Linggo, Abril 15, 2012

Napapanaginipan ko ang bawat propaganda

NAPAPANAGINIPAN KO ANG BAWAT PROPAGANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

napapanaginipan ko ang bawat propaganda
na dapat isulat, ipamahagi, ipabasa
idinidisenyo ito para kaaya-aya
madaling maunawaan ang maganda sa mata
at tagos sa puso ang bawat mensahe sa masa

pluma't kwaderno'y lagi nang katabi sa pag-idlip
bakasakaling masulat agad ang nasa isip
sabi nga, ang bawat karanasan ay halukipkip
sa puso't sa diwa, bagamat di agad malirip
na biglang naglalabasan sa bawat panaginip

tulog man yaong katawan, di tulog ang isipan
kahit sa gitna ng nararamdamang kagutuman
patuloy na nagmamasid sa takbo ng lipunan
pag napukaw isusulat anumang natandaan
taludtod man, parirala't iba pang natuklasan

ngunit sa aking pagbangon at pag-inat ng buto
sa totoo lang limot ko na ang panaginip ko
subalit di nakalimot ang katabing kwaderno
pagkat doon ko natala ang panagimpang ito
na magagamit sa propaganda ng pagbabago

bubuksan ang kwaderno't babasahin yaong tala
baka may mungkahi doon ang uring manggagawa
baka may mabagsik na sinabi ang masang dukha
baka may bagong talinghaga’t gintong parirala
baka may bugtong, saknong, awit, sukat ikaluha

at saka susuriin ang lahat ng naisulat
magagamit ba sa islogan, tula, o pamagat
sa propaganda'y matatalas ba't nakasusugat
salamat sa panaginip at di nakalilingat
patuloy pang nagagawa ang papel na mabigat

Walang komento: