Biyernes, Pebrero 7, 2014

Pagtugis kay Prometeo

PAGTUGIS KAY PROMETEO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"As Prometheus, having stolen fire from heaven, begins to build houses and to settle upon the earth, so philosophy, expanded to be the whole world, turns against the world of appearance. The same now with the philosophy of Hegel." ~ Marx, Notebooks on Epicurean Philosophy, (1839)

mga Bathala'y nagalit kay Prometeo
nang kinuha niya ang apoy sa Olimpo
karne'y luto, sa gabi'y may sulo ang tao
kaya sa kanya'y natuwa ang mga ito

siya'y namalagi na sa sandaigdigan
nagtayo ng maayos na masisilungan
apoy niya sa tao'y isang kagalakan
tanda iyon ng sumusulong na lipunan

kapara rin ng kaisipan sa daigdig
umuunlad, pasirit at nakayayanig
nagdudulot ng init sa gabing malamig
nagpapasigla sa mga payat na bisig

may buting dulot sa malikhaing pananaw
mula sa bigas, nagkakanin na at lugaw
mula sa araro'y nalikha ang balaraw
pira-pirasong bakal ay naging batingaw

mula sa maliit, pagiging kabisote
patuloy na ring umuunlad ang kukote
mula ungol, may salita nang sinasabi
tumutula na sa magandang binibini

tulad ng pananaw ng mga palaisip
pinupukaw ng apoy na di pa malirip
sa pag-unlad ba'y di tayo nananaginip
habang sumusulong, may ideyang kalakip

mula sa lipunang primitibo komunal
naglipunang aliping lumugso ng dangal
magsasaka'y tali sa lupa noong pyudal
sa kapitalismo'y tubo lagi ang usal

ideya'y di lang nakulong sa isang nayon
ideya'y umabot ng iba't ibang nasyon
pilosopiya'y inaaral hanggang ngayon
at bagong ideya'y tiyaking makatulong

Walang komento: