Linggo, Agosto 12, 2012

Huwag Sanang Mapilantod ang Pangarap


HUWAG SANANG MAPILANTOD ANG PANGARAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

may bukas pa kaya yaong mga paslit
na nangarap umahon sa pagkagipit
pag lumaki'y tutulong sa maliliit
ayaw nilang sa patalim pa'y kakapit

isa'y nais maging isang inhinyero
isa nama'y gustong maging mekaniko
nais nilang sumakay ng eroplano
at matanaw ang ibabaw nitong mundo

makikita nila yaong alapaap
pangarap na malalaki sa hinagap
makakamit kaya nila itong ganap
malaki man, libre naman ang mangarap

maglalaro muna sila hangga't bata
lalaruin yaong luksong baka't sipa
maghoholen muna sila sa may lupa
habang sila'y nangangarap ng ginhawa

karapatan sana nila'y kilalanin
mahirap man, huwag silang haharangin
na makamit ang pangarap at mithiin
pinangarap ma'y lipunang babaguhin

huwag sanang mapilantod ang pangarap
nitong mga batang laki na sa hirap
maaabot din nila ang alapaap
sa tiyaga at kanilang pagsisikap

Larawan kuha ni Nicasio Mendaro Jr., ng grupong Litratista sa Daan


Pantasya Real sa Mundo ng Paslit


PANTASYA REAL SA MUNDO NG PASLIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

umalis na si ama't sa dyip magmamaneho
si ina’y naglabada naman doon sa kanto
bata'y naiwang muli sa kanyang munting mundo
sa guniguni'y muling babalikan ang kwento

at habang tinatanaw ang papalayong ama
nagsisimula siyang maghabi ng pantasya
nais niyang iligtas ang magandang prinsesa
sa palalong daigdig ng malupit na bruha

napanood lang niya iyon sa telebisyon
ngunit sa araw-araw yaon ang naging padron
sa pantasya na siya tila naglilimayon
nais maging bayani sa mundo niyang iyon

ngunit sa reyalidad, hirap yaong kakambal
pag ama'y walang kita, gutom ang bumubuntal 
sa mura niyang isip, ito'y hindi sagabal
basta’t nananatili yaong pantasya real

Larawan kuha ni Jhuly Panday ng grupong Litratista sa Daan


Sabado, Agosto 11, 2012

Bagabag sa Gunita


BAGABAG SA GUNITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

i
maghapong tunganga yaong taong grasa
na nababagabag sa pag-aalala
tunay na pamilya kaya ay kumusta
katinuan niya'y tila nagbalik na

higit nang dekada nang siya'y iwanan
ng asawa't anak, ng pamilyang tanan
sa kanya daw sayang ang kinabukasan
hanggang sa mawala yaong katinuan

anong magagawa ng pagiging tamad
buhay-hari siya't sa tomaan babad
dakilang sugarol, ngayo'y sawimpalad
tila mga agiw, sa utak sumayad

siya'y walang alam kundi tumambay lang
sa kanyang pamilya'y walang pakialam
ayaw magtrabaho, gusto'y sumuso lang
magdroga't iraos libog ng katawan

nagunita niya yaong kulasisi
sa kanyang asawa'y ipinagmalaki
tila siya'y bwisit sa kanyang sarili
pagsisisi'y sadyang laging nasa huli

nawalan ng landas, wala nang direksyon
maibabalik ba ang maling kahapon
nabubuhay ngayon sa kutya't linggatong
mamamatay siyang basta lang ba gayon

ii
litrato sa pader ay napatunganga
anya'y mabuti ka't walang krimeng gawa
nabubuhay ka lang na nakatulala
wala kang inapi't hinamak na madla

Larawan kuha ni Teni Sta. Ines ng grupong Litratista sa Daan

Biyernes, Agosto 10, 2012

Kalikasan na ang nagtuturo



KALIKASAN NA ANG NAGTUTURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

i

basura sa kanal
nagbarang imburnal
ah, karumal-dumal
may gawa ba'y hangal

kalunsura'y baha
basura'y malala
wala bang magawa
ang gobyerno't madla

umulan ang langit
binaha ang paslit
ito'y nauulit
kanino ka galit

ii

bagyo na naman, O, kay tulin ng araw
bagyong nagdaan, tila ba kung kaylan lang
ngayon ay bagyo, nagbaha sa lansangan
dahil sa bagyo, lubog ang kalunsuran

Ondoy, Pedring, bagyo na namang muli
ayaw na naming ito'y manatili
Sendong, Gener, Habagat ang nag-uli
kalikasan na'y nanggagalaiti

iii

naganap na mga pagbaha’y aral sa masa
kaya itapon ng tama ang mga basura
bulok at di nabubulok, paghiwalayin na
nabubulok ay pataba sa tanim at saka
di nabubulok ay ibenta't nang magkapera
matapos ang unos, may bahaghari’t pag-asa

Karanasan ng Dalawang Aklat


KARANASAN NG DALAWANG AKLAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

di ko inaasahan ang pagdatal ng baha
na dalawang sikat na aklat ay nangabasa
ngunit maingat ko pa ring pinatuyong kusa
ang mga librong diwa ng dalawang dakila

Ondoy, lubog sa baha ang Isang Dipang Langit
koleksyon ng tula ni Amado V. Hernandez
Habagat, lubog ang Jose Corazon de Jesus
mga tula ni Batuteng tinipon ni Rio

ngunit kaytagal bago pa natuyo ang una
habang pinatutuyo ko pa ang pangalawa
dalawang gintong koleksyon ng literatura
bahain man, diwa ng libro'y di mabubura

Parunggit ng Maghapon


PARUNGGIT NG MAGHAPON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sadyang nakababagot ang umaga't tanghali
tiyaga-tiyaga lang, nagbabakasakali
na muling magdagsaan ang kanyang mga suki
sa kakaunting kita'y merong maiuuwi

maghapong nakaupo, nangangarap ng gising
mulat naman ang mata'y tila ba nahihimbing
sa pagtunga-tunganga, ang asa'y may darating
bagamat alam niyang munti ang kakalansing

maghapong nagninilay ang payapang tindera
habang nababagabag ang utak sa istorya
sari-sari ang kwento't maari nang nobela
kayraming namumuni'y ano kaya ang kwenta 

diwa'y pumapagaspas, bundok na'y sinusuyod
tila ba alapaap yaong tingin sa lungsod
nangalaglag ang tala, mga rosas ang ubod
kaytinding magparunggit ang tadhanang di lugod

ibinebenta’y bisyo, sa yosi na'y magumon
baga ma’y sunog basta’t may benta't malalamon
masakit na ang likod sa tungangang maghapon
ngunit may pambili na ng kanin kahit tutong

kakayod ng kakayod, mahirap pa rin naman
wala nang nangyayari't siklo ang kasalatan
habang may tindang yosi't kendi'y patuloy lamang
ang ganitong parunggit sa balikong lipunan

Larawan kuha ni Jhemsky San Pedro ng grupong Litratista sa Daan

Miyerkules, Agosto 8, 2012

Serbisyo'y Ipaglaban


SERBISYO'Y IPAGLABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

hindi ba't karapatan ay dapat na serbisyo
sa bayan ngunit bakit isinasapribado
sa ngayon nga serbisyo'y ginagawang negosyo
may katapat na pera't tumutubo ang tuso 
ganito ang patakbo nitong kapitalismo

karapatan ng tao noon pa'y naitala
sa dokumento niring nagkakaisang bansa
paninirahang tiyak sa bawat maralita
kalusugan, pagkain, edukasyon sa dukha
may trabahong regular ang bawat manggagawa

prinsipyong laman nito'y pagkapantay ng tao
at ang lahat ng sektor, may karapatan dito
ngunit bakit sa bawat pag-inog nitong mundo
karapatan ng tao'y ginagawang serbisyo
at nayuyurakan na ang dangal ko’t dangal mo

salapi'y panginoon ng mga dambuhala
pabrika'y inaari, pati makina't lupa
lahat ng istruktura'y silang namamahala
bawat pribilehiyo'y kanila, masa'y wala
at pinagtutubuan ang serbisyo sa dukha

di ba't ang sagot diyan dahil sistema'y bulok
kaya ang karapatan ng tao'y inuuk-ok
sa kanila serbisyo'y sa bulsa nakasuksok
sa bawat tutubuin utak ay nakatutok
tubo, tubo at tubo, ang laging iniimpok

mundong ito'y di para sa mga elitista
sa paningin ng bayan, serbisyo ay hustisya
huwag isapribado't pagtubuan ang masa
ang dapat nating gawin, tayo na'y magkaisa
at atin nang palitan ang bulok na sistema

Martes, Agosto 7, 2012

Bangka-bangkaan sa gitna ng baha


BANGKA-BANGKAAN SA GITNA NG BAHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

maraming bangka-bangkaan sa gitna ng baha
ang mga bangkero'y pawang anak ng dalita
kawayan, kahoy, styrofoam, ginawang bangka
nilagyan ng upuan, pinalutang sa baha
pasahero ang hanap habang sa bagyo'y basa

sila'y dukhang nakita itong oportunidad
upang magkapera sa gitna ng kalamidad
gutom ng pamilya'y maibsan ang tanging hangad
sakay ka na kung ayaw mong sa baha maglakad
payo ko lang pagbaba mo'y hustuhin ang bayad

sakripisyo pa rin ang kawawang maralita
itinutulak ang bangka sa lagim ng baha
habang nakalulan ang pasahero sa gitna
mag-ingat lang sa butas, baka biglang mawala
mahirap nang madisgrasya't lamunin ng lupa

Linggo, Agosto 5, 2012

Lampas-tuhod

LAMPAS-TUHOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

lampas-tuhod ang baha
lumiliit ang bata
malulunod na kaya
huwag kang magpabaya

Sabado, Agosto 4, 2012

Pag-alon sa Silong

PAG-ALON SA SILONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

lintik si Ondoy, parang bagyong napapraning
dinaluyong din ang lungsod ng bagyong Pedring
ngayon naman si Gener kasabay ay hanging
kaylakas, di ka makatulog ng mahimbing

upang magbantay, baka epekto'y lumala
lalo pang magngalit ang bagyong dambuhala
na nagbibigay-takot sa dibdib ng madla
habang asam nila, galit nito'y humupa

abot na ang alon sa silong ng tahanan
dinaluyong pati sementadong lansangan
basketbulan nga'y mistulang palaisdaan
sa silong yaong tilapya'y naglulutangan

iba na nga ang panahon, ibang iba na
dahil nga ba ito sa nagbabagong klima
biglang lamig, biglang init, ramdam mo'y kaba
sa ganito'y paano aangkop ang masa

may pangamba na kahit sa munti mang ambon
sa silong ng bahay, nariyan na ang alon
kung inabot pa'y taas, paano aahon
anong gagawin pag bahay na'y dinaluyong

bagyo ma’y kakambal na ng buhay na iwi
ngunit ito'y suliraning sadyang masidhi
nasa ating kamay yaong solusyong mithi
pagtutulungan ng lahat ang tanging susi


Biyernes, Agosto 3, 2012

Ang Sapatos ng Tindero


ANG SAPATOS NG TINDERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

nagbebenta ng sapatos ang tindero'y nakayapak
marurumi niyang paa'y tila lumubog sa lusak
ngunit mga paa iyang walang paltos, pulos lipak
pagkat di nagsasapatos ang tulad niyang hinahamak

sa produktong pampaputi ay kayputi ng modelo
balat nila'y pinaputi ng kanila raw produkto
ito'y pamaraan nila upang ito'y bilhin ninyo
di ganito sa sapatos ng masipag na tindero

lumuluhang parang putik ang paang di magsapatos
sapatos kaya’y matibay , pag binili ba’y maayos?
o katulad ng tindero, ito ri'y namamalimos
maawa kayo't bilhin na nang tindero'y may panggastos!

Larawan kuha ni Reddie Silva ng grupong Litratista sa Daan

Huwebes, Agosto 2, 2012

Tahanan Niya'y Kariton



TAHANAN NIYA'Y KARITON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

lagalag sa lipunan, wala silang tahanan
kundi yaong karitong nagsilbing pahingahan
ng pagod na katawan na tanging kasama lang
ay yaong kanyang asong subok sa katapatan

nasaan na ang kanyang pamilyang tinatangi
sa kariton na lang ba siya'y mananatili
maaring sa sarili siya'y may pagkamuhi
ang tiyak sa lipunan ay nanggagalaiti

sa lungsod ay napadpad, doon naghanapbuhay
nagbote-dyaryo siya't sa kanyang pagsisikhay
sa bakanteng lupain ay nagtirik ng bahay
higit sampung taon din niyang tahanang tunay

ngunit dumating doon ang may-ari ng lupa
tinuring niyang bahay ay agad pinagiba
tuluyang napalayas at sadyang nakawawa
maliban sa kariton, wala nang lahat, wala

sa kanyang panlulumo'y saan na paroroon
nawalan ng tahanan, binahay na'y kariton
kainan at tulugan, langit ang tanging bubong
umaraw at bumagyo, anuman ang panahon

maraming tulad niyang kariton ang tahanan
libu-libo na sila dito sa kalunsuran
nilubog ng sistema, biktima ng lipunan
tulad nila'y meron pa kayang kinabukasan?


Larawan kuha ni Jayvee Mataro ng grupong Litratista sa Daan

Miyerkules, Agosto 1, 2012

Anino ng Paggawa

ANINO NG PAGGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig, may sesura sa ikawalo

nagtatayugang gusali, mga sementadong daan
mga tulay na matibay, paaralan, pagamutan
asilo, bahay, bulwagan, pati mansyon at tanghalan
pamilihang bayan, plasa, balebulan, basketbulan
mga barko, eroplano, bus, at iba pang sasakyan
patunay iyan ng ating narating na kaunlaran

ngunit sa lahat ng iyan, sino ang siyang maygawa
sinong nagtayo, kaninong bisig yaong pinagpala
sinong naglinang, kaninong mga kamay ang lumikha
masdam mo ang kaunlaran at ikaw ay mamamangha
masdam ang kapaligiran at sadya kang mapapatda
tanaw mo'y ang kaluluwa, ang anino ng paggawa

masdan muli ang paligid, masdan ng paulit-ulit
manggagawa'y di makita ngunit sila ang umukit
ng ekonomyang maunlad, sila ang nagpasakakit
ngunit tingnan dukha pa rin ang obrerong maliliit
ang nagpaunlad ng bayan, patuloy na nagigipit
gayong sila ang maygawa ng bukas natin at langit

Larawan ay kuha ni Martin Cipriano na kasapi ng Litratista sa Daan

Martes, Hulyo 31, 2012

Disgrasya sa mga Pagawaan


DISGRASYA SA MGA PAGAWAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Alalahanin ang mga namatay na manggagawa: Manila Film Center Workers (Nov 1981), Eton Workers (Jan 2011), Hanjin Workers (patuloy hanggang 2012), at marami pang iba.

patuloy na nagkakayod para sa pamilya
nag-iipon para sa kinabukasan nila
sweldo'y kaybaba, bagamat nagsisipag sila
ngunit ang masakit, sa trabaho'y nadisgrasya

namatay sa disgrasya'y minsan nababalita
ngunit karamihan, itinatago nang kusa

mga namatay na manggagawa'y kayrami na
guho sa Manila Film Center, alam ng masa
sa konstruksyon sa Eton Towers, nahulog sila
sa Hanjin sa Subic, bawat buwan yata'y isa

mga balita'y di mapag-usapan ng madla
pilit ba kayang itinatago ang balita?

bisig ng obrero'y bumuhay sa ekonomya
gusali'y tinayo, lansangan ay pinaganda
ngunit pag sila sa trabaho'y nadidisgrasya
nakakamit kaya ang marapat na hustisya?

marami pang insidenteng di nababalita
marami nang aksidenteng di na nabalita

Itinalaga ang Abril 28 bawat taon bilang International Workers' Memorial Day (an international day of remembrance and action for workers killed, disabled, injured or made unwell by their work) sa iba't ibang panig ng mundo. Ngunit di lang sa araw na ito dapat natin silang gunitain dahil patuloy pa ang mga nagaganap na disgrasya sa mga pagawaan.

Lunes, Hulyo 30, 2012

Gutom sa Gitna ng Kaunlaran


GUTOM SA GITNA NG KAUNLARAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

isang tao, sa bangketa'y tila walang malay
sa harap ng isang kainang kilalang tunay
gutom, hawak ang tiyan, nakalahad ang kamay
walang sapin kundi baro, barya'y hinihintay

"now serving breakfast" ang nakapaskil sa salamin
nag-aanyayang pumasok doon at kumain
hintay, bakit ang pulubi'y di mabigyang-pansin
dahil walang salaping pambili ng pagkain

“now serving breakfast”, anunsyo ito ng restoran
ngunit ito’y di libre, ito'y dapat bayaran
ganito ang gutom sa gitna ng kaunlaran
kayrami ng pagkain, gutom ang kababayan

pulubi? sa Pilipinas kayraming pulubi
ngunit lingkod-bayan, sa kanila'y walang paki
ang pamahalaan sa kanila'y anong silbi
ang alam nila, gutom ka pag walang pambili

ganito ang sistema sa bayan nating ito
walang pakialaman magutom man ang tao
kaya kung wala kang pera sa kapitalismo
sadyang papangarapin mong sistema'y magbago

pagbabago? salitang sa dukha nga'y kaytamis
ito ang pangarap ng nabubuhay sa hapis
sistema’y dapat baguhin nitong nagtitiis
ito’y kaya kung mga dukha na’y magbibigkis

ang litrato'y kuha ni Glenz, na ka-facebook ni kasamang Jhuly Panday, na magkasama sa isang Artists Collective

Hukbo ng mga Kumain-Dili


HUKBO NG MGA KUMAIN-DILI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hukbo ng kumain-dili'y napakalaki
sa mundo'y milyon-milyon, talagang kayrami
habang pagkai'y puno sa mall at grocery
dahil walang pera'y di sila makabili

habang napapailing ka ay nagsusuri
bakit sistemang ganito'y nananatili
dahil pagkai'y ginawa, tubo ang mithi
di upang pakainin ang gutom na lipi

mga kumain-dili'y laksa sa Aprika
kilala sa mga bansang ito'y Somalia
Burundi, Rwanda, Zimbabwe, Congo't Angola
meron ding ganito sa Latin Amerika

payat yaong mga bata't kulang sa lakas
marami sa kanila'y sa gutom nautas
sa Asya’y mayroon ding sa gutom di ligtas
sa North Korea, Bangladesh, at Pilipinas

anong tulong natin, paano mababago
ang sistemang itong ginugutom ang tao
sobra-sobra ang pagkain ngunit may presyo
lipunan ba'y hahayaan na lang ganito

may nagugutom sa gitna ng kaunlaran
pagkai'y karapatan, huwag pagtubuan
gawin ang pagkain para sa mamamayan
upang magawa ito, sistema’y palitan

Linggo, Hulyo 29, 2012

Ang Inggit


ANG INGGIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

“Pity is for the living, envy is for the dead.” Mark Twain
“Envy shoots at others and wounds itself.” -  English Proverb
“Envy eats nothing but its own heart.” - German Proverb

pag isang tao'y may naipon, may nagawa
kinaiinggitan ng mga palamara
kung anu-ano'y sabi't nag-aalimura
para bang kinawawa’t sila'y walang wala

inggit ba'y dahil ang sarili'y walang silbi
walang kasiyahan, ang ramdam nila’y api
inggit ba'y paraan nila ng pagsisisi
sa kawalan, pagtakas mismo sa sarili

imbes makuntento kung ano ang mayroon
namamatay sa inggit, kapara ay leyon
pulos bulong sa kapwa't tila nabuburyong
bakit ako'y wala, bakit sila'y mayroon

bakit kanila'y kayrami, sa akin konti
nangingimbulo’t di maabot yaong mithi
karamdaman na kaya ang pananaghili
o pagkaawa sa sarili yaong sanhi

hayaan mo na silang mamatay sa inggit
ituloy mo lang ang pag-iipon mong pilit
wala na yatang lunas ang kanilang sakit
nais mo mang sa kanila'y magmalasakit

nakamamatay ang inggit, nakamamatay
puso ng tao'y tila kinulong sa hukay
buti pa'y sarili'y magsikap magtagumpay
ng di mainggit sa kapwa't sumayang tunay

Biyernes, Hulyo 27, 2012

Ang Pintuan


ANG PINTUAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

i
ang tao'y pumapasok sa pintuan
at iyon din ang kanyang lalabasan
magnanakaw ay ibang kaasalan
ito yaong papasok sa pintuan
aalis nang sa bintana daraan

ii
kung sa bahay mo'y pauwi na doon
magpapahinga, pinto'y sasalubong
papasok ka’t sa bahay mo’y kakanlong
sa silid mo'y hihilata na doon
magninilay muna at magkukulong

iii
anong nangyayari sa may labasan
di malalaman kung nasa kwarto lang
anong naganap sa pamahalaan
bakit ganyan ang takbo ng lipunan

upang magkaroon ng katugunan
ang sa isip mo'y mga katanungan
dapat ka lang lumabas ng pintuan
makihalubilo sa sambayanan

iv
dahil sa pangarap ng sobrang luho
pagkat nais tumubo ng tumubo
kapwa'y inagrabyado, di nagtino
sala'y napatunayan, nabilanggo

ilang taon na sa loob ng hoyo
laging nakatitig doon sa pinto
paglaya'y nasa isip nakatimo
ninanasa’y makalabas ng pinto

v
nakatulala siya sa kisame
pakiramdam niya'y natuturete
sa diwa'y diwata ang naghehele
tila siya'y wala na sa sarili

sa batas iyon ang makabubuti
buhay ay inutas, kapwa’y inapi
pinto'y kandado't siya'y nagsisisi
may bukas pa ba o doon ang hulí

Huwebes, Hulyo 26, 2012

Tibak at Danas sa Gunita

TIBAK AT DANAS SA GUNITA
(pagpupugay sa mga manunulat ng "Tibak Rising")
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa hulihang kabanata ng Noli Me Tangere
ang mamamatáy na noong si Elias ay nagsabi:
"huwag limutin ang nabulid sa dilim ng gabi"
bilin ito’t aral na uminog sa masang api

biling umalingawngaw sa takbo ng kasaysayan
sa pananakop ng Espanya, bayan ay lumaban
sa Amerika't Hapon, tayo'y nakipagdigmaan
noong batas-militar, lumaban ang sambayanan

maraming estudyante noon ang nagsama-sama
upang pasismo’y wakasan, palitan ang sistema
marami'y palaban, naging ganap na aktibista
rali, komunidad, piketlayn, kapiling ang masa

bagamat uminog ang takot sa dibdib ng madla
naganap noon ang tinatawag na Unang Sigwa
sa La Tondeña unang nagwelga ang manggagawa
sa Tondo naman, naorganisa ang maralita

mga aktibista'y masigla't tila walang takot
lumaban sa pamahalaang sa masa'y kilabot
ngunit marami sa kanila'y hinuli, dinampot
may namundok, may namatay, nawala at dinukot

prinsipyado ang mga tibak, bayani ng masa
mga danas ng paglaban ang mga kwento nila
saya, ginaw, init, pantal, pait ng alaala
hirap, sakit, gutom, luha, namatay na kasama

"huwag limutin ang nabulid sa dilim ng gabi"
di ito nalilimot, marami pang nagsisilbi
di pa tapos ang tunggalian, kayrami pang api
magwagi sa labanan ng uri'y dapat mangyari

tunay ngang masa ang lumilikha ng kasaysayan
mga tibak na bahagi ng historya ng bayan
salamat sa mga ibinahaging karanasan
pagpupugay po sa inyo, mga tibak ng bayan!

- Hulyo 26, 2012

Ang tula'y nilikha matapos mabasa ang artikulong
"Tibak Rising" ni Ma. Ceres P. Doyo sa Philippine 
Daily Inquirer, July 26, 2012, p.A13

Miyerkules, Hulyo 25, 2012

Kontraktwalisasyon ba'y isang jigsaw puzzle?


KONTRAKTWALISASYON BA'Y
ISANG JIGSAW PUZZLE?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

palaisipan ba ang kontraktwalisasyon
na hindi malutas ng milyong manggagawa
ang kailangan ba'y madugong rebolusyon
upang salot na ito'y tuluyang mawala

kontraktwalisasyon ba'y kapara ng bugtong
na kinakailangang hanapan ng sagot
ang lulutas ba niyan ay mga marunong
trapo, abugado, kapitalistang buktot

di ba't may pakana'y yaong kapitalista
upang mabawasan ang mga benepisyo
ng obrerong kayod kalabaw sa pabrika
ayaw gawing regular ang mga obrero

seguridad natin sa trabaho’y nasaan
na nakaukit sa ating Saligang Batas
seguridad na ito’y ating karapatan
o Konstitusyong ito'y may saligang butas

anong pyesa ang nawala sa jigsaw puzzle
hanapin natin, makita kaya ang sagot
di ba’t may sagot sa problema't kuntil-butil
bawat epidemya'y may katapat na gamot

sa isyung ito'y di dapat maging tahimik
ang manggagawang lumikha nitong lipunan
alinlangan pa kaya silang maghimagsik
upang malutas nila ang palaisipan

jigsaw puzzle na ito'y halina't buuin
nawawalang pyesa'y atin ding mahahanap
magtyaga't kumilos tayo't pasasaan din
kalutasan ay atin ding mahahagilap

Isang kamatis ang ulam sa bawat kainan

ISANG KAMATIS ANG ULAM
SA BAWAT KAINAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ang tumpok ng kamatis, ngayon ay sampung piso
laman ay lima, minsan apat ang laman nito
kaya mura'y panahon nito't mura ang kilo
alam mo bang sa akin, kaylaking tulong nito

ilang panahong pulos trabaho ng trabaho
prinsipyo'y tangan-tangan, kumikilos ng todo
kahit walang alawans, patuloy pa rin ako
barya'y tipid na tipid, ano bang bibilhin ko

madalas walang kain, kaya nga namamayat
paborito kong beef stake, porkchop, wala nang lahat
wala kasing pambili, barya'y di makasapat
para gutom maibsan, kamatis ang katapat

pinagtiisan itong pagdidildil ng asin
bibili ng kamatis, pandagdag sa pagkain
ihahalo sa toyo matapos kong gayatin
iuulam sa kanin, nakakabusog na rin

ang ulam kong kamatis, kakampi nitong bayan
sa tibak na tulad kong walang laman ang tiyan
isang kamatis lamang ang ulam sa agahan
isa sa tanghalian, isa rin sa hapunan

sa bahaw ay ulam na, gutom na’y napapalis
pag naubos ang toyo, ihahalo sa patis
laging nakakasama sa bawat pagtitiis
laki kong pasalamat, may kakamping kamatis

Martes, Hulyo 24, 2012

Himutok ng magwawalis sa isang rali


HIMUTOK NG MAGWAWALIS SA ISANG RALI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

isang magwawalis ang minsan ay nagsabi:
"lagi na, pulos kalat na naman sa rali!"
sa komento niya, siya ba'y masisisi?
nagkakalat tayo, may magwawalis kasi

sa magwawalis, ito'y dagdag na trabaho
ngunit wala naman siyang dagdag na sweldo
nago-obertaym ang tulad niyang obrero
dahil dapat walisin ang kalat na ito

ang mga nagrali'y may pag-ibig sa bayan
adhika'y baguhin ang takbo ng lipunan
gusto'y maging matino ang pamahalaan
ngunit sariling hanay, nagkakalat naman

paumanhin sa magwawalis, pasintabi
salamat sa puna, aminado po kami
mga kasama, huwag magkalat sa rali
ating simulan sa hanay nating sarili

tulungan natin ang magwawalis na ito
upang sa susunod, turan niya'y ganito:
"sa rali, konti na lang ang winawalis ko
totoo nga ang hangad nilang pagbabago!"

Lunes, Hulyo 23, 2012

Mamamayang gutom sa saganang lungsod

MAMAMAYANG GUTOM SA SAGANANG LUNGSOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

maraming pagkain dito sa kalunsuran
lunsod na itong tanda ng kasaganaan
ngunit laganap pa rin itong kagutuman
masa'y sadyang nagdurusa sa karukhaan

sa lungsod tinayo ang maraming pabrika
merong gumagawa ng pagkaing delata
may pabrika ng noodles at mga tsitsirya
pagkaing pangkalamidad ang gawa nila

tila di na uso ang pagkaing sariwa
kinukulong na sa lata ang mga isda
kaya sardinas itong pagkain ng dukha
pamatid-gutom lang, pagkaing pangkawawa

kayraming pagkain dito sa kalunsuran
ngunit bago nyo ito mapakinabangan
kailangang bilhin ito sa pamilihan
salapi, pera, kwarta, piso'y kailangan

lahat sa lungsod, may kapalit na salapi
kung wala ka nito'y walang maiuuwi
sa pamilyang gutom, animo kayo'y sawi
ganyan ang lipunan, may pera'y naghahari

mamamayan ay gutom sa saganang lungsod
katotohanang nakalalambot ng tuhod
mga walang pambili'y laging nakatanghod
sapagkat mga dukhang walang sinasahod

Linggo, Hulyo 22, 2012

Di Mamalayang Tagumpay


DI MAMALAYANG TAGUMPAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Karaniwan, tagumpay ay di madaling makita
Di tulad ng laban ni Pacquiao na nakabandera
Tagumpay na pinagsumikapan hanggang makuha
Sa pagtitiyaga, nilaga'y kaysarap ng lasa

Wala naman kasing dahilan upang magmayabang
Na magaling ka't ang iba'y pawang mga talunan
Baka asarin ka't sabihang nakatsamba ka lang
Buti pang tumahimik nang walang makaalitan

Sa iyong tagumpay, hayaang wala silang malay
At huwag ka ring magyabang na ikaw'y nagtagumpay
Gawin mo lamang ang tama't kung ano ang may saysay
Kung nais mong magbalato'y tahimik kang mamigay

Nang dahil sa tagumpay, totoong may pagbabago
Ngunit tandaang huwag itong ilagay sa ulo
Marami riyang maiinggit at totoong tuso
Kaya sukat mong pag-ingatan ang mga bolero

Ipakita mong nagpapakatao ka't marangal
Na kahit biglaan kang naparoon sa pedestal
Sa tagumpay na natamo'y di nagpapakahangal
Kundi nakikipagkapwa ka't may magandang asal

Sa Pagkulo ng Sinaing

SA PAGKULO NG SINAING
ni Gregorio V.Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sadyang tunay, kukulo lamang ang sinaing
kung merong nagbabagang apoy sa ilalim

dapat tantyado ang apoy at mapahina
upang di masunog, mahilaw o malata

tulad din ng baga ng apoy sa kilusan
pagningasin pa ang prinsipyo't kalooban

alamin ang kasaysayan ng gintong palay
na itinanim sa gitna ng saya't lumbay

tayo nang magtanim, magbayo at magsaing
upang tayo naman at iba'y makakain

itanim ang binhi ng prinsipyo't himagsik
alagaan, palaguin ang inihasik

alagaang mabuti, huwag ikalburo
mas masarap kung kusa nang nahinog ito

hanggang sa yaong gintong palay na'y gapasin
tanggalan ng ipa, maluto't maging kanin

tiyakin mong mabantayang tama ang gatong
dahil kung hindi, ang kakainin mo'y tutong

pakuluin ang masa upang maghimagsik
hanggang sistemang bulok, tuluyang tumirik

Sabado, Hulyo 21, 2012

Libre lang ang mangarap


LIBRE LANG ANG MANGARAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

libre lang naman ang mangarap
sintayog man ito ng ulap
prinsesa kitang aking hanap
na lagi sa aking hinagap

libre lang naman ang mangarap
tayo'y hindi na maghihirap
ah, kayhirap namang magpanggap
kailangan pa ring magsikap

Huwebes, Hulyo 19, 2012

Minsan, isang umagang kaypanglaw


MINSAN, ISANG UMAGANG KAYPANGLAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

mapanglaw na ang opisina
akala mo'y isang bodega
isang gubat ng alaala
nagkalat ang parapernalya

tila ba ito'y hinalughog
sa puso’y halos makadurog
yaong pangarap bang kaytayog
basta na lamang ba lulubog

opisina'y nangungulila
nasaan na ang manggagawa
solong naiwan ay napatda
sa kisame'y napatulala

walang imik, ang diwa'y gising
sa upuan napapailing
sa isip ay nagtutumining
manggagawa pa ba’y darating?

Miyerkules, Hulyo 18, 2012

tula hinggil sa pelikulang Dead Poets Society


Dead Poets Society, sikat na pelikula noon
na marahil naghubog din sa isang henerasyon
sa manonood ay talinghaga ang pasalubong
ligaya, lungkot, ngiti, rimarim, kutya, linggatong
malalalim na katagang tila ba di malulon
bagamat nauunawa ng may magandang layon
kasama ang kani-kanilang musa'y naglimayon
at tila di madalumat kung saan paroroon

- gregbituinjr, 071712

Ginupitan ko ang aking sarili


GINUPITAN KO ANG AKING SARILI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nais ko lang putulan ang aking patilya
bawasan ang buhok nang lumitaw ang taynga
ngunit sa barbero ba ako pa'y pupunta
gayong presyo na ng gupit niya'y singkwenta

ako na kaya ang sa buhok ko'y gumupit
ito ang pasiya ko dahil nagigipit
gunting, salamin, suklay, diskarte ang gamit
sa presyo ng gupit, almusal ang kapalit

kaya ako nga ay humarap sa salamin
sinuklay ang buhok, ah, kaysarap suklayin
at saka hinagod ng gunting na matalim
patilya'y inukit ng maganda, ginunting

ginupit ang buhok, pinalitaw ang taynga
inayos ang hubog ng gupit ng patilya
tiningnan sa salamin kung gupit pantay na
minasdan ang mukha kung gupit bumagay ba

naligo naman ako agad pagkatapos
kaya ko rin palang gumupit ng maayos
at ito nga, natipid ko'y singkwenta pesos
may sukli pa ang kanin at piritong bangus

Linggo, Hulyo 15, 2012

Ekspresyon

EKSPRESYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

ang paglikha'y isang ekspresyon
ng sariling nararamdaman
ang bawat kataga'y kombulsyon
ng kanyang mga panawagan

si Batuteng iniidolo
ay naukit sa panitikan
at sina Balagtas at Rio
umukit din ng kasaysayan

kung idolo mo'y si Balagtas
ano bang pakialam nila
hayaan ang kanilang pintas
dahil magagaling na sila

nais kong maging mapanlikha
kataga man o kaya'y sining
lilikha ng anumang akda
mula sa diwa'y tumitining