mapagsamantala

kahit walang puhunan, mabubuhay ang daigdig
kayraming puno't pananim, ulan ang dumidilig
mga obrero silang gamit ang lakas ng bisig
sa puso nitong mundo, sila ang nagpapapintig

kahit walang puhunan, mabubuhay ang obrero
kung walang obrero'y di mabubuhay ang negosyo
ngunit baligtad ang nadaranas natin sa mundo
kung sinong may puhunan ang naghaharing totoo

tunay na pagbabago ang nais ng manggagawa
totoong pagbabago ang inaasam ng madla
nais nila'y lipunang pagsasamantala'y wala
isang lipunang makatao'y kanilang adhika

Huwebes, Oktubre 8, 2015

Pasumala

PASUMALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

iyang panlabas na sugat ay madaling gamutin
ngunit kayhirap lunasan ang sugatang damdamin
lalo't naging balantukang kaytagal paghilumin
bahaw na't pinid ng langib ay anong sakit pa rin

liyab ng alipato sa tungko'y nag-iindakan
tila mga alitang idinulot ng anasan
nagpadala sa biro't kulit, lalo na't kantyawan
ang panga’y lumaylay pagkat nauwi sa babagan

matang matalim, nagkatitigan, walang salita
nilapitan ng isa ang isa pa't kinawawa
sa biglaang salakay, paano makahuhuma
dapat laging alisto nang makaiwas sa sigwa

nagsalitan ang bukangliwayway at takipsilim
may sadyang kababawan, may di maarok na lalim
madaling araw na saya, dapithapong panimdim
may nababad sa piging, may tumatalos ng lihim

Bakas

BAKAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

anumang bawat ginawa'y may naiiwang bakas
lumatag sa gunita yaong tinahak na landas
sa diwa'y ginagalugad ang pangarap na bukas
hanggang muling landasin ang nakakalbong talampas

may naiwan ba silang dapat nating pagyamanin
mga bakas na pamana sa lahing magigiting
na kaiba sa nabuong amag at tagulamin
bakas na hahalawan ng anupamang darating

halina’t sama-samang maglakad, tayo’y magtungo
sa namukadkad na bukangliwayway ng pagsuyo
may bagong umaga pang pang-aapi’y maglalaho
na di na kinakailangang magbubo ng dugo

Miyerkules, Oktubre 7, 2015

Paglaban sa pagkabusabos

PAGLABAN SA PAGKABUSABOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

huwag mong sanaying inaapakan ka ng iba
pakatandaang may angking dignidad bawat isa
huwag payagang umiral ang pagsasamantala
huwag mong sanayin silang inaapi-api ka

nagdidilim at lumuluha yaring kalangitan
tila ba nauuhaw sa asam na katarungan
pagkat nabahiran ng dugo ang sangkalupaan
ang bayan niya't api't pinagsasamantalahan

magkaisa nating labanan ang pagkabusabos
pagkat hindi tayo alipin, tao tayong lubos
ang pag-unawa sa sistema'y dapat nating talos
at tungo sa pagbabago tayo na'y magsikilos

pagsasamantala sa kapwa'y dapat nang mapawi
pag-ibig at katarungan yaong dapat magwagi

Martes, Oktubre 6, 2015

Trapik

TRAPIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

biyaheng dalawang oras kamo
sa wala pang limang kilometro
ang kaya ng tatlumpung minuto
ay di magawa’t trapik ng todo

sa MRT, kayhaba ng pila
sa bus, siksikan, nakatayo pa
sa taksi naman magdadagdag ka
madarama mo ang inhustisya

oras na sana'y wastong nagamit
kaysa sa trapik ay naiinip
trapik sa lungsod ay anong lupit
pamahalaan ba ito'y batid

buti pa kaya'y magbisikleta
katawan mo'y tiyak lalakas pa
dapat lang may bikelane sa kalsada
na di makipot, lalo sa Edsa

tunay ngang kaylaki ng epekto
nitong trapik sa buhay ng tao
lalo't araw-araw ang obrero
ay nakikipagsiksikang todo

Lunes, Oktubre 5, 2015

Dapitdilim

DAPITDILIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

bayan yaong kinumutan ng dilim
habang masa'y naroong nahihimbing
diwa'y inuugoy-ugoy sa banig
ng panagimpan habang naninimdim
tangan yaong dignidad ng taimtim

nanood ang buwan sa takipsilim
dumaragsa ang unos at rimarim
na binuo'y alimpuyong malalim
kahit dama de noche'y di masimsim
tila di talos saan na susuling

Linggo, Oktubre 4, 2015

Pagtahak sa baku-bakong daan

PAGTAHAK SA BAKU-BAKONG DAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tinatahak yaong landas ng kawalang hustisya
ilang ulit nang nadapa't nagsibangon ang masa
subalit nananatiling marubdob ang sistema
sandigan lagi'y puhunan, dukha'y estapuwera
tila lumukob ang araw ng kawalang pag-asa

ngunit dapat makibaka, patuloy na bumangon
upang hagilapin anumang marapat na tugon
mga kabataang sa bisyo'y di dapat malulong
habang aso sa takipsilim ay umaalulong
at sa ulo ng makapili’y may saklob na bayong

nahan ang musang pangarap at tunay na kaylambing
sa kalangitan ay tila bituing nagniningning
nabiyak ang tibuyo't mga barya'y nagkalansing
makata'y di makita nahan na ang toreng garing
habang maso'y tangan ng manggagawang magagaling

nakapwesto na ang mga buwaya sa katihan
nagtataingang-kawali sa hinaing ng bayan
puhunan ang nananatiling makapangyarihan
sa bayang inaakala nilang tuwid ang daan
gayong baku-bako pa't puno ng katiwalian

Sabado, Oktubre 3, 2015

Nasaan ka nang kailangan kita? - salin ng tula ni Steven Allen May

NASAAN KA NANG KAILANGAN KITA?
ni Steven Allen May
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ako'y nagugutom
at nagbuo ka ng kapisanan ng makataong sining upang talakayin ang aking kagutuman.
Maraming salamat!

Ako'y nabilanggo
at tahimik kang pumaroon sa iyong tuklong
at ipinagdasal ang aking paglaya.

Ako'y hubad
at sa iyong isipan ay pinagdebatihan
ang moralidad ng aking anyo.

Ako'y may karamdaman
at lumuhod ak at nagpasalamat sa Diyos
sa iyong kalusugan.

Ako'y walang tirahan
at itinuro mo sa akin
ang banal na kanlungan ng Diyos.

Ako'y nalulumbay
at iniwan mo akong mag-isa
upang ipanalangin ako.

Tila baga isa kang banal,
na napakalapit sa Diyos

Ngunit ako'y gutom na gutom pa rin,
at nalulumbay,
at nangangatal.

Kaya saan napunta ang inyong dasal?
Anong nagawa ng mga iyon?

anong napapala ng isang taong nagbubuklat
ng kanyang aklat-dalanginan
gayong ang lahat ng tao sa daigdig
ay nagsusumamo ng kanyang tulong?

* Kinatha noong 1971 ni Steven Allen May nang siya'y 16 taong gulang. Hiningi ng kanyang ama ang kanyang permiso na maisumite ito sa pahayagan ng simbahang Methodista. 




where were you when I needed you
by Steven Allen May

I was hungry
and you formed a humanities club
to discuss my hunger.
Thank you !

I was imprisoned
and you crept off quietly to your chapel and prayed for my release.

I was naked
and in your mind you debated the morality of my appearance.

I was sick
and you knelt and thanked God for your health.

I was homeless
and you preached to me of the spiritual shelter of God.

I was lonely
and you left me alone to pray for me.

You seemed so holy,
so close to God

But I’m still very hungry,
and lonely,
and cold.

so where have the prayers gone ?
what have they done ?

what does it profit a man to page through his book of prayers
when the rest of the world
is crying for his help ?

* Steven Allen May wrote this poem in 1971 when he was 16 years old. His father asked him for permission to submit it to a Methodist church newsletter.

Biyernes, Oktubre 2, 2015

Pangarap na asam

naunawaan ko ang mga agam-agam
lalo't suliraning tila di napaparam
na animo'y asap itong nakahihilam
nawa'y kamtin ng puso't isip ang mainam
at matupad na ang pangarap naming asam

- gregbituinjr.

Pagtahak sa Landas na Makitid - tula sa unang anibersaryo ng umpisa ng Climate Walk

PAGTAHAK SA LANDAS NA MAKITID
(sa unang anibersaryo ng umpisa ng Climate Walk)
13 pantig bawat taludtod

makitid pa noon ang landas na tinahak
kahit lantaran na ang mga pagkawasak
ng kalikasan at kayraming napahamak
sa delubyo't unos, nagsigulong sa lusak
at sa kasiphayuan ang puso'y nagnaknak
ito ba'y gawa ng sistemang mapangyurak?

ano't nangyari'y kapahamakang dumating
naglaho na ang mga ngiti't paglalambing
nasagip ay di alam kung saan susuling
pagkat gunita'y laging nasa salamisim
na dama'y takot, di matingkalang rimarim
sa nag-ibang klima'y kailan magigising

makitid pa ang landas na tinahak noon
sa delubyo'y kayraming katawang nabaon
bakit nagbabago na ang timpla ng panahon
mula Maynila'y sa Tacloban pumaroon
upang ipahayag sa lakad matalunton
sa nagbabagong klima'y paano tutugon

ang poot ni Yolanda'y pilit inaarok
mga nangyari'y walang lasa't di malunok
ang hiyaw: Climate Justice Now! noong Climate walk
landas na makikitid ay pawang pagsubok
di pa magluwag, ayaw pa ng nasa tuktok
pinagtutubuan pa ang sanlaksang usok

tinatahak pa ang landas na makikitid
nakakasalubong pa'y kayraming balakid
ngunit nagkaisa ang mga kaPAAtid
sa lahat, ang Climate Justice na'y ipabatid
sa isyung klima'y di na dapat maging umid
kayrami mang pagsubok na sala-salabid

- gregbituinjr, 02 Oktubre 2015

Kung kami'y kandila


KUNG KAMI'Y KANDILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat kandila

"It is better to light just one little candle, than to stumble in the dark!" ~ mula sa awiting "One Little Candle" ni Perry Como

kung kami'y kandila, di agad mauupos
habang tinutupad misyong sa puso'y taos
kung sakaling sa gawa kami'y kinakapos
ipagpaumanhin kung di makayang lubos

kung kami'y kandila, ilaw kami sa dilim
upang magbigay liwanag sa naninimdim
lalo na sa buhay na nasa takipsilim
nang tungkuli’y magampanan pa ring taimtim

kung kami'y kandila, magbibigay-liwanag
sa pusong luha’t dusa yaong nakabihag
nang inaasam na pag-asa'y mailatag
at ang nakagapos na problema'y makalag

kung kandila man, at sakaling nag-iisa
dulot sa bawat isa'y liwanag tuwina
sakaling maupos, sa mundo’y mawala na
may darating pang kandila't bagong pag-asa

Huwebes, Oktubre 1, 2015

May gunita sa bawat aklat

MAY GUNITA SA BAWAT AKLAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

"Screens have their uses, but they carry no memories. A book is a companion, a recollection, a renewable source of associations and wisdom." ~ David Wolpe, from his article "The Soul of a Book" in Time.com

may gunita sa bawat aklat
na minsan ay di madalumat
na kung atin lang mabubuklat
ang puso’t diwa’y magugulat

makikita'y di lamang agiw
di man mangusap ay sumasaliw
pag binasa'y kagiliw-giliw
tila ayaw mo nang bumitiw

kaysarap damhin ang gunita
nasa pagitan man ng sigwa
tagumpay o sanlaksang luha
nasa langit ma't nasa lupa

di mo damang diwa mo'y salat
pagkat may gunita sa aklat
dunong at puso’y masisipat
na mauunawa ng lahat


Miyerkules, Setyembre 30, 2015

Ningas sa kadimlan


NINGAS SA KADIMLAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

"Ang isang puno ay makalilikha ng isang milyong posporo. Ngunit ang isang posporo ay maaaring makapagwasak ng isang milyong puno." ~ kasabihang pangkalikasan

gamit sa sigarilyo
ang pansinding posporo
sindi doon at dito
usok ay bugang todo

ang posporong nilikha
ng kamay ng paggawa
ay gamitin ng tama
nang di mapariwara

mag-ingat sa paggamit
lalo sa tukso't kulit
dahil ang ipong galit
sa buhay ay mang-umit

sindihan ang kandila
para sa namayapa
tumutulo ang luha
luha'y itinutula

magbigay ng liwanag
sa karimlang bagabag
mga tago'y mabunyag
sa batas na nalabag

posporo'y gagamitin
panluto ng sinaing
at habang iniinin
sumasarap ang kanin

Ang mitsa


ANG MITSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nasindihan ang mitsang apoy ang inilalatag
upang magbigay sa atin kahit munting liwanag
habang sa dilim may suliraning bumabagabag
ang masikip na dibdib ay paano ba luluwag

kung iyang mitsa'y nagsabog ng liwanag sa dilim
nagsindi ng gasera pagsapit ng takipsilim
maaaring makapagnilay-nilay ng taimtim
at upang maiwasan din ang rimarim at lagim

mitsa ang simula nang pagtupok pag nasindihan
mitsa ang dahilan ng pagsiklab sa kadiliman
mitsa ang bisyong sumisira nitong kalusugan
mitsa rin ang simula ng maraming kamatayan

mitsa'y gamitin sa kadahilanang anong buti
makatulong sa kapwa’t anumang dapat sumindi
mitsa sa kandila't nagpupugay sa pintakasi
mitsa'y gamiting tama't nang sa huli’y di magsisi

Ang kakayahang bumili ng edukasyon

ANG KAKAYAHANG BUMILI NG EDUKASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

magkano nga ba itong edukasyon
di ba't dapat na ito'y obligasyon
nitong pamahalaan bilang misyon
ng paghubog ng bagong henerasyon

mahal ang matrikula't pamasahe
sa kalagayang ito tayo'y saksi
kaya edukasyon ay dapat libre
di batay sa kakayahang bumili

kaymahal ng presyo ng edukasyon
marami nga'y sa utang nababaon
lalo na't dukhang dapat ding lumamon
sa problemang ito'y ano ang tugon

ang bata'y matiyagang nag-aaral
kahit walang hapunan o almusal
naghahanda sa bukas na daratal
nagsusunog ng kilay, nagpapagal

Martes, Setyembre 29, 2015

Pagkalunod

PAGKALUNOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

dama ang pagkalunod sa pagkabigo't dismaya
iluha ko man ay bato'y may magagawa pa ba
puso'y sinusurot ng pagkaalpas ng biyaya
pagkasawing biglang datal ay makakayanan ba

pagkalunod na di makasisid, di ko mawari
kampay ng kampay, kamalayan ko'y di manauli
tuliro, di nagbunga ang inihasik na binhi
bigo sa pinaghandaang pagbabakasakali

nagpapalakas lang ng loob yaong umaasa
na ako'y makakasáma rin sa mga kasama
bantulot na'y dapat pa ring gawin anumang kaya
pulos bakasakaling magtagumpay na't sumaya

tubig ay nalalagok habang nais makaahon
nilulunggating pangarap ay wala pa ring tugon
kung mabibigo sa ikalawang pagkakataon
panahon nang lumayo't bagtasin ang mga alon