SA UNANG TATLONG BUWAN NG TAON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
Enero ngunit tumataginting ang lamig
dama ko ang ginaw sa iyong mga titig
yayapusin kita sa iyong panginginig
kukumutan kita ng aking mga bisig
Pebrerong daratal ay buwan ng pag-ibig
na sa ating mga puso'y tiyak aantig
awit at bulong nito'y iyong madirinig
habang sa takipsilim, tayo'y magniniig
Marso'y panahong sa marami'y mapanlupig
tataas yaong presyo ng kuryente't tubig
taghirap, mula kama'y hihiga sa banig
pulos nganga ang inaalagaang bibig
Ang unang tatlong buwan ng ating daigdig
saya't lumbay ay patas, di nakayayanig
lahat makakaya habang ikaw'y kapanig
habang pagsinta mo sa puso ko'y pandilig
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento