Sabado, Nobyembre 12, 2011

Kada Linggo'y Sampung Akda


KADA LINGGO'Y SAMPUNG AKDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minsan, may nagtanong, kaysipag ko raw naman
ngunit bakit ako raw ay di yumayaman
kayraming sinusulat, mayamang mayaman
sa akda ngunit sakbibi ng karukhaan

wala akong ikatwiran kundi magsabi
na sa pagsulat ay di mag-aatubili
kakathain anuman ang nasa kukote
gutom man aakdang pilit ng guni't muni

sa loob ng pitong araw sa bawat linggo
itinakda ko nang may sampung artikulo
mga tula, sanaysay at maikling kwento
sa isang buwan, apatnapung akda ito

wala mang kita, nais kong may nagagawa
wala mang alawans, may bagong nalilikha
wala mang sweldo, tuloy pa rin sa pagkatha
trabaho ng trabaho kahit walang-wala

kayraming maisusulat, maiuulat
hinggil sa maralitang sadyang nagsasalat
hinggil sa negosyanteng nagpapakabundat
hinggil sa digmang may namamatay ng dilat

magmasid sa paligid at kayraming bagay
sa agham, lipunan, anong ating palagay
ano, bakit, paano'y susulating husay
pati mga tsismis, susuriin ding tunay

kahit naghihirap, butas man ang kalupi
di ito sagabal upang di manatili
sa pagkatha wala mang bayad na salapi
isasatitik anuman ang nalilimi

sampung obra bawat linggo ang itinakda
sa gitna ng gutom, katha pa rin ng katha
makata man akong nabubuhay sa digma
ng gutom, ng hirap, buhay pa rin ang diwa

Walang komento: