Huwebes, Enero 2, 2014

Kami ang mga Vhon Alexander Llagas

KAMI ANG MGA VHON ALEXANDER LLAGAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kami ang mga Vhon Alexander Llagas
Bagong Taon lamang, kami na'y inutas
ng bala mula sa mga talipandas
kanilang inagaw itong aming bukas!

bakit kaya dapat laging magpaputok?
kahit na sa ulo'y hindi itinutok
ang pagsasaya ba'y ganito ang pasok?
at pagpapaputok ng baril ang rurok?

tatlong buwan lamang, buhay na'y nakitil
ng ligaw na bala, kelan matitigil
ang ganitong gawa'y sino ang pipigil
sa minsanang saya, gamit nila'y baril

kahibangang ito'y kelan magwawakas
ang gobyerno nawa'y kumilos ng patas
at ang mamamaya'y magkaisang lakas
nang problemang ito'y mahanapang-lunas

dapat nang mawala ang pagpapaputok
lalo na't baril kung saan nakatutok
magsaya kahit na walang ingay, usok
at sana'y wala nang sa bala'y malugmok

kami ang mga Vhon Alexander Llagas
ayaw na naming may buhay pang malagas
sana ay wala nang buhay na mautas
tuwing Bagong Taon, o kaya'y bisperas



* Si Vhon Alexander Llagas ang tatlong buwang sanggol na namatay habang natutulog nang matamaan ng ligaw na bala nitong Bagong Taon 2014.


http://www.remate.ph/2014/01/3-buwan-baby-patay-sa-ligaw-na-bala-1-pa-kritikal/#.UsTFWPvs6dc

3 buwan na baby patay sa ligaw na bala, 1 pa kritikal
by Gina Roluna Jan 1, 2014 8:32am HKT

PATAY ang tatlong buwan pa lamang na sanggol nang tamaan ng ligaw na bala sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Anonang, Caoayan, Ilocos Sur habang patuloy namang nilalapatan ng lunas ang 2-anyos na bata sa katulad din na insidente sa Laoag City.

Kinilala ang namatay na biktima na si Vhon Alexander Llagas.

Nabatid na kasama ng biktima ang kanyang ama na natutulog sa kuwarto nang bigla na lamang umiyak ang sanggol.

Nang tingnan ang baby ay nakitang nagdurugo ang ulo nito.

Tinangka pang dalhin sa pagamutan ang bata pero binawian din ng buhay.



http://www.abante.com.ph/issue/jan0214/news01.htm#.Usaif_vs6dc

BABY, PATAY SA STRAY BULLET!
Nina JB Salarzon at Amihan Sabillo, ABANTE tabloid

Naliligo na sa sariling dugo ang isang 3-buwan na sanggol nang saklolohan ng kanyang mga magulang sa loob ng kanilang bahay dahil sa tama ng ligaw na bala sa rehiyon ng Ilocos sa pagsapit ng Bagong Taon.

Ang sanggol na si Vhon Alexander Llagas, residente ng Barangay Anonang, Caoayan, Ilocos Sur, ay tinamaan sa katawan ng isang bala.

Isinugod siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Sa kuwento ng kanyang ama sa pulisya, ilang minuto pa lamang ang nakakaraan ng alas-12:00 at sila’y nasa labas ng bahay nang marinig nila ang malakas na iyak ng sanggol. Pagkakita sa sanggol ay naliligo na ito sa sariling dugo.

Hindi lubos na mabatid kung ano ang klase ng bala na tumama sa sanggol.

Walang komento: