Linggo, Enero 26, 2014

Ang pagbago sa daigdig

ANG PAGBAGO SA DAIGDIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"The philosophers have only interpreted the world in various ways; the point however is to change it." - from Theses on Feuerbach, written by Karl Marx in the Spring of 1845

kayrami nang palaisip ang naglarawan
kung bakit ganito't ganyan ang daigdigan
kung bakit patuloy ang dusa't kahirapan
kung bakit may naghihirap at may mayaman

kayraming dahilan ng mga palaisip
minsan, mga paliwanag pa'y di malirip
tila tumutulay ka sa dulo ng atip
upang magpasensya't huwag nang managinip

sa pangangarap ay wala raw mapapala
kaya magkasya na lamang sa pag-unawa
tanggapin ang kalagayang meron at wala
ganyan naproseso itong mundong may dukha

ngunit kalagayang ito pa'y mababago
kung papangarapin nating baguhin ito
di sapat ang paglalarawan lamang dito
pagbago sa sistema'y pagbago ng mundo

halina't magkaisang diwa, puso't bisig
sama-sama nating baguhin ang daigdig
palitan ang sistemang sadyang mapanlupig
sosyalistang lipunan ang dapat manaig

Walang komento: