Biyernes, Enero 3, 2014

22 biktima ng ligaw na bala

22 BIKTIMA NG LIGAW NA BALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bakit sila tinugis ng ligaw na bala
mga biktima'y dalawampu't dalawa na
ang Bagong Taong dapat nagbibigay saya
sa mga tinamaan ay isang trahedya

mga gatilyo ba'y basta na lang gumalaw
basta na lang humaginit ang balang ligaw
o ito'y tangan ng isang utak-halimaw
na ang bituka'y di mawawaan ang likaw

kayraming sugatan, may namatay pang sanggol
Bagong Taon ngunit kayrami nang naulol
sa mga maysala'y anong dapat na hatol
kulong? kamatayan? parusang mas masahol?

suriin mo, pangyayari'y nakagagalit
nais lang magsaya ngunit sayang kaysakit
di lang sa katawan kundi sa puso'y haplit
di puputok ang baril kungdi kinalabit

tinamaan ay inosente't mga bata
kaya ang hustisya'y di maaaring wala
dapat tugisin kung sinong mga maysala
hulihin sila't ibilad sa hiya't madla


http://www.bomboradyo.com/news/top-stories/item/38120-sana-wala-nang-madagdag-sa-22-stray-bullet-victims

'Sana walang madagdag sa 22 stray bullet victims'
Posted by  Bombo News Team Posted in Top Stories Wednesday, 01 January 2014 13:52

Ikinalungkot ngayon ng PNP ang marami pa ring bilang ng mga sugatan dahil sa ligaw na bala sa pagsalubong sa bagong taon.

Sinabi ni PNP spokesman to the PNP chief S/Supt. Wilben Mayor, umaabot sa 22 ang naitala nilang tinamaan ng ligaw ng bala mula December 16 hanggang kagabi.

Sa naturang bilang ay isa ang namatay na sanggol sa Ilocos Sur na natutulog lamang sa kuwarto ng kanilang bahay.

Kung tutuusin ay mas mababa umano ito kumpara noong taong 2013 na umabot sa 40 pero ang pagbilang nila ay hanggang January 2.

Umaasa na lamang ang PNP na sana ay hindi na madagdagan pa ang bilang ngayon na 22 hanggang bukas ng Enero 2.

Aminado ang pulisya na karamihan sa mga tinamaan ng ligaw na bala ay wala pang ideya ang pulisya kung sino ang mga responsable.

Hanggang ngayon ay patuloy pa rin umano ang kanilang imbestigasyon.

Kaninang umaga iniulat naman ni PNP-PIO chief C/Supt. Rueben Sindac, na may tatlong pulis ang nahuli na nagpaputok ng baril sa pagsalubong sa bagong taon.

Walang komento: