Lunes, Hulyo 30, 2012

Hukbo ng mga Kumain-Dili


HUKBO NG MGA KUMAIN-DILI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hukbo ng kumain-dili'y napakalaki
sa mundo'y milyon-milyon, talagang kayrami
habang pagkai'y puno sa mall at grocery
dahil walang pera'y di sila makabili

habang napapailing ka ay nagsusuri
bakit sistemang ganito'y nananatili
dahil pagkai'y ginawa, tubo ang mithi
di upang pakainin ang gutom na lipi

mga kumain-dili'y laksa sa Aprika
kilala sa mga bansang ito'y Somalia
Burundi, Rwanda, Zimbabwe, Congo't Angola
meron ding ganito sa Latin Amerika

payat yaong mga bata't kulang sa lakas
marami sa kanila'y sa gutom nautas
sa Asya’y mayroon ding sa gutom di ligtas
sa North Korea, Bangladesh, at Pilipinas

anong tulong natin, paano mababago
ang sistemang itong ginugutom ang tao
sobra-sobra ang pagkain ngunit may presyo
lipunan ba'y hahayaan na lang ganito

may nagugutom sa gitna ng kaunlaran
pagkai'y karapatan, huwag pagtubuan
gawin ang pagkain para sa mamamayan
upang magawa ito, sistema’y palitan

Walang komento: