SERBISYO'Y IPAGLABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod
hindi ba't karapatan ay dapat na serbisyo
sa bayan ngunit bakit isinasapribado
sa ngayon nga serbisyo'y ginagawang negosyo
may katapat na pera't tumutubo ang tuso
ganito ang patakbo nitong kapitalismo
karapatan ng tao noon pa'y naitala
sa dokumento niring nagkakaisang bansa
paninirahang tiyak sa bawat maralita
kalusugan, pagkain, edukasyon sa dukha
may trabahong regular ang bawat manggagawa
prinsipyong laman nito'y pagkapantay ng tao
at ang lahat ng sektor, may karapatan dito
ngunit bakit sa bawat pag-inog nitong mundo
karapatan ng tao'y ginagawang serbisyo
at nayuyurakan na ang dangal ko’t dangal mo
salapi'y panginoon ng mga dambuhala
pabrika'y inaari, pati makina't lupa
lahat ng istruktura'y silang namamahala
bawat pribilehiyo'y kanila, masa'y wala
at pinagtutubuan ang serbisyo sa dukha
di ba't ang sagot diyan dahil sistema'y bulok
kaya ang karapatan ng tao'y inuuk-ok
sa kanila serbisyo'y sa bulsa nakasuksok
sa bawat tutubuin utak ay nakatutok
tubo, tubo at tubo, ang laging iniimpok
mundong ito'y di para sa mga elitista
sa paningin ng bayan, serbisyo ay hustisya
huwag isapribado't pagtubuan ang masa
ang dapat nating gawin, tayo na'y magkaisa
at atin nang palitan ang bulok na sistema
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento