Lunes, Pebrero 17, 2014

Mapanghimagsik din ang mga makata

MAPANGHIMAGSIK DIN ANG MGA MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mga kasama hanggang ngayon ay walang proyekto
sa mga propagandista't manunulang tulad ko
sila'y tila nabababawan sa pagtulang ito
tila ba ito'y di sangkap sa tagumpay ng rebo

tingin nila'y pansarili lang ang aking pagtula
ngunit nang rebo'y niyakap, sarili na'y nawala
pulos pulitika't pagbabago ang inadhika
kitang-kita lahat iyon sa bawat mga katha

tingni, sa tula'y bihirang pansariling hangarin
pagkat bawat tula'y rebolusyon ang diwang angkin
kung minsang may pag-ibig, ito'y mapanghimagsik din
laban sa bulok na sistemang dapat lang baguhin

hindi ba't rebolusyon din ang bawat kong pagtula
sapagkat nakapagmumulat at nakahihiwa
ng may balat-kalabaw at reaksyunaryong diwa
mapanghimagsik din yaring tulad naming makata

Di man natuloy ngayon sa payaw

DI MAN NATULOY NGAYON SA PAYAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 na pantig bawat taludtod

ako'y umuwing lalawigan, nangarap sumama
sa payaw, kahit sa laot ay mag-isang buwan pa
isa iyong misyong noon pa'y pinangarap ko na
buhay sa laot ay maikwento ko't maibida

nais kong lumikha sa laot ng maraming tula
hinggil sa buhay at isyu ng ating mangingisda
habang naroroon sa payaw na malaking bangka
sa tula'y ilarawan ang kanilang ginagawa

mula Batangas, abot ng Palawan, at saanman
pag maalon, may unos, payapa ang karagatan
mga mangingisda ba'y anong naging karanasan
pag may panganib, paano nila nalulusutan

wala pang iskedyul ng payaw, ang sabi sa akin
mahal ang gastos, paano kung ako'y mahiluhin
pag nagkaaberya, baka ako pa'y problemahin
di raw sanay sa laot, baka di ko raw kayanin

takot silang ako'y sumama, di raw mangingisda
sagutin pa raw nila pag may nangyaring di tama
sapat bang doon sa aplaya lang ako kakatha?
di ba't mas maiging sa payaw lilikha ng tula?

ngunit misyon ko'y pangarap na di ako aayaw
lilikhain ko'y mga tula ng danas sa payaw
misyon ko'y tutuparin ko rin pagdating ng araw
at aklat ko mula sa laot, sa madla'y hahataw

Linggo, Pebrero 16, 2014

Huwag kang himatlugin

HUWAG KANG HIMATLUGIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kumilos ng kumilos, huwag himatlugin
maging mapanlikha, anong kaya pang gawin
lahat tayo'y tatanda't nagiging ubanin
ngunit kalusugan ay alagaan pa rin

galaw-galaw, baka ma-istrok, ika nila
huwag yaong laging nakahiga sa kama
kung may ramdam na sakit, mag-ehersisyo ka
bakasakaling katawan mo'y lumakas pa

baka manigas kung lalaging nakaupo
mga himatluging lagi nang nakayuko
pakuya-kuyakoy, turo na lang ng turo
ayaw kumilos, sa sakit na'y sumusuko

huwag maging himatluging nakatunganga
na akala mo'y ahas yaong nakatuka
galaw-galaw ka't baka ma-istrok kang bigla
di ka maagapan, tuluyang mamayapa

Paghagulgol ng mga puno

PAGHAGULGOL NG MGA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang mga puno'y kaytindi ng daing at hagulgol
kailan matitigil ang sa kanila'y pagputol?
sa pagkalbo ng kagubatan, sila'y tumututol
tanong sa atin: sa kanila ba'y ito ang hatol?

nais ng mga punong magprotesta nang tuluyan
magtungo sa Malakanyang kung kinakailangan
ngunit kung ang pangulo mismo'y walang pakialam
yaong pagputol sa kanila'y di mapipigilan

dagdag na tanong: anong dapat gawin nilang puno?
sila'y umalis sa gubat at tuluyang maglaho?
magbabalik lamang kung ang tao na'y nagtitino?
puno ba'y aalagaan, hahayaang lumago?

ang mga puno'y buháy, kuhanan ng makakain
pananggalang sa baha't unos, sa araw ay lilim
ngunit kung tingin sa puno'y troso ng mga sakim
kawawang puno, lagi na lang silang sisibakin

Sabado, Pebrero 15, 2014

Sa aking amasona (A Valentine's Day poem)

SA AKING AMASONA (A Valentine's Day poem)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nasaan ka man, muli't muling iibigin kita
trabaho man natin, aking giliw, ay magkaiba
maselan ang sa iyo, ako'y tula't propaganda
ngunit sa puso't diwa, kita'y laging magkasama

lakambini kitang sa gabi'y napapanagimpan
kailan tayo magkikita, mutya ng kariktan
umabot ba sa inyo ang polyeto't pahayagan
may tula ako roong inalay sa iyo lamang

magkikita kita sa pagitan ng rebolusyon
habang dinadaganan tayo ng globalisasyon
bulok na sistema'y sa manggagawa lumalamon
habang tayo, mahal ko'y patuloy na bumabangon

pagsinta mo'y dumadaloy sa aking mga ugat
na kung papatirin ay mamamatay akong sukat
ang presensya mo sa puso ko'y laging nasasalat
habang diwa ng masa't uri'y ating minumulat

nawa pagkikita nati'y tigib pa ng pag-ibig
labi'y sisiilin, kukulungin kita sa bisig
maligaya akong makasama ka't makaniig
habang tula't awit ko sa iyo'y iparirinig

Biyernes, Pebrero 14, 2014

Ang laot sa isang ibong ligaw

ANG LAOT SA ISANG IBONG LIGAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang tulad ko'y ibong ligaw doon sa kalawakan
naglakbay mula sa malayo upang may gampanan
punuan yaong aklat mula sa sinapupunan
ng sigwang naroroon sa laot ng karagatan

nais kong baybayin ang aplaya patungong laot
upang sa mga katanunga'y hanapin ang sagot
paano ba papaksain ang tiwali't bangungot
paano tutulain ang karanasang kaylungkot

sa malao't madali ako'y biglang magigising
habang nasa laot ng inaadhikaing marating
paano aabutin ang tayog ng toreng garing
at makasama ang dilag na tunay ngang kaylambing

Para sa paglaya

PARA SA PAGLAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hindi kami nagpapakamatay lumaban
para lang kamtin ang kakarampot na sahod
para lamang sa masasarap na pagkain
para matungga ang masasarap na alak
para ilan ay makatulog ng mahimbing
habang mga dukha'y nanginginig sa gutom

kaming narito'y handang mamatay sa laban
hindi para sa pansariling kapakanan
hindi para magkaroon ng kayamanan
hindi para sa pagsikat o katanyagan
hindi para lang purihin ng sambayanan
hindi para lang umangat sa katungkulan

handa kaming mamatay para sa paglaya
di sa pagsikat, kabusugan, o pagyaman
kundi kalayaan, oo, paglaya lamang

kalayaan mula sa bulok na sistema
paglaya mula sa pribadong pag-aari
kalayaan mula sa mga pang-aapi
paglaya upang magpantay ang kalagayan
kalayaan mula sa pagsasamantala
paglaya upang ang lahat ay makinabang

Huwebes, Pebrero 13, 2014

Gaano katamis ang luha?

GAANO KATAMIS ANG LUHA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

may mga kabiguang sadyang sakdal-tamis
bigo man sa pag-ibig at ramdam ay hapis
dalawang puso ma'y parang tubig at langis
mahalaga'y umibig kahit na magtiis

gunita ng ngiti't aliwalas na mukha
ng dilag na inalayan ng puso't diwa
pag-irog niya'y di tanggap ng minumutya
lumuha siya ngunit kaytamis na luha

luha iyong naibulalas ang pag-ibig
sa dalagang minahal, nais makaniig
pangarap niyang sinta'y kulungin sa bisig
ngunit init niya'y sinuklian ng lamig

nabigo man, ang luha'y walang kasingtamis
lalo't minumutya'y inibig niyang labis

Sa Pebrero ng kasawian

SA PEBRERO NG KASAWIAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

noon, kitang dalawa'y lagi nang magkayakap
habang binubuo ang magagandang pangarap
nasa bisig kita, tangay ka sa alapaap
at sa puso ko'y lagi kitang nahahagilap

nang ako'y iyong iwan, puso ko na'y nasawi
hanggang ngayon, kirot niyon pa'y nananatili
di kita malimot pagkat pagsinta'y masidhi
yaon ang Pebrero ng kasawiang kayhapdi

pag-ibig ay isa lang salita, sa wari mo
hanggang bigyang-kahulugan ko ito sa iyo
kahulugan nito'y ikaw, tagos sa puso ko
ikaw ang sinta kong bumuo sa pagkaako

nawa'y dama mo pa gaano kita kamahal
ikaw pa rin ang lakambining nasa pedestal
ng ating pangarap na sa puso'y laging usal
bakit ba ako sa iyo'y nagpapakahangal

Miyerkules, Pebrero 12, 2014

Amoy lapis at papel ang paligid

AMOY LAPIS AT PAPEL ANG PALIGID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Amoy lapis at papel ang paligid
Habang binubura ang pagkainip
Kamay ay nagsisimula nang gumuhit
Upang dalawang puso'y mapaglapit

Martes, Pebrero 11, 2014

Bagay muna bago isip ang mapagpasya

BAGAY MUNA BAGO ISIP ANG MAPAGPASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

“It is not the consciousness of men that determines their being, but, on the contrary, their social being that determines their consciousness.” ~ Karl Marx, A Contribution to the Critique of Political Economy (1859)

busog ka ng dalawang araw ay iyong isipin
at sa loob ng araw na ito'y di ka kakain
kaibigan, makakaya mo kaya itong gawin
isipin mo lang busog ka, umulan ma't arawin

kung sakali mang hamon kong ito'y magagawa mo
aba'y natatangi ka, kami sa iyo'y saludo
ngunit di ito magagawa ng lahat ng tao
pagkat bagay bago isip ang mapagpasya rito

nang sa Edsa mga tao'y sabay-sabay nagtipon
di iyon dahil inisip lang nilang gawin iyon
may nagkakaisa silang karanasan at layon
na nagtulak upang baguhin ang lagay ng nasyon

nag-iisip paanong mawala ang paghihirap
ngunit di naman kumikilos, pulos lang pangarap
bulong lang ng bulong, nais na buhay ay sumarap
ngunit walang ginagawa upang ito'y maganap

di ba't dapat may batayan ang ating pagpapasya?
anong materyal na kondisyon ng bayan, ng masa?
bakit sanlaksa'y dukha, kaunti'y nagtatamasa?
paano tayo kikilos, magagawa'y ano ba?

materyal na kondisyon ay dapat nating mabago
suriin ang lipunan, lagay ng bansa't ng tao
bakit ba laksa-laksa ang naghihirap sa mundo
di ito imahinasyon lamang, ito'y totoo

totoong mapagpasya'y bagay muna bago isip
sige, subukan mong mangarap ng gising, umidlip
magbabago ang lipunan sa iyong panaginip
ngunit paggising mo, hirap pa rin ang halukipkip

kaya kailangang suriin bawat kalagayan
at dito magsisimula ang pagbabagong asam
aralin ang ekonomya, pulitika, lipunan
mula dito'y kumilos tayo't sistema'y palitan

Pumuti na ang buto, huwag lamang ang sakong

PUMUTI NA ANG BUTO, HUWAG LAMANG ANG SAKONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

May kasabihan sa Tausug, "Marayaw pa mutih in bukug ayaw sin tikud-tikud” (It is better to see the white [color] of one’s bones [from a wound] than that of one’s heels) na sa Tagalog ay "Mas mabuti pang pumuti ang buto kaysa pumuti ang sakong." Ang ibig sabihin, mas mabuti nang mamatay kaysa tumatakbo sa laban.

sa labanan ay walang espasyo ang karuwagan
pagkat ang karuwagan ay di dapat sa labanan
mabuti pang mamatay ka sa isang tunggalian
kaysa bahag ang buntot, ito'y walang karangalan

ngunit may labanang di dapat alayan ng buhay
dahil walang prinsipyo, sayang ang buhay na alay
kung kayang mag-usap, mag-usap muna silang tunay
lutasin ang suliranin nang may prinsipyong gabay

ngunit sa isang digmaang ubusan na ng lahi
ang tumakbo sa laban ay duwag, wala nang puri
kahiya-hiya siya, dapat buhay na'y maputi
huwag lang masabing duwag, di baleng mamighati

ah, mabuti pang malagyan ng tingga yaong ulo
kaysa ang mabuhay kang duwag ang turing sa iyo
di makatindig ng taas-noo kahit kanino
pag ganito'y magbigti na o kaya'y mag-seppuku

mas mabuti pang pumuti ang buto kaysa sakong
dahil kumasa ka't sa labanan ay di umurong
bakit ba kailangang maglaban, ang iyong tanong
nararapat lang mag-usap, magkaroon ng bodong

talasalitaan:
* seppuku - ritwal ng pagpapatiwakal, o harakiri
* bodong - usapang pangkapayapaan
* maputi (sa ika-3 saknong) - sa ingles ay "to be killed" (matandang Tagalog)
* pumuti (sa ika-5 saknong) - sa ingles ay "to be white"

Lunes, Pebrero 10, 2014

Maraming salamat, kasamang Tado

MARAMING SALAMAT, KASAMANG TADO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nang pumanaw ka patungo sa malayong lupain
dahil sa di inaasahang sakuna sa bangin
kami'y nagitla, kay-aga mong nawala sa amin
tila humagibis sa dibdib ang lamig ng hangin

mula Panday Pira'y pumalaot ka sa Sanlakas
Kamalayan, NFSC'y nakasamang madalas
naging aktibista nang lipunan ay maging patas
naging artista't sa mga pelikula'y lumabas

tatak mo ang pagpapatawa at mahabang buhok
kasamang nangarap na baligtarin ang tatsulok
tulad mo'y dumaan sa mga apoy ng pagsubok
hanggang makilala ng bayan, narating ang tuktok

marami ang sinamahan mo, di ka nakatiis
sa isyung human rights, pork barrel, kuryente'y kaybilis
tulad ng pagtaguyod sa adbokasya ng Greenpeace
Cut 'n Be Just ng Philippine Movement for Climate Justice

sa mga isyu ng bayan, kasamang nagsalita
isa rin sa nag-organisa ng grupong Dakila
sa StrangeBrew at BrewRats ay isa sa nangasiwa
ang t-shirt na LimiTado'y dinisenyo mo't likha

Kongresong Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod
ay naging kaisa't kasama mo sa paglilingkod
TDC at Ating Guro'y iyo ring tinaguyod
pati laban ng manggagawang itaas ang sahod

kasama'y Bukluran ng Manggagawang Pilipino
sa pagtataguyod ng kaisipang sosyalismo
iyo ring inilathala ang dyaryong Asintado
habang binasa mo rin ang aming dyaryong Obrero

tumakbo kang konsehal ng lungsod mong Marikina
naging kandidato ng Partido Lakas ng Masa
dalawang ulit ka mang natalo'y nagpatuloy ka
nanguna ring tumulong sa binaha ng Yolanda

pinangarap mong makamit ang malayang lupain
at ang uring manggagawa'y sadyang pagkaisahin
kaya sosyalismo ang niyakap mong adhikain
ngayon, kabilang buhay na ang iyong tatawirin

sa iyo, kasama, taas-kamaong pagpupugay
nawala ka ngunit sa puso'y di ka mawawalay
salamat ng marami sa saya mong ibinigay
muli, kami'y nagpupugay, mabuhay ka, mabuhay!

* Kamalayan - Kalipunan ng Malayang Kabataan
* NFSC - National Federation of Student Councils
* TDC - Teachers' Dignity Coalition


* Si kasamang Arvin "Tado" Jimenez (Marso 24, 1974 - Pebrero 7, 2014) ay kilalang komedyante sa pinilakang tabing at isa ring aktibista. Namatay siya nang mahulog sa bangin ang sinasakyang Florida bus noong Pebrero 7, 2014 ng umaga, araw ng Biyernes, sa Banaue-Bontoc road sa Sitio Panggang, Barangay Talubin, Bontoc, Mountain Province, ayon sa ulat.

Sabado, Pebrero 8, 2014

Pagbaligtad ng sikmura't tatsulok

PAGBALIGTAD NG SIKMURA'T TATSULOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nasisikmura mo ba ang mga katiwalian
na talamak na sa maraming ahensya ng bayan
ang mga trapo ba'y sino ang pinaglilingkuran
ang sambayanan, negosyante, o sarili lamang

nakahiga sa pera ng bayan ang mga trapo
ibinubulsa nila pati buwis ng obrero
pangako'y madalas ipako nitong pulitiko
sa halip na maglingkod, serbisyo'y ninenegosyo

tila kaluluwa ng bayan na ang binibili
ng mga kawatang trapong nangangamoy asupre
kung di mo masikmura ang asal nilang buwitre
di ba't mga trapong ito'y dapat lang magarote

nakakabaligtad ng sikmura ang gawa nila
sa bayan pagkat labis silang mapagsamantala
sa lipunang ito'y bulok ang kanilang sistema
mga katiwalian nila'y nakakasuka na

sigaw namin: palitan na itong sistemang bulok
baligtarin na rin ang sa lipunan ay tatsulok
mga trapong ito'y dapat makatikim ng dagok
mga trapong ang bayan na'y kanilang inuuk-ok

tatsulok na itong nasa tuktok ang mayayaman
habang nasa ilalim naman ang nahihirapan
panahon nang tatsulok ay baligtaring tuluyan
upang sikmura naman natin ay gumaan-gaan

Biyernes, Pebrero 7, 2014

Pagtugis kay Prometeo

PAGTUGIS KAY PROMETEO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"As Prometheus, having stolen fire from heaven, begins to build houses and to settle upon the earth, so philosophy, expanded to be the whole world, turns against the world of appearance. The same now with the philosophy of Hegel." ~ Marx, Notebooks on Epicurean Philosophy, (1839)

mga Bathala'y nagalit kay Prometeo
nang kinuha niya ang apoy sa Olimpo
karne'y luto, sa gabi'y may sulo ang tao
kaya sa kanya'y natuwa ang mga ito

siya'y namalagi na sa sandaigdigan
nagtayo ng maayos na masisilungan
apoy niya sa tao'y isang kagalakan
tanda iyon ng sumusulong na lipunan

kapara rin ng kaisipan sa daigdig
umuunlad, pasirit at nakayayanig
nagdudulot ng init sa gabing malamig
nagpapasigla sa mga payat na bisig

may buting dulot sa malikhaing pananaw
mula sa bigas, nagkakanin na at lugaw
mula sa araro'y nalikha ang balaraw
pira-pirasong bakal ay naging batingaw

mula sa maliit, pagiging kabisote
patuloy na ring umuunlad ang kukote
mula ungol, may salita nang sinasabi
tumutula na sa magandang binibini

tulad ng pananaw ng mga palaisip
pinupukaw ng apoy na di pa malirip
sa pag-unlad ba'y di tayo nananaginip
habang sumusulong, may ideyang kalakip

mula sa lipunang primitibo komunal
naglipunang aliping lumugso ng dangal
magsasaka'y tali sa lupa noong pyudal
sa kapitalismo'y tubo lagi ang usal

ideya'y di lang nakulong sa isang nayon
ideya'y umabot ng iba't ibang nasyon
pilosopiya'y inaaral hanggang ngayon
at bagong ideya'y tiyaking makatulong

Huwebes, Pebrero 6, 2014

Ka Popoy

KA POPOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"Be worthy of the leader who trained you." ~ Trotsky's eulogy to Lenin (Maraming salamat kay kasamang Mike sa pagbahagi ng quotation na ito.)

mapagpalaya ang naiwan niyang mga akda
na pamana sa ngayong mga dukha't manggagawa
sinuri ang lipunang sa masa'y kumakawawa
na sa kapitalismo, obrero'y di pinagpala

magiting siyang lider na nakaharap sa digma
na ang mga pagsusuri'y sadyang lapat sa lupa
may birtud ang panitik, talumpati't mga gawa
laging kausap ang unyon at mga manggagawa

inorganisa niya ang hukbong mapagpalaya
kasama ang mga lider ng unyon ng paggawa
Bukluran ng Manggagawang Pilipino'y sumigla
nanguna sa lansangan, sosyalismo'y binandila

pinaslang siya, bumagsak ang katawan sa lupa
ngunit ang diwa ng rebolusyon ay di nawala
tulad nina Marx, Lenin, at iba pang namayapa
wala na siya, naroon na sa puso ng madla

Pagdatal sa Bundok Apo

PAGDATAL SA BUNDOK APO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nakatitig ako sa anyo ng sandaigdigan
habang iniluluha ang danas na kasawian
habang dinarama yaong natamong kabiguan
iyan ang daigdig, puno ng kabalintunaan

bundok na iyon ay kaytagal din naming inakyat
upang matupad na ang inaasahang pangarap
umulan, umaraw, nilandas ang putik, ang lahat
tangan na namin ang tinitingalang alapaap

kaysarap pagmasdan ang mga bituin sa gabi
habang kinukuha sa puno ang tinipong basi
may lumilitaw daw doong diwatang lakambini
na may magandang tugon sa palad mo't nangyayari

tangi kong armas doon ang pitong bolpen at papel
na bawat katha'y babasahin ko sa mga anghel
may ibong nakaisip lagyan ng bato ang pitsel
may mananahi ng salitang talagang kaytabil

yaon ang pinakamataas na bundok sa bansa
na nais akyatin ng mga dumanas ng baha
doon bagong pamayana'y nais nilang makatha
pamayanang walang iringan, may ligaya't tuwa

ilang araw pa ang lilipas, kami'y bababa rin
putik, kadawagan, yungib, ay muling tatahakin
pagkat pawang prutas na lang ang doo'y kinakain
tunay iyong paraisong kaysarap gunitain

Miyerkules, Pebrero 5, 2014

Mamamatay akong malinis ang pangalan

MAMAMATAY AKONG MALINIS ANG PANGALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mamamatay akong malinis ang pangalan
tama lang nasahin ng puso ko't isipan
dahil pagpapakatao'y ginagampanan
dahil dignidad ay laging iniingatan
dahil walang inaagrabyadong sinuman

malinis ang aking pangalan kung mamatay
walang kalokohang sa akin nakaugnay
magtiis man sa dusa kahit nalulumbay
sa pagpapakatao ako nabubuhay
ito ang prinsipyo kong niyakap ng tunay

mamatay man ay malinis ang pangalan ko
di nagsasamantala sa kapwa ko tao
habang tinataguyod ko ang sosyalismo
na isang sistema't lipunang makatao
na siya kong nasa hanggang mamatay ako

nais kong mawalang sa aking kapwa'y "honest"
na ang budhi animo'y malinaw na batis
ginagawa ang tama kahit na magtiis
maghirap man, kahit pa prinsipyo'y matiris
mamamatay akong may pangalang malinis

Walang himala't swerte sa rebolusyon

WALANG HIMALA'T SWERTE SA REBOLUSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 na pantig bawat taludtod

sa rebo'y di mapagpasya ang anumang himala
di rin dahil sa swerte kung tayo'y pinagpapala
rebo'y mananalo sa sama-sama nating gawa
di dahil sa himala't swerte'y nanalo ng kusa

dahil ang pagrerebo'y may syentipikong batayan
sinusuri natin ang kalagayan ng lipunan
anong sistemang nagdulot ng laksang kahirapan
kung bakit kayraming dukha, mayaman ay iilan

kung nais mong ang lipunan ay tuluyang magbago
huwag kang umasa sa swerte't himala, pare ko
kumilos ka, organisahin ang uring obrero
prinsipyo't tangan, ipalaganap ang sosyalismo

dumaan man tayo sa putik ng unos at baha
daanan man pati apoy ng pagsubok at banta
halina't pagkaisahin ang uring manggagawa
pagkat sila ang tunay na hukbong mapagpalaya

himala't swerte'y ibasura't kalimutan natin
diyalektikong materyalismo'y ating aralin
ang prinsipyong ito'y isapuso't ating angkinin
at sa bawat kusa't pagkilos ay ating gamitin

Martes, Pebrero 4, 2014

Magtiktik ng kalawang o tanikala'y lagutin?

MAGTIKTIK NG KALAWANG O TANIKALA'Y LAGUTIN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

magtiktik ng kalawang o tanikala'y lagutin?
sadyang ito'y isang masalimuot na usapin
sa dalawang iyan, alin ang iyong pipiliin?
kung tao'y nakatanikala sa pagkaalipin

paano kung di niya alam na alipin siya
ng sistemang ang kalawang ang tinitiktik niya
natutuwa sa posas na sa ginto'y tinubog pa
pagkat binusog siya ng niyakap na sistema

di pa alam ng alipin ano ang kalayaan
na pag siya'y nakalaya ay magutom sa daan
mas mabuti pang amo'y balikan at paglingkuran
basta't busugin at huwag lamang siyang sasaktan

sa lipunang alipin lang iyan nangyari noon
o ito ba'y nangyayari pa magpahanggang ngayon
sa manggagawa'y kapitalismo ang nakalulon
manggagawa'y dukha, kapitalista'y nasa mansyon

magtiktik ng kalawang o tanikala'y lagutin?
mahalagang tanong na desisyon ay nasa atin
magtiktik ng kalawang sa tanikala'y alipin
mabuting walang tanikalang sasakal sa atin

Linggo, Pebrero 2, 2014

Kaytayog ng bundok na aking inaakyat

KAYTAYOG NG BUNDOK NA AKING INAAKYAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kaytayog ng bundok na aking inaakyat
taas nito'y metro-metrong di ko masukat
di napapagod, tila ako'y may agimat
gayong mukha't kamay ko'y puno na ng sugat

anong naroroon sa matayog na bundok
at ninasa kong abutin ang kanyang rurok
daratnan ko ba'y lantay at wala nang bulok
o pagdatal ko roon, ako'y malulugmok

habang sinisilip ko ang nasa ibaba
tila ako'y nasa ulap, nakalulula
sandaling pahinga sa nahanap na lungga
at minumuni-muni ang sagot sa sumpa

kaylayo na pala nitong aking narating
pag nagkamali, lalaglagan ko'y kaylalim
naroon ba sa bundok ang mutya ng dilim
na hahatiran ko ng liwanag na angkin

ginto sa putikang kayhirap mahagilap
sana'y matagpuan ko ang pinapangarap
salamat ng marami kung ito'y mahanap
pagkat nagbunga rin ang aking pagsisikap

May liwanag din sa karimlan

MAY LIWANAG DIN SA KARIMLAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

may liwanag pa kayang aasahan
ang masang nilukob ng karukhaan?
ang manggagawang aliping sahuran?
ang pesanteng tali sa kabukiran?

ang dukhang dinemolis ang tahanan?
ang mga bilanggong nasa kulungan?
ang mga obrerong nandarayuhan?
ang mga ginigiling ang katawan?

ang mga babaeng may nakaraan?
ang lalaking walang kinabukasan?
ang pulubing walang laman ang tiyan?
ang nagtatakbuhang batang lansangan?

ang ulilang lubos na kabataan?
ang sanggol na iniwan ng magulang?
ang mga hindi pa isinisilang?
ang mamamayang lubog na sa utang?

hangga'y may buhay daw ay may pag-asa
may liwanag na aasahan sila
pagkatapos ng gabi ay umaga
di natutulog ang inang hustisya

mababago ang bulok na sistema
kung masa'y tunay na magkakaisa
kung manggagawa'y magsama-sama
kung walang mga mapagsamantala

kung susundin ng tao ang Kartilya
ng Katipunan na gabay ng masa
kung kikilanlin ang pagkakaiba
at pagkapareho ng bawat isa

kung kolektibong nilulutas nila
ang anumang dumatal na problema
kung sa kapwa'y may pagmamahal sila
tunay ngang pag may buhay, may pag-asa

Kinsenas, katapusan

KINSENAS, KATAPUSAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

karaniwan nang sa mga pinapasukan
opisina man, lansangan, o pagawaan
ang pasahod ay kinsenas at katapusan
natanggap na sweldo'y kayraming kaltas naman

dahil bagong sahod, akala mo na'y paldo
gayong kayraming bayaring babayaran mo
kuryente, tubig, upa sa bahay o kwarto
maniningil ay nakapila na sa iyo

parang balewala ang sahod na kinsenas
pagkat may bayaring awtomatikong kaltas
SSS, Pag-ibig, PhilHealth, kaylaking bawas
pag nagbunganga si misis, aray, kaytalas!

"saan na naman kayo ng inyong barkada?
o baka sweldo mo'y pinambabae mo na?
bakit sa sahod mo'y ito lang ang natira?
malaking parte nito'y saan mo dinala?"

tuwing kinsenas, katapusan, nasasabik
sa bago mong sahod pagkat bulsa na'y tirik
ngunit di ka pala nabunutan ng tinik
kay misis at sa bahay paano babalik

karampot ang sahod sa ganitong lipunan
pagkat isa ka lamang aliping sahuran
sapat para makabalik kinabukasan
upang araw-araw ay alipinin lamang

pagkat ganyan ang sistemang kapitalismo
lakas-paggawa mo'y di-mabayarang wasto
kalagayang ito'y nais mo bang mabago?
aba'y organisahin ang kapwa obrero!

suriin ang sistemang sa inyo'y kumahon
bilang sahurang aliping tila patapon
magkaisa't magsikilos na kayo ngayon!
kapitalismo'y palitan, magrebolusyon!

Sabado, Pebrero 1, 2014

Tayo'y internasyunalista, ani Lenin

TAYO'Y INTERNASYUNALISTA, ANI LENIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"Capital is an international force. To vanquish it, an international workers' alliance, an international workers' brotherhood, is needed. We are opposed to national enmity and discord, to national exclusiveness. We are internationalists." ~ Lenin, Letter to the Workers and Peasants of the Ukraine (1919)


isang liham sa manggagawa't pesante sa Ukraine
ang pinadala ng rebolusyonaryong si Lenin

naglalaman ang liham ng mensaheng matalisik
na sa linamnam ay tiyak sa utak nga'y sisiksik:

"ang kapitalismo'y isang pandaigdigang pwersa
na patuloy na yumuyurak sa dangal ng masa

upang pandaigdigang kapitalismo'y mawala
isang pandaigdigang samahan ng manggagawa

ang dapat mabuo bilang matatag na samahan
manggagawang nagkasama sa isang kapatiran

tayo'y laban sa pambansang mga away at alit
at pambansang pagkakabukod na di naman sulit

pagkat tayong rito'y mga internasyunalista
obrero'y walang bansa, daigdig ang bansa nila"

napakagandang mensahe at pamana sa atin
kapwa'y walang limitasyon ng bansa, ani Lenin

sa pinakapayak, di sapat maging makabayan
pagkat bawat tao'y may pakialam kaninuman

kaya makipagkaisa tayo sa manggagawa
sa lahat ng bansa't dapat makipag-isang diwa

at ibagsak ang pandaigdigang kapitalismo
at itayo ng manggagawa ang lipunan nito

isaisip ang pagiging internasyunalista
isapuso rin at sa kapwa'y ating ipakita

Huwebes, Enero 30, 2014

Kung walang rebolusyonaryong teorya

KUNG WALANG REBOLUSYONARYONG TEORYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"Without revolutionary theory, there can be no revolutionary movement." - Vladimir Ilyich Lenin, What Is To Be Done?, “Dogmatism and ‘Freedom of Criticism’” (1902)


rebolusyonaryong teorya'y mahalagang sangkap
upang matupad ang ating mga pinapangarap
ngunit kailangan ng kilusang katanggap-tanggap
sa masa, uring manggagawa't mga mahihirap

mahalaga ang teorya sa kilusang paggawa
pagkat ito'y tuntungan kung bakit dapat lumaya
rebolusyonaryong teorya'y pasulong na diwa
nang umangat itong antas ng ating pang-unawa

ito ang batayan bakit binuo ang kilusan
kung bakit may mga adhikang dapat ipaglaban
at organisahin ang pinagsasamantalahan
kung bakit may simulaing baguhin ang lipunan

may rebolusyonaryong papel itong manggagawa
sa ugnayan sa lipunan na tubo ang sumira
rebolusyonaryong teorya'y mahalagang diwa
upang pagkaisahin yaong manggagawa't dukha

kung wala ang rebolusyonaryong teoryang ito
walang prinsipyong tatanganan ang mga obrero
teoryang itong sumusuri sa kapitalismo
at landas patungo sa pangarap na sosyalismo

halina't rebolusyonaryong teorya'y namnamin
at ilapat sa lipunang dapat nating baguhin
sa takbo ng kasaysayan, ang dapat nating gawin
teoryang ito'y aralin, angkinin, pagyamanin

Kalayaan lamang, ayon sa Pahayag sa Arbroath

KALAYAAN LAMANG, AYON SA PAHAYAG SA ARBROATH
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"For we fight not for glory nor for riches nor for honour, but only and alone for freedom, which no good man surrenders but with his life." - isang pangungusap mula sa Pahayag sa Arbroath, Abril 6, 1320

libo man ang kalaban, at kami'y sandaan na lang
hangad pa rin namin ang paglaya ng iwing bayan
lalaban kami di para sa kaluwalhatian
di para sa kayamanan, di rin sa karangalan

di para sa sarili't tanging adhikain lamang
ay kalayaan, lumaban para sa kalayaan!

para sa paglayang hangad, kaytindi ng tinuran
ng mamamayang ayaw nang maghari ang dayuhan
pahayag na di sinasanto maging kamatayan
dugo man ay ibubo upang paglaya'y makamtan

ganyan kahalaga iyang paglaya kaninuman
buhay ma'y kapalit, ito'y pilit ipaglalaban

* Ang Pahayag sa Arbroath noong 1320 ay deklarasyon ng paglaya ng bansang Scotland laban sa pananakop ng Inglatera.

Miyerkules, Enero 29, 2014

Opyo sa sambayanan

OPYO SA SAMBAYANAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"Religious suffering is, at one and the same time, the expression of real suffering and a protest against real suffering. Religion is the sigh of the oppressed creature, the heart of a heartless world, and the soul of soulless conditions. It is the opium of the people." - Marx, Critique of Hegel’s Philosophy of Right. Introduction (1843)

pagdurusang pangrelihiyon ay pagdama
sa totoong kahirapang ramdam ng masa
ito'y isa ring anyo ng pagpoprotesta
laban sa kaloob-loobang pagdurusa.

sa relihiyon, may kaluwagan ng loob
ito'y puso ng walang-pusong sansinukob
kaluluwa ng walang-kaluluwang kubkob
na kalagayan ng bayang sa dusa'y subsob.

yao'y tinuring na opyo sa sambayanan
opyong tila ba gamot sa nahihirapan
nang dusa'y pansamantalang di maramdaman
sa kabilang buhay ay may ginhawa naman.

upang mabuhay sa mundong tila ulila
sa karapatang pantao't sadyang ginhawa
kailangan mong sa itaas magtiwala
ginhawa'y darating kahit talagang wala.

relihiyon upang di madama ang hirap?
dapat suriin ang lipunang mapagpanggap!
ginhawa ba'y pag namatay na malalasap?
ginhawa ba sa mundo'y isa lang pangarap?

ilusyon lamang ba ang isang paraiso?
o paraiso'y kaya ring gawin sa mundo?
bakit dukha'y bilyon, mayama'y ilang tao?
ang relihiyon ba'y di nakikita ito?

dapat sa mundo'y wala nang inaalipin
ng sistemang bulok na lumunod sa atin
halina't lipunang ito'y ating baguhin
at lipunang makatao'y itayo natin.

Martes, Enero 28, 2014

Kung kabayo lang ang pangarap

KUNG KABAYO LANG ANG PANGARAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung ang pangarap ay naging isang kabayo
pulubi'y mag-uunahang sasakay dito
tulad ni Pegasus, ililipad ka nito
sa himpapawid ng mga pinangarap mo

kabayo'y tatakbong hila ang karitela
kung saan kayrami ng pangarap na karga
pangarap ng pulubi'y matutupad pala
tiyak silang pulubi'y di na magdurusa

tiyak na nanaisin pa ng mga pulubi
kung kabayo ang pangarap, sila'y hinete
sa anuma'y di sila mag-aatubili
madama lang ang ginhawa sa araw-gabi

maaring lumutang sila sa alapaap
upang layuan ang anumang dusa't hirap
at kung sakali mang sila'y mabigong ganap
ito'y pagkat kabayo'y isa lang pangarap

Bunkhouses sa Yolanda

BUNKHOUSES SA YOLANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

umano'y mahuhunâ ang bunkhouses na ginawâ
napakatipid umano't nakasayad sa lupa
di raw nararapat tirahan ng mga binahâ
bubong pa'y manipis, karupukan nito'y halatâ
paano kaya't dumating ang panibagong sigwa
sabistandard ang materyales, wala kang kawalâ

mga bunkhouses ay pawang batbat ng kontrobersya
na sa paggawa nito'y may katiwalian nga ba?
mabuting ibigay na lang sa mga nasalanta
yaong mga materyales para sa bahay nila
sa gayon, di tumagal ang kanilang pagdurusa
upang mga na-Yolanda'y di na sa tent tumira

Produktibong obrero ang guro

PRODUKTIBONG OBRERO ANG GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"... a schoolmaster is a productive labourer when, in addition to belabouring the heads of his scholars, he works like a horse to enrich the school proprietor. That the latter has laid out his capital in a teaching factory, instead of in a sausage factory, does not alter the relation." - Marx, Capital, Volume I, Chapter 16 (1867)

imbes salapi ng may-ari'y ipuhunan
sa produktong soriso't dito'y pagawaan
nangapital ang may-ari sa paaralan
at pagtuturo ang kanyang pinagtubuan

produktibong obrero ang maestrong guro
sapagkat kayod-kabayo sa pagtuturo
sa marami ngang iskolar na'y namumuno
ngunit may-ari lamang ang pinatutubo

kapital ma'y saan ilagak ng may-ari
ugnayan ay parehas at nananatili
manggagawa't guro'y nagbabakasakali
na maswelduhan para sa pamilyang iwi

ang manggagawa't guro'y dapat magkaisa
pagkat parehas yaong nadaranas nila
sa gawain man sila'y pawang magkaiba
ngunit iisang uri lamang kapwa sila