SA KONGRESO NG ZOTO
ni greg bituin jr.
11 pantig bawat taludtod
sa Hito covered Court nag-uumapaw
sa dami itong mga maralita
silang pawang sa hustisya nga'y uhaw
magko-Kongreso na ang mga dukha
pag-uusapan ang kinabukasan
ng kanilang bunying organisasyon
tatalakayin pati karapatan
sa paninirahan at demolisyon
mga kasama'y kay-agang dumating
mula sa labimpitong tsapter nila
dadalo sa makabuluhang piging
na simbolo ng pag-asa't hustisya
nirepaso nila ang Konstitusyon
may debate't may pinagkaisahan
tinalakay ang mga resolusyon
pinalakpakan ang sinang-ayunan
bagong pamunuan nila'y binoto
na siyang uukit ng bagong bukas
tiyak na tatatag muli ang ZOTO
dahil matwid ang tatahaking landas
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento