Sabado, Hulyo 7, 2012

Laro ng aming kabataan


LARO NG AMING KABATAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tanda mo pa ba noong naglalaro tayo
doon sa paaralan, kita'y naghoholen
at sa lansangan laro nati'y patintero
pag pista’y nag-aagawan pa sa pabitin

tulad ng iba, ako'y lumaki sa lungsod
matapos ang aralin, pulos paglalaro
samahan namin noon nga'y nakalulugod
sipa, goma, takbuhan, taguan, siyato

uso noon ang teks na kartong laro namin
habang di pa uso noon ang text at cellphone
teks na animo'y komiks, may kwento't may drowing
sa pitik ng hinlalaki'y kakalat iyon

tumbang preso'y hindi pagtumba ng bilanggo
gamit dito'y walang lamang lata ng gatas
magkakampihan dito ang magkakalaro
lata'y patutumbahin gamit ang tsinelas

tabi ng eskwelahan ay gubat pa noon
ngunit ngayon ito'y malaking apartment na
doon nanghuhuli ng gagambang panabong
tutulay sa istik at maglalaban sila

nauso din noon iyang trumpo at yoyo
minsan nga sa trumpo'y nabasag ang salamin
ng kapitbahay, nagalit, nais mamalo
dahil walang sinuman ang nais umamin

wala pang kompyuter noon ngunit masaya
pagkat magkababata'y naglalarong tunay
lagi nga kaming laman noon ng kalsada
di na lumalayo, sa tapat lang ng bahay

kaysarap gunitain at balik-balikan
ng mga larong di pa naman nalalaos
sa paggunita'y bakas pa ang kasiyahan
pagkat kabataan namin ay nairaos

Walang komento: