Sabado, Enero 11, 2014

Ang tigdas

ANG TIGDAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Enero ngayon, uso na naman ang tigdas
balita hinggil dito sa midya'y lumabas
ilan na ang maysakit, ano na ang antas
sa sakit na tigdas ba'y may agarang lunas

sintomas nito'y pantal, lagnat, sipon, ubo
bata'y karaniwang tinatamaan nito
minsan katawan ay nagpapantal ng todo
sa tigdas pala'y may namatay nang totoo

may mga batang naiimpeksyon sa taynga
habang may mga batang nagkakapulmonya
kaya dapat sila'y agad magpabakuna
at kailangan lalo'y mahabang pahinga

dapat ihiwalay ang may tigdas na bata
pagkat ang tigdas ay sadyang nakakahawa
ang bata'y ingatan ng inang lumuluha
at sa mga sakit di dapat magpabaya

habang sanggol pa lang, isipin na ang lunas
bakuna ang mabisang panlaban sa tigdas
bata'y pabakunahan upang makaiwas
sa bantang tigdas nang maaga pa'y malutas

Walang komento: