Miyerkules, Abril 25, 2012

Kamatayan sa Silverio


KAMATAYAN SA SILVERIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(Alay sa mga taga-Silverio Compound, Parañaque City, at sa namatay nilang kapwa maralita, Arnel Leonor Tolentino, 21 taong gulang, na nabaril at napatay sa demolisyon noong Abril 23, 2012, at sa mahigit 30 ilegal na inaresto dahil sa pagtatanggol sa kanilang mga tahanan.)

anong masamang hangin ang kanilang hatid?
bakit sa demolisyon, buhay mo'y pinatid?
sinumang maysala'y dapat lang mabilibid!
at ang katarunga'y makamtan mo, kapatid!

wala ka na bang karapatang magkabahay?
wala na ba kayong karapatang mabuhay?
dahil ba iskwater ka'y dapat nang mabistay?
at sa ulo mo nga'y natamaan kang tunay!

ilan pa bang bahay ang dapat idemolis?
ilan pa bang dukha ang nais mapaalis?
ilan pa ba kayong nais nilang matiris?
kayong araw-gabi'y lagi nang nagtitiis!

pasistang punglo nga ba ang tamang solusyon?
karahasan ba o dapat ay negosasyon?
ang gobyerno ba'y paano dapat tumugon?
lagi na lang bang sagot nila’y demolisyon?

dapat itigil ang mga pakana nila!
lalo ang walang tigil nilang pangmamata!
tao tayong may dignidad, hindi basura!
tao tayong may karapatan sa hustisya!

hustisya sa mga nawalan ng tahanan!
katarungan sa lahat ng mga nasaktan!
wakasan ang demolisyon at karahasan!
nang wala na muling buhay na nasasayang!

- Abril 24, 2012, KPML-NCRR Office, Navotas, Metro Manila

Walang komento: