Martes, Setyembre 13, 2011

Papuri ni Oriang kay Macario Sakay

PAPURI NI ORIANG KAY MACARIO SAKAY, 5 Nobiembre 1928
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kilala na niya noon pa itong si Macario
na kaibigang matalik ni Andres Bonifacio
isang barbero't gumampan din noon sa Teatro
at para kay Oriang, si Macario'y mabuting tao

"Itinuring ng ibang masamang tao't tulisan
gayong malaki ang naitulong sa Katipunan
di ko akalaing maging hantungan ay bitayan
gayong si Macario'y isang tunay na makabayan."

maikli man ang nasulat niya sa talambuhay
ay papuri na ito sa pagkatao ni Sakay
na ito'y Katipunerong kalayaan ang pakay
sa pakikibaka'y nagpatuloy, di nanlupaypay

salamat kay Ka Oriang sa kanyang mga sinabi
si Macario Sakay nga'y ating tunay na bayani

- gregbituinjr.

* "Kaya't kapagkarakang malaman ang nilalayon ng katipunan ay bumili agad ng malaking limbagan upang sa madaling panahon ay makayari agad ng maraming Kartilya, periodiko at mga palatuntunan, kaya noong huli'y pinagtulungtulungan nina Emilio Jacinto, Aguedo del Rosario, Alejandro Santiago, Cipriano at Marciano na taga-Pulo, Bulakan, at ang tagapamahagi at tagalakad ay sina Macario Sakay, at iba pang panguluhan. Ang palagay ng ibang siya'y masamang taong naging tulisan ay ewan ng huli, sapagka't nakita ko naman na may malaking ginawang tulong sa Katipunan. Si Macario Sakay ay tunay na makabayan at di ko akalain na ang maging hantungan ay ang bibitayan." ~ Gregoria "Oriang" De Jesus, Lakambini ng Katipunan at maybahay ni Gat Andres Bonifacio

Walang komento: