PAGLALAKBAY SA QUIAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
tigib sa pakikipagsapalaran ang Quiapo
tila ba lahat ng lansangan ay doon patungo
pagkat ito'y sentro ng makasaysayang pangako
ng mga namamanatang may pusong nagdurugo
ang ngalan nito'y halamang ilog ang pinagmulan
maraming paroo't parito, mataong lansangan
karamihan ay patungo sa tanyag na simbahan
umaasang mapatawad sa mga kasalanan
puno ng tao ang simbahan ng Bathalang Itim
habang sa gilid nito'y tindahan ng anting-anting
maglakad kita't kayraming panturistang tanawin
mga kalinangan ng iba't ibang bayan natin
sa pusod nito'y naroroon ang Plaza Miranda
isang malayang parisukat ng nakikibaka
lunsaran ng mga rali't talumpati ng masa
na pinasabugan noong panahong diktadurya
Quiapo'y sentro ng kalakalan ng mahihirap
bagsakan ng murang produkto, bungang masasarap
nakakabili ng tingi, baratin ang kausap
listo ka't baka pera mo'y palitan ng kaharap
pamparegla't pampalaglag ay kayrami rin dito
bagamat ang D.O.H. ay di ito aprubado
laksa ang tindang gamit sa underpass at Carriedo
habang sakayan ng dyip ay naroon sa Hidalgo
kung nais mo'y elektroniko, punta lang sa Raon
kung nais mo'y D.V.D., marami ring tinda roon
sa Quiapo'y mag-ingat din habang naglilimayon
baka ka madukutan ay magdusa ka maghapon
noong panahon ni Marcos, itinayo ang Mosque
na sa Metro Manila'y siyang pinakamalaki
alay sa pagdating ng taga-Libyang si Khaddafi
sa mga kapatid nating Muslim, Mosque'y nagsilbi
Bahay Nakpil-Bautista'y isa ring makasaysayan
na sa biyuda ni Bonifacio'y naging tahanan
dito nilagak ang Nazareno noong digmaan
at sa Kilusang Kartilya'y nagsilbi ring pulungan
pista ng Quiapo ang ikasiyam ng Enero
na sa panahong ito'y abot ng milyon ang tao
pawang nakaapak ang deboto ng Nazareno
umaga hanggang gabi'y ipinuprusisyon ito
kita'y tumungo sa Quiapo, doon maglagalag
sa bahagi ng lungsod na tila gubat sa dawag
tiyakin lang na karapatan nati'y di malabag
ng mga sangganong lipana't tila di matinag
kasama ka namin sa maraming tuwa't siphayo
kasaysayan mo sa aming diwa'y di maglalaho
bahagi ka na ng buong pagkatao, Quiapo
nakaukit ka na sa aming dugo, diwa't puso
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento