Sabado, Nobyembre 12, 2011

Kada Linggo'y Sampung Akda


KADA LINGGO'Y SAMPUNG AKDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minsan, may nagtanong, kaysipag ko raw naman
ngunit bakit ako raw ay di yumayaman
kayraming sinusulat, mayamang mayaman
sa akda ngunit sakbibi ng karukhaan

wala akong ikatwiran kundi magsabi
na sa pagsulat ay di mag-aatubili
kakathain anuman ang nasa kukote
gutom man aakdang pilit ng guni't muni

sa loob ng pitong araw sa bawat linggo
itinakda ko nang may sampung artikulo
mga tula, sanaysay at maikling kwento
sa isang buwan, apatnapung akda ito

wala mang kita, nais kong may nagagawa
wala mang alawans, may bagong nalilikha
wala mang sweldo, tuloy pa rin sa pagkatha
trabaho ng trabaho kahit walang-wala

kayraming maisusulat, maiuulat
hinggil sa maralitang sadyang nagsasalat
hinggil sa negosyanteng nagpapakabundat
hinggil sa digmang may namamatay ng dilat

magmasid sa paligid at kayraming bagay
sa agham, lipunan, anong ating palagay
ano, bakit, paano'y susulating husay
pati mga tsismis, susuriin ding tunay

kahit naghihirap, butas man ang kalupi
di ito sagabal upang di manatili
sa pagkatha wala mang bayad na salapi
isasatitik anuman ang nalilimi

sampung obra bawat linggo ang itinakda
sa gitna ng gutom, katha pa rin ng katha
makata man akong nabubuhay sa digma
ng gutom, ng hirap, buhay pa rin ang diwa

Miyerkules, Nobyembre 9, 2011

Puso Ko'y Muling Aalon


PUSO KO'Y MULING AALON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

lagi kang dumadalaw sa aking panaginip
parang katabi lang kita, laging nasa isip
hintay ko ang pagbalik mong walang pagkainip
pagkat diwata kitang sa puso'y halukipkip

malayo ka man, ikaw pa rin ang iniibig
iwi kitang rosas na lagi kong dinidilig
na nasa balintataw ko sa gabing kaylamig
at mga halakhak mo tuwina'y naririnig

kung isa kang karagatan, lalanguyin kita
at yayakapin ko ang alon mo sa tuwina
kung isa kang alapaap, liliparin kita
upang tuluyang magkaniig tayong dalawa

sa bawat paglalakbay, alaala mo'y baon
ng puso't diwa kong ang adhika'y rebolusyon
sa bawat pakikibaka, ikaw'y inspirasyon
makita lang kitang muli, puso ko'y aalon

Lunes, Nobyembre 7, 2011

Kwento ng isang bata

KWENTO NG ISANG BATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nabasa ko lang kung saan ang kwentong ito
na lumigalig hanggang ngayon sa isip ko
may isang babae raw noong nagahasa
nabuntis, nagsilang ng malusog na bata
habang lumalaki ang bata'y nagninilay
ngunit laging pinapalo ng kanyang inay
siya raw yaong dahilan ng kamalasan
ng kanyang inang lugmok sa karalitaan
"paano ko po kayo mapapaligaya
sa kaarawan ninyo," ang tanong sa ina
"nais kong mamatay ka nang bata ka," tugon
ng inang abala sa ginagawa noon
at nang dumating ang kaarawan ng ina
nais ng batang ang kanyang ina'y sumaya
hinanap siya ng ina kung saan-saan
hanggang sa silid doon siya natagpuan
sakal ng lubid habang may naiwang liham
na sa ina ang sulat ay nakagulantang
"nais kong sumaya ang inyong kaarawan
mahal na mahal po kita, inay, paalam"

nabasa ko lang kung saan ang kwentong ito
na lumigalig hanggang ngayon sa isip ko
na dahil sa nangyari sa ina'y sumikip
ang munti niyang daigdig, at halukipkip
ang sama ng loob sa nagdaang panahon
dahil sa nangyari sa kanyang krimen noon
nadamay ang batang walang kamuwang-muwang
sa pinagdaanan ng inang nalabuan
huli na ang pagsisisi para sa nanay
aralin itong dapat nating mapagnilay

Miyerkules, Nobyembre 2, 2011

Pilipino akong di alipin ninumang dayo

Pilipino akong di alipin ninumang dayo
Ito'y isa kong panatang tangan ko hanggang dulo
Ang isang kalaban pa'y salot na kapitalismo
Mistulang sistemang bulok ang kinakalaban ko
Oorganisahin ang pinagsasamantalahan
Nagsasakripisyo upang palayain ang bayan
Tibayan ang hanay at tatagan ang kalooban
Ang uring manggagawa ang babago ng lipunan
Lulupigin lahat ng uring mapagsamantala
Babaguhin ang sistema, tunay ang demokrasya
At itatayo ang isang lipunang sosyalista
Na sadyang magbibigay-ginhawa sa bawat isa

- gregbituinjr.

Biyernes, Oktubre 28, 2011

Pag-ibig ay ano?

PAG-IBIG AY ANO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Pag-ibig ay ano ba sa bawat puso't isipan
Isa itong pandamang tagos sa kaibuturan
Ako'y sumisinta't larawan ng kasigasigan

Maitutulad ba sa pulang rosas ang pag-ibig
O sa tsokolateng sadyang kaylinamnam sa bibig
Na bawat pagsuyo'y tila musikang naririnig

Tunay na tumatalab ang pagsintang anong sidhi
Anaki'y kakamtin muna anumang minimithi
Ligayang dama'y ginhawang kumukurot sa budhi

Bawat pag-irog tila tigib ng mga pangako
At aabutin ang langit para sa sinusuyo
Nawa'y kamtin ng puso ang nasa't di masiphayo

Miyerkules, Oktubre 26, 2011

Sino ang duwag?

SINO ANG DUWAG?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Minsan ay may nagtanong? / Ang duwag daw ba'y sino?
Simple lamang ang tugon / ng matalinong lolo:
Duwag ang mga taong / imbes gamiti'y ulo
Sa mga suliranin / lalo't yaon na'y gulo
Hindi na mag-iisip / o tutulong sa iyo
Ang gamit niya'y binti / utak niya'y narito
Tanging gawa'y lumayo't / kumaripas ng takbo.

Kaya si lolo'y ito / ang kabilin-bilinan:
Problema'y dumarating / hindi mo nalalaman
Kaya dapat magmatyag / suriin ang anuman
Pag problema'y dumatal / agad mong pag-isipan
Agad itong harapin / ng iyong buong tapang
Nariyan ang solusyon / pag sinuring mataman
Paglayo'y hindi sagot, / lalo ang karuwagan.

Sa sinabi ni lolo, / kayrami nang natuwa
Suriin mo ang taas, / likod, gitna, at baba
Tagiliran at sulok, / ang diretso't kabila
Solusyon ay nariyan / gaano man kapakla
Malalasahan mo ring / tumamis pati luha
Pag nag-isip ay meron / ka palang magagawa
Tila bawat problema'y / may tugong nakatakda.

Lunes, Oktubre 24, 2011

Hustisya'y Pangmayaman?

HUSTISYA'Y PANGMAYAMAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
18 pantig bawat taludtod

napakaraming katanungan ang umuukilkil sa isipan
kapag may naaagrabyado sa sistema ng katarungan

bakit si Erap na guilty sa plunder ay nakalaya agad
ngunit yaong political prisoners sa piitan pa'y babad

bakit si Gloria'y pwede agad magpagamot sa ibang bansa
ngunit namamatay na di magamot ang mga maralita

bakit sinabi ni Noynoy na ang taumbayan ang kanyang Boss
ngunit kampi kay Lucio Tan, di sa manggagawang inuubos

bakit sa kaso ng taga-FASAP na nanalo na sa Korte
ay nabaligtad pa kahit ito'y "final and executory"

sa simpleng liham lang ng abogadong Estelito Mendoza
ay biglang umikot ang tumbong ng Korte't dagliang nagpasya

bakit kaybilis ng hustisya sa mga tulad ni Lucio Tan
ngunit kaybagal pag mahirap ang naghanap ng katarungan

bakit si Jalosjos na guilty sa rape ay agad nakalaya
ngunit si Echegaray ay agad nabitay sa Muntinlupa

bakit nauso ang salot na iskemang kontraktwalisasyon
na pumatay sa karapatan ng mga obrerong mag-unyon

bakit pati ang mga vendors na nagtitinda ng marangal
ay hinuhuli't sinusunog ang kanilang mga kalakal

ngunit ang pribadong sektor na sa masa'y kaytaas maningil
pinayagan kahit buhay nati'y unti-unting kinikitil

bakit ang nahuhuling mag-jumper ay agad ipinipiit
ngunit malaya ang sumisingil ng kuryenteng di ginamit

bakit bahay ng maralita'y winawasak at tinitiris
kaya nambabato ang mga maralitang dinedemolis

a, sadyang napakarami pang bakit ang ating masasabi
lalo't sa sistema ng hustisya sa bansa'y di mapakali

di ang mayayaman lang ang dapat makadama ng hustisya
kundi dapat lahat, may hustisya dapat lalo na ang masa

"at ang hustisya ay para lang sa mayaman", ayon sa awit
na Tatsulok na ang mensahe'y sadya ngang nakapagngangalit

masasagot ang mga tanong kung ating pakasusuriin
bakit ganito ang sistema't kalagayan ng bayan natin

mula doon ay magkaisa tayo tungo sa pagbabago
ng sistema't itayo na ang isang lipunang makatao

huwag nating payagang magisnan pa ng ating mga anak
ang sistemang tila balaraw sa ating likod nakatarak

tayo nang magsama-sama't palitan na ang sistemang bulok
at ang uring manggagawa't aping masa'y iluklok sa tuktok

Sabado, Oktubre 22, 2011

Kung Namumuno'y Kuhila


KUNG NAMUMUNO'Y KUHILA
ni Greg Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

nakikilala sa gawa 
ang totohanang dakila
kaya kung namamahala
sa gobyerno at sa madla
ay pawang mga kuhila
mamamayan ay kawawa

Huwebes, Oktubre 20, 2011

Kung Paano Paslangin ang Kapitalista

KUNG PAANO PASLANGIN ANG KAPITALISTA
ni Greg Bituin Jr.

ang pagpaslang sa kapitalista'y di sa pamamagitan ng:
- pagpugto ng kanyang hininga
- pagbasag ng kanyang bungo
- pagputi ng kanyang buhay
dahil masama daw pumatay
sabi ng mga nagbabanal-banalan

tulad ng kung gaano kasama ang
- di pagbabayad ng tamang halaga ng lakas-paggawa ng mga manggagawa
- salot na iskemang kontraktwalisasyon na yumuyurak sa karapatan
- baliw na sistemang demolisyon
- kasakiman sa tubo, tubo at tubo

mapapaslang lamang ng tuluyan
ang mga hayop na kapitalista
kung bubunutin ang pinag-ugatan
ng kanilang pananamantala

di madaling paslangin ang kapitalista
- dahil hawak nila ang estado poder
- dahil kampi nila ang ehekutibo, lehislatibo at hudikatura
- dahil may pribado silang hukbo ng depensa
- ngunit mapapaslang din sila

mapapaslang ang kapitalista kung:
- magkakaisa ang uring manggagawa
- magrerebolusyon ang mamamayan
- mapapawi ang dahilan ng kanilang eksistensya
- mapapawi ang pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, pagkat ito ang ugat ng kahirapan
- maitatayo ang bagong sistemang siyang papalit sa kapitalismo

Miyerkules, Oktubre 19, 2011

Ang Nagwawalanghiya pa ang Pinagpapala

ANG NAGWAWALANGHIYA PA 
ANG PINAGPAPALA
ni Greg Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sinipsip nila ang ating lakas-paggawa
na madalas ay di binabayarang tama
ibinabaon tayo sa pagiging dukha
kahirapan pa natin ay pinalalala

pag nalugi naman ang kanilang kumpanya
manggagawa'y sisisihin dahil nagwelga
pinagpapala pa'y mga kapitalista
ng gobyernong kauri nila sa burgesya

pag ang bansa'y nagkaproblema sa panggugol
obrero'y tanggal, buhay ng dukha'y sasahol
pag may krisis, bangko pa ang pinagtatanggol
sa kapitalista'y di sila makatutol

bakit ba yaong mga nagwawalanghiya
ang siyang sa mundong ito'y pinagpapala
kapitalista'y sinambang tila Bathala
habang itsapwera ang manggagawa't dukha

globalisasyon ang lumikha nitong krisis
obrero'y unti-unti nilang tinitiris
karapatan ng masa itong pinapalis
turing ng kapitalismo sa masa'y ipis

habang mga bangkong tuloy sa pagkalugi
tutulungan ng gobyernong mapagkandili
di sa kanyang mamamayan, kundi sa imbi
tila sumumpang bangko'y tutulungan lagi

kapitalismo nga'y walanghiya't kaysakim
sa puso'y dumuduro't nagdulot ng lagim
sa bituka nati'y gumuguhit, matalim
hanggang magsuka tayo ng dugong nangitim

palitan na natin itong sistemang bulok
sa pagbabago lahat tayo'y magsilahok
mga sektor, dukha, babae, tagabundok
uring manggagawa'y ilagay na sa tuktok

Lunes, Oktubre 17, 2011

Pasindi, sabi ng isang sunog-baga

PASINDI, SABI NG ISANG SUNOG-BAGA
ni Greg Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

nakakabili ng isang kahang yosi
di makabili ng sariling panindi
naghihiram ng lighter imbes bumili
kapwa'y inaabala't kinukunsumi

trenta pesos ang kaha ng sigarilyo
dalawang piso lang naman ang posporo
pero di makabili ang mga ito
di masustentuhan ang sariling bisyo

ugali nilang araw-araw manghiram
ng panindi't sa iba'y nakikialam
kakilala'y lihim namang nang-uuyam
na sila yata'y wala nang pakiramdam

ang kanilang kapwa'y di na lang iimik
sa pang-aabala nilang mga adik
pag di nasindihan ang yosing katalik
baka mata nila'y agad magsitirik

Biyernes, Oktubre 14, 2011

Kung Paano Ako Dapat Mamatay


KUNG PAANO AKO  DAPAT MAMATAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

walang sinumang makapagsasabi
kung paano ba tayo mamamatay

kung mamamatay ba akong may silbi
o bubulagta lang ng walang malay

tutumba ba ako sa isang punglo
o tatadtarin ang aking katawan

tutumba ba dahil pinagkanulo
ng sinumang tarantado't gahaman

mamamatay ba akong busog, bundat
o mamamatay na mata ko'y dilat

mamamatay ba ako habang bata
o mamamatay na lang sa pagtanda

kung paghiling ay maaari lamang
kung paano ako dapat mamatay

huwag pahirapan, isang bala lang
itong tatapos sa iwi kong buhay

tandang pinagsilbihan ang obrero
kahit buhay ko sa dalita'y sidhi

ginampanang husay ang aktibismo
nang lumang sistema'y di manatili

Miyerkules, Oktubre 5, 2011

Di bigo ang nag-alay ng buhay

DI BIGO ANG NAG-ALAY NG BUHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"They never fail who die in a great cause." ~ Lord Byron

di bigo ang sinumang nag-alay ng buhay
para sa kapakanan ng nakararami
para sa dakilang misyon at adhikain
para sa isang prinsipyadong simulain

pagkat sadyang mabuting ialay ang buhay
na sa sambayanan at kapwa'y nagsisilbi
upang ang lipunan ay tuluyang baguhin
upang sa sistema'y walang inaalipin

Lunes, Oktubre 3, 2011

Ang Masa'y Putik sa Panahon ng Kapitalismo

ANG MASA’Y PUTIK SA PANAHON NG KAPITALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang masa'y putik sa panahon ng kapitalismo
ang burgesya'y bulag mamatay man ang mga ito
ang elitista'y bingi pag masa'y nagsusumamo
kapitalista'y pipi't tila walang pagkatao
sa ganito ngang sistema'y lagi na lang ganito

putik ang tingin sa masa ng mga hinayupak
kaya pag dukha'y nakakatuwaang hinahamak
putik ang masa kaya pinagagapang sa lusak
ng dusa't hirap sa daigdig na ito'y palasak
at sa mga sugat ng sakripisyo'y nag-aantak

sa kapitalismo'y kapit sa patalim ang masa
laging inaaglahi, lagi silang itsapuwera
may demolisyon, lakas-paggawa'y binabarat pa
sa sitwasyong bang ito tayo'y magpipikitmata
o makikibaka na't babaguhin ang sistema

ang mga dukha'y parating inaapak-apakan
ng mga mapagsamantalang uri sa lipunan
karangalan ng masa'y kanilang pinuputikan
kaya ang masa't manggagawa'y dapat nang lumaban
upang itayo ang kanilang sariling lipunan

dapat nang wakasan ang sa masa'y pang-aaglahi
putik na ikinulapol sa masa'y mapapawi
kung dudurugin na ang mapagsamantalang uri
ang kapitalistang sistema'y dapat nang mapawi
uring manggagawa't dukha'y panahon nang maghari

Linggo, Oktubre 2, 2011

Si Lucio ba ang Boss ni P-Noy?

SI LUCIO BA ANG BOSS NI P-NOY?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(2,600 manggagawa ang apektado ng planong outsourcing sa PAL)

ang sabi noon ni P-Noy, "kayo ang Boss ko!"
ngunit sino nga ba ang Boss niyang totoo?
ang kapitalista ba o ang simpleng tao?
sa kaso ng PAL, obrero ba o si Lucio?
sino ba talaga ang Boss ng pangulo nyo?

nais pa niyang kasuhan ang manggagawa
economic sabotage ang aming balita
anong nangyari, Pangulo na'y walang awa
ang kapitalista na ang dinadakila
at mga manggagawa'y binabalewala

si Lucio ba ang Boss ni P-Noy? tanong ko lang
si Lucio na ba ang sa puso niya'y lamang?
ang sagot dito'y alam ng bayan malamang
kita namang kapitalista'y nanlalamang
kahit karapatan ng obrero'y maharang

di na naisip, Boss niya ang manggagawa
ang Pangulo ba'y wala nang isang salita
mga manggagawa na'y winawalanghiya
pagkat iyang pangulo nyo'y nagpapabaya
di pala niya Boss ang manggagawa't dukha

labanan ang promotor ng pribatisasyon
at nangwawasak ng karapatang mag-unyon
labanan ang salot na kontraktwalisasyon
mga karapatan ang tanging tayo'y meron
kaya tama lang ipaglaban ito ngayon

ang sabi noon ni P-Noy, "kayo ang Boss ko!"
nagsisinungaling na yata siyang todo
aba'y kung sunud-sunuran siya kay Lucio
dapat magpasiya na ang uring obrero
ang pangulo nyo'y patalsikin na sa pwesto!

Sabado, Oktubre 1, 2011

Nang Mandaluyong si Pedring


NANG MANDALUYONG SI PEDRING
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tulad ni Ondoy, dumaluyong din si Pedring
buong kalangitan ay totoong nagdilim
kayraming napatay, tila isang salarin
dinulot ni Pedring sa bayan nga'y kaylagim

dinaluyong ni Pedring ang mga lansangan
kayraming bahay ang kanyang sinagasaan
kayraming buhay ang nawalan ng tahanan
tila nilamon ng lupa ang buong bayan

nang mandaluyong si Pedring tulad ni Ondoy
apektado ang dukha, pati na palaboy
lubog ang lungsod, kapara'y tila kumunoy
pati mga halaman, ani'y nangaluntoy

bahay at paaralan ang lubog sa baha
higit sandaang buhay yaong nangawala
ang pagdaluyong ni Pedring ay tila sumpa
na sa mga apektado'y nagpatulala

Huwebes, Setyembre 29, 2011

Uso na naman ang noodles at sardinas

USO NA NAMAN ANG NOODLES AT SARDINAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang biglaang pagragasa ni Pedring ay marahas
binaha ang lansangan, blakawt, bahay ay binutas
kayraming gamit ang binaha't di na nailigtas

marami'y sa evacuation center na nagpalipas
ng magdamag upang sariwain ang nakalipas
na maghapong dinalirot ng unos na kayrahas

uso na naman ang sanlaksang noodles at sardinas
handa ng gobyernong di handa sa bagyong kaylakas
sari-saring mga delata't ilang kilong bigas

ganito lagi ang sitwasyong ating mamamalas
habang ang iba naman, tubig-baha'y nililimas
pilit binabalik sa dati ang nasirang landas

isang katotohanan itong sa diwa'y nagbukas
pag may kalamidad, tambak ang noodles at sardinas

Miyerkules, Setyembre 28, 2011

Si Ondoy at si Pedring

SI ONDOY AT SI PEDRING
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tila magkapatid na halimaw na rumagasa
at sinagilahan ng pangamba ang ating diwa
isang araw lang nanalasa ang mga kuhila
ang lupit nila sa maraming tahanan gumiba
sa sementadong daan, ngitngit nila'y nagpabaha
iniwan nilang bakas ang mga putikang lupa
punong bumagsak, nasirang bahay, luhaang madla
kahirapan at dusa'y kanila pang pinalala
ang kapangyarihan nila'y sadyang dama ng madla
sa pagdatal ng bagong araw muling nanariwa:
ang pamahalaan nga ba'y handa sa mga sigwa?
sa unos, ang mamamayan ba'y paano naghanda?

(Ondoy - Setyembre 26, 2009; Pedring - Setyembre 27, 2011)

Lunes, Setyembre 26, 2011

May Tunggalian ng Uri Kahit sa Balita

MAY TUNGGALIAN NG URI KAHIT SA BALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bakit kaya pag pagkilos ng manggagawa
at pakikibaka ng mga maralita
ay bihira o hindi agad mabalita
kahit na ang mga nangyayari'y malala

ngunit pag press release na ng kapitalista
aba'y sadyang ito'y agad nababandera
talagang pinagkakaguluhan ng media
basta't balitang burges, nag-uunahan na

teka, magkano nga ba ang bawat balita
mga nasa media'y sadyang nagkandarapa
sa kapitalista'y di magkandaugaga
habang dehado lagi itong manggagawa

sa balita man, may tunggalian ng uri
basta mahirap, nadedehado ang puri
ngunit basta mayaman, laging pinupuri
ganitong estilo'y di dapat manatili


Linggo, Setyembre 25, 2011

Sa Kongreso ng ZOTO


SA KONGRESO NG ZOTO
ni greg bituin jr.
11 pantig bawat taludtod

sa Hito covered Court nag-uumapaw
sa dami itong mga maralita
silang pawang sa hustisya nga'y uhaw
magko-Kongreso na ang mga dukha

pag-uusapan ang kinabukasan
ng kanilang bunying organisasyon
tatalakayin pati karapatan
sa paninirahan at demolisyon

mga kasama'y kay-agang dumating
mula sa labimpitong tsapter nila

dadalo sa makabuluhang piging
na simbolo ng pag-asa't hustisya

nirepaso nila ang Konstitusyon
may debate't may pinagkaisahan
tinalakay ang mga resolusyon
pinalakpakan ang sinang-ayunan

bagong pamunuan nila'y binoto
na siyang uukit ng bagong bukas
tiyak na tatatag muli ang ZOTO
dahil matwid ang tatahaking landas

Miyerkules, Setyembre 14, 2011

Hibik ng batang lansangan

HIBIK NG BATANG LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

buhay ba'y lagi nang ganyan
sabi ng batang lansangan
araw-araw kagutuman
pamana ba'y kahirapan
ano bang pamamaraan
upang aking maiwasan
ang danas na kasalatan
at akin namang matikman
ang nasang kaligayahan
nais ko namang gumaan
itong aking kalagayan
a, ako'y maninilbihan
at aking pagsisikapang
magkatrabahong tuluyan
kahit maging alipin man
ng kung sinong mayayaman
tatanggapin kaya naman
ang tulad kong dukha lamang
o ako'y paglalaruan
at pagtatawanan lamang
basta aking susubukan
na magkatrabaho naman
di nga ba't may kasabihan
pag aking pinagsikapan
meron ding kapupuntahan
kapag pinangatawanan
pangarap ko'y makakamtan
basta't hindi sapilitan

Martes, Setyembre 13, 2011

Papuri ni Oriang kay Macario Sakay

PAPURI NI ORIANG KAY MACARIO SAKAY, 5 Nobiembre 1928
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kilala na niya noon pa itong si Macario
na kaibigang matalik ni Andres Bonifacio
isang barbero't gumampan din noon sa Teatro
at para kay Oriang, si Macario'y mabuting tao

"Itinuring ng ibang masamang tao't tulisan
gayong malaki ang naitulong sa Katipunan
di ko akalaing maging hantungan ay bitayan
gayong si Macario'y isang tunay na makabayan."

maikli man ang nasulat niya sa talambuhay
ay papuri na ito sa pagkatao ni Sakay
na ito'y Katipunerong kalayaan ang pakay
sa pakikibaka'y nagpatuloy, di nanlupaypay

salamat kay Ka Oriang sa kanyang mga sinabi
si Macario Sakay nga'y ating tunay na bayani

- gregbituinjr.

* "Kaya't kapagkarakang malaman ang nilalayon ng katipunan ay bumili agad ng malaking limbagan upang sa madaling panahon ay makayari agad ng maraming Kartilya, periodiko at mga palatuntunan, kaya noong huli'y pinagtulungtulungan nina Emilio Jacinto, Aguedo del Rosario, Alejandro Santiago, Cipriano at Marciano na taga-Pulo, Bulakan, at ang tagapamahagi at tagalakad ay sina Macario Sakay, at iba pang panguluhan. Ang palagay ng ibang siya'y masamang taong naging tulisan ay ewan ng huli, sapagka't nakita ko naman na may malaking ginawang tulong sa Katipunan. Si Macario Sakay ay tunay na makabayan at di ko akalain na ang maging hantungan ay ang bibitayan." ~ Gregoria "Oriang" De Jesus, Lakambini ng Katipunan at maybahay ni Gat Andres Bonifacio

Linggo, Setyembre 11, 2011

Batu-Bato sa Lupa

BATU-BATO SA LUPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

batu-bato sa lupa
pilit na tumatama
sa mga hampaslupa
kaya sila'y kawawa

batu-bato sa lupa
dapat nating ihanda
ang kapwa manggagawa
sa sosyalistang diwa

batu-bato sa lupa
bayaran nilang tama
itong lakas-paggawa
ng mga manggagawa

batu-bato sa lupa
obrero ang lumikha
ng ekonomya't bansa
bakit sila'y dalita

batu-bato sa lupa
bakit nagpapasasa
sa yaman nilang likha
yaong di gumagawa

batu-bato sa lupa
problema ba'y huhupa
bakit ba laging dukha
ang mga maralita

batu-bato sa lupa
huwag mangalumbaba
at mag-isip ng wala
baka araw masira

batu-bato sa lupa
ang tamaan kawawa
pag ginawa'y di tama
tatamaan ngang sadya

Biyernes, Setyembre 9, 2011

Tuwirin ang Daan

TUWIRIN ANG DAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
6 pantig bawat taludtod

bakit ang dalaga
sa iyo'y namali
tuwirin ang daan
huwag biglang liko

bakit ba si lola
may tangan nang tungkod
tuwirin ang daan
huwag baku-babako

hinay-hinay, itay
sa pagtakbu-takbo
tuwirin ang daan
baka ka mahapo

kumusta na, anak
ang pag-aaral mo
tuwirin ang daan
di pwede ang dungo

basag na ang budhi
laklak pa ng laklak
tuwirin ang daan
nariyan ang lango

nakipagkarera
ang nagmamaneho
tuwirin ang daan
nang walang mabunggo

Martes, Setyembre 6, 2011

Sa Kaarawan ng Mahal Kong Ina

SA KAARAWAN NG MAHAL KONG INA
(sa kanyang ika-65 kaarawan at pagretiro 
sa trabaho, Setyembre 6, 2011)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

isang maalab na pagbati, mahal kong ina
na sa kaarawan mo, ikaw'y retirado na
haharapin mo na ngayon ay buhay na iba
pagkat tapos na ang iyong buhay-opisina

kilala ka namin, inay, napakatatag mo
anuman ang problema'y hinaharap ng todo
malalim magsuri at matalas magkomento
na sa palagay ko'y namana namin sa iyo

tulad ng graduation, iba na ang haharapin
pagkat panibagong buhay na ang tatahakin
di iyan simpleng pagtigil sa dating gawain
kundi bagong plano na ang pakaiisipin

pagbati, inay, ng maligayang kaarawan
ako man po'y tupang pulang nag-iba ng daan
ngunit tinahak ko'y para sa pagbuti naman
ng higit na nakararaming kapatid at bayan

maraming salamat, inay, sa inyong pang-unawa
alam nyong ang tinahak ko'y landas na dakila
payo nyo nga noon, basta gawin ko ang tama
kahit maghirap, basta't mabubuti ang gawa

nagpupugay kami sa aming dakilang ina
kaming anak ng Batanggenyo't Kinaray-a
di ka nagpabaya lalo't kami'y may problema
kahit matigas ang ulo ko'y naririyan ka

handang magpayo sa anak, handang umunawa
kahit madalas masakit, ikaw'y lumuluha
ngunit pinakita mong matatag ka't di nagigiba
sa pagpayo mo sa amin, di ka nagsasawa

kaming anak ninyo'y naririto't nagninilay
sana kaligayahan ang sa inyo'y dumantay
nagpapasalamat sa walang-sawa nyong gabay
maligayang kaaarawan at salamat, inay

Biyernes, Setyembre 2, 2011

Ang Mabuhay Di Lang sa Tinapay


ANG MABUHAY DI LANG SA TINAPAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

di lang daw sa tinapay nabubuhay ang tao
siya'y nabubuhay din kasama ang gobyerno
dahil sa magsasakang kaysipag mag-araro
at produktong ginawa ng bisig ng obrero

nabubuhay ang tao di lamang sa tinapay
kundi dahil sa lupang pinagtamnan ng palay
dahil sa pamayanang bawat isa'y may ugnay
dahil sa manggagawang talagang nagsisikhay

tuyong hawot, kamatis, sinangag ay laganap
na agahan ng Pinoy pagkain ng mahirap
dusa, luha't linggatong ang madalas malasap
ng mga nagugutom na hustisya ang hanap

tinapay sa umaga pandesal kadalasan
palaman ay sardinas at bahaw ang agahan
ang handa naman kapag tanghalia't hapunan
ay ang pamatid-gutom na pwede na sa tiyan

pag binato ng bato, batuhin ng tinapay
upang ulo'y lumamig, mabawasan ang lumbay
dapat wala nang gutom sa lipunang mahusay
dahil ang karapatan sa pagkain ay tunay

Miyerkules, Agosto 31, 2011

Kailan Ba Makikita Silang Nangawala?

KAILAN BA MAKIKITA SILANG NANGAWALA?
(Alay para sa International Day of the Disappeared, 
Agosto 30, 2011)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kailan ba makikita ang mga nangawala
mawawala na bang tuluyan ang kanilang mukha
di ba't aktibista silang ang ginawa'y dakila
para sa masa, para sa obrero't mga dukha
dahil ba nagrebolusyon, sila na'y isinumpa

sila'y nangawala na ng matagal na panahon
sinong magsasabi kung saan sila ibinaon

kailan nga ba makikita silang nangawala
malalaki na ang iniwan nilang mga bata
paghahanap nila'y kailan matatapos kaya
sa buhay na ito'y iyan ang kanilang inaadhika
saan ba makikita ang bangkay na nangawala

sila'y nangawala na ng matagal na panahon
sinong magsasabi kung saan sila ibinaon

nagkakaisa ng pangarap ang mga naiwan
mga nangawala'y tuluyan nilang matagpuan
kahit pawang kalansay na lamang upang mabigyan
ng disenteng libing at kanilang maparangalan
nang kahit paano, sakit sa damdami'y maibsan

sinong magsasabi kung saan sila ibinaon
sino kaya ang nag-utos upang sila'y ibaon

Martes, Agosto 30, 2011

Sa mga nanalbahe

SA MGA NANALBAHE
(Alay para sa International Day of the Disappeared, 
Agosto 30, 2011)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

matagal na kaming desaparesido, noon pa
kami'y sinalbahe panahon pa ng diktadura
habang ang iba'y nangawala matapos ang Edsa
kami'y nakalibing sa kung saan, di pa makita
kaytagal na hinanap ng aming abang pamilya

humihibik sa karimlan, kaulayaw ang dilim
magbukangliwayway man ay lagi ring takipsilim
di namin madalumat yaong naranasang lagim
sa pagbabagong hangad, ginanti nila'y rimarim!
halimuyak ng hustisya'y amin bang masisimsim?

kayong may alam, aming labi'y saan nakabaon?
makonsensya't ituro na saan kami naroon!
kaming pinaslang nyo dahil pagbabago ang layon
kaming ang pinangarap, bansang ito'y makaahon
walang mayaman, walang mahirap, lahat mayroon

katotohanan tungkol sa amin ay inyong taglay
sabihin nyo na saan nalibing ang aming bangkay
upang puso ng naiwang pamilya'y tumiwasay
kahit man lang pahiwatig sa pamilya'y ibigay
nang kaming desaparesido'y matagpuang tunay!

Biyernes, Agosto 26, 2011

Ano ang Rebolusyon?


ANO ANG REBOLUSYON?
ni Greg Bituin Jr.

Ang rebolusyon ay pagbato ng tae sa mukha ng mga imperyalista.

Ang rebolusyon ay pagpana sa puwet ng mapagsamantala.

Ang rebolusyon ay ang pagpukol ng bulok na kamatis at bagoong sa mga bulok na pulitikong pahirap sa bayan.

Ang rebolusyon ay ang mga lider na di nahihiyang maghawak ng plakard at bandila sa rali.

Ang rebolusyon ay ang pag-apak sa makasaysayang Mendiola, ang pangunahing lunsaran ng protesta.

Ang rebolusyon ay ang pagtulong sa dinedemolis na maralitang walang sariling bahay.

Ang rebolusyon ay ang pag-oorganisa sa mga manggagawang regular upang magtayo ng unyon.

Ang rebolusyon ay ang pag-oorganisa sa mga manggagawang kontraktwal na walang katiyakan sa trabaho.

Ang rebolusyon ay ang magkasintahang aktibista.

Ang rebolusyon ay ang mag-asawang nakikibaka at ang anak na sumusunod sa yapak ng ama't inang aktibista. 

Ang rebolusyon ay pagpawi sa pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon.

Ang rebolusyon ay sina kasamang Karl at Friedrich na nag-akda ng isang manipesto noong 1848 para sa uring manggagawa.

Ang rebolusyon ay si kasamang Vladimir at ang kanyang 45 tomo ng tinipong mga akda.

Ang rebolusyon ay sina kasamang Fidel at Che na nagbago sa landas ng pulitika sa kanilang bansa.

Ang rebolusyon ay si kasamang Popoy at ang diwang kanyang ipinamana sa manggagawang Pilipino.

Ang rebolusyon ay uring manggagawang nagkakaisa upang baguhin ang bulok na sistema.

Ang rebolusyon ay ang pananaig ng hinahon sa harap ng paninibasib ng kapitalismo sa mundo.

Ang rebolusyon ay pagmumulat sa manggagawa't maralita tungo sa adhikaing sosyalistang lipunan.

Ang rebolusyon ay ang kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan ng lipunan, kapaligiran at kapwa tao.

Ang rebolusyon ay siyang dapat pangarapin ng mayoryang naghihirap sa mundo laban sa iilang nagpapasasa sa yaman ng daigdig.

Miyerkules, Agosto 24, 2011

Sa Lambong ng Ulap


SA LAMBONG NG ULAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ayoko ng ganyang dilim ng kalangitan
pagkat tulad ito ng ako'y iyong iwan
tandang may unos at baha sa kalunsuran
tulad ng iwan mong ang puso ko'y sugatan

nais ko'y isang bagong araw ang sisikat
na siyang hihilom sa nilikha mong sugat
nais ko'y bughaw yaong langit sa pagdilat
na tandang may buhay sa kabila ng pilat

kung sakali mang lumambong muli ang ulap
sa kalangitang bughaw ng mga pangarap
may bago kayang pag-ibig na malalasap
tadhana ba'y muli tayong mapapagtiyap

umulan ma’t umaraw, tuloy ang pag-ibig
na sa bawat puso'y pagmamahal ang dilig
walang makapipigil kahit nanginginig
bumaha man ng luha't tuwa'y nakikinig