ILANG NATALISOD NA ARAL SA LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
bato man sa lansangan sa atin nakatalisod
ay mas maigi pa kaysa maghapong nakatanghod
ang lahat ng ilog masdan mo't sa dagat patungo
at dagat ang pumapalibot sa maraming pulo
manggang hinog sa kalburo'y di masarap kainin
pag mangga'y nanilaw na sa puno saka pitasin
prinsipyo ng aktibista'y nakatala sa aklat
ang armas ay sanga't dahon lamang, aklat ang ugat
tanggalan ka ng bahay at daga ka nang palaboy
bahay ay karapatan mo't di ka dapat itaboy
manggagawa'y kayod kalabaw para sa pamilya
ngunit binubuhay pa niya'y ang kapitalista
awit ng pakikibaka'y dapat puno ng sigla
pagkat pampataas ng sariling pagtitiwala
ang magandang binibini'y tunay ngang inspirasyon
kaya dapat makasama sa pagrerebolusyon
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento