Huwebes, Enero 2, 2014

Tingga sa ulo ng dalawang bata

TINGGA SA ULO NG DALAWANG BATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tatlong buwan pa lamang si Vhon Alexander Llagas
isang sanggol na ang buhay ay kay-agang nagwakas
Bagong Taon iyon, sa ulo'y may dugong tumagas
isang ligaw na bala ang sa sanggol ay umutas

Rhanz Angelo Corpuz, batang idad dalawang taon
kritikal din ang kalagayan nitong Bagong Taon
ligaw na bala rin sa kanyang sentido'y bumaon
ah, bakit ba nangyari sa dalawang bata yaon

noong nakaraang taon, ganito'y nangyari na
sina Ranjelo Nimer, Stephanie Nicole Ella
patay sa sumpak, salari'y sumuko, ang sa una
sa ikalawa, salarin ay di na nakilala

may mali ba sa patakaran ng pamahalaan
o ang mismong kultura'y dapat baguhing tuluyan
bakit pag Bagong Taon, kailangang may putukan
gayong sa pagsalubong dapat ay mag-ingay lamang

dahil ba di sapat ang mga tunog ng torotot
nagkikislapang liwanag, ilaw na umiikot
kailangan ba ng labintador, pikolong bansot
lalo'y putok ng baril, upang saya'y maidulot

masakit sa magulang ang kanilang pagkawala
ngunit di sapat ang mga luha't pangungulila
dapat managot at makulong ang mga maysala
tunay na hustisya'y dapat kamtin ng mga bata




http://www.remate.ph/2014/01/3-buwan-baby-patay-sa-ligaw-na-bala-1-pa-kritikal/#.UsTFWPvs6dc

3 buwan na baby patay sa ligaw na bala, 1 pa kritikal
by Gina Roluna Jan 1, 2014 8:32am HKT

PATAY ang tatlong buwan pa lamang na sanggol nang tamaan ng ligaw na bala sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Anonang, Caoayan, Ilocos Sur habang patuloy namang nilalapatan ng lunas ang 2-anyos na bata sa katulad din na insidente sa Laoag City.

Kinilala ang namatay na biktima na si Vhon Alexander Llagas.

Nabatid na kasama ng biktima ang kanyang ama na natutulog sa kuwarto nang bigla na lamang umiyak ang sanggol.

Nang tingnan ang baby ay nakitang nagdurugo ang ulo nito.

Tinangka pang dalhin sa pagamutan ang bata pero binawian din ng buhay.

Samantala, agaw-buhay naman sa Laoag City General Hospital ang 2-anyos na bata matapos matamaan ng stray bullet sa Brgy. 3, Lusong area, San Nicolas, Ilocos Norte.

Kinilala ang biktima na si Rhanz Angelo Corpuz, ng Brgy. Lusong, San Nicolas, Ilocos Norte.

Ang biktima ay tinamaan ng ligaw na bala sa sentido.

Ayon sa ina ng biktima, natutulog na si Corpuz nang tamaan ng ligaw na bala ang anak.

Agad isinugod sa LCGH ang bata kung saan sa kasalukuyan ay nasa kritikal na kondisyon.



http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Region/3-buwang_sanggol_patay,_2-taong_bata_kritikal_sa_tama_ng_ligaw_na_bala_sa_Ilocos.html

3-buwang sanggol patay, 2-taong bata kritikal sa tama ng ligaw na bala sa Ilocos
By dzmm.com.ph | 12:48 PM 01/01/2014

Patay ang isang tatlong-buwang sanggol habang kritikal ang dalawang taong gulang na bata sa magkahiwalay na insidente ng tama ng ligaw na bala sa Ilocos Region.

Sa Caoayan, Ilocos Sur, patay ang tatlong-buwang si Alexander Yaga matapos tamaan ng ligaw na bala sa mismong pagpapalit ng taon.

Natutulog ang sanggol sa kanilang bahay nang bigla itong umiyak.

Nagulat na lamang ang kanyang mga magulang nang makitang duguan ang baby.

Naitakbo pa sa ospital ang sanggol subalit binawian din ng buhay.

Sa pagsusuri ng mga doktor, tinamaan ng bala ng hindi pa tukoy na kalibre ng baril ang sanggol.

Samantala, kritikal sa tama rin ng ligaw na bala ang isang dalawang-taong gulang na bata sa Laoag, Ilocos Norte.

Ayon kay Dr. Francis Dacuycuy ng Laoag Central Hospital, tinamaan ang bata sa kanyang noo habang natutulog sa kanilang bahay, alas-12:05 Miyerkules ng madaling-araw.

Kritikal ang hindi pa pinapangalanang bata dahil naiwan pa sa likurang bahagi ng kanyang ulo ang punglo ng tumamang bala.

Hindi pa naman maoperahan ang bktima dahil sa malubhang kondisyon nito. With report from Randy Menor, DZMM Correspondent

Walang komento: