MINSANAN LANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
5 pantig bawat taludtod
minsang mauntog
di na uulit
minsang mahulog
di na pipikit
minsang kinabog
di na makulit
minsang nagdabog
di na humirit
minsang dumulog
may masasambit
minsang nambugbog
may masasabit
minsang nayugyog
agad kumapit
minsang kumulog
iyak ang langit
minsang nagluhog
nitong pag-ibig
ang iniirog
kapit sa bisig
minsang pinupog
ng laksang halik
sintang inirog
mata'y tumirik
Miyerkules, Hulyo 11, 2012
Martes, Hulyo 10, 2012
Si Lean Alejandro, Magiting na Aktibista
SI LEAN ALEJANDRO, MAGITING NA AKTIBISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
dalawampu't limang taon na ang nakararaan
nang paslangin ng kung sino ang kilalang si Lean
hanggang ngayon di pa mahagilap ang katarungan
tila hustisya'y kay-ilap sa bayani ng bayan
si Lean, isang magiting na lider-estudyante
nangarap ng pagbabago, nagsimula sa U. P.
binaka yaong mga mali, kasama ni Lidy
nakibaka, nagtalumpati, sumama sa rali
kinausap ang masa, kinaibigan ang dukha
kasama sa bawat laban ng mga manggagawa
ipinagtanggol ang karapatan ng maralita
bayani ng masa pagkat ang masa'y kinalinga
aktibista siyang magiting, sa kapwa'y may puso
habang kinalaban niya ang sakim at maluho
ngunit ang bawat pagbaka sa sakripisyo'y puno
siya'y pinaslang, ang bayan ay nadilig ng dugo
gayunman, pasasalamat yaong bati ng bayan
sa kanyang ikalimampu't dalawang kaarawan
maraming salamat sa mga inambag mo, Lean
di ka nabigo, pagkat tinuloy namin ang laban
- Hulyo 10, 2012
Paglaya
PAGLAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
"The struggle for freedom is the next best thing to actually being free." ~ Lean Alejandro
tigib sa gunita ang pag-asam ng kalayaan
kahit di napipiit ang diwa sa bilangguan
ngunit dapat lumaya ang isip, puso't katawan
mula sa kuko ng mapagsamantalang lipunan
sapupo ni Lean ang pag-asa't pakikibaka
kahalukipkip ang pag-ibig sa bayan at sinta
di magagapi ninuman ang layang ninanasa
kikilos at kikilos pa rin ang hiráp na masa
patuloy na itindig ang dangal ng kapwa't madla
patuloy na makibaka sa panahon ng sigwa
pagkilos tungo sa paglaya'y di dapat humupa
hanggang totohanang kamtin ang ganap na paglaya
tama nga ang sabi ni Lean, tunay na pagkilos
ang susi upang maharap ang nagbabadyang unos
upang totoong kalayaan ay makamtang lubos
at lumaya sa tanikala ng pagkabusabos
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
"The struggle for freedom is the next best thing to actually being free." ~ Lean Alejandro
tigib sa gunita ang pag-asam ng kalayaan
kahit di napipiit ang diwa sa bilangguan
ngunit dapat lumaya ang isip, puso't katawan
mula sa kuko ng mapagsamantalang lipunan
sapupo ni Lean ang pag-asa't pakikibaka
kahalukipkip ang pag-ibig sa bayan at sinta
di magagapi ninuman ang layang ninanasa
kikilos at kikilos pa rin ang hiráp na masa
patuloy na itindig ang dangal ng kapwa't madla
patuloy na makibaka sa panahon ng sigwa
pagkilos tungo sa paglaya'y di dapat humupa
hanggang totohanang kamtin ang ganap na paglaya
tama nga ang sabi ni Lean, tunay na pagkilos
ang susi upang maharap ang nagbabadyang unos
upang totoong kalayaan ay makamtang lubos
at lumaya sa tanikala ng pagkabusabos
Sabado, Hulyo 7, 2012
Laro ng aming kabataan
LARO NG AMING KABATAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
tanda mo pa ba noong naglalaro tayo
doon sa paaralan, kita'y naghoholen
at sa lansangan laro nati'y patintero
pag pista’y nag-aagawan pa sa pabitin
tulad ng iba, ako'y lumaki sa lungsod
matapos ang aralin, pulos paglalaro
samahan namin noon nga'y nakalulugod
sipa, goma, takbuhan, taguan, siyato
uso noon ang teks na kartong laro namin
habang di pa uso noon ang text at cellphone
teks na animo'y komiks, may kwento't may drowing
sa pitik ng hinlalaki'y kakalat iyon
tumbang preso'y hindi pagtumba ng bilanggo
gamit dito'y walang lamang lata ng gatas
magkakampihan dito ang magkakalaro
lata'y patutumbahin gamit ang tsinelas
tabi ng eskwelahan ay gubat pa noon
ngunit ngayon ito'y malaking apartment na
doon nanghuhuli ng gagambang panabong
tutulay sa istik at maglalaban sila
nauso din noon iyang trumpo at yoyo
minsan nga sa trumpo'y nabasag ang salamin
ng kapitbahay, nagalit, nais mamalo
dahil walang sinuman ang nais umamin
wala pang kompyuter noon ngunit masaya
pagkat magkababata'y naglalarong tunay
lagi nga kaming laman noon ng kalsada
di na lumalayo, sa tapat lang ng bahay
kaysarap gunitain at balik-balikan
ng mga larong di pa naman nalalaos
sa paggunita'y bakas pa ang kasiyahan
pagkat kabataan namin ay nairaos
Internasyunalismo
INTERNASYUNALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
nagkataon lang sa Pilipinas ako sinilang
kaya iyang banyaga'y di natin agad kalaban
gayunman, nauunawaan ko ang kasaysayan
kung bakit ninuno'y lumaban sa mga dayuhan
subalit sa panahong ito ng kapitalismo
diwang internasyunalismo'y tinataguyod ko
na nakita ko sa aral ni Emilio Jacinto
sa kanyang Liwanag at Dilim, aking napagtanto
"Iisa ang pagkatao ng lahat," sabi niya
malalim kong pinagnilayan, diwang mahalaga
"Lahat ng tao'y magkakapantay" ang sinulat pa
bilang isa sa mga payo't aral sa Kartilya
ang Kartilya'y nagmulat sa aking matang may luha
upang magpakatao't makipagkapwa sa madla
upang wala nang pang-aapi sa mundo't sa bansa
upang makipagkaisa sa uring manggagawa
kung ako'y taga-Amerika, Europa, o Byetnam
ang Pilipino ba'y kalaban na agad, kay-inam
tayo'y magkapatid, kapwa taong may pakiramdam
kaya sa isyu sa ibang bansa'y may pakialam
kaya internasyunalista sa sarili'y turing
nagkataon lang sa bansang ito ako nagising
bilin nga sa Kartilya, tayo'y magkapantay man din
balat man ay kayumanggi, dilaw, puti o itim
Biyernes, Hulyo 6, 2012
Halina't Ipalaganap ang Baybayin
HALINA'T IPALAGANAP ANG BAYBAYIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
"Itong Katagalugan, na pinamamahalaan noong unang panahon ng ating tunay na mga kababayan, noong hindi pa tumutuntong sa mga lupaing ito ang mga Kastila, ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawahan. Bata’t matanda at sampu ng mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog." - Gat Andres Bonifacio, sa kanyang sanaysay na "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog"
inamag na ba sa dahon ng kasaysayan
yaong panulat nating tawag ay baybayin
pamana ng ninuno'y pinababayaan
tila wala na ritong nais pang pumansin
ngunit bakit ba pilit kinakalimutan
ang sariling panulat ng ninuno natin
tila tayo binunot sa pinag-ugatan
memorya ng bayan ay tinaboy sa hangin
maglabas tayo ng sariling pahayagan
na ang gagamiting panulat ay baybayin
isabaybayin natin ang balita’t agham
tula, sanaysay, krosword, kwento't lathalain
ito'y isang masalimuot na usapin
na dapat nating pag-isipan, pag-usapan
ang pondo't makinarya'y saan manggagaling
sinong magdidibuho nitong pahayagan
sa antigong baul hinango ang baybayin
gayong nakapaloob sa puso ng bayan
binhi nito'y ating ihasik, palaguin
hanggang lumaganap sa buong kapuluan
halina't simulan ang banal na mithiin
narito ang ating lakas at unawaan
payak na hiling na ito'y marapat dinggin:
dapat nang buuin ang isang patnugutan
* Ayon sa talababa sa unang pahina ng Kartilya ng Katipunan, sa salitang "Tagalog," kahulugan ay "lahat ng tumubò sa Sangkapuluang ito" ng mga pamayanang taga-ilog. Idinagdag pa ng talababang iyon na "Samakatuwid, Bisaya man, Iloco man, Kapampangan man, etc. ay Tagalog din." Sa katunayan, pawang magkakasingkahulugan naman ang mga katagang Tagailog, Ibanag, Ilokano, Kapampangan, Sugbohanon, Subanon, Subanen, Agusan, Tausug, atbp.
Miyerkules, Hulyo 4, 2012
Kasamang Rey, Magiting na Lider-Maralita
KASAMANG REY, MAGITING NA LIDER-MARALITA!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
(Inatake sa puso’t pumanaw si Kasamang Rey Baltazar, pangkalahatang kalihim ng KPML-NCRR, noong Hulyo 1, 2012. Siya rin ang ikalawang pangulo ng Samahang Walang Tahanan (SAWATA) sa lungsod ng Kalookan.)
si Ka Rey ay isa sa aming lider na magiting
sa rehiyon siya ang pangkalahatang kalihim
maralita'y kasamang nakibaka ng taimtim
sa kanyang pagpanaw, mga maralita'y nanimdim
dalawang dekadang higit din siya sa pagkilos
tumulong sa laban ng mga maralitang kapos
magaling na lider-maralita, di malalaos
pamilya'y di pinabayaan, minahal nang lubos
ilang taon na namin siyang kasama sa rali
bawat isyu'y sinusuri, di siya atubili
lalo't maralita'y apektado, di mapakali
karapatan ng masa'y lagi niyang sinasabi
mula sa lokal, siya'y naging lider sa rehiyon
lipunan ay inaral, sa sistema’y di umayon
ipinagtanggol ang dukha laban sa demolisyon
ipinagtanggol ang dignidad ng organisasyon
si Kasamang Rey ay isang dakilang sosyalista
sa laban, di siya nang-iwan ng mga kasama
kumilos upang baguhin ang bulok na sistema
adhika ay lipunang may pagkalinga sa masa
kasamang Rey, nagpupugay kaming taas-kamao
dakilang sosyalistang nais baguhin ang mundo
itutuloy namin ang mga naiwang laban mo
pumanaw ka man, tuloy ang laban sa pagbabago
* KPML-NCRR - Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal
Lunes, Hulyo 2, 2012
Imbes na Charity, Baguhin ang Lipunan
IMBES NA CHARITY, BAGUHIN ANG LIPUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
kahulugan ng charity ay limos
bigyan kahit ano ang mga kapos
ngunit mumo lang ang pinantutustos
ng mga taong yama'y lubos-lubos
ngunit bakit hanggang charity lamang?
bakit di tumbukin yaong dahilan?
kung bakit may mahirap at mayaman?
di ba't dapat baguhin ang lipunan?
nais lang nilang malaman kung sino
yaong kapos upang limusan ito
ayaw nilang ipaalam sa tao
kung bakit ang mga dukha'y ganito
pinapanatili ang karukhaan
at binubusabos ang karamihan
yaong pantay-pantay na kalagayan
ay kailan kaya masusumpungan
ang pagtsa-charity'y ginawang pilit
ng sinumang nag-aastang mabait
nag-iipon na ng pwesto sa langit
gayong sistema'y sadyang mapagkait
charity'y di talaga kailangan
kung masa'y tamasa ang karapatan
may pagkain bawat hapag-kainan
walang nabubuhay sa karukhaan
kapitalismo ang dumadaluhong
sa buhay ng dukha'y sadyang linggatong
kung nais talaga nilang tumulong
palitan nila ang sistemang buhong
dapat walang mahirap at mayaman
pagkat pantay-pantay ang kalagayan
ibahagi ang yaman ng lipunan
sa lahat ng tao, sa buong bayan
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
kahulugan ng charity ay limos
bigyan kahit ano ang mga kapos
ngunit mumo lang ang pinantutustos
ng mga taong yama'y lubos-lubos
ngunit bakit hanggang charity lamang?
bakit di tumbukin yaong dahilan?
kung bakit may mahirap at mayaman?
di ba't dapat baguhin ang lipunan?
nais lang nilang malaman kung sino
yaong kapos upang limusan ito
ayaw nilang ipaalam sa tao
kung bakit ang mga dukha'y ganito
pinapanatili ang karukhaan
at binubusabos ang karamihan
yaong pantay-pantay na kalagayan
ay kailan kaya masusumpungan
ang pagtsa-charity'y ginawang pilit
ng sinumang nag-aastang mabait
nag-iipon na ng pwesto sa langit
gayong sistema'y sadyang mapagkait
charity'y di talaga kailangan
kung masa'y tamasa ang karapatan
may pagkain bawat hapag-kainan
walang nabubuhay sa karukhaan
kapitalismo ang dumadaluhong
sa buhay ng dukha'y sadyang linggatong
kung nais talaga nilang tumulong
palitan nila ang sistemang buhong
dapat walang mahirap at mayaman
pagkat pantay-pantay ang kalagayan
ibahagi ang yaman ng lipunan
sa lahat ng tao, sa buong bayan
Biyernes, Hunyo 29, 2012
Pigtal na ang aking tsinelas
PIGTAL NA ANG AKING TSINELAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
kanina lang, napigtal ang aking tsinelas
ngunit di ko naisip bumili ng bago
maingat kong dinugtong, nilagyan ng butas
at tinahi sila nitong plastik na istro
kaya tsinelas na ito pa'y nagagamit
sa pang-araw-araw kahit ito na'y luma
patuloy na lingkod at walang hinanakit
kaya ramdam pa ng paa ko ang ginhawa
kung napigtal na, isa ba'y itatapon mo
habang ang kabika'y maiiwan kung saan
di dapat mawalay yaong kabika nito
tulad sa pag-ibig, meron ding katapatan
kapara ng babaeng pinakamamahal
walang silbi yung isa kung wala ang isa
kaya pilit kong pinagdugtong ang napigtal
kaysa isang kabika'y wala nang kasama
may bago mang tsinelas, hahanapin pa rin
ang dating tsinelas na kinasasabikan
pagkat ito'y naglingkod ng tapat sa akin
na dapat ding suklian ko ng katapatan
kung sakaling mapigtal muli ang tsinelas
kung isa'y itatapon, itapon nang sabay
pagsamahin silang dalawa hanggang wakas
hanggang sa libingan, di sila magkawalay
Huwebes, Hunyo 28, 2012
Ang Araw at ang Buwan
ANG ARAW AT ANG BUWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
may araw at buwan sa kalendaryo't kalawakan
magkaparehong tawag sa magkaibang dahilan
una'y pawang mga bagay doon sa kalangitan
na sa gabi't araw siyang tanglaw ng sambayanan
ang ikalawa'y petsang batayan ng kasaysayan
pagsilang, kaarawan, kung kailan ang tipanan
naunang tiyak ang kalawakan sa kalendaryo
kaya buwan at araw ipinangalan lang dito
malaki ang araw kaysa buwan, di ba't totoo
at bawat isang buwan, tatlumpu ang araw nito
ngunit ang mahalaga sa mga salitang ito
ay kung paano ginamit sa wikang Filipino
Miyerkules, Hunyo 27, 2012
Itigil ang Tortyur!
ITIGIL ANG TORTYUR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
1.) TORTURE - (tor' chur) n.- pahirap; pagkaturete ng utak; v.- pahirapan; palipitin; giyagisin; pigipitin; pahirapan ang isi, TORTURER n.
itigil ang sistematikong pananakit
sa mga biktimang kanilang ginigipit
binubugbog ang katawan, pinipilipit
kaya mistulang nasisiraan ng bait
bakit hinuhuli ang nakikipaglaban
mga nakikibaka'y bakit dapat saktan
gayong inilalaban nila'y karapatan
ng bawat tao at ng buong sambayanan
bakit pinahihirapan ang aktibista
ng mga alagad ng ahas na pasista
dahil ba pinababagsak ang diktadurya
dahil ba pinag-aalsa nila ang masa
mga aktibista'y maganda ang layunin
na sambayanan ay tulungang palayain
ngayon ay tinotortyur at pinaaamin
pinalo't tinatanggalan ng kuko't ngipin
tortyur na ginawa'y iba-ibang diskarte
yaong ari ng lalaki'y kinukuryente
ginagahasa naman daw yaong babae
ganitong pahirap ay nakatuturete
hinuhubaran, may piring ang mga mata
pinaso ng sigarilyo ang dibdib nila
rebelde ang turing sa mga aktibista
pagpapahirap sa kanila'y sobra-sobra
sa mga biktima ng tortyur ang epekto
ay takot at galit sa pasistang gobyerno
itigil ang tortyur, ang tao'y irespeto
magkaiba man sila ng mga prinsipyo
kung ganitong tortyur ay pinaiiral pa
ng gobyernong pasista't mapagsamantala
aba'y dapat lamang baguhin ang sistema
inuuod na ito't kawawa ang masa
Martes, Hunyo 26, 2012
Kaysakit ng ngipin ko
KAYSAKIT NG NGIPIN KO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
di mapakali sa sakit ng ngipin
hanap ko agad mefenamic acid
buong katawan ko'y apektado rin
hinihiwa yaring ulo ko't litid
kirot ay nais kong agad mawalâ
kaya dalawang tableta'y ininom
bakasakaling agad magkabisâ
yaong gamot kahit pa ako'y gutom
ayoko ng ganitong pakiramdam
para bang tinotortyur akong todo
ayokong ganito ang pakiramdam
pagkat nakakatuliro nga ito
kaya kong tiisin ang mga bugbog
ngunit hindi pag ngipin ang sumakit
para bang ang ulo ko'y sumasabog
parang buhay ko'y naroon sa bingit
higit isang oras bago nawalâ
ang kirot na itong nakasusugat
sa bungo ko't nakapagpatulalâ
sa akin, mabuti't ito'y naampat
sa hapding ito, ako'y nauupos
apektado ang lahat ng gawain
nawa ramdam ko'y gumaan nang lubos
nang matapos ang anumang nabinbin
Lunes, Hunyo 25, 2012
May kaldero'y wala namang bigas
MAY KALDERO'Y WALA NAMANG BIGAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
may kaldero'y wala namang bigas
may gasul pero walang lamang gas
may telebisyon, walang palabas
may radyong dinig mo'y pulos anas
at yung gripo'y wala na ring tagas
kaya plato'y walang hugas-hugas
ang palanggana't lababo'y butas
mag-ingat sa kubeta't madulas
pag ganito na ang iyong danas
di ba't ikaw'y sadyang mababanas
para kang walang magandang bukas
gayong sa mundo ikaw'y parehas
habang suot ang maong na kupas
at buhay na ito'y namamalas
payak na ngiti'y di na mabakas
gayong ito rin nama'y lilipas
ano nga ba yaong tamang landas
di ba't yung sa kapwa'y maging patas
kahit meron sa kanilang hudas
pumarehas ka't huwag mandahas
may kaldero'y wala namang bigas
may gasul pero walang lamang gas
gutom nga ba ang magiging bukas
nang abang nais lang pumarehas
Linggo, Hunyo 24, 2012
Sa Birhen ng Haraya
SA BIRHEN NG HARAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod
nariyan ka lang, alam ko
ngunit hinahanap kita
kahit wala ka man dito
puso ko'y nakadarama
nariyan ka lang sa tabi
ang hinahabi'y haraya
ng pagsintang walang subi
kundi atas ng paglaya
bagamat tayo'y nagkita
hanap kita sa puso ko
kinakapa-kapa kita
nakaukit ka na rito
ikaw ang aking pag-ibig
nais kitang makaniig
(Jen, dagdag na naman ito sa mga tula ko sa iyo. minsan lang iyan)
Sabado, Hunyo 23, 2012
50 buhay para sa kalikasan
50 BUHAY PARA SA KALIKASAN
14 pantig bawat taludtod
(Hinggil sa balitang "Killings of environmentalists on the rise; 50 killed in Philippines" ng Associated Press, June 21st 2012, mula sa http://globalnation.inquirer.net/40833/killings-of-environmentalists-on-the-rise-50-killed-in-philippines)
Sa pagkamatay nila para sa kalikasan,
Di tayo patitinag, tuloy ang ating laban!
Kung sa pagkilos natin, dulot ay kamatayan
Mabuti pa ito kaysa tumunganga lamang!
- gregbituinjr, 062312
Biyernes, Hunyo 22, 2012
Natutulog akong dilat ang isang mata
NATUTULOG AKONG DILAT ANG ISANG MATA
ni Gregorio v. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
natutulog akong dilat ang isang mata
di dapat himbing na himbing, payo ni ama
dapat alerto lagi ang iyong pandama
kahit nananaginip, amoy mo ang bunga
payo ni ama'y malimit kong matandaan
lalo na't tulad ko'y parang nasa digmaan
lalo't madalas akong laman ng lansangan
kasama ang masa sa parang ng labanan
maraming nahimbing, di alam ang nangyari
magigising silang palibot na'y asupre
kung alerto lamang, di sila magsisisi
mga tulog-manok ay labuyo sa liksi
kahit ako'y alumpihit sa bungang-tulog
iidlip akong walang kibo't di uusog
isang mata'y dilat, isip ay umiinog
sino kayang dilag ang sa aki'y pupupog?
kaytitindi ng tunggalian sa lipunan
kaya di dapat himbing na himbing sa unan
sa lumalargang oras baka maiwanan
dapat sumabay sa daloy ng kasaysayan
dilat ang isang matang iidlip na naman
nang makapahinga ang payat kong katawan
ngunit kung oras ko na't biglang natuldukan
pipikit nang kusa, hihimbing nang tuluyan
Martes, Hunyo 19, 2012
Si Rizal, ang Matapang
SI RIZAL, ANG MATAPANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
Jose Rizal, matapang na tao
sa putok ng baril, di tatakbo
tulad ng tapang ni Bonifacio
sa punglo ng dayo, di tumakbo
pinaglaban ang paninindigan
at mga prinsipyo niyang tangan
lalo ang pagmamahal sa bayan
kahit sa harap ng kamatayan
kinalaban ng bayaning ito
ang mga prayleng asal-demonyo
at ang maraming Padre Damaso
na mapang-api sa mga Indyo
layon niyang bayan ay lumaya
kaya sa nobela'y tinuligsa
yaong mananakop na Kastila
lalo ang mga prayleng kuhila
ginagawa ng Kastila't prayle
lalo't ang kanilang pang-aapi
ay inilantad sa Noli't Fili
kaya kay Rizal, sila'y gumanti
si Rizal, bayaning Pilipino
hinarap kahit punglo ng dayo
sa huling hininga'y usal nito:
"ang mamatay nang dahil sa iyo"
- Hunyo 19, 2012
Sabado, Hunyo 16, 2012
Ang Pantalon Kong Kupas
ANG PANTALON KONG KUPAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
i.
larawan ng lumbay, dusa't pagdaralita
ang pantalon kong isang kahig, isang tuka
butas-butas na ito't pinagtitiisan
nag-iisang pantalon ng karalitaan
ii.
minsan nga, may suot nito'y naturingang Boss
ng isang pangulo sa masang binusabos
na hanggang ngayon maysuot nito'y mahirap
tila di maabot ang asam na pangarap
iii.
sa pantalong kupas ko ako'y nalulugod
pagkat sandekadang higit itong naglingkod
kasama pa ring nakikibaka, kasama
handang maglingkod sa maysuot at sa masa
Biyernes, Hunyo 15, 2012
Ang Bulsa Kong Butas
ANG BULSA KONG BUTAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
paano ba tahiin ang butas na bulsa
ng luma kong pantalong laging walang pera
anong klaseng panulsi ang dapat magamit
upang masolusyunan ang bulsa kong gipit
may magagamit bang espesyal na karayom
sa butas na bulsa ng tiyang nagugutom
gayundin naman, may espesyal bang sinulid
na naimbento ang kapitalistang ganid
mayroon kayang nararapat na makina
na susulsi sa bulsang nabuhay sa dusa
bakit butas ang bulsa ng aking pantalon
baka kailangan ko nang magrebolusyon
hindi kailangan ang anumang espesyal
upang masulsi ang bulsang butas at pagal
kung ang pagsulsi'y sistemang pahirapan pa
ang pantalong luma'y dapat lang palitan na
Huwebes, Hunyo 14, 2012
Lulutang-Lutang ang mga Plastik sa Dagat
LULUTANG-LUTANG ANG MGA PLASTIK SA DAGAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
lulutang-lutang ang mga plastik sa dagat
sa Manila Bay pa lang, kita ito agad
kaylawak nitong basurahang tubig-alat
paano kung dagat na'y mapuno't masagad
lulutang-lutang ang mga balat ng kendi
kasamang lumulutang ang balot ng tae
gobyerno'y anong ginagawa't sinasabi
sa plastik sa dagat na iba't ibang klase
sa dagat ng basura'y nakaligo ka ba
tulad ng isang trapong kung umasta'y dukhâ
kayrami ng plastik sa dagat ng basura
plastik na lumulutang akala mo'y dikyâ
tila ba ang mundo'y wala nang pakiramdam
isda, pagong, pating, kinakain na'y plastik
sa nangyari'y meron ba tayong pakialam
dagat ng plastik nga'y sa atin din babalik
araw-gabi'y nadaragdagan ang basura
kaya paisa-isang linis, di solusyon
paggamit ng plastik dapat ipagbawal na
buong bayan dapat ay gawin ito ngayon
susunod na salinlahi'y isalba natin
kaya ating sagipin itong karagatan
basura nito'y dapat lang nating tanggalin
at bawat buhay dito'y ating alagaan
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
lulutang-lutang ang mga plastik sa dagat
sa Manila Bay pa lang, kita ito agad
kaylawak nitong basurahang tubig-alat
paano kung dagat na'y mapuno't masagad
lulutang-lutang ang mga balat ng kendi
kasamang lumulutang ang balot ng tae
gobyerno'y anong ginagawa't sinasabi
sa plastik sa dagat na iba't ibang klase
sa dagat ng basura'y nakaligo ka ba
tulad ng isang trapong kung umasta'y dukhâ
kayrami ng plastik sa dagat ng basura
plastik na lumulutang akala mo'y dikyâ
tila ba ang mundo'y wala nang pakiramdam
isda, pagong, pating, kinakain na'y plastik
sa nangyari'y meron ba tayong pakialam
dagat ng plastik nga'y sa atin din babalik
araw-gabi'y nadaragdagan ang basura
kaya paisa-isang linis, di solusyon
paggamit ng plastik dapat ipagbawal na
buong bayan dapat ay gawin ito ngayon
susunod na salinlahi'y isalba natin
kaya ating sagipin itong karagatan
basura nito'y dapat lang nating tanggalin
at bawat buhay dito'y ating alagaan
Miyerkules, Hunyo 13, 2012
Merkado na ba ang pamahalaan?
MERKADO NA BA ANG PAMAHALAAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
maraming isyu, tutunganga ka na lang ba
tumaas bigla ang presyo ng gasolina
kaya ibang bilihin naapektuhan na
bihira na yatang makabili ng mura
kaymamahal na ng bilihin sa palengke
doble na kilo ng talong, kamatis, gabe
at ibang gulay, damay na rin pati karne
may petisyon pang taasan ang pamasahe
sa ganitong lagay, saan tayo patungo
lalo't mamamayan ay natutuliro
manggagawa'y kayod-kalabaw, nahahapo
parang hinahaluan ang pawis ng dugo
ang merkado'y ginagawa tayong alila
dahil akala nila tayo'y tutunganga
magtitiis sa buhay na kasumpa-sumpa
pinaiikot nila sa palad ang madla
anang merkado, "taasan natin ang presyo
tindihan na ang kumpetisyon nating ito
bahala na kung lalong maghirap ang tao
importante'y tutubo ng tutubo tayo!"
sa ganito, ang madla'y di napapakali
dahil para silang tinamaan ng peste
di nila mawawaang ganito karami
ang mabibiktima ng mga negosyante
kung sa sarili nagsisilbi ang merkado
mag-alsa na ang mamamayang apektado
bayan ay pinagharian na ng negosyo
tinatakda na nito ang buhay sa mundo
ang merkado na nga ba ang pamahalaan
sila na ba ang nagpapaikot sa bayan
gobyerno ba'y wala nang papel sa lipunan
kaibigan, lipunang ito'y pag-aralan
Linggo, Hunyo 10, 2012
Ilog ka muna bago naging dagat
ILOG KA MUNA BAGO NAGING DAGAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
ilog ka muna bago naging dagat
katotohanang iyan ba'y di sapat
di ba't ikaw'y dati ring nagsasalat
bakit ngayong kabayo ka nang bundat
nagmamayabang na't parang di mulat
bago naging dagat, ikaw ay ilog
dahilan kami bakit ka malusog
nang nagtagumpay ka, ulo'y bumilog
nag-iba nang marating ang tugatog
kelan ka magigising, mauuntog
iyong tanawin ang pinanggalingan
nang marating ang tamang pupuntahan
nang ang tagumpay ay iyong nakamtan
nilait na ang mga kasamahan
bakit kailangan mo nang magyabang
balang araw, babalik ka sa ilog
itatakwil ng dagat na inirog
babagsak ka sa iyong pagkatayog
ngunit kaming iyo nang binubugbog
di ka pa rin hahayaang malasog
Sabado, Hunyo 9, 2012
Ang nais makaniig
ANG NAIS MAKANIIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
Kahig ng kahig ang dumalagang manok sa lupa
Alipala'y uod ang hinahanap kapagdaka
Kakayod bakasakaling may uod na matuka
Ang inahing manok nama'y kasama ang inakay
Nang mangitlog ito sa tabi ng kaban ng palay
Tumilaok naman ang tandang na di mapalagay
Umastang mandaragit ang lawin sa kalangitan
Tandang naman ay umastang handa sa sagupaan
Inisip marahil na pamilya'y protektahan
Naroon naman ang dilag na nais makaniig
Kusa kayang dumadaloy sa ugat ang pag-ibig?
Ito na ba ang panahong puso'y dapat makinig?
Tatangkain kong angkinin ang puso ng dalaga
At hihilinging habambuhay siyang makasama
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
Kahig ng kahig ang dumalagang manok sa lupa
Alipala'y uod ang hinahanap kapagdaka
Kakayod bakasakaling may uod na matuka
Ang inahing manok nama'y kasama ang inakay
Nang mangitlog ito sa tabi ng kaban ng palay
Tumilaok naman ang tandang na di mapalagay
Umastang mandaragit ang lawin sa kalangitan
Tandang naman ay umastang handa sa sagupaan
Inisip marahil na pamilya'y protektahan
Naroon naman ang dilag na nais makaniig
Kusa kayang dumadaloy sa ugat ang pag-ibig?
Ito na ba ang panahong puso'y dapat makinig?
Tatangkain kong angkinin ang puso ng dalaga
At hihilinging habambuhay siyang makasama
Huwebes, Hunyo 7, 2012
Kapanatagan sa Banlik ng Panatag
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
SHOAL - (showl) n.- banlik, buhanginan; bahura; lugar na mababaw ang tubig; hapila, rompeyolas; v.- bumabaw; pumunta sa mababaw, magkumpol-kumpol, magkawan; n.- pulutong, grupo; kawan (ng isda); kulumpon
Scarborough shoal sa wikang Ingles ang dito'y tawag
Bajo de Masinloc naman yaong Kastilang bansag
sa wikang Filipino ito'y Banlik ng Panatag
at ang banlik na ito ang usaping nakalatag
sa lapit nitong banlik sa bansa ito nga'y atin
dahil sa interes ng dayo, tayo’y didigmain
ah, mabuti pang banlik na ito'y walang mag-angkin
tulad niyang ilog, karagatan, araw at hangin
imbes na digmaan, dapat pag-usapan ang isyu
paano ba dapat linangin ang banlik na ito
ngunit naririyan na ang Tsino't Amerikano
tila naggigirian ang pandigma nilang barko
nang mapatalsik base militar ng Amerika
hanap nila'y paanong pupwestong muli sa Asya
sa isyu ng Panatag, tila isip nila'y gera
tila gusto na nilang digmain ang bansang Tsina
at sa isyu ng Panatag, tila ba piyon tayo
dalawang higante'y nagpapayabangan na dito
ngunit bakit digmaan ang magreresolba nito
gayong pwedeng pag-usapan ang mga isyu rito
banlik ba'y sa Tsina, sa Pilipinas, o panlahat
di tayo piyon ng mga kapitalistang bundat
di tayo dapat padala sa mga pang-uupat
ng mga bansang tanging tubo ang adhikang tapat
nais ko'y kapanatagan sa Banlik ng Panatag
imbes na diwa ng digma ang dito'y nakalatag
dugo't kanyon ay di tugon sa usaping kaydawag
kundi diwang payapa ang unang dapat ihapag
linangin ang banlik para makinabang ang lahat
dahil walang dapat mag-angkin ng banlik at dagat
mahinahong pag-usapan ng madla't diwang mulat
ang lutang at tagong isyu rito, balita't ulat
dapat makinabang lahat sa Banlik ng Panatag
sa prinsipyong ito, walang bansang dapat lumabag
anumang tambol ng digmaan ay dapat mabasag
sa anumang pang-uupat, di tayo patitinag
kapanatagan ang una, di tubo't panghahamig
walang dugong dapat tumagas, ito'y aming tindig
kapayapaan sa banlik yaong dapat marinig
na ipagsisigawan natin sa buong daigdig
* Banlik ng Panatag - tinatawag ding Bajo de Masinloc, at sa internasyunal ay Scarborough shoal
Martes, Hunyo 5, 2012
Kontraktwal ka lang?
KONTRAKTWAL KA LANG?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
pag nakatapos ka sa kolehiyo
tagatinda ka na lang ni Henry Sy
isa ka lang kontraktwal na obrero
tagabantay lang ng iskaparate
ah, ganito ba ang pinangarap mo?
ganito ba ang nais mong mangyari?
kolehiyo'y tinapos, nagtrabaho
kontraktwal ka lang, anong masasabi?
kulang, kung di man walang benepisyo
sweldo'y kaybaba, kontraktwal lang kasi
di ka maregular ng iyong amo
tao ka ba o makinang may silbi?
mag-organisa kayo, o kontraktwal
sinasamba ng amo nyo’y kapital
na sa puso'y tubò ang dinarasal
"kontraktwal lang kayo!" ang laging usal
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
pag nakatapos ka sa kolehiyo
tagatinda ka na lang ni Henry Sy
isa ka lang kontraktwal na obrero
tagabantay lang ng iskaparate
ah, ganito ba ang pinangarap mo?
ganito ba ang nais mong mangyari?
kolehiyo'y tinapos, nagtrabaho
kontraktwal ka lang, anong masasabi?
kulang, kung di man walang benepisyo
sweldo'y kaybaba, kontraktwal lang kasi
di ka maregular ng iyong amo
tao ka ba o makinang may silbi?
mag-organisa kayo, o kontraktwal
sinasamba ng amo nyo’y kapital
na sa puso'y tubò ang dinarasal
"kontraktwal lang kayo!" ang laging usal
Lunes, Hunyo 4, 2012
Sa karapatang pantao tayo pumanig
SA KARAPATANG PANTAO TAYO PUMANIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
upang patunayan kong ako'y isang kabig
naririto ako't ayoko ng ligalig
respeto sa karapatan ang aking tindig
at sa anumang tiwali'y di padadaig
sa karapatang pantao tayo pumanig
di sa anumang gawaing nakatutulig
kayganda ngang dinuduyan tayo ng himig
nito kaya't sa iba'y huwag palulupig
karapatang pantao'y tanda ng pag-ibig
tulad ng dalagang ang puso'y nananalig
na bawat pasiya'y sa karapatan sandig
kaya mundo'y di na sa dahas manginginig
ang karapatang pantao'y kaygandang himig
puso'y dinuduyan ng malamyos na tinig
kaya marapat lang tayo'y magsumigasig
upang palaganapin ito sa daigdig
Makatang Birador
MAKATANG BIRADOR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
ako'y birador, isang makatang birador
pilit naniningil, kapara ng konduktor
kung problema mo'y sakit, gaya ko'y doktor
subalit kung patay ka na'y embalsamador
makatang birador akong bira ng bira
mga tiwali sa tula ko'y pinupuna
sakaling marinig nila ito't mabasa
mensahe ko'y sadyang tagos sa kaluluwa
uupakang todo ang sinumang tiwali
elitista't burgesyang nag-aastang hari
at gahamang may malalaking pag-aari
silang mapangmata't mapanira ng puri
pupurihin kita pag ikaw ay kaybait
lalo na't totoong lingkod sa maliliit
papuring tagos sa puso't abot sa langit
dahil makata'y kakampi ng nagigipit
Sabado, Hunyo 2, 2012
Kung alam lang nila (Talambuhay ng isang makata)
KUNG ALAM LANG NILA
(Talambuhay ng isang Makata)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
ang tingin sa makata'y walang ginagawa
dahil sa kawalan laging nakatunganga
kung alam lang nila
makata'y kayrami nang natapos na katha
makata'y nakatingala lang sa kisame
tahimik ngunit ano kayang sinasabi
kung alam lang nila
natahi na sa isip ang nasa kukote
makata ba'y ilang poste na ang nabilang
ilan na ang nasagupang sangganong halang
kung alam lang nila
tangan na ng makata ang tulang may sundang
makatang yao'y pinagtatawanan nila
pagkat laging wala sa sarili, sabi pa
kung alam lang nila
ang musa ng panitik ay kaniig niya
makata'y tahimik, tila may dinaramdam
balewala sa masa, anong pakialam
kung alam lang nila
makata pala'y malubha ang pakiramdam
tulad ng isang nauupos na kandila
hawak pa rin ang pluma'y pumikit na bigla
kung alam lang nila
kinatha ng makata'y pinal niyang tula
Ang napiling gawi
ANG NAPILING GAWI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
i
makatang payak, sa lumbay sakbibi
sukat at tugma ang napiling gawi
ang kinakatha'y paksang sari-sari
saya, tigang, kawalan, pusong sawi
di lumuluhod sa sinumang hari
tanging ang bayan ang hari ng lipi
ii
kumikilala sa obrerong uri
na siyang tagapagtanggol ng lahi
wawakas sa pribadong pag-aari
lalo sa sistemang mapang-aglahi
nagbubuklod, ayaw sa mapanghati
upang bayan ay di maging lugami
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
i
makatang payak, sa lumbay sakbibi
sukat at tugma ang napiling gawi
ang kinakatha'y paksang sari-sari
saya, tigang, kawalan, pusong sawi
di lumuluhod sa sinumang hari
tanging ang bayan ang hari ng lipi
ii
kumikilala sa obrerong uri
na siyang tagapagtanggol ng lahi
wawakas sa pribadong pag-aari
lalo sa sistemang mapang-aglahi
nagbubuklod, ayaw sa mapanghati
upang bayan ay di maging lugami
Biyernes, Hunyo 1, 2012
Di dapat magsawa sa pakikibaka
DI DAPAT MAGSAWA SA PAKIKIBAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
Prinsipyo ito ng walang sawang pakikibaka
Laban sa balakyot na kapitalistang sistema
Dugo, pawis, talino ang alay ng aktibista
Upang wakasan ang anumang pagsasamantala
Tuloy lang ang laban, huwag tayong manghihinawa
Tuloy ang pakikibaka at huwag manghihina
Patuloy na organisahin yaong manggagawa
Ang masa, at lahat ng dukha tungo sa paglaya
Pag-aralan at angkinin ang diwang sosyalismo
Parating ipagtanggol ang karapatang pantao
Di dapat magsawa sa pangarap na pagbabago
Wakasan ang sistemang bulok, rasismo, pasismo
Manggagawa, magkaisa, ang sistema'y baguhin
Daigdig na walang pang-aapi'y itayo natin!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)




