BANGKA-BANGKAAN SA GITNA NG BAHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod
maraming bangka-bangkaan sa gitna ng baha
ang mga bangkero'y pawang anak ng dalita
kawayan, kahoy, styrofoam, ginawang bangka
nilagyan ng upuan, pinalutang sa baha
pasahero ang hanap habang sa bagyo'y basa
sila'y dukhang nakita itong oportunidad
upang magkapera sa gitna ng kalamidad
gutom ng pamilya'y maibsan ang tanging hangad
sakay ka na kung ayaw mong sa baha maglakad
payo ko lang pagbaba mo'y hustuhin ang bayad
sakripisyo pa rin ang kawawang maralita
itinutulak ang bangka sa lagim ng baha
habang nakalulan ang pasahero sa gitna
mag-ingat lang sa butas, baka biglang mawala
mahirap nang madisgrasya't lamunin ng lupa
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento