Martes, Mayo 22, 2012

Parabula ng Negosyante

PARABULA NG NEGOSYANTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minsan ay nagplano ang isang negosyante
sa dami ng kanyang salapi'y mabibili
ang anumang ibigin, anumang sinabi
paluluhurin ang mabait at salbahe

maganda raw ang naiisip niyang ito
dahil lilikha siya ng mga trabaho
mabubuhay muli ang bisig ng obrero
ang bayan na'y magiging pugad ng negosyo

magbebenta ng anuman, tingi at buo
kinakalakal ang inyong nais at luho
tanging adhika ng negosyante'y tumubo
at mga karibal sa negosyo'y maglaho

kaya nagbuhos na ng maraming kapital
sa plinano niyang negosyo at kalakal
nagtayo ng pabrika, negosyo'y inaral
manggagawa'y inupahan, bulsa'y kumapal

subalit mali yata ang patakbo niya
pasahod niya sa obrero'y kaybaba na
di pa marunong mamahagi ng biyaya
gayong lumalago naman yaong pabrika

mga kapwa negosyante sa kanya'y lugod
lalo't globalisasyon kanyang sinusunod
habang di binabayaran ng tamang sahod
ang mga obrerong kalabaw kung kumayod

negosyanteng ito'y nais magbuhay-hari
nais pang kamkamin lahat ng pag-aari
nais ding mangibabaw sa lahat ng uri
at sagpangin kahit mga babaeng kiri

tumubo ng tumubo ang negosyo nito
ngunit di nagtagal ang negosyanteng ito
pagkat pinagwelgahan ng mga obrero
kaya biglang bumagsak ang kanyang negosyo

Lunes, Mayo 21, 2012

Eleksyon, Mayo 2013

ELEKSYON, MAYO 2013
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sa susunod na taon ay eleksyon na naman
at pipiling muli ng mang-aapi sa bayan
taumbayan nama'y walang mapagpipilian
sa mga kandidatong elitista't mayaman
na gastos pag nanalo'y babawiin sa bayan

sa bawat eleksyon, anong ating napapala
kung di nakikita ang pagbabagong adhika
kung kandidato'y walang puso sa maralita
kung tumatakbo'y walang awa sa manggagawa
kung trapo'y kampi sa kapitalistang kuhila

naging ama sa iskwater kapag kampanyahan
ang pinandidirihang dukha'y pinupuntahan
ngunit pag nanalo'y naging walang pakialam
di na kilala ang kanilang pinangakuan
kaya dukhang bumoto'y nagiging mukhang ewan

yaong mga trapong may kakayahang magpondo
ng kampanyahan ang kadalasang kandidato
wala ka basta't ikaw'y dukhang nais tumakbo
sa eleksyong susunod trapo'y huwag iboto
kundi totoong lingkod ang dapat maipwesto

Linggo, Mayo 20, 2012

Tulungan natin ang ating kilusan

TULUNGAN NATIN ANG ATING KILUSAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

I
halos dalawang dekada sa kilusang masa
nang walang alawans sa huling apat na taon
ngunit dahil sa prinsipyo'y nagpapatuloy pa
para itaguyod ang adhika ng kilusan
upang ang uring manggagawa'y magrebolusyon
at bulok na sistema'y tuluyang mapalitan

II
di natin basta iiwan ang kilusang ito
kung maaari nga'y dito na tayo mamatay
lalo't nasa panahon ng kagipitan tayo
may kalutasan lahat ng ating suliranin
kaya di sagot ang basta ka lang humiwalay
kundi ang bawat problema'y pag-usapan natin

III
kahit tayong mga aktibista'y laging kapos
ang kilusang ito'y pagsikapang itaguyod
dahil atin ito, tulungan na nating lubos
lider nati't kasapi'y magkaisang totoo
bawat problema'y lutasin natin ng malugod
at sino pa bang tutulong dito kundi tayo

Huwebes, Mayo 17, 2012

Ang Dukhang Manunulat

ANG DUKHANG MANUNULAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
soneto, 13 pantig bawat taludtod

Dakilang manunulat sa mata ng madla
Ngunit sa sarili'y di ramdam dahil dukha
Kayraming likhang kwento, sanaysay at tula
Ngunit di makabuhay ang mga inakda
Kapitalista'y ayaw itong ilathala
Pagkat madalas na ito'y mga patama
Sa kanilang palakad at pamamahala
Kapitalismo'y kaysama sa mga katha
Pagkat iyon yaong totoo sa may-akda
Nakikita niya iyon sa manggagawa
At sa lumalaking hukbo ng maralita
Di ba't tama lang iyong ikwento't itula?
Gayunpaman patuloy siya sa pagkatha
Katumbas man iyon ng lalong pagkadukha.

Miyerkules, Mayo 16, 2012

Ang Pagkana sa Gubat ng Lungsod

ANG PAGKANA SA GUBAT NG LUNGSOD
pagpupugay kay Ginoong Edgardo M. Reyes (20 Setyembre 1936-15 Mayo 2012), 
manunulat at nobelista
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

siya pala yaong sumulat ng Boy Pana
ng kabataan ko'y pelikula ng siga
ang sabi nga, Indyan pana, kakana-kana
napakahusay ng kwento niyang inakda

tulad namin, may kuko nga ba ang liwanag
sa aming Maynilang buhay ng dukha'y hungkag
babae para mabuhay ay nalalaspag
patibayan sa lungsod, handa kang pumalag

kasama siya sa pag-agos sa disyerto
ng bagong kamalayan, estilo at kwento
Abueg, Mirasol, mga barkada nito
at sina Sikat, Ordoñez, mga idolo

nahan ang bangkeng papel sa dagat ng apoy
ang sabi, sinagip daw ng mga palaboy
manggagawa'y di palupig, hawak ang kahoy
at prinsipyong pinaningas, di maluluoy

dama ko'y di na kagubatan itong lungsod
pag baha sa España, apaw ang alulod
pagtakas sa hirap, kalabaw kung kumayod
bawal sa Maynila ang mahina ang tuhod

Edgardo M. Reyes, batikang manunulat
buhay nitong masa ang mga kwento't ulat
mula sa simpleng piyon, araw ay sumikat
ang masang sumubaybay, ngayon ay namulat

kung sakali mang tayo'y maglaro sa baga
mag-ingat baka apoy ay lumaking bigla
bida sa kanyang mga kwento'y manggagawa
di ang mga mapagsamantalang kuhila

mula Balic-Balic, isang tagay at pugay
sa dakilang panulat ng Maynilang taglay
pamana ni Manong Edgar sa masa'y tunay
salamat sa mga akdang may saya't lumbay

Martes, Mayo 15, 2012

Ang Banlik ng Panatag

ANG BANLIK NG PANATAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

SHOAL - (showl) n.- banlik, buhanginan; bahura; lugar na mababaw ang tubig; hapila, rompeyolas; v.- bumabaw; pumunta sa mababaw, magkumpol-kumpol, magkawan; n.- pulutong, grupo; kawan (ng isda); kulumpon

pilit inaagaw ng oso sa kalabaw
ang pinangalanang Panatag na kaybabaw
kaya kababayan ngayon ay sumisigaw
ang Panatag ay atin, di sa osong bangaw

bakit inaagaw ang Panatag sa bansa
ng katabing bansang nag-aastang kuhila
dahil ba bayan nila'y lubhang dambuhala
at tayo'y dilis lamang, kayliit na isda

ngunit nais pa natin ng tamang usapan
bago pa ito maging madugong digmaan
dapat maging mahinahon, O, kababayan,
tulad ng Panatag na ating pinangalan

negosasyon ang pangunahing mahalaga
hindi sa digmaan agad ang ating punta
tingnan natin ang sinasabi nilang mapa
baka pag-aari nila'y ang buong Asya

mga bansang sa kanila'y nakapaligid
tulad ng Burma, Laos, Thailand, at Japan
Vietnam, India, Taiwan, Afghanistan
sa lumang mapa'y nakamapa nga ba  iyan?

baka buong Asya'y pag-aari ng Tsina
ngunit noon iyon sa luma nilang mapa
ang Banlik ng Panatag ba'y sadyang kanila
aba'y lumang mapa'y dapat lang ibasura

higit isang siglo na ang nakalilipas
pinatalsik ang mananakop na marahas
naghimagsik itong bayan at nagbalangkas
na maitatag itong bansang Pilipinas

sa nakaraang siglo'y kayraming lumaya
at itinatag ang kani-kanilang bansa
kaya mga lumang mapa'y wala na't wala
mga bagong mapa'y mapa ng paglaya

kaya nang Pilipinas ay maitatag na
sakop ng bansa'y may dalawang daang milya
mula sa pampang ng dagat at mga isla
Banlik ng Panatag ay kasama sa mapa

Tsina'y malaki, sa digma'y dehado tayo
Panatag nga'y pinaulanan na ng barko
maliit mang bansa, tayo ba'y patatalo
huwag, bayan ng bayani ang bansang ito

* Banlik ng Panatag - tinatawag ding Bajo de Masinloc, at sa internasyunal ay Scarborough shoal




Linggo, Mayo 13, 2012

Pagbati sa lahat ng ina: Happy Mothers' Day

PAGBATI SA LAHAT NG INA: HAPPY MOTHERS' DAY!
ni Gregorio V. Bituin Jr.

siyam na buwang singkad nila tayong dinala
sa kanilang sinapupunan
ipinanganak tayo't inalagaan nila
at hindi pinababayaan
sa buhay na ito'y unang guro natin sila
tayo'y kanilang tinuruan
sa pagtayo, sa paglakad, at sa abakada
pinatuntong sa paaralan
hanggang paglaki natin ay nariyan si Ina
guro, martir, at superwoman
silang minsan yaong ulo'y pinasasakit pa
dahil sa ating kalokohan
binibigyan natin sila ng mga problema
at tayo'y nakakagalitan
ngunit yao'y dahil tayo'y minamahal nila
kaya't tayo'y pangangaralan
magtapos ng pag-aaral, huwag bumarkada
at mga leksyon ang tutukan
hanggang sa magsipag-asawa't magkapamilya
ang mga ina'y naririyan
nagbibigay ng payo sa mga anak nila
kahit iba na ang tahanan
sa pagsapit ng katandaan ng ating ina
huwag nating kalilimutan
kandiliin at arugain din natin sila
na tayo rin ay naririyan
tayo namang anak ang gagabay sa kanila
sila'y ating pasalamatan
kaya ngayong Mothers' Day, batiin natin sila
at atin silang parangalan
mahal na mahal po namin kayo, aming ina
mabuhay po kayo, O, inang!

Mayo 13, 2012, araw ng Linggo
Sampaloc, Maynila

Si Voltes V at ang Martial Law ni Marcos

This is in support of Human Rights Online's campaign "Never Again to Martial Law! We remember, we inform, we inspire our youth with the truth and lessons of Martial Law." This is a six-months campaign leading to the 40th anniversary of martial law.

http://hronlineph.com/2012/05/11/never-again-to-martial-law-we-remember-we-inform-we-inspire-our-youth-with-the-truth-and-lessons-of-martial-law-rememberml40/

SI VOLTES V AT ANG MARTIAL LAW NI MARCOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

wala pa akong malay noon sa martial law
di ko nga ito narinig sa aking lolo
marahil dahil noon nga'y bata pa ako
at iba yaong mundo ng kabataan ko

di ko pa alam ang nagaganap sa bansa
palaro-laro lang kami ng tex at sipa
kain, laro, nood, at eskwela lang yata
Voltes V ang paborito ng mga bata

inaabangan namin ito pag Myerkules
Mekanda Robot yata sa araw ng Martes
at Daimos yaong palabas tuwing Huwebes
habang Mazinger Z naman kada Biyernes

Voltes V ang pinakasikat sa kanila
theme song nito'y saulo nami't kinakanta
Tito, Vic at Joey'y ginawang pelikula
mga robot na Voltes V pa'y binebenta

ilang buwan lang nawala sila sa ere
idinamay lahat, Daimos at Mazinger Z
tinanggal daw ito ni Marcos yaong sabi
kaming mga bata nama’y nanggalaiti

mga cartoons na ito'y dahas daw ang dala
Let's revolt daw kasi ang Let's Volt in, sabi pa
na tanda sa Voltes V ng pagkakaisa
natakot ba si Marcos na bata'y mag-alsa?

doon ko nalaman kung ano ang martial law
na sa batang tulad ko'y walang nagkukwento
sumunod ka kung anong gusto ng pangulo
dapat ang buong bayan ay disiplinado

dumaan ang panahon, kami'y naglakihan
yaong parteng iyon ng aming kabataan
na nawala ay di namin nakalimutan
at doon sa Edsa'y nagsisamang tuluyan

sa Edsa nga'y saksi kaming magkababata
Marcos pinatatalsik ng bayang kawawa
hanggang diktador na ito'y nangibang bansa
ang bayan ay nagalak sa natamong laya

marami ang naganap ng taon ding iyon
palasyo'y nilusob, pumalit si Corazon
Voltes V agad binalik sa telebisyon
salamat, salamat sa Edsa Revolution

Biyernes, Mayo 11, 2012

Pultaym na Kapos

PULTAYM NA KAPOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

wala kasing alawans ang aktibistang palimos
kaya natutulala lagi sa mga pagkilos
walang bitamina't di makapag-isip ng lubos
at nadidiskartehan pa'y mga kasamang kapos

noong may alawans pa ako'y may napupuhunan
sa paggawa ng aklat na binebenta ko naman
ngunit ang proyekto kong ito'y nawalang tuluyan
pagkat gastusin dito'y wala nang napagkukunan

paano'y wala nang alawans kaming mga pultaym
kumikilos man kami'y sakbibi ng kagutuman
parang ang mga lider nami'y walang pakialam
di man lang matanong kung kami pa ba'y may alawans

ngunit basta may kompyuter, patuloy pa rin ako
sa pagsusulat ng mga sanaysay, tula't kwento
at pamamahagi ng mga nagawang polyeto
kahit tulala't gutom, patuloy ang pagkilos ko

pagkat kung ako'y magmamaktol, may mangyayari ba
wala, pagkat sa prinsipyo lang kami sama-sama
sa pang-araw-araw na diskarte nga'y kanya-kanya
buti't may mga kasamang nakakaunawa pa

kaya tama lang gumawa ng sariling diskarte
upang may panggastos at mapakain ang sarili
magka-alawans na sana nang di manggalaiti
at di naman maisip na prinsipyado kang api

kahit ang kilusang ito'y laging hirap at kapos
di maisip kung paano pultaym ay makaraos
mamatay man sa gutom, patuloy kaming kikilos
laban sa sistemang dahilan ng pagkabusabos

pagkat nagdesisyon tayong tanggapin ang kilusan
niyakap ang adhikain nito't prinsipyong tangan
tanggaping maluwag anupaman ang kalagayan
kahit magdulo pa ito sa ating kamatayan

Huwebes, Mayo 10, 2012

Sistema o Kamatayan?

SISTEMA O KAMATAYAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

I
wala kang kaibigan pag wala kang pera
katotohanan itong di maitatatwa
o di ka kakausapin dahil wala ka na
sa iyo'y ano nang pakinabang pa nila?

mahalaga laging may pera ka sa bulsa
at nang di ka magmistulang kaaba-aba
kahit papaano nasa isip ng iba
munti man bakasakaling makatulong ka

II
may kasama ngang nagpalamon sa sistema
ngayon, busog na busog ang kanyang pamilya
mga dating kasama'y iniwanan niya
gayong mga ito'y kanyang tagasuporta

sa kanya, ang mga kasama'y sukang-suka
naging malapit lang siya sa may kusina
di na nasiyahan sa kalderong nakuha
aba'y buong litson ang nais lapain pa

III
sadya ngang kaylupit ng bulok na sistema
marahang pinapatay ang mga pamilya
pati mga aktibista'y inaasinta
ng mga pasistang alagad ng burgesya

pinipilit tayong tanggapin ang sistema
"sistema o kamatayan" yaong tanong pa
bakit papipiliin ako sa dalawa
gayong nais ko'y kamatayan ng sistema

Miyerkules, Mayo 9, 2012

Gaano man kami kasipag

GAANO MAN KAMI KASIPAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

pareho kaming nangarap ng bagong sistema
inalay ang buhay sa marangal na layunin
ngunit bakit ngayon kami'y pulos pagdurusa
gumagalaw pa ngunit buhay ay patawirin

gaano man kami kasipag sa pagrarali
nabugbog na ng ilang beses, di pa titigil
sa bawat isyu'y di kami nag-aatubili
kahit kami'y kakarampot, di kami mapigil

gaano man kami kasipag sa pagdidyaryo
at wala ritong nahihitang alawans man lang
patuloy ang katapatan namin sa prinsipyo
kahit yaong iba'y tila walang pakialam

gaano man kami kasipag sa pagpopropaganda
at kahit mumo lang ay masayang tinatanggap
darating ang panahon ng pag-aanalisa
anong nangyari't bakit ganito ang nalasap

saan, paano't ano na ang patutunguhan
ng tulad naming pinipilit pa ang sarili
at ayaw lisanin ang kinagisnang kilusan
na prinsipyo ang tanging maipagmamalaki

di kami titigil hangga't di pa nagwawagi
sa aming mithiing pagkapantay sa lipunan
ngunit kung narito na ang huli kong sandali
maluwag ko nang tatanggapin ang kamatayan

Biyernes, Mayo 4, 2012

Kahit Bente Pesos na Load, Di Na Makabili

KAHIT BENTE PESOS NA LOAD, 
DI NA MAKABILI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

minsan kayhirap magpultaym, para akong pipi
di makausap ang masa't pinipintakasi
kahit bente pesos na load, di na makabili
dahil walang alawans, wala ring pamasahe
ngunit ito'y di rason upang ako'y magsisi

doon sa opisina'y para akong napiit
tila ba may ketong, parang biglang nagkasakit
para bang sa libingan, ako na'y ibinulid
sitwasyong ganito'y gutom at nakamamanhid
buti't matino pa naman dahil may internet

pultaym na walang alawans, pultaym hanggang ngayon
sa kalagayang ito'y saan na paroroon
ah, gagampanan pa ring husay ang aming misyon
pagkat sinumpaan namin ito mula noon
wala mang pera'y tuloy ang pagrerebolusyon

Pultaym at Pagdiga

PULTAYM AT PAGDIGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

kami ni Jen ay matagal nang magkakilala
pultaym ako't may trabaho siya sa pabrika
pultaym akong ang pinapangarap lang ay siya
ngunit pultaym na walang alawans, walang pera

kaya paano ko siya mahahatid-sundo
ang kalagayan ko ngayon ay sadyang kaylabo
sa nangyayaring ito, puso ko'y nagdurugo
gayunman, ako'y taong di marunong sumuko

nasa isip ko'y laging paano didiskarte
saan kaya ako kukuha ng pamasahe
bente pesos nga na load ay di ko pa mabili
ngunit nais kong magtagumpay at maging kami

ayokong gamiting tulay ang mga kasama
gusto ko'y diskarte ko lang ang diga sa kanya
tumulong na lang sila paano magkapera
ang tulad kong pultaym upang mapuntahan siya

sa panliligaw, kailangan din ng salapi
di pulos pag-ibig ang sa labi'y mamutawi
dapat tustusan kung nais magtanim ng binhi
mahirap ang walang bigas, di ka mapipili

minsan, nag-aplay ako ng part-taym na trabaho
tagalikha ng krosword sa isang bagong dyaryo
singkwenta pesos nga lamang ngunit tinanggap ko
basta't magkapera lamang at merong panggasto

ngunit umayaw din ang editor bandang huli
nang malaman niyang ako'y laging nasa rali
bigo na naman ako't di muling mapakali
maghahanap muli ng panibagong diskarte

sa mga pultaym, isa ako sa nagsisipag
ngunit buhay ng pultaym ay talaga ngang hungkag
sa pang-araw-araw tila ba walang kalasag
kaya pagdating ng krisis ay pupusag-pusag

Huwebes, Mayo 3, 2012

Sa Bulaklak ng Blumentritt

SA BULAKLAK NG BLUMENTRITT
mula sa makata ng Balic-Balic
14 pantig bawat taludtod

(pasintabi kay Rizal na kumatha ng tulang 
Sa Mga Bulaklak ng Heidelberg)

akong paruparong lungsod ngayo'y nanunuyo
sa isang bulaklak na tinitibok ng puso
matinik man ang bulaklak na pinipintuho
paruparo akong matiyaga’t di susuko

di man ako kasinggaling ng tusong bubuwit
di man ako kasimbilis ng matuling pipit
di ko man kasinghusay ang ibong mandaragit
aalagaan ko ang Bulaklak ng Blumentritt

nais kong makasama yaring pita ng puso
makaniig sa buhay na sa ligaya'y puno
bagamat sa sinta’y di ko maipangangako
na paraiso’y maibigay, sampu mang luho

ang tangi kong panata'y sipag at pagsisikap
upang dalawa naming abutin ang pangarap
nawa'y di pagkabigo yaring aking malasap
pagkat kamatayan itong higit pa sa hirap

Martes, Mayo 1, 2012

Puso ang dapat lumaki, hindi ulo

PUSO ANG DAPAT LUMAKI, HINDI ULOni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sa ating mga kampyon, pagpupugay sa inyo
dala nyo'y karangalan sa bansa nating ito
umaasa kaming sa inyong naging panalo
puso yaong lumaki, hindi ang inyong ulo

ipagpatuloy ninyo ang pagbibigay-dangal
sa bayan nating itong kayraming mga hangal
nasa pamahalaan, mataas na pedestal
ngunit pawang kurakot, di maganda ang asal

sa amin ay bayani kayong itinuturing
sa anumang pasiya, puso lagi'y gamitin
at huwag ipagyabang ang anumang narating
maging mapagkumbaba, kayo nga'y kampyon namin

bawat kampyon ay dangal ng bansang nasiphayo
dahil sa kahirapang sadyang nakadudungo
ang bansa'y inangat nyo, maganda ang tinungo
pagkat kayo sa bayan ay talagang may puso

Lunes, Abril 30, 2012

Alawans sa Organisador

ALAWANS SA ORGANISADOR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

organisador yaong taguri
ngunit mistula silang pulubi
lumalaban sa mga tiwali
upang bayan ay di maapi

kaysisipag nila kahit gutom
kumikilos ng walang alawans
tulala na'y di pa umuurong
dahil sa prinsipyo nilang tangan

nakikita nila pag may rali
may perang pambayad sa mga dyip
ngunit sila'y mistulang pulubi
uuwi nang walang halukipkip

tsuper lang ang may kita sa rali
habang uuwing lakad na lamang
ang organisador na pulubi
silang nagpapatuloy ng laban

mga organisador na gutom
at sa araw-araw ay tulala
sa rali lang ba sila'y nagumon?
ngunit wala namang napapala?

prinsipyadong walang kabuhayan
gutom at hirap na nga'y balakid
pwede bang regular na alawans
ibigay na sa ating kapatid?

Linggo, Abril 29, 2012

Kapatid namin si ____

KAPATID NAMIN SI ____
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

(Alay para sa International Day of the Disappeared)

matagal nang nawawala itong aming kapatid
kung nasaan siya ngayo'y nais naming mabatid
kung sakali mang buhay niya'y tuluyang pinatid
nawa ang bangkay niya sa amin ay maihatid

kung aming kapatid sa dilim ng gabi'y nabulid
marapat siyang hanapin, alamin, di malingid
paghanap sa hustisya'y bakit tila may balakid?
ang pintuan ba ng hustisya'y laging nakapinid?

Sabado, Abril 28, 2012

Tularan ang Banig, Di ang Walis



TULARAN ANG BANIG, DI ANG WALIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang tingting ay walang lakas kung nag-iisa
ngunit nakakawalis pag marami sila
ganoon din sa kapatirang sama-sama
ramdam mo ang lakas pagkat nagkakaisa

ngunit di kusa ang pagkakaisang ito
may labas sa kanilang nagbibigkis dito
sa walis ay may taling sumakal ng todo
di magkakaisa pag tali'y kinalag mo

tibay nito'y dahil sa taling gumagapos
may taling sa kanila'y tila bumusabos
pag tali'y nawala, kalag na sila't tapos
wala nang kaisahan ang kanilang ayos

kung may alegoryang dapat nating tularan
bilang tanda ng pagkakaisa ng bayan
piliin na ang banig na may kaisahan
walang taling nagbigkis, hibla'y nagyakapan

mula sa pagkakaayos at pagkaplano
sadyang pinag-aralan ang buong disenyo
bawat hibla nito'y magkayapos ng todo
tulad ng samahang nagkaisang totoo

butasin man ang banig, magkayapos pa rin
di agad masira kanila mang pilitin
pagkakaisa nila'y hirap mong gipitin
bawat banig ay tandang kayhirap buwagin

tulad ito ng samahang ating tinayo
may isang simulain kaya ito'y buo
mahirap man, puno ng sakripisyo't dugo
hanggang dulo, sinumpaa'y di maglalaho

huwag gayahin ang walis, tulara'y banig
na ang bawat hibla'y tunay na magkaniig
unawa ang layon, nagkakaisang tindig
sadyang magkapatid sa ulo, puso't bisig

Miyerkules, Abril 25, 2012

Di napaslang ang kanilang pangalan

DI NAPASLANG ANG KANILANG PANGALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Macliing Dulag, Father Pops Tentorio
Dr. Gerry Ortega, Leonard Co

Cheryl Ananayo, Gensun Agustin
si Father Neri Satur, Armin Marin

Margarito Cabal, Rudy Segovia
Jimmy Liguyon, Frederick Trangia

Manuela Albarillo, Boy Billones
Nicanor Delos Santos, Romy Sanchez

Rogelio Lagaro, Rodel Abraham
Joel Pelayo, Eladio Dasi-an

Jose Doton, Father Allan Caparro
Gil Gujol, Reverend Raul Domingo

mga pangalan ito ng napaslang
ngunit di napapaslang ang pangalan

kayrami na nilang nasa listahan
silang mga martir ng kalikasan

dapat lang natin silang parangalan
bilang bayani ng kapaligiran

napaslang lang ang kanilang katawan
di napaslang ang kanilang pangalan

Kamatayan sa Silverio


KAMATAYAN SA SILVERIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(Alay sa mga taga-Silverio Compound, Parañaque City, at sa namatay nilang kapwa maralita, Arnel Leonor Tolentino, 21 taong gulang, na nabaril at napatay sa demolisyon noong Abril 23, 2012, at sa mahigit 30 ilegal na inaresto dahil sa pagtatanggol sa kanilang mga tahanan.)

anong masamang hangin ang kanilang hatid?
bakit sa demolisyon, buhay mo'y pinatid?
sinumang maysala'y dapat lang mabilibid!
at ang katarunga'y makamtan mo, kapatid!

wala ka na bang karapatang magkabahay?
wala na ba kayong karapatang mabuhay?
dahil ba iskwater ka'y dapat nang mabistay?
at sa ulo mo nga'y natamaan kang tunay!

ilan pa bang bahay ang dapat idemolis?
ilan pa bang dukha ang nais mapaalis?
ilan pa ba kayong nais nilang matiris?
kayong araw-gabi'y lagi nang nagtitiis!

pasistang punglo nga ba ang tamang solusyon?
karahasan ba o dapat ay negosasyon?
ang gobyerno ba'y paano dapat tumugon?
lagi na lang bang sagot nila’y demolisyon?

dapat itigil ang mga pakana nila!
lalo ang walang tigil nilang pangmamata!
tao tayong may dignidad, hindi basura!
tao tayong may karapatan sa hustisya!

hustisya sa mga nawalan ng tahanan!
katarungan sa lahat ng mga nasaktan!
wakasan ang demolisyon at karahasan!
nang wala na muling buhay na nasasayang!

- Abril 24, 2012, KPML-NCRR Office, Navotas, Metro Manila

Lunes, Abril 23, 2012

Kasaysayan ng isang punungkahoy

KASAYSAYAN NG ISANG PUNUNGKAHOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

dati kang mabunga't malagong punungkahoy
mas matanda ka pa sa aking Tiyo Nonoy
dumating ang panahong dahon mo'y naluoy
dating ubod ng yaman, ngayon na'y palaboy

ang laki mo'y di mayakap ng limang tao
ang taas mo'y tila abot ng limang metro
di ka na nagbunga, tuluyan kang nakalbo
anila, wala nang pakinabang sa iyo

walang bunga, walang dahon, anong nangyari
panahong taglagas, kapara mo na'y poste
panahong tag-araw, walang lilim na saksi
tila ka na bangkay sa kadimlan ng gabi

dapat ka nang sibakin, sabi ng iilan
dapat ka lang lagariin, gawing upuan
dapat gawing troso't dalhin sa kalunsuran
limpak ang tubo sa punungkahoy na iyan

ang dating punungkahoy ay naging troso na
sinibak, nilagari, siya'y ibinenta
nakinabang sa kanya ang isang eskwela
doon ay naging lamesa, silya't pisara

sa lupang iniwan ay may tumubong bago
taon ang lilipas upang lumago ito
at magbigay-bunga't lilim sa mga tao
buhay ng punong kahoy sa mundo'y ganito

Martes, Abril 17, 2012

Bahagi kayo ng aking panulat



BAHAGI KAYO NG AKING PANULAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod


I

Bahagi kayo nitong aking pluma
Bahagi kayo ng puso ko't diwa
Bahagi ng danas, luha't ligaya
Bahagi ng kwento, sanaysay, tula

Sa bawat sulatin, yakap ang prinsipyo
Masaya man o may bahid ng dugo
Sa bawat akda'y nagpapakatao
Habang bira ang ganid at maluho

Sa akda'y anong ipagmamalaki
Lalo na't rebolusyon yaong binhi
Pagbabago, sadyang ito ang silbi
Upang aking kapwa'y di maaglahi


II

Kayo, aking bayan, ang nilalayon
Kayo, aking kapwa, ang rebolusyon

Kayong mga dukha ang aking kwento
Kasama ang maralita't obrero

Ako'y nasa panig ng kabataan
Kasama ng ating kababaihan

Magsasaka, mangingisda, ang masa
Pagkat kayo'y laging aking kasama

Sa lahat ng uri ng tunggalian
Magkasama sa anumang digmaan


III

Bahagi kayo ng aking panulat
Bahagi rin ng aking pagkamulat
Narito kayo kahit ako'y salat
Kaya pagsasama nati'y nagluwat
Mga kasama, maraming salamat

Linggo, Abril 15, 2012

Napapanaginipan ko ang bawat propaganda

NAPAPANAGINIPAN KO ANG BAWAT PROPAGANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

napapanaginipan ko ang bawat propaganda
na dapat isulat, ipamahagi, ipabasa
idinidisenyo ito para kaaya-aya
madaling maunawaan ang maganda sa mata
at tagos sa puso ang bawat mensahe sa masa

pluma't kwaderno'y lagi nang katabi sa pag-idlip
bakasakaling masulat agad ang nasa isip
sabi nga, ang bawat karanasan ay halukipkip
sa puso't sa diwa, bagamat di agad malirip
na biglang naglalabasan sa bawat panaginip

tulog man yaong katawan, di tulog ang isipan
kahit sa gitna ng nararamdamang kagutuman
patuloy na nagmamasid sa takbo ng lipunan
pag napukaw isusulat anumang natandaan
taludtod man, parirala't iba pang natuklasan

ngunit sa aking pagbangon at pag-inat ng buto
sa totoo lang limot ko na ang panaginip ko
subalit di nakalimot ang katabing kwaderno
pagkat doon ko natala ang panagimpang ito
na magagamit sa propaganda ng pagbabago

bubuksan ang kwaderno't babasahin yaong tala
baka may mungkahi doon ang uring manggagawa
baka may mabagsik na sinabi ang masang dukha
baka may bagong talinghaga’t gintong parirala
baka may bugtong, saknong, awit, sukat ikaluha

at saka susuriin ang lahat ng naisulat
magagamit ba sa islogan, tula, o pamagat
sa propaganda'y matatalas ba't nakasusugat
salamat sa panaginip at di nakalilingat
patuloy pang nagagawa ang papel na mabigat

Miyerkules, Abril 11, 2012

Mga Batang Hamog sa Bayang Tulog

MGA BATANG HAMOG SA BAYANG TULOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

naging pangulo si Noynoy ng bayang hamog
namumuno sa bansang sa utang ay lubog
kayraming batang hamog sa bayang hamog
silang pinabayaan ng gobyernong tulog

hamog ang bayan dahil sa katiwalian
nitong mga pinunong walang pakialam
ang gubyerno'y imbes magserbisyo sa bayan
ang inaatupag na'y pagkakakitaan

kaya mga batang hamog na'y naglipana
sa mga taksi't bus nakikipagkarera
mga pasahero't tsuper inaabala
kung anu-anong gamit nito'y kinukuha

sinasalamin ng batang hamog kung ano
ang klase ng liderato nitong gobyerno
bakit pabaya't ang bansa'y laging magulo
paano ba namumuno itong pangulo

tila sa problema'y naghahanap ng damay
ang mga batang hamog na sa hirap ratay
sa nangyaring ito'y aking napagninilay
sila ba'y may pag-asa pang magbagong buhay

hangga't pekeng kaunlaran ang laging handog
sa taumbayan ng lider ng bayang hamog
hangga't pangulo'y nakatunganga o tulog
walang magandang bukas iyang batang hamog

Lunes, Abril 2, 2012

Pabasa ng Maralita, Abril 2012


PABASA NG MARALITA, ABRIL 2012
ni Greg Bituin Jr.

(Nilikha ito upang gamitin sa Tatlong Tagpong Pasyon ng Maralita sa ika-3 ng Abril mula sa Espana, tuloy ng Bustillos, at magtatapos sa Mendiola sa maynila. Ang pabasang ito'y iniayon sa anyo ng pasyon, na may limang taludtod bawat saknong, at walong pantig bawat taludtod)

kami'y mga maralita
ang buhay ay dusa't luha
gutom lagi't walang-wala
api na't kinakawawa
bakit ganito ang dukha

kami ang mga obrero
kaybibigat ng trabaho
ngunit kaybaba ng sweldo
kapitalistang barbaro'y
ginigipit kaming todo

ang sinabi ng Pangulo:
"O, bayan, Kayo ang Boss ko"
ngunit anong ginawa mo
binubusabos ang tao
sa nagtataasang presyo

sadya ngang nakakatangis
tubo sa presyo ng langis
at el-pi-dyi’y labis-labis
lagi na bang magtitiis
itong bayang tinitikis

kami ngayo’y nananaghoy
nahan ka, Pangulong P-Noy
kay Grace Lee, ikaw ang playboy
habang masa’y tinataboy
at ginagawang palaboy

hihingi kami ng tulong
may patay sa ebakwasyon
pinabayaan na doon
walang pambiling kabaong
saan sila ibabaon

mga ina’y lumuluha
para sa anak na dukha
na may sakit na malubha
kami ba’y may mapapala
sa gubyernong kulang-pala

inutil ang pamunuan
sa ating pamahalaan
bingi, bulag at gahaman
halina’t ating palitan
silang kawatan sa bayan

wala tayong mapapala
sa lipunan ng kuhila
kaya gawin nating dukha
putulin ang tanikala
nitong pagdurusa’t luha

wakasan ang pandarahas
tahakin ang bagong landas
itatag ang bagong bukas
tungo sa bayang parehas
at isang lipunang patas

Linggo, Abril 1, 2012

Pansit Lamay

PANSIT LAMAY
ni Gregorio V. Bituin jr.
11 pantig bawat taludtod

I

mula pa noon pag may namamatay
tradisyunal na handa'y pansit lamay
laging kasama sa pakikiramay
tagapagtanggal ba ito ng lumbay

noong bata pa ako'y nakagisnan
ito ang handa saanmang lamayan
pansit itong saksi sa kalumbayan
sa bigat ng puso'y nagpapagaan

bakit pansit lamay ang paborito
marahil dahil sa dami ng tao
at dahil madaling lutuin ito
mura na'y mabubusog ka pa rito

II
maraming tindang pansit sa palengke
paborito ko rito'y ispageti
kayganda ng kulay, kaytamis pati
buhay na buhay ang dugo ko dine

meron ding pansit tulad ng palabok
ang palibot nito'y maraming sahog
mabigat sa tiyan, nakabubusog
lalo't sahog nito'y hipon at itlog

kung may pansit lamay sa karinderya
palengke, turo-turo, o saan pa
tanong ko'y bakit ito'y tinitinda?
sa lamayan ba ito ang natira?

Biyernes, Marso 30, 2012

Pag-iisa - salin ng tula ni Edgar Allan Poe

PAG-IISA
Ni Edgar Allan Poe
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Noong panahon ng pagkabata'y di ako naging
Tulad ng iba - at ako'y hindi napagkikita
Tulad ng nakita ng iba - hindi ko madala
Mula sa karaniwang tagsibol ang aking dama -
Mula sa kapwa pinagmulang hindi ko nakuha
Ang aking kalungkutan - at hindi ako magising
Ang aking puso sa tuwa ng may parehong himig -
At ang tangi kong inibig - inibig kong mag-isa -
Noon - ng aking kabataan - sa bukangliwayway
Ng pinakamatinding unos sa buhay - hinugot
Sa bawat kaibuturan ng mabuti't pasakit
Yaong hiwagang nagtanikala pa rin sa akin -
Mula sa kaylakas na agos, o sa balong -
Mula sa pulang talampas ng kabundukang yaon -
Mula sa haring araw na sa akin ay lumulon
Sa taglagas nitong bahagyang natina ng ginto -
Mula sa matinding kidlat doon sa kalangitan
Habang dumaan sa aking anaki'y lumilipad -
Mula sa ugong ng kulog, at nanalasang unos -
At ang alapaap na nagsa-iba't ibang anyo
(Nang yaong kabuuan ng kalangitan ay bughaw)
Na kapara'y yaong diyablo sa aking paningin -

-
-
-

ALONE
Edgar Allan Poe

From childhood's hour I have not been
As others were — I have not seen
As others saw — I could not bring
My passions from a common spring —
From the same source I have not taken
My sorrow — I could not awaken
My heart to joy at the same tone —
And all I lov'd — I lov'd alone —
Then — in my childhood — in the dawn
Of a most stormy life — was drawn
From ev'ry depth of good and ill
The mystery which binds me still —
From the torrent, or the fountain —
From the red cliff of the mountain —
From the sun that 'round me roll'd
In its autumn tint of gold —
From the lightning in the sky
As it pass'd me flying by —
From the thunder, and the storm —
And the cloud that took the form
(When the rest of Heaven was blue)
Of a daemon in my view —

Martes, Marso 27, 2012

Luksampati sa Luksang Parangal


LUKSAMPATI SA LUKSANG PARANGAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

binibigyang pugay ang nawalang kasama
na namatay sa karamdaman o sa gera
na pawang nakibaka para sa hustisya
at upang baguhin ang bulok na sistema

sa bawat luksampati'y pawang pagpupugay
ang handog ng mga kasama sa namatay
sa pag-idlip nito, ang katawang humimlay
ay pagkatuldok sa pakikibakang tunay

sa isa naming kasama'y namumutawi
yaong bait ng namatay, pawang papuri
gayong noong buhay pa'y nanggagalaiti
ngunit ano nga bang layon ng luksampati

bigyang parangal yaong kasamang nawala
sa huling sandali sa ibabaw ng lupa
sa bayan ay munti man ang kanyang nagawa
ngunit munti iyong sa masa'y pagpapala

may luksampati sa bawat luksang parangal
di upang wasakin ang namatay na dangal
di upang sirain sa namatay ang dangal
kundi ipakita ang ginawang marangal

bigyang pugay natin ang nawalang kasama
mabuting luksampati'y para sa pamilya
at anumang maiwan niyang alaala
magaan ang kalooban ng bawat isa

Lunes, Marso 26, 2012

Utak Badjao o Utak Intsik?

UTAK BADJAO O UTAK INTSIK?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

estilo ng mga Badjao ay nanghihingi
estilo ng mga Intsik ay tingi-tingi
alin sa kanila ang hindi nalulugi
alin ang dapat tularan, alin ang hindi

walang anumang puhunan ang mga Badjao
kundi sa mga sasakyan, palaktaw-laktaw
nanghihingi ng limos, pulubing pananaw
konti lang ang naaamot sa araw-araw

namumuhunan ang Intsik, tubo ma'y piso
kahit barya-barya ang tubo sa produkto
kahit tubong lugaw, pumapayag ito
basta't pera'y mapaikot nilang totoo

atake ng Badjao ay kultura ng awa
tiyak Pinoy daw ay maglilimos sa dukha
ngunit estilong ito'y sangkahig, santuka
walang katiyakan, estilong hampaslupa

sa Intsik kahit di tumubo ng malaki
kahit na tingi, baryang tubo'y di na bale
piso ang tubo basta't produkto'y kayrami
sa sanlibong produkto'y di na magsisisi

kung nais mong magpatuloy ang iyong buhay
huwag kang utak-Badjao kung ayaw mamatay
maganda'y utak-Intsik, di ka malulumbay
ugali itong dapat pagbutihing tunay

Martes, Marso 20, 2012

Di ko malaman kung saan ako susuling

Di ko malaman kung saan ako susuling
Ikaw ang nakikita pag ako'y humimbing
Tunay ba ang halakhak mong tumataginting
At ikaw ang sa panaginip ko'y kapiling

Sinta kitang diwata't lagi bang tuliro
Ramdam ko bakit lagi kang nasisiphayo
Espesyal ka rito sa aking abang puso
Pusikit man ang gabi, kita'y sinusuyo

Uulitin ko, lagi kitang iniibig
Yayapusin kitang mahigpit nitong bisig
Ah, sa panaginip lang ba kita kaniig
Nawa pagsamo ko'y lagi mong naririnig

- gregbituinjr.