Miyerkules, Mayo 20, 2009

Ang Buwitre at ang Langgam

ANG BUWITRE AT ANG LANGGAM
ni Greg Bituin Jr.

Nais ng buwitre'y pawang tubo
At wala siyang pakialam sa ibang nilalang
Pinagsasamantalahan kahit patay
Nilalamon na nito kahit mga buhay.

Nais ng langgam ay para sa lahat
Kumakayod di para sa sarili lang nila
Kundi para pakainin ang buong bayan
Manggagawa silang sadyang kaysisipag.

Ngunit pag namatay ang langgam
Walang buwitreng dumadamay
Dahil wala naman itong pakialam
Sa langgam mabuhay man ito o mamatay.

Dahil pawang tubo lang at ang sarili
Ang laging iniisip ng mga buwitre.

Pag namatay ang buwitre'y agad nilalanggam
Dahil hinahakot ng mga ito ang mga kinurakot
At mga naiwang tubo't kapital ng buwitre
Upang ipamahagi sa masa ng sambayanan.

Iniisip ng mga langgam ang kinabukasan
Tulad ng manggagawang para sa bayan.

Ikaskas Mo Sa Pader

IKASKAS MO SA PADER
ni Matang Apoy

mahirap pag kating-kati ka na
di mo ito makamot sa harap ng madla
habang siyang-siya kay Ara Mina

nais mong mairaos ang tiwaling nararamdaman
sa pagbabati'y ibang-iba ang pakiramdam
galit ang sandata mong tila sinisilaban

nais na itong tanganan ni Mariang Palad
at himasin ng naglilipak niyang kamay
ang katiwaliang iyong nararamdaman

ngunit ikaw naman ay nasa labas lang
walang mapasukang mapapagbatihan
sa pantalon ay sasabog na ang hinihimas

ah, sa kati mo'y may solusyon naman, kaibigan
ikaskas mo sa pader ang nararamdaman
at tiyak unti-unting itong matatanggal

oo, ikaskas mo sa pader ng Malacañang
at doon mo ito pasabugin ng tuluyan
baka sakaling maglaho ang katiwalian

Linggo, Mayo 10, 2009

Tugon sa isang kamakata

Tugon sa isang kamakata
(tugon sa tula sa multiply account ni breathingindarkness na pinamagatang "Walang Imposible sa Pag-ibig")

mga tula mo'y abang namin pagkat di nakakainip
magaganda mong saknong, diwa namin ay hagip

mga hinabi mong taludtod sumasagi sa panaginip
dumighay ka sumandali habang ikaw'y nag-iisip

nagmamaktol mong hininga sana'y hindi sumikip
upang makalikha ka pa ng tulang aming malilirip

Soneto sa magandang dilag


SONETO SA MAGANDANG DILAG
ni Greg Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Ako'y halina sa iyong alindog
Ngiting kaytamis, at kaygandang hubog
Sa puso ko'y ikaw'y binabantayog
Sa panaginip laging pinupupog.

Narito't tanggapin ang aking handog
Isang tulang walang kalibog-libog
Kundi taludtod na panay pag-irog
Ikaw nga ang pangarap kong kaytayog.

Makatang aba akong umiirog
Habang ikaw'y kagandang bantog
Sa ngiti mo pa lang, ako na'y busog
Pati sa tinig mong umiindayog.

Huwag mo sanang puso ko'y madurog
Pagkat titigil ang aking pag-inog.

Biyernes, Mayo 8, 2009

Ang Loro sa Husgado

ANG LORO SA HUSGADO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

isang mamamayan ang agad inaresto
agad na pinosasan at kinalaboso
dahil sinabi ng kanyang alagang loro
sa maraming tao'y, "Ibagsak ang gobyerno!"

ang tanging nagawa na lang ng inaresto
inihabilin sa isang pastor ang loro
ang pastor naman ay inalagaan ito
pati yata dasal ay itinuro dito

at upang patunayan doon sa husgado
ang malaking kasalanan ng akusado
pinagsalita ng tagausig ang loro:
"Sabihin mo ngayon: Ibagsak ang gobyerno!"

nabigla ang tagausig sa sagot nito
sabi ng loro, "Sundin ang kalooban mo!"

Oda sa emanilapoetry

ODA SA EMANILAPOETRY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig

sa emanilapoetry ako'y nagpapasalamat
at nalalathala dito mga tula kong nasulat
marami pang nakilalang mga manunulang mulat
mga makatang mahusay sa pagkomento't pagsipat
sa mga tulang kinatha ng mga kamanunulat

pag minsan nga sa pagkatha ako'y hindi mapakali
dahil sa di magagandang balita at pangyayari
ang napagbabalingan ko'y ang emanilapoetry
pagkat nababasa rito'y mga kathang mabubuti
sa panahon ng ligalig ito nga'y isang kakampi

nakagagaan ng loob ang mga tulang narito
sa mga kapwa makata sadyang tayo'y matututo
kaygaganda pa ng payo, pati na mga komento
kaya kung ikaw'y tuliro, dito'y magbasa lang tayo
tiyak na may mapupulot na magandang aral dito

(Ang emanilapoetry ay isang grupo ng mga makata sa internet)

Lunes, Mayo 4, 2009

Pagpupugay sa Limang Drowing ni Nicole

PAGPUPUGAY SA LIMANG DROWING NI NICOLE
ni Greg Bituin Jr.
(ginawan ko ng tula ang limang drowing na ibinahagi ng isang taga-multiply, si Nicole, sa grupong BobOngPinoy, at nasa: http://mgabobongpinoy.multiply.com/photos/album/35/drowing)

sadyang kaygaganda ng iyong mga drowing
sa pagpinta mo ba nito ikaw'y naglalambing
mga larawang ito'y madadala ko sa paghimbing
at tiyak na babangon akong kay ganda ng gising

ang mga drowing mo'y hindi nakakasawa
sa pagkakatitig dito'y talagang ako'y natulala
ang nasa larawan ba'y natutuwa o lumuluha
o siya'y babaeng sadyang kahanga-hanga

nawa'y magpatuloy ka sa pagdodrowing mo
isa kang inspirasyon sa mga makatang tulad ko
magandang gawan ng tula ang bawat isa nito
marahil ay marami ritong nakatagong kwento

mabuhay ka, Nicole, sa maganda mong pagguhit
ang tanong ko na lamang: kailan ba ito mauulit?

Isang panaginip, ni Edgar Allan Poe

Isang Panaginip
ni Edgar Allan Poe
salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

Sa mga pangitain ng gabing malamlam
Napanaginipan ko ang nawalang saya
Ngunit ang pagsilang ng buhay at liwanag
Ang nag-iwan sa akin ng pusong may dusa.

Ah, ano bang sa umaga'y di panaginip
Sa kanyang ang iwing mga mata'y mapanglaw
Sa bagay sa palibot niya'y may silahis
At tumalikod na roon sa nakaraan.

Ang panagimpang yaon, panagimpang yaon
Habang pawang lahat sa mundo'y nanunumbat
At ipagsigawang ako'y isang sintang sinag
Na isang kaylungkot na diwang gumagabay.

Bagamat ang liwanag sa unos at gabi
Na nangangatal naman mula sa malayo
Anong mayroon kaysa totoong liwanag
Ng katotohanang tala nitong umaga.

Huwag tumayo sa libingan ko at lumuha - ni Mary Elizabeth Frye

Huwag tumayo sa libingan ko at lumuha
ni Mary Elizabeth Frye (1932)
tinagalog ni Gregorio V. Bituin Jr.

Huwag tumayo sa libingan ko at lumuha.
Wala ako roon. Hindi ako natutulog.
Ako'y isanglibong hanging humihip.
Ako ang ningning ng dyamante sa niyebe.
Ako ang liwanag ng araw sa hinog na butil.
Ako ang maginoong ulan ng taglagas.
Kung magising ka sa mapayapang umaga
Ako ang mabilis na nagmamadali sa pagpailanlang
Ng mga payapang ibong paikot na lumilipad.
Ako ang malalambot na mga talang sa gabi'y kumikinang.
Huwag tumayo sa libingan ko at umiyak;
Wala ako roon. Hindi ako namatay.


Do Not Stand At My Grave And Weep
by Mary Elizabeth Frye (1932)

Do not stand at my grave and weep
I am not there. I do not sleep.
I am a thousand winds that blow.
I am the diamond glints on snow.
I am the sunlight on ripened grain.
I am the gentle autumn rain.
When you awaken in the morning's hush
I am the swift uplifting rush
Of quiet birds in circled flight.
I am the soft stars that shine at night.
Do not stand at my grave and cry;
I am not there. I did not die.

Sabado, Mayo 2, 2009

Manggagawa

MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung saan-saan ninyo kami nakikita
sa mga lansangan, bukid, talyer, pabrika
naroroon kaming kakaunti ang kita
munting sahod, alipin ng kapitalista

kami ang tinatawag ninyong manggagawa
na iba't ibang produkto ang nililikha
ngunit alipin kaming mga gumagawa
lakas-paggawa'y di binabayarang tama

sa anyo ko'y madali akong makilala
ngunit hindi ang aking mga pagdurusa
pagsisikap ko'y madali nyong makikita
ngunit hindi ang luhang pumatak sa mata

masdan mo't ang mga kamay ko'y pulos lipak
sinemento ko ang maraming daang lubak
pinanday ko'y mga kanyon, araro't tabak
ngunit ako itong gumagapang sa lusak

ako ang nag-aayos ng tagas sa gripo
ako ang tagalilok ng mga rebulto
ako ang sa bukid ninyo'y nag-aararo
ako ang nagtatahi niyang baro ninyo

aking ginawa ang gusali ng Kongreso
Malakanyang, Hudikatura at Senado
pinalilipad ko ang mga eroplano
pandagat din dahil isa akong marino

ako'y gawa ng gawa maghapon, magdamag
sa pagsisipag, katawan ko'y pulos libag
lakas-paggawa ko'y talaga namang laspag
madalas pa, karapatan ko'y nilalabag

ako'y hamak na alipin ng aking amo
ako'y alipin din ng mga asendero
alipin din ng kapitalistang barbaro
kailan ba lalaya sa sistemang ito

barya lang ang sahod, di sapat sa pamilya
habang panay ang tubo ng kapitalista
laging usap nila'y paano yayaman pa
kaya manggagawa'y tinulad sa makina

dahil sa kapitalistang pribilehiyo
na bawat gamit sa produksyon ay pribado
kaming manggagawa'y inalipin ng todo
kayod kalabaw para sa kaybabang sweldo

pribadong pag-aari ang nagtanikala
sa pagkatao't buhay naming manggagawa
dapat nang wasakin ang kalagayang sumpa
sa sistemang bulok dapat kaming lumaya

manggagawa, magkaisa, huwag palupig
sa sistemang tanging tubo ang iniibig
ang kapitalismo'y dapat nating madaig
sosyalismo'y itayo sa buong daigdig

Mayo 1, 2009
Sampaloc, Maynila

Biyernes, Abril 24, 2009

Mabuhay ang mga Titser Cora

MABUHAY ANG MGA TITSER CORA
tula ni Matang Apoy

(ang tulang ito'y tugon sa napakagandang tula ni Iltabenla sa multiply)
http://iltabenla.multiply.com/journal/item/95/TULAMBUHAY_NI_TITSER_CORA

Mabuhay si Titser Cora at tulad niyang guro
Na ang buong buhay ay inilaan sa pagtuturo
Ang pagiging matanda'y di dapat magpahinto
Mga dedikadong tulad niya'y di dapat maglaho.

Di man kita nakadaupang-palad, Titser Cora
Ganap naman kitang nakilala dahil kay Iltabenla
Dahil sa kanyang tulang alay na ang ibinunga
Ay tunay na inspirasyon sa nakararaming masa.

Bakit ba sa Ingles at sa dayuhan tayo ay yuyukod?
Bakit ba sa globalisasyon tayo ay pinaluluhod?
Ang wikang sarili ba'y di na dapat itaguyod?
At sa call center na lang tayo dapat maglingkod?

Sa mga mag-aaral ay talagang isa kang ina
Ang paaralan ay isa mo nang malaking pamilya
Kaya sa pagtuturo'y dapat ngang magpatuloy ka
Saludo kami sa iyo, dakilang guro, Titser Cora.

Maraming salamat sa iyo, kaibigang Iltabenla
Sa iyong magandang tula sa mga Titser Cora
Alam kong marami pang Titser Cora sa kanila
Na dapat lang na sa pagtuturo'y magpatuloy pa.

Biyernes, Abril 10, 2009

Isang Bala Lang Ako

ISANG BALA LANG AKO
ni Matang Apoy
13 pantig

Nagbanta na sa akin ang isang kaaway
Isang bala lang ako, anyang malumanay
Tila ang tinig niya'y nagmula sa hukay
Anya sa mundo'y dapat na akong mawalay.

Tinuran niya'y isa nang matinding banta
Tulad kong aktibista'y dapat daw mawala
Tiyak na may pamilya na namang luluha
Tiyak na may gobyernong tatalon sa tuwa.

Kaya tinanggap ko ang hamon niya't banta
Ito'ng agad kong sinabi sa kanyang mukha
Ang mga kapara niya'y hunyango't linta
May mga ulo'y wala namang lamang diwa.

Nandito lang ako't naaabot ng bala
Ngunit may dalawa akong hiling sa kanya
Patamaan ako'y gitna ng mga mata
At huwag siya sa aking magpapauna.

Swerte niya pag nadale akong totoo
Patunay iyon, isang bala nga lang ako
Ngunit pag nauna ako'y ibabaon ko
Yaong tingga niya sa kanya mismong ulo.

Ibagsak ang mga Gahaman

IBAGSAK ANG MGA GAHAMAN
ni Matang Apoy
8 pantig

Ibagsak nating tuluyan
Kapitalistang gahaman
Sa salapi at puhunan
Kanila ang pakinabang
Sa obrero'y laging kulang.

Sa mga kapitalista
Pawang tubo itong una
Walang pakialam sila
Sa mga obrero nila
Kahit na ito'y magdusa.

Kapitalistang maluho
Sadyang ugali'y mabaho
Lagi na lang nanduduro
Dahil swapang nga sa tubo
Obrero'y pinagkanulo.

Mga ganid ay ibagsak
Na sa tubo'y tambak-tambak
At pagapangin sa lusak
Pagkat tayo'y hinahamak
Sa bangin pa'y tinutulak.

Miyerkules, Abril 8, 2009

Mata sa Mata, sa kanyang isip

MATA SA MATA, SA KANYANG ISIP
tugon sa isang tula sa isang multiply account

hanggang sa titig lamang
nang ikaw ay natalupan

hanggang sa mata lamang
nang ikaw ay mahubdan

ngunit ang mga matang iyon
ang siyang tumitig sa puson

ng kahubdang kaysarap angkinin
ngunit di magawa pagkat di pa akin

Sabado, Abril 4, 2009

Arriba Letran

ARRIBA LETRAN!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Mabuhay ang ating paaralan
Tagapaglikha ng kasaysayan
Tagahubog ng paninindigan
Moog ng mga kabayanihan
Ng buhay na inalay sa bayan
Mabuhay, Deus, Patria, Letran!

(tula para sa Letran High School Batch 1985)

Huwebes, Abril 2, 2009

Isa lang akong maralita

ISA LANG AKONG MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig


Isa lang akong maralita
nakatira sa barung-barong
ako’y mahirap pa sa daga
laging kumakain ng tutong

Turing sa aki’y hampaslupa
ng mga mayamang ulupong
akala sila ang bathala
gayong sila ang mandarambong

Ang nais ko’y maging malaya
ayokong laging nakakulong
sa paghihirap, dusa’t luha
kahit ulam lagi’y bagoong

Isa man akong maralita
nais ko pa ring makatulong
pangarap ko sa bawat dukha
isama sa bawat pagsulong

Labanan ang Demolisyon

LABANAN ANG DEMOLISYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

ang bahay ng maralita'y dinedemolis
ng mga taong sadyang walang kasingbangis
maralita'y lagi na lang pinaaalis
sila'y dinudurog na akala mo'y ipis

hindi ba't pabahay ay isang karapatan
ng lahat ng tao, ng bawat mamamayan
ngunit bakit tinatanggalan ng tahanan
dinadala sa lalo't lalong kahirapan

ano bang klaseng gobyerno mayroon tayo
pinababayaang mawasak ang bahay mo
winasak pati buhay, pamilya't trabaho
demolisyon nga'y parang pagpugot ng ulo

ang sigaw nami'y hustisya sa maralita
may karapatan kami kahit mga dukha

Linggo, Marso 22, 2009

Memento Mori

MEMENTO MORI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

Babalik na ako sa aking pinagmulan
Upang di na lumisan magpakailanman

Ako'y aapak sa lupang sinapupunan
Naghihinagpis ngunit maligaya naman

At lilikha ng tulang walang kamatayan
Para sa aking kapwa sa sandaigdigan

Mga labi ko'y nais kong maging pataba
Nang makapagdulot ng ginhawa sa kapwa

Ayokong ako'y ikukulong lang sa kaha
Kahit walang puntod ako na'y maligaya

Huwag Sumapi sa Tropang Lie-Low

HUWAG SUMAPI SA TROPANG LIE-LOW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

Huwag tayong sumapi sa tropang lie-low
Pagkat myembro dito'y pawang palasuko

Dati silang aktibistang masisikhay
Na sumumpang buhay man ay iaalay

Nuong una'y masisigasig sa layon,
Bandang huli'y iniwan ang rebolusyon.

Uunahin daw ang kanilang pamilya
At ang rebolusyon ay saka na muna.

Ganito ang prinsipyo ng tropang lie-low
Sa gitna ng laban, iniiwan tayo!

Huwag sundin ang kanilang halimbawa
Na sa apoy ng rebo ay patang-pata

Pag nang-iiwan sa ere ang kasama
Aba'y iwan na't pabayaan na sila.

Paano susulong itong rebolusyon?
Kahit wala sila tayo ay susulong!

Patuloy ang rebo't aabante tayo
Hanggang makamit ang mithing pagbabago.

Uwak at Pulitiko

UWAK AT PULITIKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig

Uwak lamang ang tumatawag
Sa sarili niyang pangalan

Kapara nitong pulitiko
Na ang bukambibig ay "Ako"

"Ako ang nagpagawa niyan
Ako rin ang nagpondo riyan

Sa akin ang ganyang proyekto
At yaon ay pinagawa ko.

Pinasemento ko ang daan
Pati na iyang basketbulan.

Ako'y inyong dapat iboto
Pagkat ako nga'y makatao!"

Siya ba'y talagang seryoso
Na makapaglingkod sa tao?

Tingin sa maralita'y boto
Tingin sa serbisyo'y negosyo

Istorbo ang tingin sa masa
Pag nilapitan sa problema

Pulos "Ako" ang maririnig
Tila uwak ay dinadaig

Kapwa parehong sinasambit
Ngalan nila sa lumalapit.

"Uwak, uwak" sabi ng isa
"Ako, ako" anang isa pa.

Sa Lipunang Salat

SA LIPUNANG SALAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Sa lipunang kayrami ng salat
Maraming namamatay ng dilat
Mga mata pa'y nakamulagat
Kaginhawaa'y di nalalambat
Inuulam na'y asing maalat.

Pag may isang lihim na naungkat
Hinggil sa taong nagpakabundat
Habang lipunan ay nagsasalat
Ito'y uusiging walang puknat
Pagkat ginawa niya'y salungat.

Kung may anumang nakakasapat
Ay dapat ibahagi sa lahat
Ito ang panuntunang marapat
Ipatupad sa lipunang salat.

Sa Bentador ng Laban ng Manggagawa

SA BENTADOR NG LABAN NG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig

Sino ka mang bentador ng laban ng manggagawa
Sa aming mga obrero'y huwag kang magpapakita
Tiyak ibubuhos namin ang aming poot sa iyo
Pagkat ang ginawa mo'y kapahamakan sa obrero.

Walang Kibo

WALANG KIBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ang tao raw na walang kibo
Nasasa loob daw ang kulo.
Ang utak ba niya'y tuliro
O puso niya'y nagdurugo?
Kung may poot sa kanyang puso
Dapat na iyon ay maglaho
Baka yaong tao'y kumibo.

Laban sa Hustisyang Pangmayaman

LABAN SA HUSTISYANG PANGMAYAMAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig


Ang awiting "Tatsulok" ay sadyang malamàn
Sa mensahe nitong napakalinaw naman:
"Hangga't marami ang lugmok sa kahirapan
At ang hustisya ay para lang sa mayaman."

Kung mayaman lang pala ang makakatanggap
Ng hustisyang sa maralita ay kay-ilap
O, kawawang sadya ang mga mahihirap
Sadyang ang gobyerno'y di sila nililingap.

Ang pagkatao nila'y mistulang alipin
Ng sistemang bulok na dapat nang baguhin
Kaya maralita'y dapat nang pangarapin
Ang isang sistemang di sila mamatahin.

Utang

UTANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig


Anumang tinawag na utang
Ay sapilitang babayaran
Salapi man o kagamitan
Katumbas noo'y ibalik lang.

Utang ay matinong usapan
Ng nanghiram at hiniraman
Pag utang mo'y di binayaran
Parang nagnakaw ka rin niyan.

Pagbabayad ay katapatan
Sa anumang napag-usapan
Bayad dapat ay walang kulang
Bayaran anumang hiniram.

May mga bagay na inutang
Kahit hindi napag-usapan
Ngunit dapat lamang bayaran
Pagkat ito'y utang rin naman.

Pag salapi yaong inutang
Ibalik ang katumbas niyan
Ngunit pag buhay ang inutang
Buhay rin yaong kabayaran.

Pag Nangusap ang Salapi

PAG NANGUSAP ANG SALAPI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig, soneto


Karaniwang natatalo ng imbi
Ang mga taong may mabuting sanhi
Kapag nangusap na yaong salapi
Bigla silang magtetengang-kawali
Nauumid na pati mga labi
Magbubulag-bulagan kahit hindi
At naglulumuhod pang dali-dali.
Nang dahil sa pera'y nananaghili
Sila'y pawang nagbabakasakali
Na mabiyayaan kahit kaunti.
Prinsipyong tangan nila'y napapawi
Agad nang isinasangla ang puri
Tulad nila'y sadyang kamuhi-muhi
Mga hunyango'y kanilang kawangki.

Sabado, Marso 21, 2009

Wika ni FPJ, Idolo

WIKA NI FPJ, IDOLO
ni Greg Bituin Jr.

Tagahanga kami kapwa ng aking ama
At laging nanonood ng mga pelikula
Ni FPJ pagkat ito'y pawang pangmasa
Tulad ng Panday, Asedillo't Ako ang Huhusga

Bata pa ako'y naging tatak ko na rin
Na pelikula niya'y agad kong panoorin
Marami nga siyang magagandang sawikain
Na hanggang ngayon ay tanda ko pa rin

"Ako ang isda" ang sabi sa pelikulang Asedillo
"San Antonio, hindi ako magtataksil sa iyo
Mga taong batis, ilog at dagat kayo
Kung wala kayo'y papaano na ako!"

Sa isang pelikula'y nakaharap niya'y marahas
At sinabihan siyang marami pang kakaining bigas
Aniya'y 'bigas ay sinasaing muna, di tulad ng hudas
Na bigas pa lang ay nilalamon agad ng pangahas.

Kadalasang sa pelikula siya'y nagdarahop
Bayani siyang naaapi saanmang lupalop
Ngunit kapag soba na't napuno yaong salop
Kakalusin ang mga kalaban niyang natututop.

Bilang si Aguila, anak niya'y kanyang pinayuhan
Na parang ako ang pinayuhan ng makatuturan:
"Di ako ang hanap mo sa lakbayin mong kabuuan
Ang tunay na hinahanap mo ay kahulugan."

At bilang gerilya sa bundok ay kanyang tinuran
Matapos bombahin ang isang eskwelahan
Na naglalaman ng guro't mga kabataan
Sa isang umaasang babae doon sa kabundukan:

"Hindi ako tatakas sa aking mga kagagawan
Ngunit tatalikod ako sa labanang walang katuturan
Na ang tanging dulot sa mga inosente'y kamatayan
Pawang walang malay ang biktima ng digmaan."

May mga pelikula ng pag-ibig din naman siya
At bilang Delfin ay sinabi kay Sharon Cuneta
"Ang hirap sa iyo, huli kang ipinanganak, Georgia"
At sinagot ng "Delfin, ipinanganak ka ng mas maaga."

Ilan lamang iyan sa mga natatandaan ng tao
Mula sa pelikula nitong aming iniidolo
Kaybilis bumunot ng kalibre kwarenta'y singko
Ngunit sadya namang bayani siya't makatao.

Biyernes, Marso 20, 2009

Lumbay

LUMBAY
ni Greg Bituin Jr.

nakatarak sa kaluluwa ko ang iyong pangalan

nakaukit sa dibdib ko ang iyong kagandahan

ginising mo ang nahihimbing kong kaibuturan

tila di ka na mawawaglit sa aking isipan

ngunit lumbay ang dulot mo sa aking kawalan

Ang Tanga sa Sabungan

ANG TANGA SA SABUNGAN
ni Greg Bituin Jr.
9 pantig

Isang kwentong katatawanan
Ng palabirong kaibigan:
Paano raw ba malalaman
Kung tanga ang nasa sabungan.

Madali raw makikilala
Ang nasa sabungan ay tanga
Pagkat imbes tandang ang dala
Ang kilik niya'y itik pala.

At mas may tanga pa raw diyan
Itik ay kanyang ilalaban
At ito pa ay tatarian
Upang labanan yaong tandang.

At yaon daw pinakatanga
Ay ang sa itik ay pupusta.

Miyerkules, Marso 18, 2009

Wasakin ang Gintong Tanikala

WASAKIN ANG GINTONG TANIKALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig

anumang pagkatao mayroon ang kapitalista
sa ginagawa niya'y sadya itong walang konsensya
kompetisyong malupit ang sa kanya'y nag-oobliga
sa manggagawa'y patuloy na makapagsamantala

kapitalistang walang budhi'y ayaw ding makawawa
malupit ding negosyante ang kanya mismong kabangga
di baleng magutom itong pamilya ng manggagawa
talagang sa manggagawa'y wala silang pagkalinga

di makakanti kung meron mang katiting na konsensya
itong mga negosyante't hunghang na kapitalista
sa kanila'y di baleng obrero'y tuluyang magdusa
huwag lang mabawasan anumang tutubuin nila

kapitalistang ito'y sadyang walang ginawang tama
masarap pa ang pagkain ng kanilang aso't pusa
kaysa kinakain ng kanilang mga manggagawa
sa kapitalista'y wala ngang mabuting mapapala

ngunit kayhirap kung manggagawa'y lalabang mag-isa
dapat lang silang magsama-sama sa pakikibaka
di lang sa pag-uunyon kundi pagbago ng sistema
mula sa pagiging unyonista'y maging sosyalista

kaya panawagan natin sa lahat ng manggagawa
huwag pakintabin ang tanikalang kumakawawa
putulin ang kadenang dahilan ng maraming luha
magsama-sama na't wasakin ang gintong tanikala