ANG PANGARAL NI INA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
ipinagbuntis ako ni Ina sa may Sampaloc
sa Balic-Balic sa sangmaliwanag ipinutok
may gatas pa sa labi'y pinangarap nang maluklok
sa tagumpay ng mga inhinyerong nasa tuktok
hanggang doon sa paaralan, ako na'y pumasok
matematika'y tinuro kaya di ako bugok
sa numero kahit na ang iba'y nasusulasok
noon, ang mga sermon ni Ina'y di ko malunok
masakit, matatalas, tila ako'y nagagapok
payo'y mag-aral mabuti't huwag paantok-antok
pag may sala'y pinadanas ng sinturon at sapok
pinanday ni Ina sa araling dapat maarok
upang sa simpleng suliranin ay di maghimutok
upang maging listo, ang puso'y di maging marupok
upang kaya kong kaharapin ang anumang dagok
ngunit di akalaing ako pala'y mahuhutok
sa toreng garing ng mga awit, tula sa rurok
kaya sa pagkukwento't pagkatha, ako'y hinimok
ni Ina, sa panitikan daw ako'y may palayok
ng kaalamang mahahabi paksa ma'y alabok
pinatatag ang prinsipyo nang di agad malugmok
tinuruang manindigan kaharap may ay yantok
natuto akong mangatwiran, lumaban, manuntok
upang ipagtanggol ang karapatang inuuk-ok
salamat, Ina, pangaral nyo'y akin ding natumbok
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento