Huwebes, Enero 30, 2014

Kung walang rebolusyonaryong teorya

KUNG WALANG REBOLUSYONARYONG TEORYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"Without revolutionary theory, there can be no revolutionary movement." - Vladimir Ilyich Lenin, What Is To Be Done?, “Dogmatism and ‘Freedom of Criticism’” (1902)


rebolusyonaryong teorya'y mahalagang sangkap
upang matupad ang ating mga pinapangarap
ngunit kailangan ng kilusang katanggap-tanggap
sa masa, uring manggagawa't mga mahihirap

mahalaga ang teorya sa kilusang paggawa
pagkat ito'y tuntungan kung bakit dapat lumaya
rebolusyonaryong teorya'y pasulong na diwa
nang umangat itong antas ng ating pang-unawa

ito ang batayan bakit binuo ang kilusan
kung bakit may mga adhikang dapat ipaglaban
at organisahin ang pinagsasamantalahan
kung bakit may simulaing baguhin ang lipunan

may rebolusyonaryong papel itong manggagawa
sa ugnayan sa lipunan na tubo ang sumira
rebolusyonaryong teorya'y mahalagang diwa
upang pagkaisahin yaong manggagawa't dukha

kung wala ang rebolusyonaryong teoryang ito
walang prinsipyong tatanganan ang mga obrero
teoryang itong sumusuri sa kapitalismo
at landas patungo sa pangarap na sosyalismo

halina't rebolusyonaryong teorya'y namnamin
at ilapat sa lipunang dapat nating baguhin
sa takbo ng kasaysayan, ang dapat nating gawin
teoryang ito'y aralin, angkinin, pagyamanin

Kalayaan lamang, ayon sa Pahayag sa Arbroath

KALAYAAN LAMANG, AYON SA PAHAYAG SA ARBROATH
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"For we fight not for glory nor for riches nor for honour, but only and alone for freedom, which no good man surrenders but with his life." - isang pangungusap mula sa Pahayag sa Arbroath, Abril 6, 1320

libo man ang kalaban, at kami'y sandaan na lang
hangad pa rin namin ang paglaya ng iwing bayan
lalaban kami di para sa kaluwalhatian
di para sa kayamanan, di rin sa karangalan

di para sa sarili't tanging adhikain lamang
ay kalayaan, lumaban para sa kalayaan!

para sa paglayang hangad, kaytindi ng tinuran
ng mamamayang ayaw nang maghari ang dayuhan
pahayag na di sinasanto maging kamatayan
dugo man ay ibubo upang paglaya'y makamtan

ganyan kahalaga iyang paglaya kaninuman
buhay ma'y kapalit, ito'y pilit ipaglalaban

* Ang Pahayag sa Arbroath noong 1320 ay deklarasyon ng paglaya ng bansang Scotland laban sa pananakop ng Inglatera.

Miyerkules, Enero 29, 2014

Opyo sa sambayanan

OPYO SA SAMBAYANAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"Religious suffering is, at one and the same time, the expression of real suffering and a protest against real suffering. Religion is the sigh of the oppressed creature, the heart of a heartless world, and the soul of soulless conditions. It is the opium of the people." - Marx, Critique of Hegel’s Philosophy of Right. Introduction (1843)

pagdurusang pangrelihiyon ay pagdama
sa totoong kahirapang ramdam ng masa
ito'y isa ring anyo ng pagpoprotesta
laban sa kaloob-loobang pagdurusa.

sa relihiyon, may kaluwagan ng loob
ito'y puso ng walang-pusong sansinukob
kaluluwa ng walang-kaluluwang kubkob
na kalagayan ng bayang sa dusa'y subsob.

yao'y tinuring na opyo sa sambayanan
opyong tila ba gamot sa nahihirapan
nang dusa'y pansamantalang di maramdaman
sa kabilang buhay ay may ginhawa naman.

upang mabuhay sa mundong tila ulila
sa karapatang pantao't sadyang ginhawa
kailangan mong sa itaas magtiwala
ginhawa'y darating kahit talagang wala.

relihiyon upang di madama ang hirap?
dapat suriin ang lipunang mapagpanggap!
ginhawa ba'y pag namatay na malalasap?
ginhawa ba sa mundo'y isa lang pangarap?

ilusyon lamang ba ang isang paraiso?
o paraiso'y kaya ring gawin sa mundo?
bakit dukha'y bilyon, mayama'y ilang tao?
ang relihiyon ba'y di nakikita ito?

dapat sa mundo'y wala nang inaalipin
ng sistemang bulok na lumunod sa atin
halina't lipunang ito'y ating baguhin
at lipunang makatao'y itayo natin.

Martes, Enero 28, 2014

Kung kabayo lang ang pangarap

KUNG KABAYO LANG ANG PANGARAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung ang pangarap ay naging isang kabayo
pulubi'y mag-uunahang sasakay dito
tulad ni Pegasus, ililipad ka nito
sa himpapawid ng mga pinangarap mo

kabayo'y tatakbong hila ang karitela
kung saan kayrami ng pangarap na karga
pangarap ng pulubi'y matutupad pala
tiyak silang pulubi'y di na magdurusa

tiyak na nanaisin pa ng mga pulubi
kung kabayo ang pangarap, sila'y hinete
sa anuma'y di sila mag-aatubili
madama lang ang ginhawa sa araw-gabi

maaring lumutang sila sa alapaap
upang layuan ang anumang dusa't hirap
at kung sakali mang sila'y mabigong ganap
ito'y pagkat kabayo'y isa lang pangarap

Bunkhouses sa Yolanda

BUNKHOUSES SA YOLANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

umano'y mahuhunâ ang bunkhouses na ginawâ
napakatipid umano't nakasayad sa lupa
di raw nararapat tirahan ng mga binahâ
bubong pa'y manipis, karupukan nito'y halatâ
paano kaya't dumating ang panibagong sigwa
sabistandard ang materyales, wala kang kawalâ

mga bunkhouses ay pawang batbat ng kontrobersya
na sa paggawa nito'y may katiwalian nga ba?
mabuting ibigay na lang sa mga nasalanta
yaong mga materyales para sa bahay nila
sa gayon, di tumagal ang kanilang pagdurusa
upang mga na-Yolanda'y di na sa tent tumira

Produktibong obrero ang guro

PRODUKTIBONG OBRERO ANG GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"... a schoolmaster is a productive labourer when, in addition to belabouring the heads of his scholars, he works like a horse to enrich the school proprietor. That the latter has laid out his capital in a teaching factory, instead of in a sausage factory, does not alter the relation." - Marx, Capital, Volume I, Chapter 16 (1867)

imbes salapi ng may-ari'y ipuhunan
sa produktong soriso't dito'y pagawaan
nangapital ang may-ari sa paaralan
at pagtuturo ang kanyang pinagtubuan

produktibong obrero ang maestrong guro
sapagkat kayod-kabayo sa pagtuturo
sa marami ngang iskolar na'y namumuno
ngunit may-ari lamang ang pinatutubo

kapital ma'y saan ilagak ng may-ari
ugnayan ay parehas at nananatili
manggagawa't guro'y nagbabakasakali
na maswelduhan para sa pamilyang iwi

ang manggagawa't guro'y dapat magkaisa
pagkat parehas yaong nadaranas nila
sa gawain man sila'y pawang magkaiba
ngunit iisang uri lamang kapwa sila

Linggo, Enero 26, 2014

Sa unang tatlong buwan ng taon

SA UNANG TATLONG BUWAN NG TAON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Enero ngunit tumataginting ang lamig
dama ko ang ginaw sa iyong mga titig
yayapusin kita sa iyong panginginig
kukumutan kita ng aking mga bisig

Pebrerong daratal ay buwan ng pag-ibig
na sa ating mga puso'y tiyak aantig
awit at bulong nito'y iyong madirinig
habang sa takipsilim, tayo'y magniniig

Marso'y panahong sa marami'y mapanlupig
tataas yaong presyo ng kuryente't tubig
taghirap, mula kama'y hihiga sa banig
pulos nganga ang inaalagaang bibig

Ang unang tatlong buwan ng ating daigdig
saya't lumbay ay patas, di nakayayanig
lahat makakaya habang ikaw'y kapanig
habang pagsinta mo sa puso ko'y pandilig

Ang pagbago sa daigdig

ANG PAGBAGO SA DAIGDIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"The philosophers have only interpreted the world in various ways; the point however is to change it." - from Theses on Feuerbach, written by Karl Marx in the Spring of 1845

kayrami nang palaisip ang naglarawan
kung bakit ganito't ganyan ang daigdigan
kung bakit patuloy ang dusa't kahirapan
kung bakit may naghihirap at may mayaman

kayraming dahilan ng mga palaisip
minsan, mga paliwanag pa'y di malirip
tila tumutulay ka sa dulo ng atip
upang magpasensya't huwag nang managinip

sa pangangarap ay wala raw mapapala
kaya magkasya na lamang sa pag-unawa
tanggapin ang kalagayang meron at wala
ganyan naproseso itong mundong may dukha

ngunit kalagayang ito pa'y mababago
kung papangarapin nating baguhin ito
di sapat ang paglalarawan lamang dito
pagbago sa sistema'y pagbago ng mundo

halina't magkaisang diwa, puso't bisig
sama-sama nating baguhin ang daigdig
palitan ang sistemang sadyang mapanlupig
sosyalistang lipunan ang dapat manaig

Insureksyon, ayon kay Lenin

INSUREKSYON, AYON KAY LENIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

para magtagumpay ang isang insureksyon
di ito dapat umasa sa konspirasya
ang dapat asahan ay ang abanteng seksyon
ng uring manggagawang dapat magkaisa

asahan din ang nagkaisang mamamayan
na may alab ng rebolusyonaryong poot
lalo'y abangan ang yugto ng kasaysayan
kung saan dagsaan yaong nakikisangkot

sa maraming pagkilos na mapagpalaya
upang obrero't dukha'y ilagay sa tuktok
sabayan ang pagkilos nitong manggagawa
na talagang poot na sa sistemang bulok

mananalo ang insureksyon, ani Lenin
kung uring manggagawa'y pagkakaisahin

"To be successful, insurrection must rely not only upon conspiracy [here Lenin was differentiating Marxism from Blanquism]... but upon the advanced class. That is the first point. Insurrection must rely upon a revolutionary upsurge of the people. That is the second point. Insurrection must rely upon that turning-point in the history of the growing revolution when the activity of the advanced ranks of the people is at its height, and when the vacillations of the ranks of the enemy ... are stronger. That is the third point." - from the book LINKS, No. 20, January to April, 2002, p. 78, with a footnote stating the quote came from V. I. Lenin's Collected Works, Vol. 26, pp. 22-23

Sabado, Enero 25, 2014

Kami'y Kilusang Kartilya

KAMI'Y KILUSANG KARTILYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nakasaad sa Kartilya'y ginagampanang husay
inukit na namin ito sa puso't diwang taglay
mga aral ng Kartilya'y aming sinasabuhay
nawa sa pagtalima rito, kami'y magtagumpay

gabay sa pagkatao itong laman ng Kartilya
kabutihang-loob sa sinuman, lalo sa masa
gabay ng karaniwang tao't mga aktibista
pakikipagkapwa-tao lagi ang inuuna

iyang Kartilya'y sinulat ng bayaning Jacinto
ipinalaganap ng Katipunan, ng Supremo
tagos sa puso, banal na adhika, prinsipyado
kabutihang-asal na uukit sa pagkatao

noon pa'y inukit sa puso ang Kartilyang muhon
ng kaakuhan naming kumikilos hanggang ngayon
patuloy na sinasabuhay ang Kartilya ngayon
na kung susuriin ay pandaigdigan ang layon

kaya, kaibigan, ang Kartilya'y iyong basahin
bawat nilalaman nito'y laging pakaisipin
sa iyong mananamnam, di ba't matutuwa ka rin
halina't ang Kartilya'y yakapin mo ri't angkinin

Huwebes, Enero 23, 2014

Sana'y madama ko ang pagdatal ng Pebrero

SANA'Y MADAMA KO ANG PAGDATAL NG PEBRERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Sana madama ko ang pagdatal ng Pebrero
Nang uhaw na puso'y muling madiligang todo
Nawa'y may paparating na pag-ibig na bago
O ikaw pa rin ang ititibok ng puso ko

Kayraming kabiguan sa mga nakaraan
Kayraming mga bagay na di maunawaan
Kayrami pang nag-akalang ako'y salawahan
Gayong ako itong ang diwa't puso'y duguan

Buhay ko'y walang halaga nang panahong yaon
Tila ako halamang naluoy, ibinaon
Sa buwan ng pag-ibig, muli akong babangon
Kung aking mamamalayan ang Pebrero ngayon

Sa Pebrerong darating, may bago bang pag-ibig
Upang itong uhaw kong puso'y kanyang madilig
O, magandang diwata, kailan ka hihilig
Sa aking bisig, ako ba'y iyong naririnig

Busabos ng kapitalista

BUSABOS NG KAPITALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
18 pantig bawat taludtod

bansa ba ang tawag / kung busabos ito / ng kapitalista
kung turing sa masa'y / tila ba de-susing / manika't makina
may tali sa ilong / tulad sa kalabaw / sunud-sunuran pa
kung ano ang nais / ng kapitalistang / nasa puso'y pera

kung kapitalista / ang namumuno na / sa mahal na bayan
ay globalisasyon / ang pinaiiral / sa buong lipunan
di makabubuti / ang gawang ito sa / ating mamamayan
ang nakikinabang / lamang sa ganito'y / ang dayong puhunan

nasaan ang para / sa masa, lalo na / dukha't manggagawa
silang bumubuhay / sa lipunang puno / ng mga kuhila
pati lupa nitong / ninuno'y inagaw / ng mga banyaga
nais pang burahin / ang ating kultura, / puso nati't diwa

nagpapatuloy pa / ang pambubusabos / sa ngalan ng tubo
kapitalista nga'y / pawang sumisipsip / nitong ating dugo
nais nilang kunin / ang likas na yaman, / ang sa bayang ginto
inaangkin nila / itong bansa hanggang / tayo'y maghingalo

ginawa sa bayan / ng kapitalista'y / malupit, masahol
pagpapakatao'y / winaksi, nag-asta / silang mga ulol
maagaw lang nila / itong karapatang / sa bayan ay ukol
iwing bayang ito'y / kinakailangan / nating ipagtanggol

magkaisa tayo't / atin nang labanan / ang pagkabusabos
huwag pabayaang / ang sistema nila / sa atin uubos
ang diwa ng bayan / at pusong dakila'y / gawin nating ulos
sa mambubusabos / na kapitalista'y / ating ipantapos

Martes, Enero 21, 2014

Sa ika-79 na kaarawan ni Lola Rosa Asedillo

SA IKA-79 NA KAARAWAN NI LOLA ROSA, 
ANG BUNSONG ANAK NG BAYANING TEODORO ASEDILLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Maligayang kaarawan po itong aming bati
O, Lola Rosa, na anak ng bayani ng lahi
Habang sinisilayan ang matipid ninyong ngiti
Tulad ng ama'y mayroon kayong magandang mithi
Pagpapakatao't pakikipagkapwa ang binhi

Makasaysayan po ang una nating pagkikita
Di namin inaasahang kayo pa'y makilala
Kaya laking galak naming mga magkakasama
Na kayo'y nakadaupang-palad, sadyang kaysaya
Sa aming puso't diwa kayo po'y nakatatak na

Lola Rosa, kayo po'y larawan ng katatagan
Inyong ama nama'y simbolo ng kabayanihan
Pagkat karapatan ng tao'y kanyang pinaglaban
Ipinagtanggol ang obrero't dukha sa lipunan
Tagos sa puso't diwa yaong kanyang sinimulan

Ang ama'y dakilang guro sa mga estudyante
Tangan ang simulaing para sa nakakarami
Sa manggagawa't magsasaka'y tunay na nagsilbi
Kaya dapat siyang tanghaling tunay na bayani
Habang anak na bunso'y dakilang ina't babae

At sa pagkakabusabos, masang api'y babangon
Lola Rosa, tunay kayong anak ng rebolusyon
Nawa'y lumakas pa po kayong nasa dapithapon
Nitong buhay pagkat tunay po kayong inspirasyon
Muli, Maligayang Kaarawan sa inyo ngayon!


- handog ng kasapian ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Partido Lakas ng Masa (PLM), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA), Teachers Dignity Coalition (TDC), Sanlakas

Enero 21, 2014, Brgy. Longos, Kalayaan, Laguna

 

Manggagawa kang napakatiyaga

MANGGAGAWA KANG NAPAKATIYAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

manggagawa kang napakatiyaga
para lang sa sahod na kakarampot
habang negosyante't nakatunganga
saya sa kanila ang iyong dulot

aba'y inakyat nyo'y limpak na tubo
sa kaban ng tusong kapitalista
pinuhunan nyo'y sipag, pawis, dugo
ingat, baka maipit ng makina

dapat magbago yaring kalagayan
habang pamilya'y inyong binubuhay
baguhin ang sistema ng lipunan
manggagawa'y dapat magkapit-kamay

iwaksi ang pribadong pag-aari
pagkaisahin lahat ng obrero
kapitalismo'y dapat nyong magapi
at  inyong itayo ang sosyalismo

Lunes, Enero 20, 2014

Sa Isang Bulaklak ng Maynila

SA ISANG BULAKLAK NG MAYNILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ako'y bubuyog na bumabati
sa kagandahan mong luwalhati
bulaklak ka nitong harding lunti
dito, ikaw ay katangi-tangi

ako'y iyong butihing bubuyog
na tamis mo'y nais kong mapupog
aking sarili'y buo kong handog
iwing puso yaring niluluhog

at sa dapyo ng mabining hangin
ang awit ko'y iyo nawang dinggin
halik mo lang ay aking maangkin
ay ligaya nang maituturing

mamatamisin ko pang mamatay
kung sa puso'y mawala kang tunay
bulaklak kitang nagpapatibay
sa dangal at prinsipyo kong gabay

sa iyo, Bulaklak ng Maynila
nasa kitang makaisang diwa
makataling-puso't aking sigla
dinggin mo ang sa puso ko'y pita

Linggo, Enero 19, 2014

Karatistang diwata?

KARATISTANG DIWATA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

karatista ka ba, diwata?
kahit ano pang aking sangga
sadyang kaylakas mong sumipa
pulos sa puso ko ang tama
diwata, ako'y napaluha
masakit man, ngunit natuwa

Sabado, Enero 18, 2014

Sana'y may laman ang mga kaldero

 
SANA'Y MAY LAMAN ANG MGA KALDERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

may mga kalderong nakatakip, may laman kaya?
paano kung naubos kanina, laman na'y wala

aba'y di na nakahigop ng mainit na sabaw
sana'y meron kahit bahaw at ulam na sinapaw

kung wala'y tingnan kung may bigas pa doon sa sako
kahit dalawang gatang ay ilagay sa kaldero

hugasan itong mabuti at iluto sa kalan
nang gutom na kanina pa'y iniinda'y maibsan

bigas pa rin ang isasaing, ang ulam ay tuyo
wala na bang iba, tuyong ito'y nakadudungo

kung sardinas naman, sawa na kami sa sardinas
lagi nang pang-disaster ang ulam, nakakabanas

ano, noodles na naman, aba'y wala na bang iba
mga pagkaing laging nagkukuta sa bituka

ah, mabuti pa'y magsapaw tayo ng okra't talong
na isasawsaw natin sa maalat na bagoong

masustansya kahit paano ang ating pagkain
sinaing ay ingatan nang di magtutong ang kanin

kumain upang di magutom ang tiyan at isip
tiyakin laging may laman ang kalderong may takip

Biyernes, Enero 17, 2014

Ang kawawang manginginom

ANG KAWAWANG MANGINGINOM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"Kawawa ang mga maagang bumangon at inumin agad ang kanilang habol. Hanggang sa makalampas ang dapithapon, alak pa ri't alak yaong iniinom." - Isaias 5:11 (mula sa pahayagang Remate, 29 Disyembre 2013, pahina 5.)

Isaias5:11 Sa aba nila na nagsisibangong maaga sa umaga, upang sila'y makasunod sa nakalalasing na inumin; na nagtatagal hanggang sa kalaliman ng gabi, hanggang sa magalab ang alak sa kanila!  (mula sa http://www.sacred-texts.com/bib/wb/tag/isa.htm)


nasa isip agad pagkagising ay alak
wala pang mumog ay agad nang lumalaklak
laklak ng laklak hanggang gumapang sa lusak
di na inisip kung siya'y mapapahamak

ang sariling pamilya'y di na pinapansin
mga anak ay pinababayaan man din
pagkat ang mahalaga'y alak pagkagising
asawa pa'y laging sinasaktan pag lasing

pamilya'y kawawa, lasing ay walang puso
asawa'y panay iyak, puso'y magdurugo
kanyang kabiyak ba'y kailan pa titino
at sa kahirapan, buhay nila'y mahango

mababago pa ba ang kalagayang iyon
ang bana'y sa alak na tuluyang nagumon
nawa isang araw, bana niya'y bumangon
tawad ang hingi't titigil na sa pag-inom

Huwebes, Enero 16, 2014

Ilang natalisod na aral sa lansangan

ILANG NATALISOD NA ARAL SA LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bato man sa lansangan sa atin nakatalisod
ay mas maigi pa kaysa maghapong nakatanghod

ang lahat ng ilog masdan mo't sa dagat patungo
at dagat ang pumapalibot sa maraming pulo

manggang hinog sa kalburo'y di masarap kainin
pag mangga'y nanilaw na sa puno saka pitasin

prinsipyo ng aktibista'y nakatala sa aklat
ang armas ay sanga't dahon lamang, aklat ang ugat

tanggalan ka ng bahay at daga ka nang palaboy
bahay ay karapatan mo't di ka dapat itaboy

manggagawa'y kayod kalabaw para sa pamilya
ngunit binubuhay pa niya'y ang kapitalista

awit ng pakikibaka'y dapat puno ng sigla
pagkat pampataas ng sariling pagtitiwala

ang magandang binibini'y tunay ngang inspirasyon
kaya dapat makasama sa pagrerebolusyon

Kamatayan ng isang makata

KAMATAYAN NG ISANG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bituin man sa kalangitan ang isang makata
pag namatay, ang bayan pa rin ay di magluluksa

tiyak na sa nangyari'y marami ang matutuwa
pagkat wala nang pupuna sa mga maling gawa

mas nais pa ng bayang basahin ang kanyang tula
kaysa alalahanin pa ang kanyang pagkawala

Miyerkules, Enero 15, 2014

Sa ika-40 anibersaryo ng TFDP

SA IKA-40 ANIBERSARYO NG TFDP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pagpupugay ang pinaaabot ng inyong lingkod
pagkat tungkulin nyo sa bayan ay nakalulugod
Task Force Detainees of the Philippines, isang gulugod
ng maraming bilanggong ang laya ay pinilantod
ng nilabanang sistemang sadya ngang inuuod

bilanggong pulitikal, pawang mga aktibista
pangarap nila'y lipunang maglilingkod sa masa
lumaban upang baguhin ang bulok na sistema
ngunit sila'y ginipit, piniit, pawang inaba
habang sa puso'y may galak ang mapagsamantala

TFDP, karanasan nyo'y kaylawak na laot
ng paglilingkod sa masang dinusta ng kilabot
tinuro nyo'y pag-ibig imbes na sa kapwa'y poot
apat na dekadang naglilingkod ng walang takot
sa inyo'y MARAMING SALAMAT ang aming paabot!

Lunes, Enero 13, 2014

Sa bangin ng gunita

SA BANGIN NG GUNITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

lumaboy-laboy sa mapagbalatkayong kahapon
habang lumulutang-lutang sa putikang maghapon
paano ba itatala ang magiting na ngayon
upang maging bukas ang pinagpalang rebolusyon

Tirik na magdamag

TIRIK NA MAGDAMAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ang katawan niya'y nalalaspag
sa gawang maghapon at magdamag
ang puso'y tila walang panatag
sa sasapiting kahabag-habag
sinasamo niya'y pampalubag
nang payapang mundo'y mailatag
ayaw niyang umurong ang bayag
habang ang tiyan ay kinakabag
sa putikan nga'y pupusag-pusag
at inaalis ang iwing libag
ngayon ang lansangan ay madawag
tila gubat ng maraming bitag
kapayapaan ay nalalabag
kaya pinilit magpakatatag
sa kinakaharap na bagabag
habang tirik pa yaong magdamag

Kailangan kita sa bawat adhika

KAILANGAN KITA SA BAWAT ADHIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kailangan kita sa bawat adhika
prinsipyo kang lantay at puspos ng diwa
sa akin ba'y iyo kayang mahalata
tinititigan ka sa bawat tunganga

kita'y aktibistang narito sa parang
ng digma't adhikang sadyang manibalang
binibira yaong ang sistema'y halang
na sa karapatan, madalas mangharang

ikaw'y amasona sa puso kong taring
nais kitang dalhin sa may toreng garing
ikaw na may taglay ng diwang magiting
na sa iwing puso'y laging naglalambing

di ko kakayaning baguhing mag-isa
ang hinayupak na bulok na sistema
magtatagumpay lang ako, aking sinta
kung sa nasang ito'y makasama kita

Sa aking musa

SA AKING MUSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

musa kita sa aking paningin
humihip man ang mabining hangin
habang kaygaan ng panginorin
at tangay kita sa papawirin

musa ka ng aking kabuuan
tayo'y anak nitong Silanganan
pawiin natin ang mga halang
at pairalin ang kabanalan

nakatitig ako, aking musa
sa iyo, pagkat sa puso'y sinta
ngiti mo pa lang ay pamatay na
paano pa kung mawawala ka

tutukan man ako ng balaraw
at humaba man itong tag-araw
kinalalagyan ko ma'y magunaw
ang tanging musa't sinta ko'y ikaw

bukangliwayway ka niring puso
huwag sana itong mapadugo
kung takipsilim kang maglalaho
ang buhay ko na'y dusa't siphayo

Linggo, Enero 12, 2014

Isang araw ng muling pagtunganga

ISANG ARAW NG MULING PAGTUNGANGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

What no wife of a writer can ever understand is that a writer is working when he's staring out of the window. ~Burton Rascoe

ah, isang araw na naman akong nakatunganga
tila nagbibilang ng poste't dukhang pinagpala
nandaragit ang agila, seksi'y kaygandang hita
umulan ng yelo't bato, sandamukal ang muta
mga higante'y nagsalpukan, umuga ang lupa
sahod na kayliit, nag-aklasan ang manggagawa
sa barungbarong nilang mahal, inalis ang dukha
bilanggong pulitikal ay naghihintay ng laya
mga desaparesidos ba'y bakit nangawala
sa tunggalian ng uri, may donya't maralita
sa likha ng obrero'y kayraming nagpapasasa
habang pamilya ng obrero'y gipit at kawawa
mayamaya, may malilikha akong kwento't tula
produkto ng isang araw na namang pagtunganga

Sabado, Enero 11, 2014

Ang pangaral ni Ina

ANG PANGARAL NI INA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ipinagbuntis ako ni Ina sa may Sampaloc
sa Balic-Balic sa sangmaliwanag ipinutok
may gatas pa sa labi'y pinangarap nang maluklok
sa tagumpay ng mga inhinyerong nasa tuktok
hanggang doon sa paaralan, ako na'y pumasok

matematika'y tinuro kaya di ako bugok
sa numero kahit na ang iba'y nasusulasok
noon, ang mga sermon ni Ina'y  di ko malunok
masakit, matatalas, tila ako'y nagagapok
payo'y mag-aral mabuti't huwag paantok-antok

pag may sala'y pinadanas ng sinturon at sapok
pinanday ni Ina sa araling dapat maarok
upang sa simpleng suliranin ay di maghimutok
upang maging listo, ang puso'y di maging marupok
upang kaya kong kaharapin ang anumang dagok

ngunit di akalaing ako pala'y mahuhutok
sa toreng garing ng mga awit, tula sa rurok
kaya sa pagkukwento't pagkatha, ako'y hinimok
ni Ina, sa panitikan daw ako'y may palayok
ng kaalamang mahahabi paksa ma'y alabok

pinatatag ang prinsipyo nang di agad malugmok
tinuruang manindigan kaharap may ay yantok
natuto akong mangatwiran, lumaban, manuntok
upang ipagtanggol ang karapatang inuuk-ok
salamat, Ina, pangaral nyo'y akin ding natumbok

Ang tigdas

ANG TIGDAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Enero ngayon, uso na naman ang tigdas
balita hinggil dito sa midya'y lumabas
ilan na ang maysakit, ano na ang antas
sa sakit na tigdas ba'y may agarang lunas

sintomas nito'y pantal, lagnat, sipon, ubo
bata'y karaniwang tinatamaan nito
minsan katawan ay nagpapantal ng todo
sa tigdas pala'y may namatay nang totoo

may mga batang naiimpeksyon sa taynga
habang may mga batang nagkakapulmonya
kaya dapat sila'y agad magpabakuna
at kailangan lalo'y mahabang pahinga

dapat ihiwalay ang may tigdas na bata
pagkat ang tigdas ay sadyang nakakahawa
ang bata'y ingatan ng inang lumuluha
at sa mga sakit di dapat magpabaya

habang sanggol pa lang, isipin na ang lunas
bakuna ang mabisang panlaban sa tigdas
bata'y pabakunahan upang makaiwas
sa bantang tigdas nang maaga pa'y malutas

Biyernes, Enero 10, 2014

Gaya ng isang tigre

GAYA NG ISANG TIGRE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

gaya ng isang tigre, tao rin ay nagagalit
pag anak ay nagugutom, dama'y panggigipit
sahod na'y di sapat, buwis pa nila'y kinukupit
ang gobyerno'y nakasuso sa sistemang kaylupit
ang dukha'y api, mayaman ay nakangiting paslit

gaya ng isang tigre, tao rin ay nananagpang
kapwa'y binibiktima, kaluluwa nila'y halang
panukalang batas pabor sa dukha'y hinaharang
mga pulitiko nila'y tiwali't salanggapang
umalwan lang ang sarili, buhay pa'y inuutang

gaya ng isang tigre, tao rin ay umaangil
batas na pinapatupad, madalas mapangkitil
mga serbisyo'y negosyo na't kaytaas maningil
kahit sa buwis ng manggagawa'y panay ang kikil
karapatan ng kapwa'y malimit na sinisikil

gaya ng isang tigre, tao rin ay nagmamahal
ang kapwa pag umaga'y inaalok ng almusal
tandang tinataglay niya ang kabutihang asal
at pinahahalagahan ang pagkatao't dangal
kaya pag namatay, binibigyan siyang parangal

Huwebes, Enero 9, 2014

Paglalakbay sa Quiapo

PAGLALAKBAY SA QUIAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tigib sa pakikipagsapalaran ang Quiapo
tila ba lahat ng lansangan ay doon patungo
pagkat ito'y sentro ng makasaysayang pangako
ng mga namamanatang may pusong nagdurugo

ang ngalan nito'y halamang ilog ang pinagmulan
maraming paroo't parito, mataong lansangan
karamihan ay patungo sa tanyag na simbahan
umaasang mapatawad sa mga kasalanan

puno ng tao ang simbahan ng Bathalang Itim
habang sa gilid nito'y tindahan ng anting-anting
maglakad kita't kayraming panturistang tanawin
mga kalinangan ng iba't ibang bayan natin

sa pusod nito'y naroroon ang Plaza Miranda
isang malayang parisukat ng nakikibaka
lunsaran ng mga rali't talumpati ng masa
na pinasabugan noong panahong diktadurya

Quiapo'y sentro ng kalakalan ng mahihirap
bagsakan ng murang produkto, bungang masasarap
nakakabili ng tingi, baratin ang kausap
listo ka't baka pera mo'y palitan ng kaharap

pamparegla't pampalaglag ay kayrami rin dito
bagamat ang D.O.H. ay di ito aprubado
laksa ang tindang gamit sa underpass at Carriedo
habang sakayan ng dyip ay naroon sa Hidalgo

kung nais mo'y elektroniko, punta lang sa Raon
kung nais mo'y D.V.D., marami ring tinda roon
sa Quiapo'y mag-ingat din habang naglilimayon
baka ka madukutan ay magdusa ka maghapon

noong panahon ni Marcos, itinayo ang Mosque
na sa Metro Manila'y siyang pinakamalaki
alay sa pagdating ng taga-Libyang si Khaddafi
sa mga kapatid nating Muslim, Mosque'y nagsilbi

Bahay Nakpil-Bautista'y isa ring makasaysayan
na sa biyuda ni Bonifacio'y naging tahanan
dito nilagak ang Nazareno noong digmaan
at sa Kilusang Kartilya'y nagsilbi ring pulungan

pista ng Quiapo ang ikasiyam ng Enero
na sa panahong ito'y abot ng milyon ang tao
pawang nakaapak ang deboto ng Nazareno
umaga hanggang gabi'y ipinuprusisyon ito

kita'y tumungo sa Quiapo, doon maglagalag
sa bahagi ng lungsod na tila gubat sa dawag
tiyakin lang na karapatan nati'y di malabag
ng mga sangganong lipana't tila di matinag

kasama ka namin sa maraming tuwa't siphayo
kasaysayan mo sa aming diwa'y di maglalaho
bahagi ka na ng buong pagkatao, Quiapo
nakaukit ka na sa aming dugo, diwa't puso

Martes, Enero 7, 2014

Teodoro Asedillo, Dakilang Guro

TEODORO ASEDILLO, DAKILANG GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kabutihang asal ang pinatimo
nasa wikang taal ang tinuturo
magagandang diwa'y ipinapayo
sa mag-aaral ay mabuting guro

ngunit mga Kano'y sakdal-bagabag
wikang Ingles ang pilit nilalatag
gurong si Asedillo'y di pumayag
sa harap ng Kano'y naging matatag

bakit wikang dayo ang gagamitin?
at ang sariling wika'y aalisin?
banyaga na ba ang dapat tanghalin?
wikang sarili ba'y wikang alipin?

edukasyon noon pa'y pinaglaban
na ito'y dapat umangkop sa bayan
ngunit si Asedillo pa'y nawalan
ng trabaho kahit nasa katwiran

kawalang katarungan ang nangyari
ngunit siya'y patuloy na nagsilbi
di sa eskwela kundi sa marami
inalay ang buhay sa masang api

o, Asedillo, dakila kang guro
halimbawa mo'y nasa aming puso
bayani kang tunay sa ating pulo
at liwanag ka sa maraming dako



Huwag manghusga

HUWAG MANGHUSGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

Minsan ay nabasa ko
Sa facebook ang magandang
Payo ng isang tao:
"Wala kang karapatang
Husgahan ang kapwa mo
Una, di ka hurado
Sunod, di ka perpekto
Huli, walang sinumang
Hangad ang opinyon mo."
Madaling madalumat
Kung lalasaping sukat
Ang buong nilalamang
Tagos sa diwa't balat
Kaibigan, salamat.

Lunes, Enero 6, 2014

Napakabanas ng panahon

NAPAKABANAS NG PANAHON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

napakabanas ng panahon ngayon
mula sa alinsangan ng kahapon
sistemang bulok na ang lumalamon
iginugupo tayo ng kurapsyon
sa dusa'y lalo pang ibinabaon

yaong may pusong bato'y mapanlamang
tulad ng mga trapong mapanlinlang
karapatan ng masa'y hinaharang
nais nila tayong dalhin sa ilang
kasama'y mga pusakal at halang

di naman tayo alipin, bakit ba?
tao naman tayong malaya, di ba?
kalayaang sinisikil pa nila
habang kaybaba ng tingin sa masa
lalo sa dukhang danas lagi'y dusa

sadyang napakabanas ng panahon
parang dugo'y liligwak at aalon
magandang bukas sa atin ay hamon
sa dusa'y paano tayo aahon?
paano rin tutuwirin ang ngayon?

Linggo, Enero 5, 2014

Ngayong ako'y nasa panahon ng taglagas

NGAYONG AKO'Y NASA PANAHON NG TAGLAGAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa dami ng suliraning nais malutas
tila ba ako'y nawawalan na ng ningas
nagpapakatao habang may nandarahas
ako na'y dahon sa panahon ng taglagas

taglagas yaong ang kinaharap ko'y digma
at nagpakatatag sa yumapos na sigwa
dahon man akong puspos ng pagdaralita
ay nagsikap lumaban nang kamtin ang laya

lumalalim ang ugat ng prinsipyong tangan,
ng inangking adhika at paninindigan
tumitimo sa puso bawat karanasan
habang mga aral sa diwa'y nakalulan

hayaan nyo akong yumabong ng malaya
kahit mga nadanas ko'y tigib ng luha
mga sugat man sa puso'y nananariwa
ay aahon din sa pagkabaon sa lupa

oo nga't iyang taglagas ay lilipas din
ngunit mahaba pa ang ating lalakbayin
puno'y diligan, patuloy na palaguin
nang magbunga ang dalisay na simulain

Sabado, Enero 4, 2014

Rhanz Angelo Corpuz, batang biktima ng balang ligaw

RHANZ ANGELO CORPUZ, BATANG BIKTIMA NG BALANG LIGAW
ni Gregorio V. Bituin
13 pantig bawat taludtod

dalawang taong gulang na bata lang siya
ngunit buhay niya'y natapos ng maaga
si Rhanz Angelo Corpuz ngayon ay wala na
buhay niya'y pinugto ng ligaw na bala

imbes masaya, Bagong Taon ay kayrahas
di lang naglipana ang sinturon ni hudas
pikolo, plapla, kundi balang umuutas
nautas ay batang may maganda pang bukas

sino ang kumalabit sa gatilyong bastos?
sinong demonyo sa utak niya'y nag-utos?
sino ang pumaslang kay Rhanz Angelo Corpuz?
ang hustisya'y dapat makamit niyang lubos!

ayon sa matatanda, ang ingay at usok
ay pantaboy sa demonyong nais pumasok
paniniwalang sa kultura'y umuuk-ok
ginamit na pantaboy ay mga paputok

lumipas ang panahon, baril na'y ginamit
pag Bagong Taon, gatilyo'y kinakalabit
ngunit ano yaong sa masa'y nasasapit
kundi lungkot, pangamba, danas na kaylupit

musmos pa lang itong si Rhanz Angelo Corpuz
ngunit punglo na agad sa kanya’y tumapos
sa nangyari'y anong aral yaong natalos
dapat awtoridad na'y manginig ng lubos

di sapat ang pagsigaw lang ng katarungan
dapat may tiyak na solusyon, patakaran
magpaputok ay ipagbawal nang tuluyan
gawing iba ang batayan ng kasiyahan

dapat makulong yaong maysalang kaylupit
nang humupa kahit pa'no ang aming galit
sana, sa mga Bagong Taon pang sasapit
wala nang mga baril na makakalabit



Toddler hit by stray bullet diesBy Raymund Catindig (The Philippine Star) | Updated January 3, 2014
http://www.philstar.com/headlines/2014/01/03/1274614/toddler-hit-stray-bullet-dies

TUGUEGARAO CITY, Philippines – Two-year-old Rhanz Angelo Corpuz, who was hit in the head by a stray bullet on New Year’s Eve in San Nicolas, Ilocos Norte, died yesterday, becoming the second fatality from gunfire during the revelry.

Chief Inspector Dominic Guerrero, San Nicolas police chief, said Corpuz, who died at around 3:30 p.m., had been in a coma at the intensive care unit of the Laoag City General Hospital.

The young Corpuz was sleeping in their living room while other family members were preparing dinner when the stray bullet hit him in the head.

Guerrero said they have invited for questioning two persons in connection with the shooting and they have agreed to undergo paraffin tests.

Biyernes, Enero 3, 2014

22 biktima ng ligaw na bala

22 BIKTIMA NG LIGAW NA BALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bakit sila tinugis ng ligaw na bala
mga biktima'y dalawampu't dalawa na
ang Bagong Taong dapat nagbibigay saya
sa mga tinamaan ay isang trahedya

mga gatilyo ba'y basta na lang gumalaw
basta na lang humaginit ang balang ligaw
o ito'y tangan ng isang utak-halimaw
na ang bituka'y di mawawaan ang likaw

kayraming sugatan, may namatay pang sanggol
Bagong Taon ngunit kayrami nang naulol
sa mga maysala'y anong dapat na hatol
kulong? kamatayan? parusang mas masahol?

suriin mo, pangyayari'y nakagagalit
nais lang magsaya ngunit sayang kaysakit
di lang sa katawan kundi sa puso'y haplit
di puputok ang baril kungdi kinalabit

tinamaan ay inosente't mga bata
kaya ang hustisya'y di maaaring wala
dapat tugisin kung sinong mga maysala
hulihin sila't ibilad sa hiya't madla


http://www.bomboradyo.com/news/top-stories/item/38120-sana-wala-nang-madagdag-sa-22-stray-bullet-victims

'Sana walang madagdag sa 22 stray bullet victims'
Posted by  Bombo News Team Posted in Top Stories Wednesday, 01 January 2014 13:52

Ikinalungkot ngayon ng PNP ang marami pa ring bilang ng mga sugatan dahil sa ligaw na bala sa pagsalubong sa bagong taon.

Sinabi ni PNP spokesman to the PNP chief S/Supt. Wilben Mayor, umaabot sa 22 ang naitala nilang tinamaan ng ligaw ng bala mula December 16 hanggang kagabi.

Sa naturang bilang ay isa ang namatay na sanggol sa Ilocos Sur na natutulog lamang sa kuwarto ng kanilang bahay.

Kung tutuusin ay mas mababa umano ito kumpara noong taong 2013 na umabot sa 40 pero ang pagbilang nila ay hanggang January 2.

Umaasa na lamang ang PNP na sana ay hindi na madagdagan pa ang bilang ngayon na 22 hanggang bukas ng Enero 2.

Aminado ang pulisya na karamihan sa mga tinamaan ng ligaw na bala ay wala pang ideya ang pulisya kung sino ang mga responsable.

Hanggang ngayon ay patuloy pa rin umano ang kanilang imbestigasyon.

Kaninang umaga iniulat naman ni PNP-PIO chief C/Supt. Rueben Sindac, na may tatlong pulis ang nahuli na nagpaputok ng baril sa pagsalubong sa bagong taon.

Huwebes, Enero 2, 2014

Kami ang mga Vhon Alexander Llagas

KAMI ANG MGA VHON ALEXANDER LLAGAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kami ang mga Vhon Alexander Llagas
Bagong Taon lamang, kami na'y inutas
ng bala mula sa mga talipandas
kanilang inagaw itong aming bukas!

bakit kaya dapat laging magpaputok?
kahit na sa ulo'y hindi itinutok
ang pagsasaya ba'y ganito ang pasok?
at pagpapaputok ng baril ang rurok?

tatlong buwan lamang, buhay na'y nakitil
ng ligaw na bala, kelan matitigil
ang ganitong gawa'y sino ang pipigil
sa minsanang saya, gamit nila'y baril

kahibangang ito'y kelan magwawakas
ang gobyerno nawa'y kumilos ng patas
at ang mamamaya'y magkaisang lakas
nang problemang ito'y mahanapang-lunas

dapat nang mawala ang pagpapaputok
lalo na't baril kung saan nakatutok
magsaya kahit na walang ingay, usok
at sana'y wala nang sa bala'y malugmok

kami ang mga Vhon Alexander Llagas
ayaw na naming may buhay pang malagas
sana ay wala nang buhay na mautas
tuwing Bagong Taon, o kaya'y bisperas



* Si Vhon Alexander Llagas ang tatlong buwang sanggol na namatay habang natutulog nang matamaan ng ligaw na bala nitong Bagong Taon 2014.


http://www.remate.ph/2014/01/3-buwan-baby-patay-sa-ligaw-na-bala-1-pa-kritikal/#.UsTFWPvs6dc

3 buwan na baby patay sa ligaw na bala, 1 pa kritikal
by Gina Roluna Jan 1, 2014 8:32am HKT

PATAY ang tatlong buwan pa lamang na sanggol nang tamaan ng ligaw na bala sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Anonang, Caoayan, Ilocos Sur habang patuloy namang nilalapatan ng lunas ang 2-anyos na bata sa katulad din na insidente sa Laoag City.

Kinilala ang namatay na biktima na si Vhon Alexander Llagas.

Nabatid na kasama ng biktima ang kanyang ama na natutulog sa kuwarto nang bigla na lamang umiyak ang sanggol.

Nang tingnan ang baby ay nakitang nagdurugo ang ulo nito.

Tinangka pang dalhin sa pagamutan ang bata pero binawian din ng buhay.



http://www.abante.com.ph/issue/jan0214/news01.htm#.Usaif_vs6dc

BABY, PATAY SA STRAY BULLET!
Nina JB Salarzon at Amihan Sabillo, ABANTE tabloid

Naliligo na sa sariling dugo ang isang 3-buwan na sanggol nang saklolohan ng kanyang mga magulang sa loob ng kanilang bahay dahil sa tama ng ligaw na bala sa rehiyon ng Ilocos sa pagsapit ng Bagong Taon.

Ang sanggol na si Vhon Alexander Llagas, residente ng Barangay Anonang, Caoayan, Ilocos Sur, ay tinamaan sa katawan ng isang bala.

Isinugod siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Sa kuwento ng kanyang ama sa pulisya, ilang minuto pa lamang ang nakakaraan ng alas-12:00 at sila’y nasa labas ng bahay nang marinig nila ang malakas na iyak ng sanggol. Pagkakita sa sanggol ay naliligo na ito sa sariling dugo.

Hindi lubos na mabatid kung ano ang klase ng bala na tumama sa sanggol.

Tingga sa ulo ng dalawang bata

TINGGA SA ULO NG DALAWANG BATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tatlong buwan pa lamang si Vhon Alexander Llagas
isang sanggol na ang buhay ay kay-agang nagwakas
Bagong Taon iyon, sa ulo'y may dugong tumagas
isang ligaw na bala ang sa sanggol ay umutas

Rhanz Angelo Corpuz, batang idad dalawang taon
kritikal din ang kalagayan nitong Bagong Taon
ligaw na bala rin sa kanyang sentido'y bumaon
ah, bakit ba nangyari sa dalawang bata yaon

noong nakaraang taon, ganito'y nangyari na
sina Ranjelo Nimer, Stephanie Nicole Ella
patay sa sumpak, salari'y sumuko, ang sa una
sa ikalawa, salarin ay di na nakilala

may mali ba sa patakaran ng pamahalaan
o ang mismong kultura'y dapat baguhing tuluyan
bakit pag Bagong Taon, kailangang may putukan
gayong sa pagsalubong dapat ay mag-ingay lamang

dahil ba di sapat ang mga tunog ng torotot
nagkikislapang liwanag, ilaw na umiikot
kailangan ba ng labintador, pikolong bansot
lalo'y putok ng baril, upang saya'y maidulot

masakit sa magulang ang kanilang pagkawala
ngunit di sapat ang mga luha't pangungulila
dapat managot at makulong ang mga maysala
tunay na hustisya'y dapat kamtin ng mga bata




http://www.remate.ph/2014/01/3-buwan-baby-patay-sa-ligaw-na-bala-1-pa-kritikal/#.UsTFWPvs6dc

3 buwan na baby patay sa ligaw na bala, 1 pa kritikal
by Gina Roluna Jan 1, 2014 8:32am HKT

PATAY ang tatlong buwan pa lamang na sanggol nang tamaan ng ligaw na bala sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Anonang, Caoayan, Ilocos Sur habang patuloy namang nilalapatan ng lunas ang 2-anyos na bata sa katulad din na insidente sa Laoag City.

Kinilala ang namatay na biktima na si Vhon Alexander Llagas.

Nabatid na kasama ng biktima ang kanyang ama na natutulog sa kuwarto nang bigla na lamang umiyak ang sanggol.

Nang tingnan ang baby ay nakitang nagdurugo ang ulo nito.

Tinangka pang dalhin sa pagamutan ang bata pero binawian din ng buhay.

Samantala, agaw-buhay naman sa Laoag City General Hospital ang 2-anyos na bata matapos matamaan ng stray bullet sa Brgy. 3, Lusong area, San Nicolas, Ilocos Norte.

Kinilala ang biktima na si Rhanz Angelo Corpuz, ng Brgy. Lusong, San Nicolas, Ilocos Norte.

Ang biktima ay tinamaan ng ligaw na bala sa sentido.

Ayon sa ina ng biktima, natutulog na si Corpuz nang tamaan ng ligaw na bala ang anak.

Agad isinugod sa LCGH ang bata kung saan sa kasalukuyan ay nasa kritikal na kondisyon.



http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Region/3-buwang_sanggol_patay,_2-taong_bata_kritikal_sa_tama_ng_ligaw_na_bala_sa_Ilocos.html

3-buwang sanggol patay, 2-taong bata kritikal sa tama ng ligaw na bala sa Ilocos
By dzmm.com.ph | 12:48 PM 01/01/2014

Patay ang isang tatlong-buwang sanggol habang kritikal ang dalawang taong gulang na bata sa magkahiwalay na insidente ng tama ng ligaw na bala sa Ilocos Region.

Sa Caoayan, Ilocos Sur, patay ang tatlong-buwang si Alexander Yaga matapos tamaan ng ligaw na bala sa mismong pagpapalit ng taon.

Natutulog ang sanggol sa kanilang bahay nang bigla itong umiyak.

Nagulat na lamang ang kanyang mga magulang nang makitang duguan ang baby.

Naitakbo pa sa ospital ang sanggol subalit binawian din ng buhay.

Sa pagsusuri ng mga doktor, tinamaan ng bala ng hindi pa tukoy na kalibre ng baril ang sanggol.

Samantala, kritikal sa tama rin ng ligaw na bala ang isang dalawang-taong gulang na bata sa Laoag, Ilocos Norte.

Ayon kay Dr. Francis Dacuycuy ng Laoag Central Hospital, tinamaan ang bata sa kanyang noo habang natutulog sa kanilang bahay, alas-12:05 Miyerkules ng madaling-araw.

Kritikal ang hindi pa pinapangalanang bata dahil naiwan pa sa likurang bahagi ng kanyang ulo ang punglo ng tumamang bala.

Hindi pa naman maoperahan ang bktima dahil sa malubhang kondisyon nito. With report from Randy Menor, DZMM Correspondent

Miyerkules, Enero 1, 2014

Torotot

TOROTOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

makipagbuno ka na sa torotot
kaysa pikolo't paputok na bansot
saya naman ang nais mong idulot
kaysa nadaleng daliring pangkamot

sayang naman kung daliri'y malagas
buti na lang at di ka nautas
mahirap sadyang dugo mo'y kakatas
sa Bagong Taong pinuno ng dahas

magtorotot ka na lang at mag-ingay
di paputok na madalas ay sablay
maraming sa ospital ay naratay
dahil naputukan ang mga kamay

nais mong kalugin ang iyong isip
pagkat ang nangyari'y di mo malirip
maigi pang torotot ang naihip
sana kamay mo'y tiyak na nasagip